HALOS hindi nakatulog sa magdamag si Agatha. Namahay ang takot sa kanyang dibdib. Pilit niyang inalala ang mga bagay na sinabi ni Sunshine sa kanya tungkol sa ama ni Yogo. Wala siyang gaanong maalala dahil wala namang gaanong ikinuwento si Sunshine. Ang sabi lang ng kaibigan ay napakabait ni PJ at ayaw nang sirain ang magandang buhay nito kaya hindi ipinaalam ang pagbubuntis. Hindi raw si Sunshine ang karapat-dapat na babae para sa isang lalaking katulad ni PJ. Naalala ni Agatha na nagalit siya nang husto sa kaibigan. Masyado nitong ibinababa ang sarili. Kahit na anong pilit niya ay hindi na nagbigay ng ibang impormasyon si Sunshine. Hindi niya alam ang gagawin kapag nawala sa kanya ang isa niyang anak. Mabait si Paulino ngunit hindi pa niya ganong kilala ang lalaki. Halos hindi siya m

