Chapter 1: Bahay-aliwan (Part 4)

2085 Words
Hindi maganda ang pakiramdam ni Pablo. Kinagabihan lamang ay napasabak sila sa engkuwentro laban sa mga rebeldeng nanggugulo at nag-a-abduct pa ng mga tao sa isang liblib na barrio. Sa katunayan ay tumulong lang sila sa panawagan ng isang unit dahil outnumbered ang nga ito at may kalakasan ang mga kalaban. Nagkataon na sila ang pinakamalapit sa lugar kaya sila ang rumesponde. Nasugpo man ang mga rebelde ay tatlo naman sa mga kasamahan ang malubang nasugatan. Siya rin ay may tama ng shrapnel ng bomba sa may tagiliran, pero imbis na manatili sa ospital ay nagpumilit pa rin siyang umuwi. Pagkalinis ng sugat ay pinagpilitan pa rin niyang makaalis. Pinapirma na lang siya ng dokumento na nagsasabing walang kinalaman na ang doktor at ospital kung magkakomplikasyon man ang pinsala niya dahil sa treatment refusal niya. Makirot at sariwa pa man ang sugat ay pumirma naman siya kaagad na labis na ikinagulat ng mga kasamahang kitang-kita na napuruhan din siya. "Tinyente, dito ka muna!" pagpupumilit ng kaibigang sarhento na si Gardo Balagtas. Hinabol pa siya nito sa parking lot kung saan naroon ang segunda manong kotse niya. "Hindi na. Mas manghihina ako kapag narito ako sa ospital. Pakisabi na lang kay Captain Montero na magli-leave muna ako ng isang linggo, neh? 'Yun kasi ang bilin ng doktor sa akin." "May kamag-anak ka ba na maaring tulungan ka? May magbabantay ba sa iyo pagkauwi mo?" Umiling siya sapagkat ulilang lubos na siya at wala na rin kinikilalang mga kamag-anak. "Ihahatid na lang kita sa bahay," pag-alok naman nito ng tulong. "Akin na ang susi ng sasakyan mo." "Huwag na; ayaw ko nang makaabala." "Tinyente, akin na 'yang susi, " pagpupumilit naman nito. "Ako muna ang magmamaneho! Baka kagalitan pa ako ng kapitan kapag nalaman niyang pinabayaan ka namin!" "Sige na nga," pagpayag na niya habang inaabot ang susi. Sumakay na siya sa passenger's seat. "Salamat." Habang nasa daan ay tinignan ni Gardo ang kaibigan na halos kasabayan niyang pumasok sa pagkasundalo. Nakasundo niya ito kaagad dahil hindi ito mayabang at mas madaling kausap kumpara sa ibang officers. Mas matanda siya rito ng dalawang taon pero kapag kausap naman niya ay halos kaedaran lang o mas mature pa. "Tinyente, bakit kasi hindi ka pa maghanap ng nobya para may mag-aalaga naman sa iyo?" paninimula na nitong magtanong. "Katulad niyan, sino ang maglilinis ng sugat mo? Sino ang titingin sa iyo kung maayos na ba ang pakiramdam mo?" "Baka mapaikli lalo ang buhay ko kapag nagkanobya ako na kasingselosa ng sa iyo," patawa-tawang pagdadahilan naman niya. "At sanay naman akong mag-isa." "Doon ka na kasi sa ospital muna. Doon e matitignan ka ng nurses." "Mas hindi ako mapapakali roon kasi lapit nang lapit 'yun dalawang nurse sa akin." pagkukuwento niya upang huwag na siyang pilitin pa na manatili sa pagamutan. Nauunawaan niya na nagmamalasakit lang ang kaibigan pero may mga bagay kasi na alam niyang hindi rin nito mauunawaan. "Kung makahaplos kanina sa katawan ko, parang may gigil! Baka bukas, hindi na sugat ang maging problema ko kundi babae!" "Malaking problema nga 'yan," tumatawang