Masama ang sumpong ni Sabrina habang kasama ang mga customer na bago roon sa bahay-aliwan. Kanina nga ay hindi siya nakasayaw nang maayos dahil naiisip pa rin niya ang binatang magkasunod na gabi nang dumadalaw sa bar.
Tatlong beses pa lang na nakikita si Pablo ay iba na ang epekto nito sa kanya. Mas natuwa siya rito dahil dalawang gabi na itong bumabalik at tine-table siya. Kumakain at nagkukuwentuhan lang sila hanggang sa magmadaling-araw na.
Iyon nga lang ay kaunti ang naibibigay niyang kita sa may-ari ng bar na tinatawag nilang Mama Sweetie dahil walang extra services na nire-request ang binata. Paniguradong kagagalitan siya ng amo pero isinawalang-bahala na lang niya iyon sapagkat gusto talaga niyang kasama ito at kahit paano naman ay makapagpapahinga ang katawan niya sa mga lalaking halos araw-araw siyang gingamit. Kapag kausap ang binata ay gumagaan din ang pakiramdam niya na para bang wala siyang mga suliranin sa buhay.
Sa ika-apat gabi ay umasa siya na babalikan siya ng paboritong customer, subalit nadismaya siya nang mag-aalas otso na ay wala pa ring bakas nito. Dahil doon ay na-i-table pa siya ni Judas, ang nababalitang pinakamayaman na sabungero at dr*glord sa lugar.
"Mali naman kasi na mamihasa ako sa presensiya ni Pablo!" pagdadahilan niya upang makumbinsi ang sarili na hindi siya karapat-dapat na pansinin nga ng tinyente. "Pero masisisi ba ako kung katutuwaan ko siya? Napaka-gentleman naman kasi, eh! Dagdag pa na sobrang guwapo!"
"Matamlay ka yata," pagpuna ng katabing lalaki.
"Hindi naman po," pagtanggi niya kahit na naaalibadbaran na siya sa matandang babaero at bastos pa rin.
"Aba, dapat lang kasi trabaho mo na aliwin kami! Kung hindi mo aayusin ang serbisyo, isusumbong ka namin sa amo mong si Sweetie!"
"Sorry na po; medyo napagod lang kasi ako." Ipinagsalin niya ng alak si Judas pero ganoon pa man ay binatukan pa rin siya nito.
"Umayos ka! Kanina mo pa ako hindi pinapansin!"
"Pasensiya na po talaga!" aligagang tugon niya kasabay nang paghaplos-haplos sa buhok nito. "Huwag naman masyadong mainit ang ulo. Ikaw rin, dadami ang wrinkles mo. Sayang, ang pogi mo pa naman!"
"Talagang pogi naman ako! Kaya masuwerte ka at ako ang naging customer mo!"
Halos masuka si Sabrina sa narinig mula kay Judas dahil hindi na nga ito biniyayaan ng magandang itsura, napakasalbahe pa.
"Kadiring matanda ito!" umiikot ang mga matang naisip na lang niya. "Halatang makunat na nga, akala pa niya ay pogi siya!"
Ilang sandali lang ay dumaan si Divina. Hindi nakalagpas sa paningin ni Judas ang simpleng kagandahan ng waitress kaya napasipol ito.
"Ngayon ko lang nakita 'yan, a! Maganda! Katrabaho mo ba siya rito?"
"Oo, pero serbidora lang siya rito," pagpapaliwanag niya kaagad upang hindi na makursunadahan pa ang kasamahan. Kahit ilang araw pa lang silang magkaibigan ay ayaw niya itong mapahamak. Mabait pa naman ito sa kanya kaya ayaw niya sanang matulad ito sa kapalaran niya.
"Sabihin mo na umupo siya rito."
"P-Pero hindi puwede kasi pamangkin siya ni Mama Sweetie!"
"E gusto ko siya!" pagmamatigas ng matandang hindi sanay na matanggihan. "Ako na ang bahala sa amo niyo basta gusto ko siyang ma-i-table at maiuwi!"
"Balak mo pang iuwi? Huwag po kasi ang bata pa niya!'
"Walang bata-bata sa akin!" Pilit siyang pinatayo ng customer at pinagtulakan upang sunduin si Divina. "Bilisan mo kasi gusto ko naman makatikim ng sariwa! Hindi katulad mo na lasp*g na!"
Tuliro at hindi na alam ni Sabrina ang gagawin upang maprotektahan pa ang kaibigan. Subalit, nagliwanag ang mga mata niya nang matanaw na papalapit sa bar ang pinakahihintay na lalaki.
