Athena
Hindi ko alam kung bakit ang laki ng inis ko sa Enzo na iyon. Ang yabang kasi nya. Akala nya yata ay makukuha nya ang lahat ng mga babae sa University na ito. Kung alam lang nya na isinusuka sya ng buong pagkatao ko.
Pero bakit naman kaya ganun pa rin ang nararamdaman kong saya at kilig kapag nariyan naman ang presensya ni Ethan?
Hindi ko talaga maitatanggi na gusto ko nga sya. Pero ayokong magfocus sa nararamdaman ko dahil dapat ay pag-aaral muna ang inaatupag ko sa ngayon. Masyado pa akong bata para seryosohin ang mga nararamdaman kong ito.
Nang marating ko ang classroom…
“Hey, ano ba?”
Naku, naririto na naman si Enzo asungot. Talagang hindi sya napagod na sundan ako. Sa bagay, iisang classroom lang pala ang pupuntahan namin. Naiirita lang talaga ako sa presensya nya.
Muli nyang hinawakan ang kamay ko at hinatak nya akong papasok sa silid. Bumilog muli ang mga mata at bibig ko sa ginagawa nya.
Nakakahiya!
Nakatingin ang lahat ng mga classmates namin. Pati ang tatlong babaeng asar sa amin ay parang nanggagalaiti na sa galit dahil hawak ako ng lalaking pangarap nila.
Kung alam lang nila na hindi ko gusto ang lalaking ito. Kaasar talaga!
Kayang-kaya kong pagsalitaan ng hindi maganda si Enzo kapag kaming dalawa lang.
Pero kapag marami ng tao ay tila umuurong ang dila ko. Wala na akong nagawa ng hatakin nya ako at ipangalandakan nyang girlfriend nya ako sa buong klase.
Nakita ko ang dalawa kong kaibigan na wala na ring nagawa sa pagpapanggap na boyfriend nila ang dalawa pang miyembro ng BFT.
Kabaliwan talaga ang lahat ng ito. Pero wala naman akong magawa. Makapangyarihan silang tatlo. Hawak nila kami sa leeg ngayon. Isang malaking pagkakamali lang ay tiyak na palalayasin kami sa Universidad na ito na syang ayokong mangyari. Pinaghirapan ko ang pagpasok sa Golden Valley kaya lulunikin ko na lang ang lahat ng ito.
Naupo na ako sa silyang inihanda ni Enzo para sa akin.
Kahit nakakainis sya ay gentleman pa rin naman sya. Pero hindi nya mapantayan ang pagkatao ni Ethan. Mas di hamak na mabait, maaalalahanin at mabuting tao si Ethan.
Hindi ko na namalayan na nakatingin na naman ako kay Ethan Enriquez. Ang swerte naman ni Alodia. Malaya nyang nahahawakan ang kamay ni Ethan. Sana palit na lang kami ng pwesto ni Alodia, tutal naman ay sya ang patay na patay sa Enzo na ito.
“Hey! Sino ba ang tinitignan mo?” galit na bulyaw ni Enzo sa akin.
Nanlaki ang mga mata ko. Nagulat ako sa mga sinabi nya. Naku! Napaghahalataan ba na nakasulyap ako parati kay Ethan?
Hindi pwedeng malaman ng iba ang nararamdaman kong ito.
‘W-wala.” Sagot ko
Kaagad kong naramdaman ang maliit na kurot sa akin ni Alodia.
Hindi lingid sa kaalaman nya ang paghanga ko kay Ethan, na boyfriend nya sa loob ng isang buwan. Hindi ko na sya pinansin dahil aasarin na naman nya ako.
Nang mapagawi naman ang tingin ko kina Amara at Galvert ay parang aso at pusa pa rin ang dalawang iyon. Kagaya ko, ay hindi rin gusto ni Amara ang ideyang makipagboyfriend sa mayayabang na BFT.
Ooopps! Si Ethan lang pala ang hindi mayabang sa kanilang lahat.