pagsang-ayon ni Gardo. "Tama ka, umuwi ka na lang nga! Hahaha!" Napangiwi si Pablo nang kumirot muli ang sugat. Ganoon pa man ay pinilit niyang ngumiti upang ipakitang maayos ang kalagayan niya. Kung tutuusin ay nararapat na nagpapagamot pa siya pero umiiwas kasi siya na may mapansin na naman ang mga kasamahan sa kanya na kakaiba. Maliban sa pagkakaroon ng third eye ay mas malakas siya sa karaniwang tao at mas mabilis maghilom ang mga pinsala. May lakas siya na pinangingilagan pa ng mga dem0nyo kaya kung hindi kontrolado ang kapangyarihan ay maaari din siyang maging mapanganib. Nabahala siya na baka kapag nadiskubre pa nila na mabilis lang maghilom ang mga sugat niya, maituring pa siya na freak of nature. "Ang hirap din ng kalagayan ko sa totoo lang," tahimik na pagrereklamo niya habang tinitiis ang sakit. Pagkauwi sa inuupahang bahay ay mabilis siyang nagtungo sa kusina upang uminom ng tubig. Nagtagumpay man sa misyon at nailigtas niya ang buhay ng mga kasamahan ay hindi niya maiwasang madismaya pa rin dahil naging malala naman ang sugat ng tatlo dahil sa pagsabog. Alam niya na maayos naman ang naging taktika nila pero sadyang tuso rin ang mga naging kalaban at muntikan pa silang masawi sa hinandang mga pain. "Ganoon talaga," pangunumbinsi na lang niya sa sarili na wala na siyang magagawa pa at may mga bagay na hindi pa rin niya kontrolado. "Sa harap ng digmaan, tanging Diyos lang ang nakakalam kung sino ang mabubuhay..." Nagpunta na siya sa silid upang magpahinga. Dahil sa pagod at sakit ng mga lamog at sugat ay hindi na niya namalayang nakatulog na pala sa kama. Lumipas ang buong araw na siya ay mahimbing. Mag-aalas otso na ng gabi nang napabalikwas nang gising si Pablo. Dinig niya na may kumakatok sa gate at sumisigaw. Pagtanaw sa bintana ay nakita niya si Mama Sweetie at ang pamangkin nitong si Divina. "Hoy, Pablo! Lumabas ka riyan o mag-eeskandalo ako rito!" "Ma'am," tugon naman niya, "sandali lang po! Pupunta na ako riyan!" "Aba'y bilisan mo!" pagbubunganga pa rin nito. "Kagabi ka pa namin hinahanap kaso wala ka naman! Balik-balik kami na parang tang* hanggang madaling-araw! Pinagtatawanan na nga kami ng mga kapitbahay mo!" Antok na antok at mabigat man ang katawan ay napilitang kumilos na ang binata. Nagtungo siya sa banyo at mabilisang maghilamos ng mukha. "Kinakabahan ako; parang problema na naman ang sasalubong sa akin..." Nababahala at nagtataka man ay lumabas naman siya at pinagbuksan sila. Tumambad sa harapan niya ang humihikbing dalaga. Tinulak ito ng tiyahin patungo sa kanya. "Hindi ba siya ang pakay mo sa bar? Kunwari ka pang type mo ang mga alaga kong babae, pero siya talaga ang gusto mo!" "Po?" naguguluhang sinambit ni Pablo. "Nakikipagkaibigan lang naman po ako sa kanila." "Ssshhh!" pagpigil na sa kanya ni Sweetie na magsalita pa. "Tutal naman ay puro perwisyo na ang bigay sa akin ng pamangkin ko, pakinabangan ko naman sana. Ayan na! Sa iyo ko na siya ibebenta!" "Benta?" hindi makapaniwalalang bulalas ni Pablo. "Pamangkin mo siya, pero ibebenta mo pa rin?" "Mas magandang sa iyo ko na siya ibenta kaysa sa iba. Dahil sa ikaw makakauna sa kanya, doblehin