Athena
Gusto kong palayasin ang Enzo na ito sa bahay namin. Talagang inaasar nya ako at nagpunta sya dito para lang ipagpaalam ako sa mga magulang ko? Gusto pa nyang ipangalandakan sa mga magulang ko ang kalokohan nya.
Ang kapal ng mukha nya!
"Hindi ako papayagan nina Nanay at Tatay dahil dapat ay sabay-sabay kaming kakain ng hapunan. Saka masyado pa akong bata para sa mga ganyan. Kaya pwede ba Enzo, umalis ka na sa bahay namin." Pagmamatigas ko
Nakita kong humakbang palapit kay Enzo si Tatay. Bigla akong kinabahan dahil alam kong magagalit talaga si Tatay dahil niyaya ako ng Enzo na ito para sa isang dinner date? Napakabata ko pa at alam kong isa si Tatay sa mga tututol sa ideyang ito.
Huminga ng malalim si Tatay sa harapan ni Enzo. Hindi ko masisisi ang tatay ko kung mabubulyawan nya ang leader ng BFT at palayasin nya sa pamamahay namin.
"Mukhang mabait ka naman Enzo at gusto ko ang ugali mo na personal kang magpapaalam sa amin. Hindi kagaya ng ibang kabataan dyan na mapusok at hindi marunong humarap sa magulang ng babae. Kaya naman pinapayagan ko ang anak ko na sumama sa iyo."
Nakangiti pang wika ni Tatay. Labis kong ikinagulat ang mga sinabi nya. Hindi ko akalain na manggagaling iyon sa bibig mismo ni Tatay. Hindi sya nagalit kay Enzo? Pinayagan pa nya akong sumama sa lalaking ito?
"Tay?" Pagmamaktol ko
Kaagad naman akong nilapitan ni Nanay at kinabig ang aking bewang.
"Tignan mo nga naman. Hindi namin napansin ng tatay mo na dalaga ka na pala. May mga lalaki na ang gustong mag-aya sa iyo para makipag-date."
Parang kinikilig pa si nanay sa mga sinabi nya.
Hindi ako makapaniwala na ganito ang magiging reaksyon nila. Kabaligtaran lahat sa mga naiisip ko. Akala ko pa naman ay magagalit sila at ipagtatabuyan nila si Enzo pero nagkamali ako. Pumayag pa ang mga magulang ko na sumama ako sa anak ng isang Zobel?
"Nay, Tay. Ayoko pong sumama sa kanya. Mas gusto ko po kayong makasama." Banggit ko
Kitang-kita ko ang pagkadismaya ni Enzo dahil sa mga sinabi ko. Pero naiinis ako sa buong pagkatao nya kaya naman hindi ko na lang pinansin pa ang pagkadismaya nyang iyon.
"Athena, please I'm begging you. Makipag-date ka naman sa akin." Pagmamakaawa nung Enzo
Nangiwi ako sa mga tinuran nya. Hindi ako makapaniwala na ang isang Enzo Zobel ay nagmamakaawa sa akin para sumama ako sa kanya para sa isang dinner date? Nababaliw na talaga sya!
Hinimas ni Nanay ang aking balikat.
"Ikaw naman anak, date lang naman ang hinihingi ng tao. Pumayag ka na. Sumang ayon naman kami ng tatay mo na sumama ka sa kanya eh." Pagpupumilit pa ni Nanay
"Oo nga anak. Ikaw na nga itong sinusuyo ni pogi oh. Ngayon ko napatunayan na mayroon akong napakagandang anak." Biro pa ni Tatay
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Tatay.
"Tatay naman eh!" Pagmamaktol ko pa
Kung alam lang nila na laro lang ang lahat ng ito para sa isang Lorenzo Zobel. Kung alam lang nila na hanggang isang buwan lang ang pagpapanggap na ito. Gusto ko ng ibulgar sa kanila na manloloko ang lalaking nasa harapan nila dahil magaling itong magpaikot ng mga babae.
Yung tipong akala mo ay totoong may gusto sya sayo pero isang malaking laro lang sa kanya ang lahat ng ito.
Isa lang ang itatatak ko sa utak ko. Hinding hindi ako magkakagusto sa isang Lorenzo Zobel kahit anong mangyari!
Dahil hindi ko pa sinusuway ang mga magulang ko ay pumayag na rin akong makipag date kay Enzo kahit sobrang labag ito sa puso ko. Kahit naiinis akong kasama sya ay pumayag na rin ako dahil iyon ang gusto ng mga magulang ko.
Hinawakan nya ang mga kamay ko habang inaalalayan nya akong pumasok sa magara nyang sasakyan.
Isinuot nya sa akin ang seatbelt at para ko talaga syang boyfriend na alagang alaga ako. Gusto ko ng maniwala na totoo ang mga ipinapakita nya sa akin. Hindi ko na alam kung alin ang totoo. Ramdam ko kasi ang pagiging espesyal ko kapag kasama ko sya.
