Umuwi si Beth at Isidro sa kanilang bahay. Galit na galit si Isidro na umupo sa sala nila. Tahimik lang si Beth pero takot na takot na siya sa kung anong kayang gawin ng asawa niya sa kanya.
Umiiwas nang tingin si Beth sa kanyang asawa pero hindi talaga siya nakawala rito. Kitang-kita ni Beth ang galit sa itsura ng kanyang asawa. Natigil tuloy ang pagsasaya niya na hindi na mahahanap pa ni Isidro si Linea.
‘’Ikaw, ikaw ang may kasalanan ng lahat! Kung hindi mo hinayaan na umalis ang anak natin ay hindi sana tayo hirap na hanapin siya ngayon! Paano na? Paano na ang buhay natin, ha?!’’ sabi ni Isidro at lumapit sa asawa.
Sinampal niya si Beth kaya naman natumba ang Ginang sa sahig. Gusto niya mang umiyak pero hindi niya magawa. Kailangan niyang maging metatag para sa kanyang anak na si Linea.
Tumayo siya sa harapan ni Isidro para magpaliwanag. Wala na siyang pakialam kung saktan o sigawan na naman siya ng kanyang asawa dahil sa pagtatanggol niya sa kanilang anak.
‘’Alam mo, ikaw ang may kasalanan kung bakit wala ngayon ang aak natin dito! Kung hindi mo siya balak na ipakasal sa Sir Paul Menario na iyon ay hindi na dapat niya naisip na umalis! Kung hinayaan mo na lang siya sa taong talagang mahal niya-‘’ hindi na natapos ni Beth ang kanyang sasabihin dahil sumagot agad si Isidro sa kanya.
‘’At talagang nasagot ka pa sa akin ah? Bahala ka sa buhay mo. Oras na may mangyari na masama sa atin dahil dito sa nangyaring ito ay huwag mo akong sisisihin ha? Hanapin mo ang anak mo habang maaga pa. Hanggang hindi pa alam ni Sir Paul Menario na wala ang anak natin dito!’’ sigaw ni Isidro pagkatapos ay lumabas na ng kanilang bahay.
Tahimik lang si Beth, pinupunasan niya ang kanyang luha habang pa-upo siya sa kanilang sala habang iniisip ang anak na si Linea. Sa totoo lang, kahit naman pumayag siya sa desisyon ni Linea na sumama sa Luis na iyon ay may pangamba pa rin siyang nararamdaman dahil hindi naman niya nakilala si Luis.
Isa pa, bata pa si Linea para mag-asawa pero roon kasi masaya ang kanyang anak kaya pinayagan na niya itong mag-asawa. Ayaw niyang makulong ang anak sa kasinungalingan. Dahil naniniwala siyang ang pagmamahal ay kailangang totoo.
Anak, Linea? Ayos ka lang ba dyan? Hindi ka ba niya pinapahirapan? Sana, masaya ka sa naging desisyon mo anak. Hayaan mo, gagawin ko naman ang lahat para hindi ka mahanap ng ama mo o di kaya ni Sir Paul Menario. Anak, sana naman kapag ayos na ang lahat ay makita kita. Ang hirap-hirap na wala ni isa sa anak ko ang kasama ko ngayon dito sa tabi ko. Wala kayo ni Leo sa akin. Hindi ko alam kung ayos baa ng buhay ninyo. Matatapos din ito mga anak, magkakasama rin tayo.
Sa bahay naman nina Glory ay agad na tinanong ng ama na si Ferdie ang anak. Akala kasi niya ay malinaw na rito na sila ay tutulong sa paghahanap nila kay Linea. Iyon pala ay walang sasabihin na impormasyon ang kanyang anak.
‘’Anak, talaga bang hindi mo alam kung nasaan si Linea? Wala ka naman kasing nasabi kanina. Akala ko ba, tutulong ka?’’ sabi ni Ferdie pagkatapos ay umupo siya sa higaan ng kanyang anak.
‘’Itay, hindi ko po talaga alam. Ang sinabi lang naman niya sa akin ay magtatanan sila ni Luis pero wala siyang sinabi kung saan sa Maynila. Pasensya na po kayo sa akin, itay.’’
‘’Bakit ba ayaw mong tulungan sina Isidro at Beth? Sila ang mga magulang ni Linea. Kung may dapat man na nagpo-protekta sa kanilang anak ay sila iyon. ano bang meron sa kanila, anak? Pwede mo naman sa akin sabihin para hindi ako mamilit na tulungan mo sila sa paghahanap sa kaibigan mo,’’ halos pagmamakaawa na ni Ferdie sa anak.
‘’Itay, maniwala po kayo sa akin. Gusto ko silang tulungan pero wala talaga akong alam kung nasaan ang kaibigan kong si Linea-‘’ natigil ang pagsasalita ni Glory nang biglang magsalita ang kanyang ama.
‘’Anak, kilala kita. Anong meron? May alam ka ba kung bakit umalis si Linea rito?’’ tanong ni Ferdie.
Wala nang nagawa pa si Glory. Pumikit na lang siya at humingang malalim. Inisip niya ang kaibigan na si Linea bago tuluyang magsalita.
Sorry, Linea ha? Kailangan kong sabihin kay Tatay Ferdie para parehas ka naming ma-protektahan laban sa Isidro at sir Paul Menario na iyon.
‘’Itay, masama pong tao si Tata Isidro. Alam ko pong kumpare ninyo siya pero makinig po sana kayo sa sasabihin ko. Kaya naman po umalis si Linea rito sa probinsya natin ay dahil sa gusto siyang ibigay ni Tata Isidro roon sa mayaman na si Sir Paul Menario,’’ kwento ni Glory sa kanyang ama.
‘’Oo, kilala ko si Sir Paul Menario. Nababanggit siya sa akin ni Isidro. May gusto nga raw iyon sa anak niyang si Linea. Paano namang naging masama iyon?’’ tanong ni Ferdie sa kanyang anak, hindi pa rin kasi malinaw sa kanya ang lahat.
‘’Itay, parang ibebenta kasi si Linea sa mayaman na iyon. Magiging asawa niya iyon pagkatapos ay yayaman na ang pamilya ni Linea. Ibigsabihin, pera lang ang habol ni Tata Isidro kaya niya hinahanap si Linea. Sa tingin niyo po ba, tama iyon?’’ sabi ni Glory sa kanyang ama.
‘’Aba, hindi! Kahit kailan ay hindi ko hahadlangan ang kasiyahan mo anak. Tama ka, mali nga ang kumapre ko sa ginagawa niyang iyon. Salamat sa pagsabi mo sa akin ng katotohanan, anak. Ngayon, alam ko na kung paano ko mapo-protwktahan si Linea,’’ sabi ni Fredie sa kanyang anak.
‘’Oo, itay. Kailangan talaga nating protektahan si Linea laban sa mga gustong gamitin lang siya. Naaawa nga ako sa kaibigan kong iyon, itay eh. Kailangan pa niyang lumayo para lang ma-protektahan ang kanyang sarili,’’ kwento ni Glory.
‘’Basta ako anak, hindi ko gagawin sa iyo ýon. Hindi ko ibebenta ang anak ko dahil lang sa pera. Mali iyon. Ang anak ay dapat na sinusuportahan sa kahit na ano basta masaya ito.’’