"Paano ba 'yan? Ngayon hindi na talaga tayo puwedeng mangahoy sa kabilang bukid. Pati mga bayabas doon at duhat hindi natin mapipitas?" reklamo ni Annalyn sa sa kanya nang pumunta si Sarrah sa bahay ng kaibigan. Inilalako kasi nila sa plaza ang napipitas na mga bunga ng puno galing sa kabilang lupain. Kahapon ay nakatagpo nila ang gwapong lalaking nakatagpo niya noon doon din sa bukid. Ito na pala ang may-ari ng lupang binabantayan nila Mang Estong. Inanyayahan daw sila na maghapunan sa malaking bahay pero hindi siya sumama kahit anong pilit ni Annalyn. Pati tuloy ito ay hindi na tumuloy kahit pa gustong-gusto nitong kausapin ulit ang lalaki dahil walang trabaho ang Itay nito ngayon.
"Hindi pa naman yata d'yan nakatira 'yung lalaking 'yun eh," katwiran naman niya. "Nakita kong umalis kaninang umaga ung malaking sasakyan."
"Pero kung pumayag ka sana na pumunta tayo sa malaking bahay para sa hapunan e di wala tayong problema ngayon? Pati sana si Itay nagkaroon ng trabaho. Kita mo't problema na naman kung saan i-extra ng trabaho."
"Natakot nga ako. Mukhang manyakis yung lalaking 'yun eh!"
"E anong aasahan mo? Type ka nga siguro noon pa kaya pinagtanong ka. Hindi ka pa nag-aayos ng lagay na 'yan ha! Ang ganda mo, Day! Kung ako sa 'yo lalo akong lalapit sa lalaking 'yun imbes na umiwas."
Ang totoo'y nahiya talaga siya sa lalaki kahapon nang maabutan siya nitong naliligo sa dagat. Paano ba namang hindi? Kung titigan siya nito doon pa sa dibdib niya at sa pagitan ng hita niya. Nakailang lunok pa ito habang sinusuri ang katawan niya. Hindi lang isang beses na siyang natyansingan at pinagtangkaan nang masama ng ilang kalalakihan sa barrio nila kaya't iniiwasan talaga niyang lumalapit sa mga lalaki. Iyon din ang isa pang mabigat na dahilan kung bakit mahina ang loob niyang mamasukan bilang katulong kahit sa bayan lang. Ang tingin kasi ng kalalakihan sa kanya ay pang kama lang dahil wala daw siyang tinapos.
Hindi siya inosente sa ganoong bagay. Sa liit ng kubo nila at ang kwarto ng Inay at Itay niya'y kurtina lang ang tabing, naririnig niya sa gatinggabi ang usapan ng Inay at Itay niya. Tinatakpan na lang niya ang tainga para hindi na marinig pa ang ungol ng Inay niya. Pero ikinaiinis niya iyon lagi kaya mas gusto niyang nangangahoy na lang sa bukid at doon nagpapalipas ng oras. Kahit ang pagligo niya ngayon ay sa dagat na lang dahil minsan ay nahuli niyang binobosohan pa siya ng Itay niya. At matanda na siya para hindi maghinala na may balak ang Itay niya na masama sa kanya. Ang madalas nitong pag-inom ng alak nitong mga nakaraang linggo ay nagdudulot din ng pangamba sa kanya.
Pero kahapon ay nagtataka siya. Sa lahat ng lalaking nakasalamuha niya ay sa lalaking gwapo na 'yun siya hindi naalibadbaran. Dahil ba mukha itong mabango at malinis?
"Hoy! Hindi ka na sumagot d'yan? Ano na ang gagawin natin ngayon?" Tinapik ni Annalyn ang braso niya nang mapalalim ang pag-alala niya sa lalaking 'yun.
"Huwag ka ngang natatakot kay Mang Estong," sagot niya. "Anlaki ng lupa nila para mahuli tayo. Andami nating pwedeng lusutan."
"Pero tiyak na ipapa-Barangay na tayo kapag nahuli. Kanina mo pang kasi sinabi na nagbanta pala sa 'yo na sisingilin lahat ng kinahoy natin. Naku, Sarrah naman talaga!"
