ISANG linggong nilagnat si Yogo bago nadala nina Agatha sa ospital. Noong una kasi ay hindi siya gaanong nabahala dahil sinat lang at nawala rin kinabukasan. Nakapasok pa sa eskuwelahan ang anak. Ngunit nang sumunod na araw ay muling nagkasinat si Yogo. Muling nawala at muling bumalik. Pagkatapos ay tatlong araw na itong inapoy ng lagnat. Noon lubos na nabahala si Agatha. Nagdesisyon na si Jaco na dalhin na sa klinika ang bata. Doon nila nalaman na may dengue si Yogo. Kaagad silang sumugod sa ospital. Hindi na nagprotesta si Agatha nang sa isang pribadong ospital dinala si Yogo ni Jaco. Saka na niya iisipin ang mga bayarin. Hindi iyon importante dahil palagi siyang nakakagawa ng paraan. Ang importante ay mapabuti ang kalagayan ng anak. Hindi na maganda ang kalagayan ni Yogo. At kahit na n