Pero kapag naiisip ko na pansamantala lamang ito ay bigla akong bumabalik sa katotohanang magaling syang manloko at hindi ako dapat na maniwala sa lahat ng mga ipinapakita nya sa akin.
Tahimik lamang ako habang sakay ng kotse nya. Wala naman akong sasabihin sa kanya kaya mas mabuti nang manahimik na lang.
Ilang minuto kaming nagpaikot ikot sa kahabaan ng QC. Bigla nyang inihinto ang kanyang sasakyan sa isang salon. Nagtaka talaga ako kung ano ang gagawin namin dito?
"Bakit tayo nandito?" Tanong ko
Ngumisi sya sa akin at saka nya tinanggal ang seatbelt ko.
"Hindi ka naman pwedeng pumasok sa isang five star hotel na ganyan ang ayos mo. Mapagkakamalan kitang katulong. Napakabaduy mo AMaG!" Pangmamaliit nya sa akin
Bigla akong napatingin sa suot ko. Nakasuot nga lang pala ako ng kupas na pantalon at puting tshirt. Nakatsinelas lang din pala ako dahil hindi ko na nagawang mag-ayos pa.
Gusto ko na kasing matapos ang gabing ito kaya bigla na lang akong sumama sa kanya. At kagaya ng ginagawa nya sa akin ay tinapakan na naman nya ang pagkatao ko. Tinawag pa nya akong baduy. Kaya naman hindi ko sya magustuhan ay dahil sa hambog nyang pag-uugali.
Nakakainis talaga sya. Muli na namang umusbong ang matinding galit sa puso ko.
Wala naman akong nagawa kundi ang sumunod sa kanya kahit labag na labag ito sa damdamin ko.
Pagpasok namin sa isang sosyal na salon.
"Oh! Hi Enzo." Pagbati sa kanya ng mga tao doon
Kaagad naman silang napatingin sa akin. Bakas ko sa kanilang itsura ang pagtataka kung sino ba ang kasama ng isang Enzo Zobel? Pinasadahan nila ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Hiyang-hiya ako sa mga oras na ito dahil lahat sila ay nakatingin sa akin. Napayuko na lang ako at hindi ko sila binalikan ng tingin. Inayos ko ang aking salamin na halos mahulog na dahil sa pagyukong ginawa ko.
"Pagandahin nyo ang kasama ko. I want her to be the most beautiful girl tonight." Sambit ni Enzo
Napakagat labi ako sa mga sinabi nya.
Nang mabaling muli ang tingin ko sa mga tao sa salon ay nagkatinginan silang lahat.
"Hindi kami gumagawa ng milagro pero sige susubukan namin. Ikaw pa Enzo, sobrang lakas mo sa amin."
Banggit nung bading na masama ang pagkilatis sa akin. Nilait pa nya ako, nakakainis talaga.
Kaagad na akong hinatak nung bading at uumpisahan na nyang gumawa ng milagro. Pagagandahin nya ako na tila wala namang pag-asa.
Ngayon lang ako nakapasok sa ganitong klaseng lugar kaya bago sa akin ang lahat ng ito.
Sinimulan nilang ayusin ang aking kilay. Inalis nya ang makapal kong salamin na syang naging dahilan ng paglabo ng paningin ko. Halos mangiyak ngiyak ako sa proseso ng ginawa nila sa mga kilay ko. Ganito pala kasakit magpaganda? Hindi ko na gustong maging maganda kung ganito kasakit ang pagdadaanan ko.
"Ayoko na po please!" Pagmamakaawa ko
"Wait lang. Gusto mo ring gumanda di ba? Babawasan natin yang kilay mo na sing kapal ng balbas ni santa claus. Josko!" Banggit nung bading
Dahil nakita kong naiirita na ang bading na iyon sa pag ayos ng kilay ko ay tiniis ko na lamang ito.
Nahimamasan ako at nakahinga ng maluwag ng matapos nyang ayusin ang kilay ko. Tila gumaan ang mukha ko dahil sa ginawa nya.
Prente akong nakaupo sa silya habang hinihintay ang mga susunod nilang gagawin.
Nakita kong kinuha ng bading ang sets ng make up. Ang daming make up ang nakalagay sa mesa. Iyon bang lahat ang ilalagay nya sa mukha ko? Magmimistulang coloring book ang mukha ko sa dami ng kulay na naroroon.
Pero wala naman akong karapatang umangal dahil si Enzo ang may gusto ng lahat ng ito.
Ilang minuto nyang nilagyan ng make up ang mukha ko. Hindi ko maaninag sa salamin ang itsura ko dahil malabo ang mga mata ko.
