Halos tatlong araw na sila sa apartment. Pagkagising ni Linea ay agad siyang nagtimpla ng kape para kay Luis. Nagbigay din naman ng grocery supplies si Maám Evette kaya may pagkain sila na pwedeng lutuin. Kahit ayos naman ang lahat, para kay Linea ay parang may iba pa rin siyang nararamdaman sa paligid.
Nagising na rin si Luis noon kaya bumangon na siya. Agad niyang binati ang nobya. Amoy na amoy na rin niya ang hotdog at itlog na niluto ni Linea. Napangiti na lamang si Luis dahil doon.
‘’Oh, gising ka na pala. Nagluto ako para sa iyo. Alam mo, sobrang bait ni Ate E dahil binigyan niya tayo ng makakain kahit hindi naman dapat niya gawin,’’ sabi ni Linea habang inaayos ang pagkain nila ni Luis.
‘’Oo nga. Sobrang bait niya. Hayaan mo. Sinabi ko naman sa kanya na babayaran nating lahat iyan kapag may trabaho na ako,’’ sabi ni Luis pagkatapos ay umupo siya sa tabi ni Linea.
‘’O siya, kumain muna tayo. Maghahanap ka ng trabaho ngayon, di ba? Kailangan mo ng lakas,’’ nakangiting sagot ni Linea at binigyan niya ng ulam si Luis.
‘’Oo nga eh. Sana, kahit ngayon pa lang ako maghahanap ng trabaho ay may mahanap na. Mahirap na kasi kapag umabot ito ng isang buwan at wala pa rin akong trabaho. Ayaw ko naman noon. Baka iwan mo na ako,’’ sabi ni Luis, sobrang umaasa siya na makakakuha siya agad ng trabaho.
‘’Ano ka ba? Huwag ka ngang panghinaan ng loob. Eh di kung hindi ka makahanap, humanap ka ulit. Lagi lang naman akong nandito para sa iyo eh. Susuportahan kita kahit na ano pa ang mangyari,’’ nakangiting sabi ni Linea.
Kumain na sila pagkatapos noon. Habang nakain ay napatingin nang matagal si Luis sa kanyang nobya. Ang dami niyang naisip tungkol sa lahat ng nangyayari ngayon sa kanila. Hindi niya lang talaga masabi kay Linea dahil ayaw niyang mawala ito sa kanya.
Mahal ko, pasensya ka na talaga kung hindi ko pa matupad sa ngayon ýong pangarap ko para sa ating dalawa. Sana nga ay mahintay mo ako na magkaroon ng trabaho. Alam kong mahirap at parang malabo pero sana ay samahan mo lang ako. Gagawin o talaga ang lahat para mangyari iyon.
Nakita ni Linea na tahimik na nakatingin sa kanya si Luis kaya tinanong niya ito kung ano ang problema ng nobyo. Agad namang bumalik sa ulirat si Luis at nagsalita.
‘’Mahal ko, anong iniisip mo? Parang ang lalim ah. Iba ýong tingin mo sa akin. May problema ba? Ano ýon? Pwede mo namang sabihin sa akin,’’ nakangiting sabi ni Linea, halatang kinakabahan siya sa kung anong pwedeng sabihin ni Luis sa kanya.
‘’Wala naman, mahal ko. Hayaan mo na iyon. May mga naiisip lang ako pero kaya ko naman. Isa pa, naisip ko na rin na ang ganda-ganda ng mapapangasawa ko. Ang swerte-swerte ko,’’ ngumiti si Luis pagkatapos noon.
‘’Naku, ang bolero mo naman. Ano? Sige na, kumain ka na dyan at baka tanghaliin ka sa paghahanap mo ng trabaho. Iwanan mo na lang dyan ang pinagkainan mo. Ako na ang bahalang magligpit mamaya. May aasikasuhin lang ako sa loob ha?’’ sabi ni Linea pagkatapos ay tumayo na at pumasok sa loob ng kwarto.
Naligo at nagbihis na si Luis. Pagkatapos noon ay nagpaalam na siya sa kanyang nobya. Hinalikan niya ito sa noo. Hindi naman naiwasan ni Linea na hindi kiligin.
‘’Babalik agad ako mamaya ah? Hintayin mo ako. Mahal, ipagdasal mo ako. Alam kong malabong makahanap agad ako ng trabaho ngayon pero malay naman natin, baka swertehin ako.’’
‘’Hihintayin kita. May sasabihin din ako sa iyo mamaya pag-uwi mo. Pinag-iisipan ko pa naman kaya hindi ko agad masabi sa iyo,’’ nakangiti si Linea pero halata na nag-iisip siya ng kung anu-ano.
