Sa kabilang banda ay biglang nabalot ng takot sina Beth at Isidro. Pumunta kasi si Sir Paul Menario sa bahay nila. Kasama niya ang mga body guard niya Galit na galit si Isidro kay Beth noon.
‘’Sinasabi ko na nga ba eh! Tingnan mo iyan! Sinugod na tuloy tayo nina Sir Paul Menario. Siguro ay nalaman na niya na nawawala si Linea kaya nandito siya sa atin ngayon!’’ sigaw ni Isidro, kabang-kaba siya.
‘’Sino ba ang nagpakalat na wala na sa poder natin si Linea? Wala namang nagsasabi sa atin ah? Paano niya nalaman?’’ takang-taka si Beth.
‘’Sa tingin mo ba hindi niya malalaman iyon? Siya si Sir Paul Menario. Malamang ay alam na niya agad iyon dahil may nagsabi sa kanya. Kaya niyang gawin lahat, Beth. Sa totoo lang, kayang-kaya niya tayong patayin eh. Ikaw, ikaw ang may kasalanan nito eh!’’ galit na galit na sagot ni Isidro sa kanyang asawa.
Tumahimik na lang si Beth dahil ayaw na niyang makipag-away pa sa kanyang asawa. Hiling din niya n asana eh walang mangyaring masama sa kanilang dalawa. Huwag din sanang makita ni Sir Paul Menario ang anak niyang si Linea.
Pumasok na si Sir Paul Menario kasama ng mga body guard niya. Noong una ay mahinahon pa niyang kina-usap ang mag-asawa dahil baka alam nito kung nasaan talaga si Linea.
‘’Mang Isidro, nabalitaan ko po na nawawala sa ngayon si Linea. May balita na po ba kayo kung nasaan na siya ngayon?’’ nakangiti pa si Sir Paul noon.
‘’Ah, sa ngayon po ay hinahanap pa namin siya, Sir Paul. May mga kamag-anak naman po kami sa Maynila na pwedeng mahingan namin ng tulong. Pasensya na po kung ngayon pa nawala ang anak namin. Kung kailan malapit na po ýong kasal ninyo,’’ sinubukan pang ngumiti ni Isidro pero natatakot na talaga siya kay Sir Paul Menario.
‘’Buti naman po kung ganoon. Akala ko po ay tinakasan na po ako ng anak ninyo. Pakisabi po na hindi niya po pwedeng gawin sa akin iyon dahil sa susunod na linggo na po ýong kasal naming dalawa. Alam ninyo naman po siguro ýon di ba?’’ may halong pananakot na sabi ni Sir Paul Menario sa kanila.
‘’Opo, alam naman po namin iyon kaya nga po pinapahanap na namin si Linea sa Maynila. Pasensya na po talaga. Hindi ko po kasi talaga alam na aalis ang anak ko,’’ sabi ni Isidro, takot na takot siya.
‘’Pero Sir Paul Menario, baka po pwedeng hindi na-‘’ hindi natapos ni Beth ang kanyang sasabihin kay Sir Paul dahil pinigilan agad siya ng kanyang asawa.
‘’Ano po iyon, Manang Beth? Anong sinasabi ninyong hindi po?’’ tanong ni Sir Paul sa kanya, si Isidro naman ang sumagot para sa kanyang asawa.
‘’Ah, wala naman po. Wala po iyon Sir Paul. Hayaan niyo po, wala lang po iyong sinabi ng asawa ko. Basta, hahanapin po namin ang anak kong si Linea,’’ natatakot na si Isidro pero lalo pa siyang nagagalit sa kanyang asawa ngayon.
‘’Ah, ganoon po ba? Basta, pahanap na lang po si Linea bago kami ikasal sa susunod na linggo. Kung hindi niyo po siya mahanap, alam na po ninyo kung ano ang pwedeng mangyari sa inyo,’’ sabi ni Sir Paul Menario at umalis na sa bahay nina Isidro at Beth.
Pagkalabas ni Sir Paul ay agad na kinausap ni Isidro si Beth. Galit na galit ito Labis naman na natakot si Beth.
‘’At talagang gusto mo pang mapahamak tayong dalawa, ano? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na sobrang lakas ng kampo ni Sir Paul Menario. Isang putok lang ng baril sa iyo noon ay patay ka na agad!’’ galit na sabi ni Isidro sa kanya.
