Good mood na nakauwi ang mag-pinsan ng gabing iyon. Nahihiya namang aminin ni Clarie pero hindi na lang basta crush ang nararamdaman niya kay Raymond ng mga oras na iyon. Kumbaga sa arcade games, next level na.
Hindi siya kaagad nakatulog. Ang mga sinabi lang ng manghuhula ang active sa memory ni Clarie ng mga sandaling iyon.
"Kung si Raymond nga ang sinasabi ng manghuhula, tama siya sa burda ng jersey," pag-kausap ni Clarie sa sarili habang nakaupong nag-iisip sa kama. "Ang pagiging sporty niya ang isa sa mga nagustuhan ko sa kanya. Tama rin siya na hindi madali ang lahat para sa amin dahil nga sikat siya at ako isang simpleng babae lang. Kung magpakilala na kaya ako sa kanya? Kaibiganin ko kaya? Pwede ring magpapansin sa kanya. Pero paano?"
Romantic ang lugar, dim light with roses everywhere. Parang inarkila ni Raymond ang buong restaurant para sa date nila. No conversations happened on that moment. Nakatitig lang si Raymond kay Clarie sa panaginip na iyon habang hawak ang mga kamay ng dalaga.
Napapangiti na si Clarie sa moment nila na iyon nang mapansin niyang parang biglang nag-iba ang background music. From romantic instrumental ay naging metal rock music. Lalong lumalakas ang bagsak ng ritmo ng musika at naririnig niyang pasigaw na rin ang kumakanta.
Bumalikwas kaagad siya ng bangon at iritang dumungaw sa bintana.
Sa katapat niyang kuwarto nanggagaling ang mga growl songs na iyon. Hindi niya alam kung anong klaseng tao ang pinatira ni Ate Ester sa bahay nito, pero wala siyang masabi sa lalaki kundi insensitive ito.
Hay, another dream braker! sita ng isip ni Clarie.
"Hoy!" sigaw ni Clarie sa lalaking kasalukuyang nakaupo habang nagkakalikot ng cell phone sa kuwartong iyon. Walang iba kundi si Jayden. "Pwede ba hinaan mo 'yang pag-sa-soundtrip mo? Nakakabulahaw ka kasi ng iba eh!"
"Ano? Hindi kita marinig," sigaw naman ni Jayden.
"Hinaan mo 'yang tugtog mo!" pasigaw ng sabi ni Clarie at nag-aaksyon pa gamit ang kamay na ang ibig sabihin ay hinaan ang volume.
"Ha? Hindi talaga kita marinig," at tumayo na si Jayden mula sa pagkaka-upo niya.
"Hay! Bwisit!"
At sa pangalawang pagkakataon, nainis na naman ni Jayden ang umaga ni Clarie.
"Malapit na talaga siyang buminggo sa akin! Kung hindi ba naman bobo, hindi niya talaga ko maririnig sa sobrang lakas ng music niya!" padabog na pagka-usap ni Clarie sa sarili habang nililigpit ang naiwanan niyang higaan. "At tsaka, hindi ko talaga gusto ang mga metal rock song. Hindi lang masakit sa tainga kundi hindi ko rin maintindihan ang mga lyrics. Sa madaling salita ayoko talaga sa lalaking iyon at sa mga hobbies niya!"
Nang makababa na si Clarie, nagtungo siya sa sala. Nagkataon namang nandoon si Ate Ester, ang kapitbahay nila. Nakikipagkwentuhan sa kanyang Tita Melly.
"Ate Ester, grabe naman 'yang bago mong border!" pagsusumbong ni Clarie sa kapitbahay nila. "Ang aga-aga mambulahaw! Hindi matatapos ang buong linggo na 'to mga bingi na rin tayo kagaya niya."
"Naku Clareng, pagpasensiyahan mo na. Hayaan mo pagsasabihan ko 'yang pamangkin ko na 'yan," sagot naman niya.
Para namang na-pipi si Clarie sa narinig niya. Hindi niya kaagad naisip ang resemblance ni Ate Ester at ng lalaking iyon. May pagkakahawig nga ang dalawa. Hindi niya na lang masyadong pinansin ang mga sinabi ni Ate Ester, wala rin naman siyang pakialam kahit pa nalaman niyang pamangkin nito ang kinabubwisitan niyang tao. Sinaluhan na lang niya si Pam-Pam na kumakain ng champorado sa mesa, 3-year old na kapatid ni Clover.
"Hi Pam-Pam!", bati ni Clarie sa bata niyang pinsan. "Wow! Mukhang masarap yang kinakain mo ah?"
"Opo ati Clareng, masa...rap!" masiglang sagot ni Pam-Pam habang pinupunasan ni Clarie ang nagkakalat na chocolate sa bibig ng bata
"Talaga? Patikim nga," sabay tikim niya rin sa pagkain ni Pam-Pam. "Hmm, masarap nga! Sino nagluto nito Pam? Kilala mo?"
"Sino daw nagluto anak?" pag-uulit naman ni Tita Melly sa anak niya.
"Ku...ya De...den," mabagal na sagot ng bata na nakatingin sa Mama niya na para bang inaalala ang mga tinuro sa kanya nito kanina lang.
"De...den? Tama ba, Deden? Sino 'yun?" pag-uulit at pagtatanong kaagad ni Clarie dahil bago ang pangalang iyon sa pandinig niya.
