UNANG araw ng Linggo na hindi nakasama ng dalawang bata si Jaco. Hindi maiwasang makaramdam ng awa si Agatha habang nakatingin sa dalawang anak na walang kagana-ganang nanonood ng TV sa sala. Noong nakaraang Linggo ay ipinaalam na ni Jaco na hindi muna nito mailalabas sina Xena at Yogo sa araw na iyon. May trabaho raw kasi ang binata—sideline. Hindi na gaanong nagbigay ng detalye si Jaco, ngunit nakakaramdam na rin siya ng kaunting awa sa lalaki. Halos wala nang pahinga si Jaco. Kahit pa masaya sa ginagawa, hindi naman nangangahulugan iyon na hindi na ito napapagod. Sanay siya sa pagod. Sanay siya na laging nagtatrabaho at gumagalaw, ngunit alam niyang hindi sanay si Jaco. Maging ito mismo ay aminado na spoiled mula pagkabata. Bahagya siyang nag-aalala na baka madaling ma-burn out si Jaco