"Si Pablo, my knight in shining armor!" may malawak na ngiting hiyaw ng kanyang isipan. "Siya ang solusyon sa problema ko ngayon!"
"Sige," pagpayag naman niya pero may plano na pala siyang naiisip. "Sandali lang, ha."
Nang makaalis na sa piling nina Judas ay dali-dali siyang lumusot sa exit upang masalubong si Pablo.
Papasok pa lang ang pakay ay hinatak na niya ito patungo sa madilim na sulok upang makausap
"Hulog ka talaga ng langit sa akin!" Niyakap pa niya ang tinyenteng takang-taka sa sinasabi at kinikilos niya.
"Ang bango!" naisip pa niya habang sinisinghot ang kinatutuwaang lalaki. "At ang tigas...ang tigas ng muscles! Kapag ito ang naging customer ko, susulitin ko talaga kahit walang bayad! Amoy pa lang, masarap na!"
"Sabrina, masyado mo naman akong na-miss," pagbibiro na ni Pablo nang mapansin na kulang na lang ay singhutin na niya nang buong-buo ang t-shirt nito.
"Ikaw ba na-miss mo rin ako?" pagbabalik niya ng tanong.
"Siyempre naman."
"Bumalik ka ba para sa akin?" namimilog ang mga matang pag-uusisa niya.
"Ah," nag-aalinlangang sinambit naman nito. "O-Oo naman! Maiba pala ako. Nariyan ba si Divina?"
Nadismaya si Sabrina nang mapagtantong hindi pala talaga siya ang binalikan ng hinihintay. Ramdam naman niya na si Divina ang talagang gusto nitong makasama at kaibigan nga lang ang tingin nito sa kanya.
"Kainis naman; umasa pa ako!" walang imik na pagrereklamo na lang niya. "Akala ko, siya na ang pag-asa ko upang makaalis sa bar!"
Nalungkot at nadismaya man ay nagdesisyon siyang ituloy na ang paghingi ng pabor alang-alang sa kaligtisan ng kaibigan.
"May ipapakiusap sana ako, tinyente..."
"Ano 'yun?"
"Maaari mo bang i-table si Divina? May mga nagkakagusto kasi sa kanya na many*k. Nababahala ako na baka hipuan o bastusin na naman siya."
"Puwedeng-puwede!" mabilis naman na pagpayag ng kausap. "Tamang-tama kasi gusto ko siyang makakuwentuhan. Ikaw ba, puwede ba kitang isama?"
"Hindi puwede, eh!" may panghihinayang na sinabi niya. "Na-i-table na kasi ako ni Judas..."
"Baka naman puwedeng bawiin kita," pag-alok ni Pablo dahil nag-alala rin siya para kay Sabrina. "Ang sabi mo ay bastos 'yun kaya baka anong gawin sa iyo. Halika, sa akin ka muna maki-table!"
"Hindi na, kaya ko na 'yun!" Pilit siyang ngumiti at hinawakan ang palad ni Pablo at pinisil-pisil iyon "Don't worry; sanay na ako sa mga ganoong klase ng lalaki. Basta, promise mo na hindi mo ibibigay si Divina kay Judas, ha! Kung maari, kahit sana magpanggap ka na boyfriend niya para lang iwanan na siya."
"Sige, ako na ang bahala," pangako naman ng binata. "Basta mag-iingat ka sa customer mo na 'yun."
"Thank you talaga, Mr. Pogi!" kinikilig na pahayag niya dahil first time niyang makarinig mula sa lalaki ng mga salitang may tunay na malasakit sa kanya.
"Walang problema."
Naisip ni Pablo na sa wakas ay makakausap na niya ang mailap na dalagang halatang umiiwas sa kanya. Pagkakataon na rin ito upang mag-imbestiga kung may kaugnayan o may alam nga ba si Divina sa 'di matahimik na kaluluwang nasa bar.
"Sige, tatawagin ko lang siya, ha! Maghintay ka roon sa dulong table at papupuntahin ko siya sa iyo kaagad," pagbibilin na ni Sabrina. "Magkunwari muna kayong magkasintahan para makumbinsi si Judas na 'di na puwedeng i-table si Divina."
Sumunod naman siya sa panuto habang mabilisan na pumasok sa may kusina si Sabrina. Hinintay nitong pumasok si Divina upang bigyan ng babala at bigyan ng instruksiyon kung paano magpapanggap kasama si Pablo.
