"ANO ang iniisip n'yo, mama?" tanong ni Shara kay Mama Shiela. "Parang may gusto kayong tukuyin?"
Lumuwang ang pagkakangiti nito. "Naisip ko lang na baka ama ng sinabi mong Renz si Mr. Buenaventura Montemayor, anak. Isa siya sa pinakamayamang negosyante dito sa Pilipinas."
"Sinasabi ko na nga ba," pabuntonghininga niyang sabi. "Iyan na naman kayo, mama. Wala na ba sa isip ninyo ang nangyari kay Ate Shantel? Lumayas siya para iwasan ang nakatakda niyang kasal sa lalaking hindi talaga niya mahal."
Iniiwas nito ang tingin sa kanya. Tila napahiya at hindi nagawang magsalitang muli.
"Mama, kung sakaling anak nga ng mayamang negosyante si Renz ay ibubuyo ninyo ako sa kanya? Gusto na naman ba ninyo akong makipag-mabutihan at magkatapos--" Umiling-iling siya. "Ayoko, mama. Huwag n'yo akong itulad kay ate. Hindi ako papayag!"
Galit na nagtunghay ng mukha si Mama Shiela. "Wala akong sinabing ganyan, Shara. Ang tingin mo ba talaga sa akin ay masamang ina?"
Siya naman ang nag-iwas ng tingin dito. Hindi muna siya nagsalita pero wala sa plano niyang bawiin ang sinabi dito. Maliwanag sa tono nito kanina na talagang gusto nitong magpatuloy siya sa pakikipag-mabutihan sa lalaki.
"Nagkamali ako... kami ng papa mo... sa pagnanais naming magkaroon ng magandang kapalaran ng ate mo. Aminado ako doon. But God knows that we only want a better future for you and your ate."
Nang tumingin siya sa ina at nakitang nag-teary eyes ito ay bigla siyang nakadama ng awa. Hindi naman niya gustong nasaktan ang damdamin nito pero hindi naiwasang pagdamdam. Pero hindi niya sinisisi ang sarili dahil batid niya na ang pagdaramdam na iyon ay bunga ng sariling kunsensiya. Hindi man nito aminin pero talagang apektado ito nang nangyari ngayon sa buhay ng panganay niyang kapatid.
"I'm sorry, mama," sabi na lamang niya. "Pero sana ay huwag ng nangyari pa sa akin ang buhay ni Ate Shantel. Hayaan n'yo akong mabuhay sa sarili ko dahil sisiguraduhin ko na magiging maayos ako."
Tumango ito. Saka siya niyakap at tuluyan ng umiyak. Sinabi nito ang nararamdamang panghihiram ng kaloobanan paukol sa ate niya.
"Gustong-gusto ko na siyang umuwi, Shara," sabi pa ng kanyang mama. "Bumalik lang siya ay hindi na namin siya pipiliting magpakasal kay Jerson..."
Sa isip ay nagpasalamat siya sa sinabi nito. Magandang balita iyon para sa Ate Shantel niya. Hinangad niyang biglang na sana ay tumawag ito para masabi niya ang tungkol dito.
"Oo, Shara," kinalas ni Mama Shiela ang pagkakayakap sa kanya. Pinalis nito ang mga luha. "Napagkasunduan na namin ng papa mo na hindi na siya ipakasal kay Jerson. Bibigyan na namin siya ng kalayaang mabuhay para sa kanyang sarili. Basta narito siya at nakikita naming maayos ang buhay niya."
"Sana'y marinig ni ate ang bagay na iyan, mama. Alam ko na ikatutuwa niya iyan. I hope, she will come back to be with us."
“Me and your dad are hoping too, Shara. At hindi kami nagdadalawang-isip na humingi sa kanya ng tawad kapag bumalik siya."
Dahil sa naramdamang tuwa ay siya na mismo ang yumakap sa ina. Namutawi pa sa bibig niya ang pagpapasalamat dahil sa magandang desisyong naisip ito at ng papa niya.
Paulit-ulit niyang hiniling sa isip na sana ay tumawag ang panganay niyang kapatid. Agad niyang sasabihin dito ang tungkol sa sinabi ng kanilang mama.
Ang totoo ay gustong-gusto na rin niyang muli itong makasama. Sabik na siyang muli itong kapiling sa kanilang bahay.
"M-MASUWERTE ang babaing pakakasalan mo," sabi ni Shantel nang magawang bawiin ang patingin kay Rafael. Pero patuloy ang tila pagrerebolusyon ng puso niya. "Sino ba ang masuwerteng iyon?"
Umasam siya na bibigkasin ni Rafael ang pangalan niya. Kaya naman hindi naiwasang mangatog ang kanyang mga tuhod.
Paano kung aminin ni Rafael na ikaw ang babaing gusto niyang pakakasalan, Shantel? Paano kung marinig mong pangalan mo ang sabihin niya?
"My God?" naibulong niya. "Baka mahimatay akong bigla sa sobrang tuwa."
"May sinabi ka ba, Shan?"