Oh my! Ano ba itong nararamdaman ko? Puro na lang si Ethan ang nasa utak ko.
“Mamayang gabi, may dinner date tayo sa Hyact Hotel.” Biglang banggit ni Enzo
Mas lalong bumilog ang mga mata ko sa sinabi nya. Anong date ang sinasabi nya? Bawal pa akong makipagdate. Hindi pa nagagalit ang mga magulang ko sa akin at baka ito ang pinakaunang dahilan ng galit nila sa akin.
“Hindi ako pwede mamayang gabi. Pagagalitan ako ng nanay at tatay ko.” wika ko
Umangal din si Amara sa mga pahayag ni Enzo. Katulad ko ay alam kong tutol sya sa kabaliwan ng tatlong ito.
“May trabaho pa kami ni Alodia sa fast food resto kaya hindi rin kami pwede sa dinner date na yan, di ba Alodia?” pagmamatigas ni Amara
Ngunit si Alodia na talagang patay na patay sa BFT ay tila nasasabik sa ideyang dinner date kasama ang tatlong kolokoy na ito.
“Pwede naman tayong umabsent sa trabaho, Amara. At ikaw naman Athena, ipagpapaalam kita sa mga magulang mo para payagan ka. Dinner date lang naman, ang pangit nyo naman kabonding oh!” sambit ni Alodia.
Napasapo ako sa aking noo. Nalintikan na talaga si Alodia. Talagang hindi sya makakahindi sa mga ito?
Naramdaman ko ang pag-akbay ni Enzo sa akin. Bahagya akong nahiya dahil tinititigan na naman nya ako. Lalo pa nya akong kinabig palapit sa kanya. Lalo tuloy akong napasubsob sa dibdib nya.
“Huwag ka ng tumanggi okay? Sigurado naman akong mag-eenjoy ka sa dinner date natin. I am very sure na hindi ka pa nakakapunta sa mga five star hotel kagaya ng Hyact. I will let you experience those things kapag ako ang boyfriend mo.” Bulong pa ni Enzo sa akin
Napakagat labi ako. Kailangan ba talagang ipamukha sa akin na hindi ko pa nararanasang kumain sa isang five star hotel? Wala naman kasi kaming sapat na pera kaya hindi talaga kami kumakain nina Nanay at Tatay sa mga ganung klaseng lugar.
Nasaktan ako sa mga sinabi nya.
Kinamumuhian ko talaga sya!
Hinawi ko ang kanyang braso na nakapatong sa balikat ko. Hindi ko na sya pinansin pa.
Naiinis ako sa kanya! Basta hindi ako sasama sa dinner date na binabalak nila. Mamayang uwian ay tatakbuhan ko sila. Ayoko silang makasama!
Pwera na lang siguro kung si Ethan ang makakasama ko. Mabait at magalang siya kumpara kay Enzo na ang galing sumira ng araw.
Kung si Ethan siguro ang makakasama ko sa isang dinner date ay baka sakaling sumama pa ako. Baka sakaling suwayin ko ang mga magulang ko para lang sa kanya.
Ahh! Ano ba itong naiisip ko? Ang bad ko na. Hindi na ito utak ng isang normal at pangkaraniwang seventeen year old girl.
Naramdaman ko na muling ipinatong ni Enzo ang kanyang braso sa aking balikat. Sa pagkakataong ito ay sinigurado nyang hindi na ako makakawala pa sa kanya.
Wala na nga akong nagawa lalo na ng kabigin nya akong muli palapit sa kanya at hinalikan pa nya ang noo ko.
Gusto ko na lang lumubog sa kinauupuan ko.
"I hate you!" Bulong ko sa kanya.
Napansin kong tinitigan nya ako ng kakaiba. Tila ipinagtataka nya ang mga sinabi ko. Ewan ko ba sa naging reaksyon nya pero para bang may lungkot sa mga mata nya.