"Natipuhan ka ni Judas, 'yun bwis*t na matanda," pagbabalita niya, "kaya kailangan mong makinig sa akin..."
"Ha? Sinabi mo ba na waitress lang ako rito?"
"Oo, kaya lang ayaw kang pakawalan!"
"Naku, anong gagawin ko?" aligagang bulalas ni Divina. "Balita ko ay nangingidnap pa ng magagandang babae 'yan! Sobrang many*k ng matandang 'yan!"
"Kaya nga!" pagsang-ayon naman ni Sabrina. "Pero ginawan ko na ng paraan para tigilan ka ni Judas! Naalala mo pa ba 'yun mabait na tinyenteng tumulong sa iyo dati?"
"Oo naman. Si Pablo!"
"Nariyan siya. Kinausap ko na i-table ka muna!"
"Hala!" Napasinghap tuloy si Divina at napahawak sa mga pisngi dahil naisip niya na baka madawit pa sa gulo ang binata. "Paalisin mo na siya!"
"Hindi puwede! Mas delikado kung hindi mo siya makakasama!"
Pinagtulakan na niya si Divina upang magtungo nga kay Pablo.
"Dali! Magpaka-sweet kayo para mas madali ko silang makumbinsing magkasintahan kayo!"
"Kasintahan?" impit na bulalas ng dalaga na wala pang nagiging nobyo. "P-Pero...s-sandali! Anong gagawin ko?"
"Magpanggap kayo na magnobyo! Maghalikan at magyakapan kayo para mas convincing!"
"Ha? Paano? Hindi! Hindi ko kaya ang pinapagawa mo!"
"Bilisan mo! Huwag kang tang*! Bawal pairalin ang kat*ngahan at hiya-hiya sa ganitong pagkakataon!" paggagalit-galitan na niya upang pumayag na si Divina sa plano.
Dahil ayaw rin naman niyang mapunta sa bastos na matanda ay sumunod na siya sa suhestiyon ni Sabrina. Nangingiming lumapit siya sa binata. Tila ba nangislap pa ang may katalasang mga mata nito nang makita siya kaya hindi niya alam kung mahihiya ba o matatakot.
"Pogi naman siya," naisip ni Divina habang pinagmamasdan ang kabuuan ng bisita. "Pero kung makatingin sa akin, parang nakikita at nahuhusgahan na ang kaluluwa ko! May kakaiba sa lalaking ito na 'di ko mawari kung ano!"
"Magandang gabi," pagbati ni Pablo. "Halika, maupo ka muna."
"Good evening din." Tumabi siya sa binata at sinadyang lumugar patalikod upang hindi sila makita ni Judas.
"Kumusta ka na?" may pag-aalalang tinanong naman niya.
"Okay lang."
Panandaliang inobserba niya ang dalaga na may mapupungay na mata at makinis na balat. Kapansin-pansin nga ito kaya 'di malayong matipuhan ng mga lalaking nagpupunta sa bar.
"Matanong ko lang, neh?" pakikiusyoso na niya sapagkat nagdududa siya kung bakit parang masyadong bata pa na naipasok sa bar si Divina. "Ilang taon ka na nga ba?"
"Seventeen..."
"Seventeen?" 'di makapaniwalang pag-uulit niya. "Sabi na nga ba at napakabata mo pa para magtrabaho rito!"
"Mag-e-eighteen na naman ako bukas. 'Yun iba nga, thirteen lang, bayaran na rito. Mismong mga magulang pa nila ang nagpatrabaho sa kanila rito. Wala naman kaming magawa kasi hawak kaming lahat ni tiya at may kaugnayan siya sa mga sindikat0. Masuwerte naman ako kahit paano kasi 'di niya ako binebenta sa mga lalaki rito..."
"Magbe-birthday ka na pala bukas. Gusto mo bang ilabas kita para maka-celebrate ka naman?"
"Hindi na!" mabilis na pagtanggi naman ni Divina. "Istrikto si Tita Sweetie at walang birthday-birthday sa kanya! 'Yun isa nga, binenta pa niya sa isang pulitiko noong mismong sixteenth birthday pa! Basta, huwag mo na lang kaming iintindihin dito para 'di ka madawit sa magulo naming buhay!"
Napabuntong-hininga si Pablo dahil tama nga ang hinala niya na ang karamihan ng mga babaeng naroon ay hindi talaga masama at biktima lang ng kahirapan at salbaheng mga tao.