"Ha? W-wala," paglilihim niya. Pinilit niyang ngumiti saka sinapo ang sariling dibdib. "Ano naman ang sasabihin ko?"
Tumango-tango ito.
"Tayo na," mabilis niyang sabi. "Pasok na tayo sa house mo."
Nauna na siya sa paghakbang. Naramdaman niyang sumunod ito sa kanya. Saka umagapay sa paglalakad niya patungo sa unahang pintuan.
"Pasensiya ka na sa mapapasukan mo," sabi nito na isinuksok sa doorknob ng pinto ang susi. "Hindi ganoon kalinis ang loob ng bahay dahil once a week lang napapalinisan."
Inaya siya nitong pumasok ng mabuksan ang dahon ng pinto. Nang nasa loob na siya ay inilinga niya ang paningin. Walang duda na nag-iisang lalaki nga ang nakatira dito. Bagama't hindi naman masyadong madumi ay wala sa ayos ang mga bagay. Medyo maalikabok din ang mga muwebles at walang kintab ang sahig.
Hindi naman niya masasabing burara si Rafael dahil walang personal na gamit ang nakakalat. Halata na wala lang talaga itong panahong paglinis.
"May apat na kuwarto sa itaas," sabi nito na itinuro ang second floor. "Kung sakaling plano mong tumira dito ay malaya kang pumili ang gusto mong gamitin."
Para namang titira talaga ako rito, sa isip-isip niya. Pero salamat sa bukal sa pusong paanyaya, Rafael. Ikinatutuwa ko ito.
"Itong kuwarto sa ibaba ang ginagamit ko kaya wala kang dapat ipag-alala sa akin." Tumawa ito ng mahina. "Walang gagapang sa 'yo para pagsamantalahan ka."
Natawa siya sa sinabi ni Rafael. "I trust you. Sure naman ako na hindi ikaw ang tipo ng taong nananamantala."
"Salamat sa tiwala, Shan. So, kailan ka lilipat dito?"
"Mangulit ba?"
Napakamot ito sa ulo . "Inaalala kasi kita, Shan. Ang totoo ay natatakot ako para sa 'yo."
"Bakit naman?"
"Pasensiya ka na sa sasabihin ko. Pero talagang wala akong tiwala kay Melgar. Huwag naman sana pero para bang may masama siyang gagawin dahil sa pagkagusto sa 'yo."
"Huwag naman," sabi niyang umupo sa upuang nasa living area na yari sa narra. "Pero ang totoo ay natatakot din ako kay Melgar. Lalo pa at nabanggit ni Ate Carmi na ang sabi daw nito ay ikamamatay kapag hindi ako naging kanya."
"Talaga?" bulalas nito. "Dapat mo na talagang iwasan ang boss mo, Shan. Ang ganyang tao ay nakakaisip talaga ng hindi maganda..."
He sighed.
"Si Melgar pa? Shan, obvious na may bad attitude siya. First meeting pa nga lamang namin ay naging barumbado na siya."
Umupo sa one seater chair si Rafael, na nasa kaliwa bahagi ng kinauupuan niyang pinakamahabang upuan. Tumingin ito sa kanya na hindi naikubli ang pag-aalala. Saka muli siyang inaya na sa bahay nito tumira.
"I'll make sure that you're safe here in my house, Shan."
Nauunawaan niya ito. Totoo ang pagmamalasakit nito sa kanya at gusto talaga siyang huwag mapahamak pero may mga bagay din siyang dapat isaalang-alang, kaya hindi niya agad mapagbibigyan ang suhestiyon nito.
NANG wala si Mama Shiela at pumunta na ito sa sariling kuwarto ay naalala ni Shara si Letty. Humugot siya ng malalim na hininga sa dibdib saka humakbang pababa sa baitang ng hagdanan.
Hindi niya babalewalain ang hindi magandang bagay na ginawa nito kaya kanyang kakausapin. Hindi porke alam nito ang kanyang cellphone number ay puwede na nitong ibigay kung kani-kanino.
"Dapat siyang matoto," bulong niya habang patungo sa dining area. "Dapat ay alam niya ang tamang gagawin."
Nagulat si Letty nang lapitan niya. Dahil napansin agad nito ang kunot sa mukha niya ay natakot ito. Sapo ang sariling dibdib nang humarap sa kanya.
"Senyorita, m-may problema po ba?"
"Bakit ibinigay mo kay Renz ang cellphone number ko?"
"Hiningi po niya. Kinulit po ako. Para po umuwi na siya ay ibinagay ko."
"Pambihira ka naman, Letty. Hindi mo puwedeng ibigay kung kani-kanino ang number ko. Ipinaalam ko lang sa 'yo at sa ibang kasambahay para sa mga emergency call. Kapag may importante bagay lang na dapat kong malaman."
Ipinagdaop nito ang dalawang palad sa tapat ng dibdib. Mangiyak-ngiyak itong humingi ng tawad sa kanya.