mo ang bayad!" "Sandali, bakit mo naman ginagawa ito kay Divina? Pamilya mo pa rin siya kaya maawa ka naman! Huwag mo siyang itulad sa mga alaga mong babae!" "May awa nga ako," pagsasawalang-bahala ng babae sa pakiusap niya. "Kaya nga sa 'yo ko siya ipapauna. Pero bayaran mo nga lang ako. Triple na pala kasi pamangkin ko 'yan! Makabawi man lang sana ako sa lahat ng pinalamon ko sa kanya!" "T-Tiya..." pagmamakaawa na ni Divina. "Uwi na po tayo..." "Anong tiya-tiya! Mas magandang sa kanya na kita pa-buena mano kaysa naman doon sa matandang umaaligid sa iyo! Sa katunayan, gusto ka ngang bilhin sa akin sa halagang limang daan! Kung ayaw mo sa lalaking 'yan, eh, 'di benta na kita roon sa matanda na 'yun! Halika na! Dadalhin na kita sa gurang na 'yun!" Akmang hahatakin na sana ni Sweetie si Divina pero inawat naman siya ni Pablo. "Sandali po, ako na ang bibili sa kanya..." Dahil sa mukhang walang awa nga ang babae at balak nga talagang pagkaperahan si Divina ay naisip niya na kupkupin muna ang dalaga. Nais din niya itong kaibiganin at kilalanin dahil malakas ang kutob niya na may kinalaman ito sa mga kababalaghang nangyayari sa loob ng bar. "Sa katunayan ay gusto ko sana siyang makasama ng isang linggo," pakikipagkasundo na niya sa salbaheng babae. "Maaari ba?" "Oo naman! Akin na ang tatlong daan*!" (Malaking halaga na noong 1950s) "Tatlong daan?" bulalas niya. "Oo! Kita mo naman na sariwa pa at ang kinis ng pamangkin ko! Mura pa nga ang three hundred pesos! Kung gusto mo nga, sa iyo na siya sa halagang isang libong piso!" Dismayadong napabuntong-hininga na lang si Pablo dahil sa lantarang kasakiman sa pera ng babae at pagmamaltrato nito sa pamangkin. Ganoon pa man ay sinakyan na lang niya ang nais nito upang mailigtas na si Divina. "Ah, ganoo ba? Sige, sandali po." Pumasok siya sa loob ng bahay at kumuha ng pera. Pagbalik ay iniabot niya iyon sa babae na kaagad na binilang ang salapi. "Isang daan lang ang mayroon ko ngayon. Maari ba na bayaran ko ang balanse bukas kasi magwi-withdraw pa ako sa bangko?" "Okay!" Muli ay itinulak niya si Divina patungo kay Pablo. "Basta magbabayad ka dahil kung hindi ay isusumbong kita sa kaibigan kong nanggigripo sa tagiliran! Kahit sundalo ka pa, wala silang pakialam!" "Opo, magbabayad ako." "Alagaan mo ang pamangkin ko, ha!" "Tiya..." Hinawakan ni Divina ang tiyahin sa braso sa pag-aakalang maaawa pa ito. "Peste ka talaga!" Sinagi nito ang kamay niya. "Ang pogi na nga ng makakauna sa iyo, reklamador ka pa rin!" "Ayaw ko po ng ganitong trabaho!" luhaang paglalabas na niya ng sama ng loob. "Dinodoble ko na nga po ang trabaho sa bar--magluluto, maglilinis, magwe-waitress-- basta huwag mo lang sana akong itulad sa mga babaeng nagbibigay ng aliw! Ayaw kong matulad sa inyo na mga put*!" Nang marinig ang salitang "put** ay nagdilim ang paningin ni Sweetie. Dahil sa galit ay hindi niya napigilang pagbabatukan ang pamangkin. "Ang nanay mo ay isang put*! Ang lola mo rin ay put*! Kaya lahat tayo ay mamamatay na mga put*!" Marahan na siyang hinila ni Pablo papasok ng gate upang huwag nang masaktan pa. "Tama na po. Nasa puder ko na siya kaya maari ka nang umalis." "Maiwan na nga kayo! Bwis*t! Walang utang na loob! Kung hindi ko lang pamangkin 'yan, noon pa sana ay binenta ko na! Kasalanan din kasi ng nanay niyan kung bakit namat*y kaagad, eh! Ako pa tuloy ang sumalo sa pabigat na 'yan!" Patuloy na paghikbi si Divina habang pinagmamasdan na palayo ang tiya na tinrato niya bilang ina. Hindi siya makapaniwala na sa isang iglap ay ibebenta siya nito sa lalaking 'di man lubusang kilala. 