Dahil hindi na mapakali si Isidro ay naisipan niyang tanungin si Glory. Ito lang kasi ang kilala niyang kaibigan ng kanyang anak. Pinipigilan siya ni Beth pero hindi siya nakinig sa asawa.
‘’Isidro, huwag mo na idamay pa si Glory dito! Wala naman sigurong alam si Glory. Sige na, huwag mo na silang guluhin!’’ pasigaw na sabi ni Beth sa asawa.
‘’Bakit hindi? Paano kung siya na lang ang makakatulong sa akin para mahanap ko ang anak ko? Wala ka kasing kwenta! Sa iba na lang ako hihingi ng tulong para maayos ang problema natin,’’ sabi ni Isidro.
Nasa harapan na siya ng bahay nina Glory. Katok siya nang katok. Habang ginagawa niya iyon ay palakas na nang palakas ang sigaw niya. Agad na lumabas ang tatay ni Glory na si Ferdie para kausapin ang kumpare niya.
‘’Pare, ano ba ýon? Bakit ka ba katok nang katok? May problema ka ba?!’’ inis na tanong ni Ferdie sa kanyang kumpare.
‘’Oo, pare. Malaking-malaki. Ang anak mo lang ang makakasagot sa problema kong ito kaya kailangan ko siyang makausap ngayon din!’’ sabi ni Isidro kay Ferdie.
‘’Naku, Ferdie. Pagpasensyahan mo na si Isidro ha? Huwag mo nang palabasin ang anak mo. Ako na lang ang bahalang makipag-usap sa asawa ko. Huwag kang mag-alala. Maaayos din naman namin ito. Tara na-‘’ hindi natapos ni Beth ang kanyang sinasabi dahil sumagot agad si Isidro sa kanya.
‘’Anong maaayos? Alam mong hindi natin ito maaayos dahil wala na sa atin ang anak mo. Kailangan natin si Glory para ituro niya sa atin kung saan nandoon si Linea!’’ sagot naman ni Isidro na kinagulat ni Ferdie.
‘’Ha? Si Linea, nawawala? Paano nangyari iyon? teka, tatawagin ko lang si Glory para siya ang magpaliwang ng mga ito,’’ sagot ni Ferdie at pumunta na siya sa anak para tanungin ito tungkol kay Linea.
Kumatok siya sa pinto ng kwarto ng kanyang anak at agad naman siyang pinagbuksan nito. Taking-taka si Glory kung bakit nandoon ang tatay niya. Hindi naman kasi madalas na ginagawa iyon ni ferdie kaya nakakapagtaka talaga.
‘’Po, itay? Ano pong meron?’’ tanong ni Glory.
‘’Anak, may alam ka ba sa pagkawala ni Linea? Nandito kasi ang mga magulang niya. Sinasabi nila na makakatulong ka daw sa kanila. Totoo ba iyon, anak?’’ tanong ni Ferdie.
‘’Ha? Wala na siya rito sa probinsya? Ibigsabihin, tinuloy niya talaga ang plano niya?’’ pabulong na sabi ni Glory sa kanyang sarili.
Ang hindi niya alam, naririnig pala siya ng kanyang ama.
‘’Ano, anak? May plano siya? Ibigsabihin, alam mo na gagawin niya talaga ito? Kung ganoon, kailangan talaga nilang malaman ito. Lumabas ka roon anak at sabihin mo sa kanila ang nalalaman mo,’’ sabi ni Ferdie.
Tahimik lang si Glory at halatang takot na takot. Alam niya kasi na talagang magagalit ang tatay ni Linea sa kanya. Iiling-iling siya sa ama niyang si Ferdie.
‘’Itay, ayaw ko po. Oo, alam ko kung ano ang ginawa ni Linea pero ayaw ko na pong sumali sa kanila. Problema na po nila iyon kay Linea. Isa pa, kaibigan ko po siya kaya hindi ko pwedeng sabihin kung anong nalalaman ko. Gusto ko po siyang protektahan eh,’’ sabi ni Glory.
