Mabagal na tumango lang siya. "Una, dapat lagi kang on time ayoko ng late. Pangalawa, pag hindi naman about sa tutoring huwag na huwag mo kong kakausapin, maliwanag ba?"
"Maliwanag," sagot niya.
"Pangatlo, dapat sa lahat ng itinuro ko sayo kahit kalahati lang do'n ay may naintindihan ka, sa madaling salita mag focus ka sa lesson hindi sa akin."
Nakanguso pa si Daniella habang sinisipa ang lupa. "Nakikinig ka ba!"
Umangat ang ulo niya at ngumiti kay William. "Oo nakuha ko lahat."
"Kung ganon puwede na akong umuwi." Pero mukhang may sasabihin pa ata si William, pero hindi na natuloy at umalis na lang kaagad.
Pinagmamasdan lang ito ni Daniella habang naglalakad hanggang sa mawala na ito sa paningin niya.
"Wala pa rin siyang pinagbago, masungit pa rin." Halos mapunit na ang pisngi niya sa pagngiti. "Pero ito na ata ang pinakamagandang year para sa akin dahil makakasama ko na siya ngayon, hindi katulad ng dati na kailangan ko pang mag stalk para malaman kung nasaan siyang parte ng eskwelahan, saka wala naman siyang nabanggit na tigilan ko na ang ginagawa ko noon simula pa lang noong una kaya itutuloy ko pa rin ang gusto ko." Habang ang mga kamay niya ay magkahawak at nakalapit sa kanyang pisngi na nag-iimagine na nakasakay sa ulap.
Habang na sa gano'n siyang ayos ay kanina pa pala siya hinahanap ni Bree kaya naman ng nakita siya nito sa gano'n na ayos ay nagtaka ito. "Dan, kanina pa kita hinahanap at bakit ganyan ang itsura mo?"
Biglang humarap si Daniella kay Bree na ikinagulat nito dahil mukha itong wala sa sarili. "Anong nangyari sayo?"
"Wala naman. Halika na uwi na tayo." Nauna ng maglakad si Daniella habang nakangiti pa rin.
"First day ng school nabaliw na agad si Dan, pambihira!" Lumakad na rin ito at sinundan na si Daniella pauwi.
Nakauwi na si Bree sa kanila dahil mas malapit ang bahay nito sa eskwelahan, pero si Daniella ay kailangan pang maglakad ng isa pang kanto para makauwi. Hindi uso sa kanya ang magtricycle pauwi hangga't kaya niyang maglakad, depende na lang pag nagmamadali siya dahil sayang rin sa pamasahe kung lagi siyang sasakay sa tricycle.
Habang naglalakad si Daniella kahit noon pang first year pa lang siya ay lagi niyang nararamdaman na parang may nakasunod sa kanya sa kanyang likuran, pero sa tuwing lilingon naman siya sa likod ay wala namang tao o kahit mga hayop man lang sa paligid. Noong una natatakot talaga siya pero ngayon nasanay na siya sa tuwing may pasok at siguro guni-guni lang rin niya ang mga 'yon kaya hindi na lang niya pinapansin.
Nasa tapat na siya ng bahay nila ng napansin niya ang nanay niya na nasa kubo at mukhang nagkakape. "Nay, i'm back!" sigaw niya.
Kumunot naman ang noo ni Maria ang nanay ni Daniella. "Kung makasigaw ka parang galing kang ibang bansa."
"Hindi mo ba ko na miss?"
"Hindi! Magbihis ka na do'n baka kung ano na naman ang kalokohan na gawin mo." Sabay higop ng kape.
Ngumisi lang siya at pumasok na sa kanilang bahay. "Si nanay talaga ang katapat ko laging may sagot sa mga banat ko." Iling-iling na naghanap ng kanyang pamalit na damit.