‘’Hindi naman masama ýang sasabihin mo, hindi ba? Baka kasi hindi na ako makaalis kakaisip kung ano ýong sasabihin mo,’’ kinakabahan na rin si Luis sa kung ano man ang gustong sabihin ni Linea sa kanya.
‘’Hindi naman. Kailangan lang talaga nating pag-usapan kaya kailangan nating mag-usap mamaya,’’ nakangiting sabi ni Linea.
‘’Oh sige, mamaya na lang natin pag-usapan. Mag-iingat ka rito ha? Kung may kailangan ka ay magsabi ka lang kay Ate E. Tutulungan ka naman daw niya kapag kailangan mo na siya. Magsabi ka lang daw,’’ sabi ni Luis at lumabas na ng apartment.
Pagkalinis ni Linea ng apartment ay naligo na siya. Balak niyang kausapin si Ate E dahil may gusto siyang puntahan na maaaring makatulong sa kanya. Hindi pa man ýon alam ni Luis ay gusto na niyang subukan dahil gusto niyang makatulong kay Luis.
Pagkapaligo niya ay hinanap niya agad si Ate E sa paligid. Nagtatanong siya roon sa mga nakatambay kung nasaan si Ate E nang biglang may kumausap sa kanya. Hindi niya kilala ang mga tao roon kaya labis ang takot na naramdaman niya.
‘’Bago ka lang dito, hija? Ngayon lang kita napansin eh. Mukhang hindi ka nalabas ng apartment ninyo?’’ tanong noong lalaki, nasa edad 35 na ito.
‘’Ah. Opo. Bago lang po ako rito kaya hindi ko po kayo kilala. Gusto ko lang po sanang itanong kung nakita niyo po si Ate E? May kailangan po kasi akong itanong sa kanya eh,’’ nahihiya pang tanong ni Linea doon sa lalaki.
‘’Ah, hindi ko pa siya nakikita eh. Pero, ang ganda mo hija ha? Mukhang batang-bata ka pa. Baka gusto mo mamaya eh samahan kita sa-‘’ naputol ang pagsasalita noong lalaki dahil dumating si Ate E.
‘’Jude! Ano ka ba naman? Umalis ka nga dyan. Wala ka na namang matinong sinabi. Umalis ka dyan kung ayaw mong matamaan sa akin!’’ sigaw ni Ate E.
‘’Grabe, tinanong ko lang naman kung bago siya rito eh. Anong masama roon? Itong si Evette, parang hindi ako kilala ah!’’ sigaw noong Jude.
‘’Iyon na nga eh. Kilala kita kaya ayaw kong ipakausap ito. Ang bata pa kaya nito. Hay, naku. Lumayas ka nga!’’ sabi ni Ate E.
‘’Naku, pasensya ka na kay Jude. Ganoon talaga ýon. Dapat hindi ka na lumabas eh. Maraming magkaka-interes sa iyo rito. Eh, bakit ka nga ba lumabas, hija?’’ sabi ni Ate E.
‘’Naku, hindi ko naman po kasi alam. Pasensya na po. Gusto ko lang po kasing magpaalam kung pwedeng lumabas muna ako. May pupuntahan po kasi,’’ nakangiting hiling ni Linea kay Ate E.
‘’Ha? Saan ka naman pupunta? Saka, alam ba iyan ng boyfriend mo? Sabi kasi niya sa akin kahapon, bantayan daw kita dahil maghahanap nga siya ng trabaho. Baka hindi ka pwedeng lumabas ah? Delikado kasi rito sa Maynila. Hindi mo pa alam ang pasikot-sikot dito kaya mahirap na,’’ pangangamba ni Ate E.
‘’Ate E, alam ko po na hindi pa alam ni Luis ngayon kung saan ako pupunta pero ako na po ang bahalang magsabi sa kanya. Basta po, hayaan ninyo akong maghanap ng trabaho ngayon,’’ sabi naman ni Linea.
Noong una ay hindi naman siya pinapayagan ni Ate E. Kaya lang, napakakulit ni Linea kaya sa huli ay pinayagan na rin siya ng kanilang landlady. Hindi man siya sigurado kung saan siya pupunta eh sigurado naman na gusto talaga niyang tulungan si Luis sa paghahanap ng trabaho.
Mahal ko, alam kong ayaw mo na gawin ko ito pero wala eh, kailangan kasi. Hindi naman sa sinasabi kong wala kang makukuhang trabaho pero mas maganda kasi na dalawa tayong naghahanap para parehas tayong may kita.