"Uuwi na nga ako ulit puro sermon naman napapala ko sa 'yo." Kinuha niya na ang tsinelas sa may hagdan at isinuot. Yayayain pa naman sana niya itong kumuha ulit ng duhat at bayabas. Wala din kasing papasukan ang Itay nya ngayon dahil tapos na ang paggapas ng mga palay. Wala na naman ginawa ang Itay at Inay niya kung hindi maglampungan.
Pero iba ang pinag-uusapan ng mga ito nang bumalik siya sa bahay nila. Akala siguro ng mga ito ay hindi pa siya babalik.
"Paaalisin ko na dito si Sarrah para mamasukan sa Maynila. Malaking tulong sa pag-aaral nila Aljon kapag may trabaho na siya," wika ng Inay niya.
"Bakit hindi ikaw ang magtrabaho at siya dito sa bahay? Baka kung mapaano sa Maynila 'yang anak mo."
"Si Karla naman ang magiging amo niya eh."
"Akala ko ba'y hindi kayo magkasundo ng Belen na 'yun? Ikaw na ang nagsabi na ipinahiya ka niya sa buong angkan niyo dahil nagpabuntis ka sa kalaguyo niya. Kung makaasta naman kasi akala mo hindi rin kabit."
Bumilis ang t***k ng dibdib niya sa narinig. Nagpabuntis ang Inay niya sa ibang lalaki?
"Huwag mo na ngang banggitin 'yan. Walang naman si Belen sa bahay ng ni Karla. At saka matagal nang nangyari 'yun. Hindi nga 'ko naghabol sa pera ni Fred kahit na dapat ay napaaral pa niya ang anak niya sa kolehiyo. Nag-uusap na kami ni Belen ngayon at siya nga ang nagsabi na kunin na lang katulong ni Karla si Sarrah."
"Kung kalaguyo pa ni Belen ang Fred na 'yun hanggang ngayon, malamang na magkita pa ang mag-ama, Selma. Hindi ka ba natatakot na makilala ni Fred ang anak niya sa 'yo?"
"Bakit naman ako matatakot? Itinanggi niya na noon pa si Sarrah kaya hindi na 'yan magkakainteres kahit pa malaman niya. Payagan mo na si Sarrah nang matulungan tayo sa pag-aaral ng dalawang anak mo."
"Hindi ako pabor na magpunta sa Maynila 'yang anak mo kay Fred. Dapat kasi hiningan mo ng pera noon nang mabili 'yung lupain niya. Dapat nga ipinamana niya na lang yang lupang 'yan sa anak niyo eh. Kaso mautak 'yang Tiya Belen mo, siya lahat ang nakinabang."
"Ipinagpasa-Diyos ko na lang ang lahat," sagot naman ng Inay niya. "Mabuti nga hindi nagpilit si Sarrah na mag-aral ng kolehiyo."
Gusto niyang sumabat sa usapan ng dalawa. Kaya lang naman siya hindi nagpilit na mag-aral sa kolehiyo ay dahil alam niya ang kalagayan nila. Kahit umiyak siya ng dugo ay hindi naman sila magkakapera. Pero kung may pagkakataon sana ay gusto niyang maging isang nurse.
Hindi niya namalayan na tumutulo na pala ang luha niya. Anak pala siya sa iba ng Inay niya. Ni wala siyang ideya kahit kaunti. At kung hindi siya nagkakamali ay ang matandang pinsan nila Mang Estong ang tinutukoy nitong Fred.
Iilang beses pa lang niya nakita ang matandang iyon. Ang alam niya'y pag-aari nila Mang Estong ang lupain sa kabila dahil ito lang naman ang nakatira sa malaking bahay. Lumaki siyang ang mag-asawa ang laging sumisita sa kanila kapag nangangahoy siya. Kung totoong ama niya si Fred ay totoo rin ang sinabi ng Inay niya na itinakwil nga talaga siya bilang isang anak. Dahil ni minsan ay hindi naman niya naalalang nilapitan man lang siya ng matandang 'yun sa iilang beses nilang pagtatagpo sa baryo. Ni hindi nga siya nito sinusulyapanan man lang.