'Di nagtagal ay nabalot na siya ng takot nang mapagtantong sa loob ng isang linggo ay pag-aari na siya ni Pablo. Tinignan niya ang binata na mataimtim na nakatitig sa kanya. Ngumiti ito at inaya siyang pumasok. "Halika, magpahinga ka muna rito..." Subalit, imbis na sumunod ay naisipan niyang tumakas. Dahil sa mga nasaksihan niyang malagim sa bar ay ayaw na niyang magtiwala pa sa kahit sinong lalaki. Dali-dali siyang tumakbo kaya nabigla rin si Pablo. Hinabol niya ito upang hindi na makaalis pa. "Sandali lang naman!" Hinawakan niya na ito sa braso upang pigilan. Nang magpumiglas ay niyapos na niya ito upang akayin pabalik sa bahay. "Mag-usap muna tayo!" "Tulong!" paghiyaw na ni Divina sa pag-aakalang pinupuwersa pa siya ng binata. Dahil sa lakas ng boses niya ay nagsilabasan tuloy ang mga kapitbahay ni Pablo. "Kinikidnap niya ako!" "Walang kinikidnap!" pagdadahilan naman niya upang huwag na siyang pagdudahan ng mga kapitbahay. "Ano po...bale...nobya...nobya ko po siya! Nagseselos po kasi..." Napasinghap ang mga naroon dahil ngayon lang nila nakitang may dinala siyang babae roon. "Nagseselos kasi roon sa babaeng nakilala ko sa bar," pangungumbinsi pa niya upang huwag na silang mapa-baranggay nang 'di oras. "kaya ayan po, nagagalit sa akin ang mahal ko! Pero aayusin ko po ito. Lalambingin ko lang!" "Ah, 'di malayo; sundalo at guwapo naman kasi," halos sabay-sabay na sinambit naman ng mga nakikiusyoso. Unti-unti ay iniwan na sila ng mga naroon kaya mas lalong nagsisigaw si Divina. "Anong nobya? Anong selos? Hindi kita kaano-ano!" Pinagsisipa nito si Pablo sa pag-aakalang pakakawalan na siya nito. Nauunawaan naman ng tinyente ang naging reaksiyon nito kaya kahit nasasaktan man ay pinagpasensiyahan pa rin niya. "Aray naman!" dinaan na lang niya sa biro ang sitwasyon sa pamamag-asang matatauhan at kakalma na ang tinutulungan. "Ang lala mo naman magselos! Akala ko ba, okay na tayo? Noong isang araw lang e kiniss mo pa ako, 'di ba? Kaya peace na tayo, neh?" Sa kamalas-malasan ay imbis na huminahon, mas naghurimintado ang inaamo. "Niloloko mo lang ako! Katulad ka rin ng ibang lalaki na akala ay mga laruan at binibili lang kaming mga babae!" "Tahan na, Divina. Makinig ka muna kasi sa akin..." "Sinungaling! Layuan mo ako!" Dahil sa parang walang naririnig ang dalaga sa mga paliwanag niya at naghi-hysterical na ay wala siyang nagawa kundi sapilitan na itong buhatin na sa balikat niya. "Bitiwan mo ako!" pagpupumiglas ni Divina kahit mahigpit na siyang kinarga ng lalaking akala niya ay katulad lang ng ibang masasama. "Hindi!" pagmamatigas naman ng binata. "Dito ka muna sa akin sa ayaw mo man o gusto!" -ITUTULOY-
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD