Pinipigilan niya ang antok habang binabantayan ang amang nakaratay sa kama. Ang totoo niyan ay gusto niya ng matulog. Ilang araw na din siyang pagod at puyat gawa ng pagbabantay sa hospital.
Wala naman papalit sa kanya kapag gabi dahil naudlot ang pag-uwi ng kanyang mga Kuya. May sakit na hypertension ang kanyang ina kaya bawal ito magpuyat. Kaya sa tuwing alas nuebe ng umaga lang siya makakauwi sa kanilang bahay.
Malapit lang naman ang bahay nila sa hospital kung saan na-confine ang ama kaya pinili niya ng mag-uwian.
Inaantok man pero hindi naman niya makuhang umiglip kapag umuuwi siya. Kailangan niya pa kasing pakainin ang kanilang alagang hayop at linisan ang kanilang kabahayan. Tapos maglalaba pa siya sa hapon ng mga maruming damit nila.
Hindi naman siya nagrereklamo. Sanay na sanay naman siya sa gawaing bahay at sa takbo ng buhay nila.
Hindi naman sila mahirap ngunit hindi din naman nakakaangat. In short nasa gitna sila ng mahirap at ng middle class.
Saka walang namang nagtapos ng kolehiyo sa kanilang magkakapatid. Puro high school lang ang natapos nila. Maaga din nasipag-asawa ng kanyang mga kuya at iilan ang may matinong trabaho sa mga ito. Ang ama niya lang yata ang may magandang trabaho subalit dahil lagi din itong may sakit ay nagagastos nila ang inimpok nito sa banko.
"Mukhang malalim ang iniisip ng aking prinsesa," biglang wika ng isang tinig na ikinaalis ng kanyang antok.
"Wala ho akong iniisip, Tay," wika niya, at ningitian ito. "Inaantok lang ako."
"Bakit kasi hindi ka umiglip muna," himuk ng ama sa kanya. "Pasensiya ka na kung alagain si Tatay. Hayaan mo kapag nakalabas ako dito ay magtratrabaho na ako agad."
Umiling siya. "Hindi pa kayo pwedeng magtrabaho agad. Kailngan daw ninyo munang magpahinga ng ilang buwan. Iyon po ang sabi ng doktor. Kaya dapat sundin po natin iyon."
Biglang nangamba ang kanyang ama. "Paano tayo bibili ng mga gamot ko kung hindi ako magtrabaho? Ayokong iasa iyon sa mga Kuya mo. Subra-subra na ang naitulong nila."
"Tay, hayaan na ninyo iyon. Ako na ho ang gagawa ng paraan."
"Anak, baka maghanap na si Sir Octavo ng aking kapalit kapag matatagalan pa akong makabalik sa mansion."
Masuyo niyang ginagap ang kamay ng ama. "Tay, magtiwala ho kayo sa akin. Ako na ho ang bahala diyan. Ang gawin ninyo ay ang magpagaling at huwag mag-isip masyado."
Napaluha ng kanyang ama sa kanyang sinabi. "Ako dapat ang nagpapalakas ng iyong loob pero tignan mo kabaliktaran ang nangyayari."
"Pamilya ho tayo, Tay. At ang suliranin ng isa ay suliranin ng lahat. Madami na din kayong nagawa sa akin. Hayaan ninyong ako naman ang may magawa sa ating pamilya. Tama kayo, hindi nating pwedeng iasa sa mga kuya ko ang lahat."
"Salamat, Anak," wika ni Kanor, habang masuyong tinitigan ang anak. "Mukhang pinababayaan mo na yata ang iyong saliri. Sa tingin ko hindi ka pa nakapagsuklay. Naku anak, magsuklay ka din paminsan-minsan. Mukha ka na ngang maton sa suot mo hindi ka pa nagsusuklay. Paano ka magkaka-boyfriend niyan?"
"Ang tatay talaga, sa dinadaming sasabihin iyon pa," nakanguso niyang wika. "Ito na ang uso ngayon. No suklay look. Saka ayokong magkanobyo. Sakit lang 'yan sa ulo."
"Ilang taon ka na?"
"Twenty three po."
"Tapos wala ka pang boyfriend. Bakit kasi hindi ka magbistida para malaman nila na may babae akong anak?"
"Magpahinga na po kayo, Tay, gabi na oh," sabi niya na lang para ibahin ang takbo ng usapan.
Tumawa lang ng mahina si Kanor. "Iniiba mo naman ang usapan," pansing sabi nito, at ginulo ang magulong buhok niya. "Pero sige, susundin ni Tatay ang kanyang prinsesa."
Mahimbing ng natutulog ang kanilang ama ng dumating si Kuya Raul niya.
Agad niya itong sinalubong para magmano.
