SA kabilang banda...
Mahigpit ang hawak ni Duwayne sa manibela ng sasakyan. Galing siya sa condo ng nobyang si Maricar upang makipag-ayos. Gusto niya sanang magsimula silang muli at kalimutan na lamang ang pagtataksil na ginawa nito. Ganoon niya ito kamahal. Kahit paulit-ulit siya nitong sinasaktan ay hindi niya pa rin ito tuluyang mapakawalan.
Muling nag-flash back sa kanyang isipan ang natagpuang tagpo sa garahe. Magkasama sina Maricar at Froilan Dantes. Mahigpit na magkayakap ang dalawa. Pinag-uusapan ng mga ito ang naging interview ng lalaki.
Nalaman niya ang ginawang pagsisinungaling ng actor sa harap ng kamera. At ang mas masakit pa, nalaman niyang may relasyon na pala ang dalawa.
"s**t!" Makailang beses hinampas ni Duwayne ang manibela.
Hindi niya matanggap na pinagpalit ng nobya ang apat na taon nilang relasyon sa lalaking kailan lang nito nakasama. At sa apat na taong iyon ay naging sikreto ang relasyon nila dahil na rin sa pakiusap ng nobya. Dahil ayaw nitong masira ang pangalan bilang artista. Pumayag naman siya dahil mahalaga rito ang career at mahal niya ito.
Naging mabuting kasintahan siya. Naging tapat sa pagmamahal kay Maricar pero hindi pa rin naging sapat.
Muling hinampas ni Duwayne ang manibela gamit ang kanyang kamao. Saglit pa'y pinaharurot na ang kanyang kotse palayo sa lugar na 'yon.
PAGBABA ni Hannah ng kanyang kotse ay agad siyang sinalubong ng kanyang make-up artist.
"Danie!" nakangiti pa niyang tawag dito.
Tumigil sa harapan niya si Danica, saglit na huminga nang malalim.
"Miss Hannah pumasok po kayo ulit sa kotse!" hinihingal na sabi pa ni Danica. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala.
"Why?" kunot-noo na tanong niya.
"Narito ang mga press at fans ng 'love team' n'yo ni Sir Froilan."
"So what?" react niyang may pagtataka.
Napakagat-labi si Danica, hindi agad masabi kung ano man ang gusto nitong sabihin sa kanya.
"Bakit, Danica?"
"Galit na galit sa 'yo ang inyong mga tagahanga. Dahil sa nagawa mong panloloko kay Sir Froilan."
"That's why I'm here!" paliwanag ni Hannah. "Gusto kong linisin ang aking pangalan. Lahat ng ibinibintang sa akin ni Froilan ay hindi totoo."
"Miss Hann–" hindi natapos ang sasabihin ni Danica nang biglang dumagsa ang mga press.
"There she is!" sigawan ng mga press.
Nakita pa ni Hannah na tinuro siya ng isang lalaking may dalang kamera. Bigla siyang kinabahan pagkakita sa mga ito. Kasama ang mga netizens na hindi magkamayaw. At sa tingin niya'y mga tagahanga nila ni Froilan.
"Madali ka, Miss Hannah! Pumasok ka sa loob ng kotse mo." Agad na hinawakan siya sa braso ni Danica.
"Bakit kailangan kong magtago?" reklamo niyang napamaang. "Wala naman akong kasalanan. Isa pa, nandito ako para itama ang mga paninirang sinabi ni Froilan sa interview kagabi."
"Hannah Lindsey, gaano nga ba katotoo ang paratang sa 'yo ng boyfriend mong si Froilan Dantes?" agad na tanong sa kanya ng isang matabang babae. Muntik pa niyang mahalikan ang hawak nitong press microphone dahil nagtutulakan ang ibang press na naroon sa tapat ng studio.
"Is it true that you cheated on your boyfriend?"
"According to your boyfriend, nahuli ka raw niyang may ibang ka-date. Is that true?"
"That's not true. He's a liar! What he said was a lie!" taas-noong sagot niya.
"Are you saying that to defend yourself?"
"No!" matapang niyang sagot. "I want everyone to know that what Froilan Dantes is accusing me is not true. I'm the real victim. I caught him with another woman in his bedroom!"
"Sinong babae ang kasama niya?"
Lalong nag-ingay ang paligid dahil sa sinabi niya. Pero wala siyang balak ipaalam sa madlang people kung sino ang babaeng involved sa relasyon nila ng dating nobyo.
"Hindi totoo 'yan! Sinungaling ka, Hannah Lindsey. Nahuli ka ni Froilan na nakikipaglampungan sa ibang lalaki! Binabaliktad mo lang ang idolo namin!" galit na sigaw ng isang babae, mukhang teenager pa ito. Nakasuot pa ito ng t-shirt na may print ng mukha ni Froilan.
"Oo nga!" hiyawan naman ng ibang naroon.
"Manloloko ka!"
"Malandi!"
"Laos!"
Sigawan ng mga naroon.
"I'm telling the truth!" ganti niyang sigaw. "Ouch!"
Naramdaman ni Hannah may matigas na bagay ang tumama sa noo niya. Pagsapo niya roon ay may nahawakan siyang malagkit na likido.
"Miss Hannah?" Nakangiwi ang bibig ni Danica na nakatingin sa kanya.
"Egg!" Yes. May bumato ng itlog sa noo niya at nabasag. Hindi pa man siya naka-re-recover ay may tumama na naman sa noo niya. Sa pagkakataong 'yon ay hinog na kamatis naman. "Jeez! Stop it!"
Naghihiyaw siya sa sakit nang sunod-sunod na siyang batuhin ng kamatis at itlog ng mga taong naroon.
"Bagay lang sa 'yo 'yan!"
"Manloloko!"
"Manggagamit!"
"Laos!"
To the rescue naman si Danica sa actress. Agad na kinuha nito ang sariling panyo at ipinunas sa namumulang noo ni Hannah.
Pakiramdam ni Hannah ay bigla siyang nanliit. Hindi niya alam kung maiiyak ba siya dahil sa kahihiyan na inabot. Ang gusto lang naman niya ay malinis ang kanyang pangalan at pagkatao. Hindi naman niya inaasahang gano'n pala katindi ang galit sa kanya ng mga taong minsan ay nagmahal sa kanya. Lalo na ang fans nila ni Froilan.
Si Danica na mismo ang nagbukas ng pinto ng kotse niya at ipinasok siya. Pumasok din ito sa kotse para tulungan siyang punasan ang likidong pinagsamang itlog at kamatis.
Panay pa rin ang katok ng mga media press sa labas ng bintana ng kanyang kotse pero hindi niya iyon binuksan.
"Miss Hannah, ayos ka lang ba?" worried na tanong ni Danica sa kanya.