"Dapat nga ay nag-aaral pa kayo at wala rito sa bar..."
Naging malamlam ang mga mata ni Divina dahil tama nga si Pablo. Nais nga niyang mag-aral subalit ipinagkait naman ng tiyahin ang edukasyon. Hanggang Grade Six lang ang natapos niya at sa murang edad ay ginawa na siyang kasambahay ng kinalakihang kamag-anak. Nang tumuntong siya ng edad na seventeen ay pinatrabaho na siya nito bilang waitress sa bar.
"Pasensiya na," paghingi ng dispensa ni Pablo nang mapansin na naging malungkot siya. "Concerned lang naman ako sa iyo. Kung gusto mo, tutulungan kitang mamasukan na waitress o kaya kusinera doon sa canteen na kinakainan ko sa harapan ng kampo. Ang alam ko kasi ay may job vacancy ngayon..."
Biglang namag-asa si Divina sa alok ni Pablo. Nais naman niyang makaalis na sa puder ng tiyahin pero hindi lang niya alam kung paano. Palagi kasi nitong pinamumukha sa kanya na utang na loob niya ang pagpapalaki nito simula nang masawi ang tunay na ina. Paulit-ulit na tinatakot pa siya nito na kapag nahuli siyang tumatakas ay ibebenta na nga siya nito sa mga customer na nasa bar.
Nais na niyang makaalis sa lugar subalit nanaig pa rin ang takot. Siya mismo ay saksi sa kalupitan ng tita niya na kilala sa bar bilang si Mama Sweetie. Minsan ay nasaksihan niya ang malupit na pagpaparusa nito sa mga dalagitang nahuli nitong tumatakas. Pinabugbog niya ito sa mga tauhan at walang awang pina-r*pe pa. Natakot siya na baka matulad siya sa kapalaran ng mga teenager na magpasahanggang ngayon ay pinagpapasa-pasahan pa rin sa mga bahay-aliwan.
"Isa pang option: kunwari ay ilalabas kita ngayon," suhestiyon ni Pablo upang maitakas na siya. Nababahala kasi siya na sa sama ng ugali ng may-ari ng bar ay 'di malayong pati si Divina ay ibenta rin nito. "Pagkatapos, sasabihin ko lang na tinakbuhan mo ako, pero ang totoo'y itatago muna--"
Naantala ang pag-uusap nila nang may marinig na kumalabog at nabasag. Sinagi pala ni Judas ang mga bote ng beer sa mesa dahil dismayado ito sa sinabi ni Sabrina na may nobyo na si Divina at dumalaw pa.
Tumayo ito at akmang susugod kina Pablo pero hinatak naman siya ni Sabrina
"Bossing, huwag mo na silang istorbohin! 'Di ba maganda naman ako? Ako na lang ang mag-aaliw sa iyo sa buong gabi!"
Tinulak siya ng matandang lalaki palayo dahil nakatuon lang ang pansin nito sa dalawa.
Nang mapansin na manunugod na nga ang salbaheng lalaki ay biglang lumapit at umakbay na si Pablo kay Divina. Napanganga naman sa gulat ang dalaga nang maramdaman na magkadikit na ang kanilang katawan.
"Sweetheart," pagtawag pa nito kasabay nang pagkindat. "Naalala mo pa ba 'yun unang beses na nagkita tayo sa ilalim ng punong mangga?"
Napasinghap lang siya at nangapa sa isasagot sapagkat hindi niya alam ang sasabihin.
"Hindi ba, doon tayo unang nag-kiss?" Sinadyang lakasan pa ni Pablo ang boses upang paringgan at inisin ang naghuhurimintadong lalaki.
"Ah!" tila ba may liwanag nang pumasok sa litong-lito na isipan ni Divina. "Oo! Tandang-tanda ko pati na rin 'yun roses na binigay mo!"
"Talaga?" pa-sweet na tugon naman ng binata. "Hindi ba nangako ka rin na ako ang forever love mo?"
"Hoy, pangit!" pagturan na sa kanya ni Judas. "Halatang nagkukunwari lang kayong dalawa! Sa tanda kong ito, huwag niyo akong lolokohin!"
"Ano po 'yun, lolo?" pagpapanggap ni Pablo na wala siyang alam sa binibintang nito. "Paano mo naman nasabing hindi tunay ang relasyon namin? Kitang-kita mo naman na meant to be kami! Maganda siya--ehem--at pogi rin naman ako! Kaya bagay na bagay po kami!"