Si Raul ay ang pinakapanganay sa kanilang magkakapatid. Sinundan ito nina Roel, Ricky, Randy, Rolly, Rocky at siya ang bunso sa kanila.
Masigla niyang itong niyakap. "Kuya Raul, mabuti at nakauwi ka," naiiyak niyang wika. "Kahapon ka pa hinihintay nila Inay."
Piningot lang ni Raul ang tungki ng kanyang ilong. "Pinilit ko lang umuwi. Ayaw pa nga akong payagan ng boss ko kasi kulang kami ng tao pero kinulit ko siya ng kinulit sa huli pumayag din siya," anini Raul, at pinagmasdan siya. "Kamusta ka na, Bunso. Kumain ka ba?" tanong pa nito sa kanya at halata ang pag-alala sa mukha nito.
"Hindi pa ho ako kumain, Kuya," malumanay niyang sagot, at tinignan ang kapatid. "Saka ayos lang ho ako."
"May dala pala akong pagkain." May inilapag itong isang baonan sa may maliit na lamesa na nasa gilid ng kama. "Huwag mo ng gisingin si Tatay. Kumain ka na. May dala akong nilagang baboy. Hindi ba't paborito mo iyan."
"Nag-abala at gumastos pa ho kayo."
"Maliit lang iyan na bagay. Sige na kumain ka na. Saka pagkatapos mong kumain. Ligpitin mo ang ibang gamit at inuwi."
"Ngunit gabing-gabi na Kuya."
"Huwang kang mag-alala, ipapasundo kita kay Ricky sa may kanto nang makapagpahinga ka ng maayos. Ako na muna magbabantay kay Tatay habang nandito ako."
"Salamat ho, Kuya," wika niya, at dagling kumuha ng paper plate mula sa maliit na drawer. "Mukhang hindi naman nilagang baboy ang dala-dala ninyo. Tingnan ninyo potchero ho ito, Kuya. May saging eh at mukhang masarap."
Ngumiti si Kuya Raul sa kanya. "Syempre si Kuya Roel mo ang nagluto niyan."
Mabilis siyang napatingin siya sa Kuya Raul niya. "Teka, ibig ninyong sabihin umuwi si Kuya Roel? Akala ko ho bukas pa siya dadating."
Tumango-tango si Raul. "Si Kuya Rocky mo ang hindi nakauwi gawa ng inaayos niya pa ang kanyang sahod. Nagkaroon ng problema ang payslip niya. Nagkaroon siya ng absent eh hindi naman siya lumiban. Pero agad daw siyang luluwas kapag naayos niya na."
"Ganoon ho ba. 'Di bale nandito naman na kayo. May magpapalit na sa akin kapag gabi. Saka makakapagpahinga na si Inay sa bahay," malamlam niyang sabi, at tipid na ngumiti.
"Kaya nga nagmadali kami sa pag-uwi dito," sabi ni Raul, at ginulo ang kanyang buhok. "Sige na, kumain ka na nang magkalaman ka. Pumapayat at pumapangit ka na."
Agad na ngumuso si Ranne. "Ang harsh ninyo talaga sa akin. Pasalamat kayo na miss ko kayo!"
"Na-miss din kita, Bunso," sabi ni Raul, at pinisil ang kanyang pisngi. Saka kinuha ang paper plate sa kamay niya. Nilagyan ito ni Raul ng kanin at ulam. "Sige na kumain ka na. Ano kaya kung ipapasundo na lang kita kay Kuya Roel mo? Mas mainam yata iyon. At huwag ka munang bumalik bukas. Kami na muna ang magbabantay kay Tatay."
Aangal pa sana siya pero inunahan na siya ni Raul. "Sumunod ka na lang. Ilang araw ka ring puyat. Hayaan mo naman kami na pagsilbihan si Tatay."
"Kayo ho ang bahala. Saka inayos ko na ho pala ang PhilHealth ni Tatay para makabawas sa bayarin kapag babayaran na natin ang hospital bill niya," wika niya, at nagsalin ng tubig sa plastic cup. "Talagang okey lang ho sa inyo na maiwan dito? Pwede naman uuwi lang ako saglit sa bahay nang makaligo at makapagbihis tapos babalik din ako."
"Oo naman. Manghuli ka na lang ng alagang manok mo kapag nakauwi ka na nang may maitinola bukas. Kailangan ni Tatay na makahigop ng sabaw."
"Sige, Kuya. No problem. Consider it done," nakangiti niyang sagot.
"Kamusta pala ang kalagayan ni Tatay?"
"Medyo okey na daw siya. Hindi na daw namamaga masyado ang kanyang puso. Sabi pa nga ng doktor niya, ipa-check daw niya muli ang dugo at ihi ni Tatay kapag wala na siyang makitang infection dito baka sa makalawa pwede niya ng payagan makauwi si Tatay."