‘’Aba, talagang ibebenta mo ang anak natin sa lalaking iyon kahit hindi naman siya masaya roon? Anong klaseng ama ka? Hindi mo man lang ba iisipin ang mararamdaman ng anak mo? Isidro naman!’’ sigaw ni Beth.
‘’Kaya ko nga ito ginagawa eh. Para sa anak mo. Para hindi na siya mahirapan. Hindi katulad ni Leo na mas piniling mag-asawa pagkatapos eh hindi na tayo binalikan. Walang utang na loob sa magulang! Hindi na ako papayag na gumaya si Linea sa kuya niya. Kung kina-kailangan na hanapin natin si Linea sa Maynila? Gagawin natin!’’ sabi ni Isidro.
Napa-upo na lang sa sala si Beth at umiyak. Hindi niya akalain na ang asawa niya ay ganoon na ang pag-iisip pagdating sa mga anak nila. Natatakot siya na may halong lungkot dahil ganoon ang sinabi ni Isidro.
Diyos ko, baguhin Niyo po sana ang isip ng asawa ko. Alam ko pong hindi dapat ganito ang mga naiisip niya. Siya po ang ama kaya dapat lang na protektahan niya ang mga anak. Sa ginagawa niya pong ito, hindi po siya nagiging mabuting ama. Patnubayan Niyo po siya.
Lumabas na muna si Isidro para magpahangin. Todo isip pa rin siya ng paraan para makuha pabalik si Linea. Ayaw niyang mawala ang pamilya niya kaya ganito siya mag-isip ngayon. Alam niyang mali pero iyon na lang kasi ang nakikita niyang tama sa ngayon.
Pasensya ka na anak, ito lang kasi ang alam kong paraan para mailigtas kita at mabigyan din ng magandang buhay. Alam kong mali ito pero wala na akong magagawa. Sana ay magpakita ka na sa amin, anak. Hindi ko kaya kung ikakamatay nating lahat ang hindi mo pagsipot sa kasal ninyo ni Sir Paul Menario.
Sa kabilang banda ay kausap naman ni Ate E si Linea. Tinatanong niya ito kung sigurado na ba siya sa gusto niyang gawin. May pangamba si Ate E dahil pinangako niya kay Luis na babantayan niyang maigi si Linea dahil alam din ni Luis na talagang maghahanap ng trabaho ang kanyang nobya.
‘’Linea, paano si Luis? Anong sasabihin natin sa kanya kapag nalaman niyang pinayagan kita? Naku, ang sabi ko pa naman ay babantayan kita at hindi hahayaang lumabas. Pagkatapos, nandito tayo ngayon sa labas at naghahanap ng trabaho para sa iyo. Diyos ko!’’ kinakabahan na sabi niya.
‘’Naku, ako na po ang bahalang magpaliwanag sa kanya. Alam ko naman po na maiintindihan niya tayo. Mahal na mahal po ako noon kaya kung ano man po ang gawin ko ay siguradong suportado niya. Basta po, maghanap muna tayo ng pwedeng pasukan na trabaho. Meron naman po siguro rito, ‘’ sabi ni Linea habang naglalakad sila.
Habang naglalakad ay may nakita silang mansion at may nakapaskil doon na ‘’Wanted Yaya’’. Tuwang-tuwa si Linea nang makita iyon. Napangiti din naman kahit paano si Ate E dahil nasagot agad ng Diyos ang hinihiling ni Linea.
‘’Ate E, sabi ko na sa iyo eh. May mahahanap agad tayo ngayon. Nakakatuwa naman!’’ masayang-masayang ibinahagi ni Linea.
‘’O siya, ako na ang magdo-door bell para sa iyo. Pero Linea, huwag ka munang aasa na makukuha ka ha? Dito sa Maynila, mahirap talagang makapasok. At saka, hindi pa naman ito alam ni Luis,’’ paalala ni Ate E sa kanya pagkatapos nag-door bell ito.
‘’Oo naman po. Naiintindihan ko naman po iyon kung sakali man na hindi ako agad makapasok. Ganoon po talaga ang buhay. Kapag hindi para sa iyo. Hindi talaga para sa iyo iyon,’’ sabi ni Linea.
Pagkatapos noon ay naghintay silang may magbukas ng gate para sa kanila. Pagkaraan ng ilang minuto ay may nagbukas na nga ng gate. Isang matandang babae, nasa edad 70 na.