"Pakilagay po ang mga con.tact lens na ito sa kanya para hindi na sya magsuot ng makapal na salamin." Sambit ni Enzo.
Natakot ako sa mga sinabi nya. Hindi ako sanay magcontact lens. Nakakairita daw iyon sa mata.
"Sanadali lang. Tama ba ang grado nyan?" Pag-aalala ko
Narinig ko ang pagsinghap ni Enzo.
"Wala ka bang tiwala sa akin?" Wika nya
Nanahimik na lang ako. At kagaya ng mga nauna kong ginawa ay hinayaan ko na lang na ilagay nila sa akin ang lens na iyon.
Hirap na hirap silang ilagay iyon. Pero ilang saglit lang ay nailagay din nila.
Nagulat ako dahil sakto sa mga mata ko ang isang ito. Malinaw ang paningin ko at parang suot ko ang makapal kong salamin.
"Ang galing mo! Alam mo ang grado ng mata ko?" Pagkamangha ko
Napailing lang sa akin si Enzo. Maya maya ay tinalikuran na nya ako. Naupo muli sya sa sofa na hintayan din ng ibang customers.
Nang matapos ang paglalagay ng make up ay kaaagad naman nilang inayos ang buhok ko.
Aba! Kinulot pa nilang lalo ang buhok ko na bumagay sa bilugan kong mukha. Nagugustuhan ko ang nagiging itsura ko sa salamin. Nagmukha akong ibang tao dahil sa make over na ito.
Maya maya pa ay pinapasok nila ako sa isang kwarto. Nakahanda na pala roon ang isusuot kong sosyal na dress at sapatos. Nang isuot ko ito ay pakiramdam ko nagmukha akong mayaman sa itsura ko. Hindi ko na makita ang Athena na sobrang simple at wala man lang ganda. Infairness ang laki ng iginanda ko dahil sa ginawa nila.
Marahan akong lumabas ng kwartong iyon. Bahagyang naiilang pa ako sa suot kong dress at sapatos.
Nang mapadako ang tingin sa akin ni Enzo ay parang tumigil ang oras para sa kanya. Pinagmasdan nya ako mula ulo hanggang paa.
Hindi ko na nga alam kung paano ngumiti dahil nahihiya ako sa naging itsura ko ngayon.
"M-maganda ba?" Tanong ko sa kanya
Nagdadalawang isip pa ako sa naging tanong ko.
"Sobra." Maikli nyang sagot sa akin.
Nahiya ako sa mga sagot nya. Akala ko ay kukutyain na naman nya ang itsura ko. Ito ang unang pagkakataon na pinuri nya ako. Maraming salamat naman sa nagtiyagang nag-ayos sa akin.
"Akala ko talaga walang himala eh. Maganda naman pala sya kapag naayusan." Sambit nung bading
Wala nang nasabi pa si Enzo.
Nilapitan nya ako at kinuha nya ang mga kamay ko. Para akong prinsesa habang hawak nya ang mga kamay ko. Iginiya nya ako palabas ng salon nang hindi napapatid ang kanyang mga tingin sa akin.
"Thank you Enzo." Sambit ng bading
Pero hindi na sya pinansin pa ni Enzo dahil parang nakapako na ang mata nya sa akin. Para syang baliw! Pakiramdam ko tuloy ay may kakaiba sa mukha ko.
"Hoy! Anu ba? Kanina ka pa nakatingin." Sambit ko.
Saka lamang parang nagising sa katotohanan si Enzo.
"Oh! Sorry! May igaganda ka pa pala eh. Akala ko wala ka ng pag-asang magmukhang tao. Sa itsura mo ngayon ay mas confident na akong makasama ka." Saad nya
Muli na naman syang nagsalita ng masakit na bagay patungkol sa akin. Sana pala ay hindi ko na lang sya ginising dahil bumalik muli ang hambog na Enzo na lagi na lang akong inaasar.
Napansin ko na hindi mawala ang mga ngiti sa labi nya. Hindi ko alam kung bakit pero alam kong may kakaiba sa kanya ngayon.
Muli nyang pinaandar ang kanyang sasakyan at handa na kaming magtungo sa isang five star hotel. Sa itsura ko ngayon ay maaari na akong makapasok doon nang hindi nahihiya.
Sa mga ganitong paraan lang magaling si Enzo. Palibhasa, pangit, baduy at hindi naman kaakit-akit ang tingin nya sa akin kaya naman pina-make over nya ako.
Buti na lang at hindi ko sya gusto. Ayos lang sa akin kung yan ang tingin nya sa akin.
Pagkadating namin sa Hyact Hotel.
Namangha ako sa eleganteng awra ng buong paligid.
Nakatindig sa aking giliran si Enzo. Marahan nyang kinuha ang aking kaliwang kamay at ipinulupot nya ito sa kanyang kanang braso.
Marahan ang mga lakad namin papasok ng hotel na iyon.