DISMAYADO si Duwayne nang tuluyang mawala sa paningin ang kotseng minamaneho ni Mang Roberto. Ang mga kilay ay tila isang guhit na lang nang sulyapan si Hannah. Nakapikit ang mga mata ng babae, panay ang dasal na sana marinig ng driver ang sigaw nila.
"Itigil mo na 'yan."
Napadilat ng isang mata si Hannah "Ha?"
"Wala na si Mang Roberto."
"I left my bag inside your car."
"Maibabalik sa 'yo ang bag 'pag nakabalik ka na sa Manila."
"Ayoko pa ngang bumalik sa Manila!" iritadong sagot ni Hannah. Yumuko siya para muling isuot ang hinubad na stilettos. "Puwede ba akong sumama sa pupuntahan mo? I have no money. I have money and ATM cards but they are in my bag. I'll pay you when I get back to Manila."
"Ano pa nga ba?" yamot na sagot ni Duwayne at nagpatiunang humakbang pabalik ng barko.
Siya naman ay lihim na natuwa sa pagpayag ng lalaki. Malalaki ang hakbang na sumunod siya rito. Ngunit hindi niya inaasahan ang biglang pagharap nito sa kanya, tumama ang noo niya sa matipuno nitong dibdib.
"Sandali lang," wika nito.
Nandidilat ang mga matang napatitig siya rito. Bigla siyang kinabahan na baka biglang nagbago ang isip nitong isama siya sa pupuntahan.
Huwag naman sana! lihim niyang dasal habang himas ang nasaktang noo.
Kinuha ni Duwayne ang sunglasses na nakasukbit sa neckline ng t-shirt na suot at inabot ito sa nagtatakang babae.
"Isuot mo 'yan. Mahirap na't baka may makakilala sa 'yo," pagkasabi niyo'y muling tinalikuran siya.
Nakaismid na isinuot naman ni Hannah ang sunglasses at muling sinundan ang binata.
ILANG minuto rin silang naghintay sa loob ng barko bago tuluyan umusad.
Naupo si Hannah sa isang table na may dalawang upuan. Samantalang si Duwayne naman ay mas piniling tumayo at sumandal sa railing ng barko habang pinagmamasdan ang kulay asul na dagat.
Napasinghap si Hannah nang malanghap ang mabangong aroma ng cup noodles na dala ng isang teenager na babae. Nasundan niya ito ng tingin nang dumaan sa kanyang harapan.
Nakagat niya ang ibabang bahagi ng labi sabay himas sa tapat ng kanyang sikmura na kanina pa nag-aalburuto. Naalala niyang hindi nga pala siya nakakain ng hapunan kagabi, hindi rin siya nakapag-almusal ngayon kahit man lang sana tubig, o kaya'y kape.
Ang hirap pala gumala kapag walang pera! himutok niya. Then, kinakailangan pang pakibagayan ang ugali ng masungit na si Duwayne para lang 'wag magbago ang isip nitong isama siya.
Hindi naman nakaligtas sa paningin ni Duwayne ang ginawang pagsunod ng paningin ni Hannah sa teenager na may dalang cup noodles. Pasimpleng umalis siya sa kinatatayuan at tinungo ang maliit na tindahang nasa loob din mismo ng barko.
"Boy, pabili nga ako isang cup noodles. Magkano ang isa niyan?"
"Thirty five, sir," sagot naman ng binatilyo, mukhang nasa edad labingwalo.
"Pabili ako, isa. Bulalo flavor. Pabili rin ako ng dalawang kape at dalawang crackers."
"Sige po, sir."
"Pwede bang makisuyo, babayaran kita?"
"Ano po 'yon, sir?"
Itinuro ni Duwayne ang kinaroroonan ni Hannah. Nakaupo ang babae at nakatalikod sa tindahan. "Ang cup noodles, cracker at kape, pakibigay sa isang babaeng nakasuot ng plain brown long dress."
"Masusunod po, sir." Sinundan nito ng tingin ang itinuro ni Duwayne.
"Pabili na rin pala ako ng bottle water at ibigay mo na rin sa babae. Huwag mong sasabihin sa 'kin galing ang pagkain, ha? Sabihin mo sa kanya, libre ang almusal dito sa barko." Inabutan niya ng pera ang binatilyo.
Tumango naman ito.
Pag-abot ni Duwayne ng kape niya, muli siyang bumalik sa kanyang pwesto. Pasimple ang tinging ginagawa niya sa kinaroroonan ni Hannah. Nakikita niya ang sunod-sunod na paglunok nito dahil siguro sa gutom.
NAPAPITLAG si Hannah, may boses siyang naulinigan sa bandang likuran niya.
"Libreng almusal po para sa'yo, ma'am!" masiglang sabi ng binatilyo.
"Talaga? Para sa 'kin ang dala mong pagkain?" Ang paningin niya'y nasa pagkain na ngayon ay dinudulog nito sa ibabaw ng mesa na gawa sa plastik.
"Para po talaga sa 'yo ang mga 'yan, ma'am."
"Gano'n ba?" Napakagat-labi siya. Tatanggi pa ba siya? Kanina pa siya nagugutom. "Salamat."
