SYKE Kinalma ko muna ang aking sarili bago ko tinahak ang daan patungo sa bahay ng magulang ko. Gusto kong kumpirmahin muna sa kanila kung sila ba ang dahilan kung bakit tuluyan na akong binitawan ni George. Hindi ko matanggap na sa ganito na lang matatapos ang lahat sa aming dalawa. Hindi siya ang George na nakilala ko. Kilala ko siyang matapang na babae. Hindi siya basta-basta sumusuko sa kahit ano mang pagsubok. Mahal niya ako at alam kong hindi siya basta bibitaw kung walang mabigat na dahilan. Kapag may kinalaman dito ang magulang ko, hindi ko alam kung paano ko sila mapapatawad. Ngayon lang ako nagmahal ng ganito. Binago ni George ang pananaw ko sa pakikipag-relasyon. Hindi ko hahayaan na tuluyan kaming magkasirang dalawa dahil lang sa pansariling hangarin ng mga magulang ko.