"Edi 'yung namboso sa'yo!" biglang singit ni Clover na katatapos lang maligo.
"Clover!" sita naman kaagad ni Clarie sa kaibigan. Binulgar ni Clover sa harap ni Ate Ester ang kalokohang ginawa ni Jayden kay Clarie. Kaya inulit na namang i-kwento ni Clarie ang lahat sa pangalawang beses. Hindi naman sa pinapahamak ni Clarie si Jayden sa mga paratang niya pero mas mabuti na naipaalam niya ito sa tiyahin mismo nang mapagsabihan ito at si Clarie naman ang makapang-bwisit kay Jayden.
Nagkaroon na naman ng laro ang team nila Raymond kaya present na naman sila Clarie at Clover sa plaza. Usual madami na namang mga tao. Walang nagbago kay Raymond, ganoon pa rin ang mala-anghel niyang mukha.
Bigla'y bumalik na naman ang mga paulit-ulit na mga tanong ni Clarie na wala pa ring kasagutan ng mga oras na iyon. Paano nga kaya makikilala ni Raymond si Clarie? Sa kalagitnaan ng pag-iisip ni Clarie, hindi niya namalayang nasa tabi na pala nila ni Clover ang pamangkin ni Ate Ester, si Jayden.
"Bakit nandito 'yan?" irita niyang bulong kay Clover sabay turo kay Jayden na pinapanood ang mga players.
"Ewan. Baka gusto lang niyang manood."
"Ayokong nasa paligid ko yan, nakakairita."
Aalis na dapat sila Clover at lilipat na lang sa kabilang court pero huminto sila nang lumapit sa kanila si Goji, ang kababata ni Clover na anak ni Ate Ester.
"Clover, Clareng nandito pala kayo! Si Jayden nga pala pinsan ko," bati ni Goji sabay turo sa pinakilala niyang si Jayden. Nag-kangitian lang sina Clover at Jayden samantalang parang wala namang narinig si Clarie. Deadma lang siya at nasa ibang direksyon ang mga mata.
"Inaya ko muna si Jayden dito sa plaza para hindi naman siya mainip sa bahay namin. At ma-enjoy naman niya ang pagbabakasyon dito sa lugar natin."
"Tiyak ko nga 'insan mag-eenjoy talaga ako dito sa lugar niyo," nakangising sagot ni Jayden habang si Clarie ang tinititigan niya nang sinasabi niya iyon. Pero si Clarie walang kaalam-alam na siya ang pinaparinggan nito dahil nasa ibang direksyon pa rin ang mga mata niya. Kaya naman sinundan ni Jayden ng tingin kung nasaan ang umaagaw ng atensyon ni Clarie.
Walang iba kundi si Raymond ang pinapanood nito.
Ilang minuto ding nakikipag-usap si Jayden sa mga kasama niya pero napansin niyang hindi sumasali sa usapan nila si Clarie kaya hinayaan na lang din niya ito sa trip nitong pagtatahimik. Samantalang patay malisya lang naman si Clarie na nag-oobserba at nakikinig sa mga tinatalak ng bibig ni Jayden. Kahit na pinapahalata niyang hindi siya nakikisali sa usapan, mataimtim lang niyang binabantayan ang bibig ng bumibidang si Jayden dahil baka ibulgar pa nitong sabihin ang nakakahiyang nangyari sa kanila noong isang umagang nagbibihis siya.
Maraming sinasabi na mga kaalaman sa basketball si Jayden pero para kay Clarie puro kahanginan lang iyon. Naaasiwa rin siya ng mga oras na iyon dahil si Jayden pa ang nakatabi niya. May pagkakataon pa na pumupunta si Jayden sa harapan ni Clarie kapag si Raymond na ang nagdadala ng bola. Mas matangkad kasi si Jayden kaysa sa kanya kaya natatakpan nito ang mga dapat niyang makita. Hindi alam ni Clarie kung sinasadya ba nito na gawin iyon. Kaya nakakaramdam na naman siya ng inis sa lalaki. At nang yayain ni Goji si Clover na bumili ng makakain, nagkaroon na si Clarie ng pagkakataong komprontahin si Jayden.
"Sinasadya mo ba talagang humarang sa panonood ko?" sita niya kay Jayden nang mag-break ang laro.
"Talaga? Nahaharangan ba kita? Hindi ko namalayan. Nadadala ako ng excitement ng laro nila eh," sagot naman ni Jayden. Pero hindi convincing ang sagot niya, ramdam ni Clarie.
"Okay, huwag ka ng humarang pwede? Hindi ko nakikita si Raymond."
"Raymond? Sino, 'yung number 10?"
"Oo!"
"Crush mo?"
Hindi sumagot si Clarie. Hindi niya kasi alam ang isasagot. Oo matapang siya sa mga kaaway at kinaiinisan niya pero pagdating sa mga ganitong bagay nahihiya pa rin siyang aminin ang nararamdaman niya.
"Raymond!"
Nagulat si Clarie nang biglang tawagin ni Jayden si Raymond. Nagulat din si Raymond nang lingunin niya ang tumawag sa kanya dahil hindi naman niya kilala si Jayden.
"In-love sa'yo to!" sigaw ni Jayden sabay turo kay Clarie. Malakas ang pagkakasigaw niya kaya naman na kay Clarie lahat ng atensyon ng mga tao noon lalo na ng mga kababaihan.