"Walang anuman po, ma'am." Umalis na ito sa harapan niya.
Agad humigop ng kape si Hannah. Napahiyaw siya dahil bahagyang napaso ang kanyang labi. Hinahalo niya ang cup noodles nang maalala si Duwayne.
Kumain na kaya siya? pabulong na tanong niya sa sarili. Hinanap ng paningin niya si Duwayne, hindi naman siya nabigo. Nakita niya ang lalaki na humihigop ng kape.
"Ay, napakasama talaga ng ugali! Hindi man lang ako inalok ng kape. Mabuti na lang at binigyan ako ng pagkain ng binatilyo." Napaismid siya. Hindi niya talaga maintindihan kung bakit mainit ang dugo sa kanya ni Duwayne. Pareho lang naman sila biktima ng mga taong minahal nila. Pareho silang niloko at sinaktan.
Muling naalala ni Hannah sina Froilan at Maricar. Hindi niya alam kung ano ang kinalabasan sa ginawang live video. After two hours, kusang mabubura rin 'yon sa fizbook.
Sigurado siyang pinagkakaguluhan na ang dalawang taksil! Mararanasan din ng mga ito ang nararamdaman niyang pagkapahiya. Ang mag-trending sa social media. Ang masaktan dahil sa mga panlalait ng mga taong wala naman alam sa katotohanan.
Makakain na nga!
Kaya nga siya umalis ng siyudad para ma-clear ang utak niya. Ma-stress lang siya kapag patuloy na iisipin sina Froilan at Maricar. Gusto niyang makalimot. Gusto ri niyang sa pagbalik sa Manila'y ibang Hannah na siya. Matapang, matalino, at higit sa lahat… mas maganda! Natawa siya sa huling naisip. Grabe na talaga ang gutom ko!
SERMON ang inabot nina Froilan at Maricar mula kay Lady Z–film producer. Maging ang direktor na si Mateo Babas ay galit din.
"Ano itong nagawa n'yo, ha?!" Napahampas sa ibabaw ng table si Lady Z. "Hindi na nga matapos-tapos ang pelikulang pinagbibidahan n'yong dalawa, nagbigay pa kayo ng problema! Tingin n'yo, kikita pa ang pelikula? Kayong dalawa ang laman ng balita sa telebisyon, social media, sa kahit saan!"
"Lady Z, susubukan po namin maayos ang gusot na ito," mapagkumbabang wika ng talent manager na si Miss Rebecca.
"Tingin mo ba, Rebecca, gano'n lang kadaling maayos ang problemang pinasok nitong alaga mo?" tukoy ni Lady Z sa tahimik na si Froilan. "Malaking pera ang mawawala sa 'tin kung hindi tangkilikin ng mga manonood ang pelikulang Summer Love!"
"Nasaan ba ngayon si Hannah Lindsey?" singit na tanong ni Direktor Mateo. Nilalaro nito ang hawak na ballpen.
Sabay napalingon sina Froilan at Rebecca sa nagsalita.
"Kailangan makausap natin si Hannah, suyuin kung kinakailangan. Mag-isip tayo ng paraan na malinis ang pangalan nina Froilan at Maricar. Na kay Hannah Lindsey ngayon ang simpatya ng netizens," dugtong pa ng dirwktor. "Bababa ang ratings ng iba pang TV Shows nina Froilan at Maricar."
"Sinubukan kong tawagan si Hannah, out of coverage area po siya. Nakausap ko rin ang make-up artist na si Danica, at maging ito'y walang alam kung nasaan ngayon ang actress. Tinawagan ko na rin ang administrator ng condo unit, hindi pa raw nakabalik sa unit nito si Hannah."
"Read the netizens' comments on the teaser of the upcoming movie Summer Love." Binigay ni Lady Z ang hawak na iPad sa talent manager.
Curious na binasa naman 'yon ni Miss Rebecca. More than one million ang komento.
Hannah Lindsey, should be the female lead in the Summer Love, movie!
We want, Hannah Lindsey!
Palitan ang male actor at female actress sa 'Summer Love' movie!
Because of Maricar, the relationship between Hannah and Froilan is broken!
Ibalik ang love team na Hannah and Froilan.
Walang manonood sa bagong pelikulang ilalabas ng TVC network kung sina Froilan at Maricar pa rin ang magtatambal. Ibalik n'yo na sa kabilang network si Maricar Asuncio! Haliparot! Mang-aagaw!
Ilan lamang ito sa mga nabasa ng talent manager bago inabot ang iPad kay Maricar.
Nagusot ang magandang mukha ng actress nang mabasa ang ilang komento ng netizens. Hindi nagsalitasi Maricar. Ang talent manager nitong si Miss De, apektado rin sa kinasangkutang gusot ng actress.
"It's unfair!" Hindi maitago ang galit sa mukha ni Miss De. "Kung tutuusin, nadamay lang ang alaga ko sa problema ng dalawang talents n'yo. Masisira ang career ng 'alaga' ko kung patuloy siyang kukutyain ng mga tao hinggil sa live video!"