"Huwag mo akong matawag-tawag na lolo!" pikon na pikon na sinabi nito. "Hindi pa ako ganoon katanda at hindi rin kita kaano-ano!"
"Ano po ba kasi ang problema? Nagde-date kami ng mahal kong si Divina, pagkatapos e umeeksena ka! Huwag naman pong ganyan!"
"Ibigay mo sa akin si Divina!" inutos nito na tila ba gamit lang ang dalaga na napakadaling hingin.
"E nobya ko nga po siya!" pagmamatigas naman ni Pablo. "Ang kulit mo naman po! Maghanap ka ng sa iyo para hindi ka mainggit sa sweetness namin!"
"Hindi ako kumbinsido! Naobserba ko kayo kanina pa. Kanina ay kaswal lang kayong nag-uusap, pagkatapos, bigla kayong maglalambingan? Mga sinungaling!"
Kinabahan na si Divina sa pag-aakalang madidiskubre na ang pagkukunwari nila. Natatakot na siya sa matandang lalaki na batid niyang walang puso kaya kahit wala pa siyang karanasan na magkaroon ng nobyo, nagpasya siya na lubusin na ang pagpapanggap.
Walang pagdadalawang-isip pa na kumandong siya kay Pablo. Mahigpit niyang hinawakan ang magkabilaang mga pisngi ng binata na halatang nagulat din sa mapangahas niyang akto.
"Honeybunch, huwag naman PDA*," pag-awat sana nito dahil kinakabahan na rin ito sa maaaring mangyari. "Alam mo naman na mahiyain ako--"
(Public Display of Affection)
Hindi na nakapalag pa si Pablo nang bigla siyang hinagkan sa labi ni Divina.
"Taksyap*!" tahimik na napamura tuloy siya. "Palagi na lang akong nananakawan ng halik! Ang bangis ko sa mga kriminal at lamanglupa pero kapag magagandang mga babae na ang kaharap ko, ang bilis-bilis lang akong natatame at nagiging t@nga!"
Dahan-dahang lumayo si Divina. Namumula ang mga pisnging tinitigan siya nito sa mga mata na tila ba nagtatanong kung hindi ba nakabastos ang ginawa niya. Hindi niya alam ang sasabihin sa lalaking naging unang halik niya.
Ngumiti naman ang binata sa kanya bilang pahiwatig na nauuunawaan nito ang nangyari at wala dapat siyang ipangamba. Sa panandaliang paglapat ng mga labi nila ay nadama niya na nasa tamang tao siya at hindi sasamantalahin ang pagkainosente niya.
"Bihira po kaming magpakita ng sweetness in public," pagpapaliwanag na ni Pablo kay Judas. "Pero dahil mahal namin ang isa't isa ay nilantad na namin dito ang nararamdaman namin sa bawat magkikita kami. Siguro naman ay kumbinsido ka na at iiwanan na kami ng mahal kong si Divina."
Pabulong-bulong na tumalikod na si Judas. Inaya na niya ang mga boduguard na lisanin na ang bar. Hindi niya matanggap na sa pagkakataong ito ay hindi niya nakuha ang babaeng nakursunadahan.
"Hindi pa tayo tapos!" masama ang loob na pagpaplano na niya. "Pagbabayarin kitang lint*k ka! Ang sa akin ay sa akin!"
Nang masigurong nakaalis na sina Judas ay tumayo na si Divina sa kandungan ni Pablo. Dahil sa nerbiyos, hiya, at pagkabigla ay napainom na lang siya ng maraming tubig.
"Okay ka lang ba?" pangungumusta na ng tinyente.
"Oo...ano...siguro...ewan!"
Pinigil na lang niya ang sarili na matawa dahil mas lito at gulat si Divina samantalang ito ang humalik sa kanya.
"Ang sweet mo," aniya habang tinatapik ang balikat ng kasama. "Pero sa susunod na iki-kiss mo ako, magsabi ka naman, neh? Alam mo ba na kanina e sa sobrang gulat ko, muntik na kitang naihagis sa malayo?"
"Che!" nayayamot na sinaway naman siya ni Divina. "Walang malisya 'yun kiss ko, okay? Kailangan ko lang gawin iyon kasi ayaw kong makuha ako ni Judas!"
"Okay, walang malisya!" Inangat ni Pablo ang dalawang palad sa ere bilang akto ng pagsuko.
Umirap ang dalaga pero sa kaloob-looban ay unti-unti na rin siyang kinikilig.