Kung titignan ko ang naging reaksyon nya sa sinabi ko ay parang nasaktan sya? Pero bakit naman sya masasaktan. Alam ko namang wala syang pakialam kung kinamumuhian ko sya.
Inalis ko muli ang pagkakaakbay nya sa akin. Sa pagkakataong ito ay hindi na nya ako kinulit pa. Naging tahimik na lang sya hanggang matapos ang unang klase namin. Mabuti na rin iyon dahil iritang-irita na ako sa mga kinikilos nya.
Nang matapos ang klase ay naghahanda na ako para takasan sila. Siguro naman ay hindi na naalala pa ni Enzo ang tungkol sa dinner date na sinasabi nya.
Pero para makasigurado ako ay tatakasan ko na lang sya. Sa oras na makauwi ako ng bahay ay panatag na ang puso ko.
Habang abala silang nag-aayos ng kanilang mga gamit ay unti-unti akong tumayo at mabilis na nagtungo sa may pintuan upang lumabas.
Hindi nila ako napansing lumabas dahil may kanya-kanya silang ginagawa.
Si Enzo naman ay kausap yata ang Daddy nya sa kanyang cellphone kung kaya't hindi na nya ako nakitang tumakas palabas ng silid namin. Mabuti na lang at umayon sa akin ang tadhana ngayon.
Mabilis akong naglakad palabas ng University. Kailangan ko ng makauwi ngayon dahil ayoko talagang makasama si Enzo.
Lalong lumuwag ang dibdib ko ng makalabas ako ng Universidad.
Hingal na hingal ako habang tumatakbo papunta sa sakayan pauwi sa amin.
"Kuya! Sandali lang sasakay ako!"
Sigaw ko sa nakita kong jeep na paalis na sana.
Halos lumipad ako makasakay lang ako sa jeep na iyon. At nang makatuntong ako sa jeep at nakaupo na rin sa wakas ay parang natanggalan ako ng tinik sa dibdib. Mabuti na lang at nagtagumpay akong makatakas kay Lorenzo Zobel. Napakasaya ng damdamin ko ngayon.
Hinihingal pa ako nang marinig kong may tumatawag sa cellphone ko.
Kaagad kong kinuha ang cellphone sa bag ko. Baka si Nanay ang tumatawag at may balak na ipabili sa akin.
Ngunit pagtingin ko sa cellphone ay unknown number ang lumabas sa screen. Kunot noo ako habang tinatanong ko sa aking sarili kung sino ito?
Sinagot ko ang tawag dahil baka importante ito. Nang sagutin ko...
"Hoy!!! Nasaan ka? Bakit ka umuwi? May dinner date tayo di ba?"
Si Enzo?
Galit na galit sya.
Hindi ako nagsalita. Pinatayan ko agad sya ng telepono. Ayoko syang kausap. At paano nya kaya nakuha ang number ko?
Naku! Alam kong si Alodia ang nagbigay ng number ko sa kanya! Nakakainis!
Maya-maya lang ay nag-ring muli ang cellphone ko. Si Enzo ulit ang tumatawag sa akin. Pero kinansela ko ang tawag nya. Wala naman akong sasabihin sa kanya. Hindi ko kailangang magpaliwanag sa kanya. Kailangan ko naman talagang umuwi sa oras ng uwian namin. Hindi ako pwedeng magtagal doon.
Inoff ko muna ang cellphone ko dahil alam kong mangungulit ang Enzo na iyon sa akin.
Naging tahimik at payapa ang biyahe ko pauwi sa amin.
Pagdating ko sa bahay...
"Magandang hapon po Nay!" Pagbati ko kay Nanay na nanonood ng T.V sa may sala.