‘’Anak, kung ikaw ang nawawala at alam ni Linea kung nasaan ka ay tatanungin ko rin siya tulad nang ginagawa ng mga magulang niya ngayon sa atin. Sige na, anak. Sabihin mo na sa kanila kung nasaan si Linea para matapos na rin ang paghahanap nila,’’ sabi ni Ferdie.
‘’Itay, iba naman po kasi kayo. Naku, kung pwede ko lang sabihin sa inyo kung bakit hinahanap ni Mang Isidro ang anak niya. Sasabihin ko pero hindi eh. Sabihin niyo na lang itay na wala akong alam sa nangyayari kay Linea,’’ sabi ni Glory.
Sa kasamaang palad, hindi siya tinigilan ng ama dahil gusto talaga ni Ferdie na makatulong sa kumpare niya. Wala nang nagawa pa si Glory kung hindi ang harapin ang mag-asawa. Todo sorry na lang siya sa kaibigan niyang si Linea sa isip niya.
Sorry, Linea ha? Ayaw ko naman talagang sabihin sa mga magulang mo kung nasaan ka. Pinipilit lang talaga ako ni Itay na sabihin dahil baka mapahamak ka raw. Kung magagalit ka man sa akin sa oras na makita ka ng mga magulang mo. Tatanggapin ko.
Naka-upo ang mag-asawa sa sala nang lumabas si Glory. Natatakot si Glory pero sinubukan pa rin niyang ngumiti sa dalawang matanda bilang paggalang sa mga ito. Umupo siya at nagsalita.
‘’Hinahanap niyo raw po ako?’’ mahinang sabi ni Glory.
‘’Oo, paano kasi ay umalis ang anak namin. Alam naman namin na isa ka sa pinagkakatiwalaan talaga niya kaya kung maaari ay sabihin mo sa amin kung saan siya pumunta,’’ mabait pang sabi ni Isidro pero sa loob-loob niya ay galit na siya.
‘’Opo. Alam ko po na pumunta nga si Linea sa Maynila dahil sinabi niya po iyon sa akin noong huli kaming nagkita,’’ kwento ni Glory doon sa dalawang matanda.
‘’Ibigsabihin, totoo nga na nakipagtanan siya roon sa lalaking nag-ngangalan na Luis? Hija, alam mo ba kung saan sila sa Maynila pumunta? Baka alam mo at matulungan mo kami. Kailangan kasi namin siya. Siya na lang ang anak na mayroon kami,’’ may lungkot sa boses ni Isidro pero ang totoo ay umaarte lang naman ito.
Inis na inis si Glory sa pinapakita ni Isidro dahil alam naman niya na hindi totoo kung ano man ang pinapakita ng matanda. Alam niya ang tungkol kay Sir Paul Menario at ang kagustuhan nito na maipakasal ang anak sa mayamang iyon.
May tatay ba na kayang ibenta ang anak? Hindi mo mahal si Linea dahil ayaw mong ibigay kung ano talaga ang nagpapasaya sa kanya. Iniisip mo lang ang sarili mo dahil sa yaman na pwede mong makuha kay Sir Paul Menario. Magpapanggap ka pa na mahal mo ang anak mo. Hay, naku. Anong klase kang magulang?
‘’Naku, pasensya na po kayo pero hanggang doon lang po ang alam ko. Hindi ko po alam kung saan sila sa Maynila nanirahan. Iyon lang po kasi talaga ang nasabi niya sa akin eh. Pasensya na po.’’
Tumayo na si Glory para umalis doon sa sala. Sa loob-loob niya ay tuwang-tuwa siya dahil wala namang napala ang mag-asawa sa kanya. Sa kabilang banda naman ay inis na inis na umalis si Isidro dahil wala siyang nakuhang impormasyon kay Glory. Si Beth naman ay parang nabunutan ng tinik dahil hindi na matutunton pa ni Isidro ang anak at hindi na nito mapipilit si Linea na magpakasal kay Sir Paul Menario.