"Kaya pala crush na crush siya ng mga babae rito! Kakaiba nga ang karisma niya at ramdam ko nga 'yun noong hinagkan ko siya! Ang sarap! Parang nakahalik ako sa anghel!"
Dahil sa hiya na mapansin pa lalo ang pagba-blush at pagiging aligaga niya ay nagpaalam na siya na maghahanda ng pagkain sa kusina.
"Maiwan na muna kita..."
Nakangiting tumango naman si Pablo sapagkat batid niya na naaalangan na nga si Divina sa presensiya niya.
Nang makaalis na ang dalaga ay dali-daling umupo naman si Sabrina sa tabi ni Pablo. Kumapit siya sa braso nito at isinandal pa ang ulo sa balikat nito upang magpapansin. Inggit na inggit kasi siya na nahalikan siya ni Divina pero siya ay hindi pa samantalang siya naman ang unang nakakilala rito.
"Wala na 'yun lokong si Judas, gusto mo bang sabayan akong kumain dito?" alok sa kanya ng binata na kaagad din naman niyang tinanggap.
"Oo naman!"
Lumipas ang mga oras at maligayang nagkuwentuhan lang sila ng favorite customer niya. Dahil sa napasarap ang usapan nila ay hindi nila namalayan na mag-a-alas dose na pala ng madaling-araw.
"Sa ibang gabi ulit, dadalaw ako," pagpapaalam na ni Pablo habang hinahatid siya sa may pintuan ni Sabrina.
"Hihintayin kita, ha!"
Ngumiti naman siya habang pinagmamasdan ang kapuspalad na dalagang alam niyang likas na mabuti pero biktima lang ng pagkakataon. Hindi niya maiwasang mag-alala na baka habang wala siya ay abususin at saktan na naman ng ibang mga lalaki ang bagong kaibigan.
Dahil sa mataimtim na titig niya ay inakala ni Sabrina na may pagtingin na siya rito.
"Hint of romance ba ito?" sabik na naisip pa ng dalaga.
Dahil sa type na type nga niya si Pablo ay walang pagdadalawang-isip na ngumuso siya at pinikit ang mga mata. Lumapit pa siya at nag-tiptoe upang pilit na maabot ang mukha ng kinagigiliwan. Umasa siya na siya rin ay mahahalikan katulad ni Divina.
"I-kiss mo na ako!" walang imik na paghiling niya. "Dali! Hagkan mo na ako, my prince charming!"
Napakurap-kurap si Pablo habang tinitignan ang mapupulang labi na nakatutok sa kanya.
"Ano kayang gusto ni Sabrina na mangyari?" pilit pa niyang inanalisa. "Baka ayain pa ako nito for extra services! Delikado! Makaalis na nga!"
Dahil sa inaantok at pagod na rin ay nais na lang niyang makauwi. Tinapik-tapik na lang niya sa mga balikat ang kaibigan at lumabas na ng pinto.
"Good night--este, good morning na pala! Mag-iingat ka, neh?" sinambit niya bago lumisan ng bar.
Dismayadong napakamot na lang ng ulo si Sabrina dahil hindi man lang siya pinagbigyan ng binata. Ganoon pa man ay hindi niya magawang magtampo kaya hinatid pa niya ito ng tingin. Nagpalipat-lipat pa siya ng bintana upang masulyapan pa rin ang papalayong lalaki na unti-unting nagpapatibok sa kanyang puso.
"Hoy, huwag mo masyadong seryosohin!' pagpapaalala sa kanya ng nakatatandang babae na bayaran din. "Bawal sa atin ang mapamahal sa customers!"
Nasabihan man ay isinawalang-bahala niya iyon. Para sa kanya ay si Pablo na ang pahiwatig na nalalapit na siyang makaalis sa lugar at makapagsisimula na ulit ng panibagong buhay.
"Diyos ko," pananalangin niya sa Tagalikha na matagal na rin niyang tinalikuran. Sa dami ng mga pagsubok na pinagdaanan niya ay aminadong nagalit na siya sa Panginoon at nagduda pa kung tunay nga ba. Subalit, nang makilala ang kakatwa at misteryosong customer, namag-asa siya na sa pagkakataong ito ay baka maawa na ang Diyos sa kanya at pakikinggan na ang dasal niya.
"Ipagkaloob Mo po na mailigtas sana ako ni Pablo rito at mahalin. Kapag pinahintulutan Mo iyon ay habambuhay Kitang pasasalamatan..."
-ITUTULOY-