"Mabuti naman at nakauwi na ang maganda kong anak. Maya maya lang ay kakain na tayo ng hapunan. Hintayin lang natin ang tatay mo." Wika ni Nanay
Niyakap at hinalikan ko sya sa pisngi. Ganito naman palagi ang eksena namin sa bahay. Masaya ako kapag kasama ko ang mga magulang ko. Basta maayos at malusog sila ay masaya na ako. Hindi ko hinangad ang marangyang buhay. Ang lubos na ipinagdadasal ko lang ay ang maganda nilang kalusugan.
Nagtungo muna ako sa kusina upang uminom ng tubig. Ilang saglit lang ay nariyan na si Tatay.
"Good news! May dala akong lechon manok!" Masayang sigaw ni Tatay.
"Wow! Paborito ko yan. Mukhang nakarami ka sa byahe mo ngayon." Dinig kong sambit ni nanay
"Oo, kaya yung sobra ibinili ko ng paborito nyong lechong manok. Ang sarap ng hapunan natin ngayon." Masaya pa ring wika ni Tatay
Pagkatapos kong uminom ay kaagad na akong nagtungo sa sala.
Amoy na amoy ko ang dalang lechong manok ni Tatay.
"Oh nandito na pala ang maganda nating anak. Magsaing ka na, damihan mo at mukhang mapapalaban tayo ngayon." Banggit ni tatay.
Napailing na lang ako sa kanya.
"Si tatay talaga puro kalokohan." Wika ko
Kaagad naman akong bumalik sa kusina para magsaing. Kaagad kong sinunod ang utos ni Tatay.
Ang makasama ko ang pamilya kong kumain ng hapunan kahit kaunti lang ang ulam namin ay mas higit pa kaysa sa dinner date sa isang five star hotel. Hinding hindi matutumbasan ng magarbong dinner date ang hapunan kasama ng pamilya ko.
Naging abala ako sa kusina at nasasabik na akong kumain dahil sa totoo lang ay minsan lang kami makatikim ng lechong manok.
"Anak, nasa labas ang kaibigan mo."
Pumasok si Nanay sa kusina.
Nagtaka naman ako sa mga nabanggit nya. Sino namang kaibigan ang sinasabi nya? Walang may alam ng bahay ko. Kahit sina Alodia at Amara ay hindi pa nakakarating dito.
Kaagad akong nag-ayos ng sarili para makita ang sinasabing bisita ko.
Ngunit pagdating ko sa sala ay halos magunaw ang mundo ko ng masilayan ang bisita na nakaupo sa luma naming sofa. Bakit sya nandito? Paano nalaman ni Enzo ang bahay namin?
Nililibot pa nya ng tingin ang kabuuan ng bahay namin na tila nandidiri sya. Alam ko namang bodega lang ang bahay namin kumpara sa mansyon ng mga Zobel.
Napatingin sya sa akin.
Parang gusto kong lumubog sa lupa ng ngumiti sya sa akin na tila inaasar nya ako. Akala ko pa naman ay natakasan ko na sya. Akala ko pa naman ay hindi na sya magiinteres na hanapin ako sa oras na makauwi ako. Pero nasa bahay namin ngayon ang isang Zobel na sikat sa buong bansa.
"Anak, kaibigan mo pala ang anak ng may-ari ng Golden Valley. Di mo naman sinabing bigatin ang mga kaibigan mo sa school mo." Biro pa ni Tatay.
Napakagat labi ako. Kung alam lang ni tatay na hindi ko naman sya kaibigan. Kung alam lang nya na naiinis ako sa isang ito.
"Anong ginagawa mo dito?"galit kong tanong
Hindi pa rin natatanggal ang mga ngiti nya sa labi.
Tumayo sya at tumingin sa mga magulang ko.
"Ma'am, Sir. Gusto ko po sanang yayain sa isang dinner date ang anak nyo. Don't worry, ihahatid ko rin sya ng safe dito." Wika nya
Napanganga ako sa mga sinabi ng isang Lorenzo Zobel.
Nababaliw na sya!
Talaga bang ipinagpaalam pa nya ako sa mga magulang ko para lang sa isang dinner date na para sa akin ay isang malaking kalokohan.