"Mabuti naman kung gayon. Ah, tanggapin mo pala ito," sabi ni Raul, at inabot ang ilang libo sa kanya. "Dies mil iyan. Tulong namin ni Kuya Ricy mo. Pakisabi kay Inay na pagpasensiyahan na ha. Mag-aabot din daw ng tulong si Kuya Roel mo. Hinihintay niya lang mabayaran ng kapitbahay niya ang kambing."
"Salamat, Kuya. Nakakahiya man pero talagang tatanggapin ko ito. Paubos na ang gamot ni Tatay. Naisip ko nga na ibenta ang isang baboy para may pamdagdag."
"Huwag na muna. Baka makalikom kami ng pambayad sa hospital."
"Pero may mga pamilya na kayo, Kuya. Ano na lang ang sasabihin ng mga asawa ninyo?"
Kumunot ang kilay ni Raul. "Bakit naman? Kami ang padre de pamilya, kami ang nagtratrabaho kaya wala silang dapat ireklamo. Madami na din naitulong sa amin si Tatay. Ngayon na siya naman ang nangangailangan sa amin. Ipagkakait pa ba namin ang tulong namin. Kami nga ang nahihiya sa 'yo, maaga kaming nagsipag-asawa kaya halos inako mo na ang lahat ng obligasyon namin sa ating mga magulang. Ni hindi mo na nga naaayos ang saliri mo na kahit pagsuklay Hindi mo na magawa."
"Kuya naman eh. Pati ba naman ikaw! Kuya, ito ang uso ngayon. Ito ang tinatawag na MAGULO HAIR LOOK," seryosong wika niya, na ikinatawa ni Raul.
"Baka BRUHILDA LOOK," tuksong sabi pa ng kapatid. "Hayaan mo bibilhan kita ng suklay at shampoo bukas. Baka kasi wala ka ng shampoo at suklay."
Lalong ngumuso si Ranne. "Mayroon akong suklay at shampoo sa bahay. Talagang tamad lang akong magsuklay."
Napailing si Raul. "Pambihirang bata ka, pati na naman pagsuklay kinatatamaran mo. Paano ka makakahanap ng nobyo niyan?"
Biglang siyang napahalakhak ng malakas. "Naku kung maka ganyan kayo sa akin parang naman payag na kayong ligawan ako! Eh, pinahabol nga ninyo kay Bogart ang kapitbahay nating si Paking nang magtangkang manligaw sa akin."
Ngumisi lang si Raul. "Dieciséis años ka palang nu'n kaya talagang ayaw namin na paligawan ka pero ngayon pwede na. Nasa tamang edad ka na."
"Paano kong ayaw ko magpaligaw? O' ayaw ko magkapamilya?"
Gitlang napatingin sa kanya ang kapatid. "Anong?! Huwag na huwag mong sabihin na tomboy ka, Ranne, baka maisabit kita sa sampayan!"
Pilya niyang pinagtawanan ang kapatid. "Kuya, babae po ako. Iniisip ko lang sina Tatay at Nanay kung sakaling magkapamilya ako. Sino na lang ang mag-aalaga sa kanila?"
Mabilis na nagpakawala ng buntong-hininga si Raul. "Hindi naman pwedeng isantabi mo ang pangarap at kaligayahan mo ng dahil sa kanila. Mauunawaan ka nila kung sakali. Saka Bunso, ang sabi ko magnobyo, hindi mag-asawa."
"Ah, basta ayoko pang magkanobyo. Kailangan pa ako nila Nanay at Tatay, lalo na ngayon na may sakit silang dalawa. Makakapaghintay pa naman ang mga ganyang bagay. Ayoko kasing mahati lang ang oras ko. Saka natatakot din ako, Kuya, na baka maging subrang demanding ang maging nobyo ko katulad ng mga asawa ninyo."
Napailing lang si Raul. Hindi niya tuloy alam kung talaga bang tibo ang kanyang bunsong kapatid kasi never pa niya itong naringgan na humanga sa mga lalaki. Ni hindi nga ito mahilig sa abs. At ang tanging hilig lang nito ay ang mag-alaga ng hayop at magtanim ng gulay sa bakuran. Mabibilang rin ang kaibigan nito sa daliri.
Hindi kaya tama ang hinala ng kapatid nilang si Rolly na may pusong maton ang prinsesa ng pamilya nila?
Sana nga nagkamali lang sila, kasi hindi niya mapigilang sisihin ang saliri.
Dahil isa siya sa mga dahilan kung bakit mas hilig ni Ranne na magkumpuni ng bahay kesa sa saliri.