Simula ng iniwan sila ng kanyang ama dahil kinuha na ito ni Lord agad, hindi hinayaan ni Daniella na malungkot ang nanay niya kahit sa simpleng asaran lang ay hindi nito maisip muli na silang dalawa na lang ngayon, kaya kahit galit na galit na sa kanya ang nanay niya ay hindi pa rin siya nadala. Pero masasabi niya ngayon na sumasakay na lang din ito sa mga hirit niya sa buhay kahit mukhang hindi halata.
Nang natapos na sa pag-aayos ng sarili si Daniella ay umupo siya sa tapat ng kanyang mini table at binuksan ang isang drawer at kinuha ang isang box na maliit. "Tagal ko rin 'tong pinag-ipunan para mabigay lang sa kanya kung sakali ito na rin ang huli dahil mukhang wala namang nangyayari sa effort kong mapansin niya hanggang ngayon." Itinaas ni Daniella ang isang necklace na may pendant na letter D na nakapaloob sa isang singsing. "Ikaw ang huling gift ko para sa kanya dahil next year graduated na kami at hindi ko alam kung saan siya mag-college kaya in case na hindi na ko makasunod sa kanya maibigay ko lang 'to at ingatan niya ay okay na ko ro'n." Tinitigan pa niya sandali ang necklace at tinago itong muli.
"Last chance na Daniella, pag wala pa rin move on na pagkatapos ng graduation," kausap niya sa sarili at ngumiti bago lumabas ulit ng kwarto.
Samantala si William ay kakauwi lang rin sa kanilang bahay at naglakad lang ito pauwi. Sinalubong siya agad ng isang matandang katulong at kinuha agad ang gamit nito. "Hay naku bata ka! Bakit ba gustong-gusto mong naglalakad may kotse ka naman?" Ngumiti lang ito sa kanya at nagpatuloy na pumunta ng sala at naupo sa sofa.
"Anong klaseng sagot 'yon, nginitian lang ako?" saad ni Lydia ang katulong nila William. Kaya naman lumapit muli siya rito para magtanong. "Nagugutom ka ba, may miryenda akong niluto gusto mo bang kumain?"
"Coffee na lang Nanay Lydia, okay na ko do'n."
"Sigurado ka?" Tumango lang si William at umalis na si Lydia para magtimpla ng kape.
Habang hinihintay ni William ang kape ay sumandal muna ito sa sofa at tila kay lalim ng iniisip habang nakatingin sa kisame ng bahay nila at bigla na lang ngumingiti ng mag-isa.
Nahuli siya ni Lydia sa ganong akto dala-dala ang tasa na meron kape. Habang ibinababa ni Lydia ang tasa ay tinanong niya ito. "Anak okay ka lang ba. Bakit ngumingiti kang mag-isa may nangyari bang maganda?"
Dumiretso ng upo si William bago sumagot. "Wala naman po Nay, may sumagi lang po sa isip ko na nakakatawa kaya bigla po akong nangiti."
"Gano'n ba. Sige iwan muna kita dito, may gagawin pa ako sa kusina. Ilang oras na lang at narito na rin ang Papa at Mama mo." Bumalik na ulit si Lydia sa kusina at unti-unti ng iniinom ni William ang kanyang kape.
Ang mga magulang ni William ay may mga sariling kompanya na ang Papa at Mama niya ang nagpapatakbo nito. Kaya sila William ay masasabing meron talagang kaya sa buhay pero hindi sila matapobre. Oo maganda ang buhay nila pero hindi sila yung mga tao na porke't may pera ay hindi na nakakakilala ng ibang tao lalo pa ng hindi nila kamag-anak. Seryosong tao lang si William pero may mabuti siyang puso hindi nga lang niya naipapakita sa iba dahil ang alam ng ibang tao at mga estudyante sa eskwelahan nila ay masungit siya dahil na rin siguro sa ekspresyon ng mukha at tahimik lang at kung walang magtatanong ay hindi ito magsasalita.
Naubos na ni William ang kape niya at tumayo na ito upang pumasok sa kanyang kwarto at magpalit ng damit.