Matagal na ring hindi sumulpot sa baryo nila ang matanda. Ibig sabihin ay totoo nga na ang lalaking iyon kahapon ang may-ari ng lupain. Kung si Fred Graciano ang may-ari ng lupa noon, dapat ay mayaman din siya kung hindi lang siya itinakwil. Nakaramdam tuloy siya ng galit sa Fred na 'yun pati na rin tampo sa Inay niya. Ni hindi man lang nito ipinilit ang karapatan niya e di sana'y nakapag-aral siya sa kolehiyo.
At ngayon ay naaawa siya sa sarili niya. Papasok siya bilang katulong sa kamag-anak nilang mayaman na kasing matapobre ng Fred na 'yun.
Lumakad siya palayo sa bahay nila dahil ayaw niyang makita ng Inay at Itay niya ang pag-iyak niya. Wala siyang direksyon kung saan siya patungo. Nang makahanap ng malaking puno na masisilungan ay umupo siya sa damuhan. Muli niyang tinanaw ang malalawak na lupain na ang natatanaw lang niyang bahay ay ang kubo nila at ang malaking bahay naman na tirahan nila Mang Estong. Ito na ang pamumuhay na nakamulatan niya. Hindi pa nga siya handang iwanan ang bahay nila kung hindi lang kailangan niya na rin talagang magtrabaho dahil tumatanda na siya. Kailangan niya nang makatulong sa pamilya kahit sa maliit na bagay lang.
"O e bakit nagmumukmok ka riyan?" Napalingon siya nang marinig ang boses ni Annalyn. Katulad niya ay hindi rin ito nagtatrabaho dahil mas maliliit pa ang mga kapatid nito kumpara kina Aljon. At may tiyahin itong sumusustento sa pag-aaral ng mga kapatid. Sila ay wala.
"Wala naman... Ninanamnam ko lang ang damo kasi baka wala nito sa Maynila."
"Bakit ngayon desidido ka nang umalis?"
"Wala naman akong magagawa kasi itinataboy na 'ko ni Inay. Tuition fee na naman nila Aljon sa susunod na buwan maghahagilap na naman sila kung saan-saan makakautang."
Tinapik ni Annalyn ang balikat niya saka ngumiti.
"Huwag ka nang malungkot. Maghahanap din ako ng trabaho sa Maynila para malapit pa rin tayo sa isa't isa."
"Talaga?" Nabuhayan naman siya ng loob dahil dadamayan siya ni Annalyn sa Maynila.
"Oo. Magpapahanap din ako ng trabaho sa tito ko. Nagtatrabaho 'yun sa construction eh."
"Sinabi mo 'yan ha? Kapag dayoff ko lalabas tayo para magkwentuhan. Mami-miss ko 'yang kadaldalan mo eh."
"At mamamasyal tayo sa mall. Ang sabi ng mga pinsan ko maganda daw sa Maynila. At marami daw gwapo doon at mapuputi. Doon talaga ako maghahanap ng mapapangasawa."
"Yan na naman ang iniisip mo," natatawa niyang wika sa kaibigan. Nawala na ang lungkot niya kanina kahit hindi niya sinasabi sa kaibigan ang pagkatuklas niya sa totoo niyang pagkatao. Ibabaon na lang din niya sa limot ang katotohanang iyon katulad ng pagtalikod ng Fred na 'yun sa kanya. May kinamulatan naman siyang ama kahit paano.
At kapag umalis siya sa Aurora ay babaguhin niya ang buhay niya. Mamamasukan siya bilang katulong pero hindi panghabangbuhay. Kapag nakaipon siya ay babaguhin niya ang takbo ng kapalaran niya.
Bigla namang sumagi sa isip niya ang gwapong may-ari na ngayon ng lupaing kinukuhanan nila ng pangahoy. Hindi niya alam kung sa Maynila ito nakatira o kung may asawa na ba ito o wala pa. Pero kung mag-aasawa siya ay gusto niya ng ganoong lalaki. Parang artista sa napapanood niya sa TV nila Annalyn.
Nagkaroon tuloy siya ng panghihinayang na hindi siya sumama sa paanyaya nito na sumama siya sa paglilibot sa lupain nito. Paano naman kasi kung titigan siya ay kailangang sa dibdib pa niya talaga? Minsan pa nga ay sa pagitan ng hita niya. Siguradong hinubaran na siya nito ng tingin dahil naka-panty lang siya kahapon nang umahon.
Nakakahiya talaga!