"Akala ko po kasi ay talagang kaibigan n'yo si Renz, senyorita," ang sabi pa nito. "Mabait naman po siya at guwapo kaya--"
"Hindi siya mabait, Letty," putol niya sa sasabihin pa nito. "Sinabi ko na sa 'yo ang bagay na iyan kanina. Alam mo ba na sobrang inis ko dahil kinulit niya ako sa cellphone? I really hate that man!"
"Sorry po talaga, senyorita. Sana ay mapatawad n'yo ako."
Naawa siya dito ng tuluyan na itong umiyak. Nahagod niya ang braso nito. "Huwag ka ng umiyak, Letty. Basta next time ay huwag mo na uling ibibigay ang cellphone number ko. Okay?"
Tumango-tango ito habang tumatagaktak ang mga luha.
"Sige na," sabi niya. "Huwag ka ng umiyak at absuwelto ka na. Hindi na kita ipakukulong."
"Ho? Diyos ko! Huwag naman po, senyorita."
Napatawa siya. "Just joking. Basta don't do it again."
"Promise, senyorita. Thank you po."
Maluwag ang loob na iniwan niya si Letty. Hindi muna siya bumalik sa kanyang kuwarto kundi nagtigil sa terrace para libangin ang sarili.
Kampante siyang nakaupo sa bench ng bigla niyang nakita ang isang pamilyar na kotse, na huminto sa harap ng kanilang gate. Nangunot ang kanyang noo at nausal ang pangalang ng hinihinala niyang may-ari niyon.
"Renz," bulong niya nang bumaba mula sa sasakyan ang lalaki. "Sinasabi ko na nga ba't sa kanya ang kotseng iyon."
Napatayo siya nang lumapit ang lalaki sa security guard na nasa gate.
"Bakit narito na naman ang alien na ito?"
Gusto niyang tumakbo sa may gate para sabihan ang security guard na huwag tanggapin si Renz. Pero natigilan siya nang makitang kumaway ito sa kanya. Saka itinuro siya sa kausap, na para bang may sinabi.
"Aba't..." naibulong niya nang makitang binuksan ng security guard ang gate. "Sira-ulo ang Dionisio na ito. Buksan ba ang gate?"
"RAFAEL, on the other hand, I like your offer but it doesn't look good. Kung titira ako rito ay mukhang magli-live-in tayo. Kahit sabihin nating hindi totoo, iyon ang makikita ng mga tao sa ating paligid. Kasiraan ito sa pagkatao ko."
Tumango si Rafael. Naunawaan nito ang kanyang puntos. He smiled but the loneliness was still visible in his eyes. And she knew that was the result of regret.
"Gusto mo bang akyatin ang taas at tingnan ang mga kuwarto?" sabi nitong pinilit maging masaya. "Mag-ikot ka muna habang naghahanda ako ng lunch natin."
"Tutulungan na kitang magluto--"
"Huwag na," putol nito sa sasabihin pa niya. "Bisita kita kaya gusto kong magrelax ka lang muna. Mag-enjoy ka na sa pag-iikot dito sa bahay ko. Mamaya, pagkakain natin ay sa farm naman kita ililibot."
"Okay lang ba sa 'yo na mag-isa kang magluluto?"
"Oo, naman," mabilis nitong tugon. "Walang problema. Sanay naman akong mag-isa."
Tumawa siya. "Hugot?"
Ikinibit nito ang mga balikat. Saka siya kinindatan. "Libre kang mag-ikot dito sa bahay. Sana ay malibang ka."
Mangindat ba? sa isip-isip niya. Lihim siyang kinilig. Rafael, pina-i-in-love mo talaga ako. Sana ay seryoso mo na akong ligawan.
"Akyat muna ako," iyon ang isinatinig niya. "Maiwan muna kita rito, Rafael."
"Sige lang. Enjoy."
Tinalikuran niya ito at umakyat siya sa mataas na hagdan. Nang nasa ikalawang palapag na siya ng bahay ay isa-isa niyang sinilip ang bawat silid roon. Simple lamang ang mga iyon. Lahat ay may kama at built-in cabinet. Naisip niya, ready to occupy na talaga kung sakaling titira siya rito.
If only I could, sa isip-isip niya. I would not hesitate to settle here.
Kung sakaling pagpatuloy sa seryosong panliligaw si Rafael ay hindi siya mangingiming sagutin nito. Kapag nagkaroon sila ng magandang relasyon ay saka siya magpapasyang magpakasal dito. When they are legally married, she has the right to live in this house. Because she truly loves Rafael, she will surely be happy with him. So, they will be together until they are old.
She smiled at that thought. She hopes that this dream will come true. She will grow old with no regrets for having done the right thing.
Kaya sisiguraduhin niyang hindi si Jerson ang mapapangasawa niya. Hinding-hindi rin si Melgar. Gagawin niya ang lahat ng magagawa niya para maiwasan ang mga ito. Sisiguraduhin niya na ang lalaking magmamay-ari ng kanyang puso at buong pagkatao ay iyong totoo niyang iniibig.
At ito ay walang iba kundi si Rafael!