BAGO pa man lumatag ang dilim, agad kaming naghanap ng aming mapagpapahingahan.
Hindi ganoon kalawak ang aming napili ngunit maaari na naming matulogan kahit papaano.
Agad kaming naglatag ng aming mga higaan. Ang iba naman ay nangalap ng mga tuyong kahoy upang magamit namin sa pagsiga ng apoy at mabawasan ang lamig ng gabi.
Maliban sa sapin ay wala kaming kumot kaya naman siguradong manginginig ako sa lamig ng gabing ito.
Pagkaraan ng ilang sandali ay sabay sabay naming inilabas ang kanya kanya naming pagkain. Agad akong tumabi kay Cahya upang pasaluhin siya sa aking pagkain dahil mas marami iyon.
Iyon ang huli naming dalang pagkain kaya naman bukas ay kailangan naming mangaso upang may makain kami.
Tuluyang nabalot ng dilim ang paligid at tanging apoy lamang sa aming harapan ang nagbibigay liwanag sa parteng iyon ng gubat.
Nakapalibot kami at dinadama ang init niyon.
Ilang oras pa ang lumipas, isa isa kaming nagpasyang matulog.
Sa gabing iyon, normal lang na hindi ako dalawin ng antok. Pinakikiramdaman ko ang paligid kahit na nakapikit.
Maya maya lang ay nakarinig ako ng kaluskos. Mabilis na nagmulat ang aking mga mata at napabangon.
Agad kong inilibot ang aking paningin sa madilim na paligid na hindi naaabutan ng liwanag ng ginawa naming apoy.
"Narinig mo rin pala..." Agad kong nilingon ang nagsalita. Si Ugyen. Naroon siya malapit sa apoy habang ginagatungan iyon ng kahoy. "Hindi ka ba makatulog?"
Napabuntong hininga ako saka muling inilibot ang paningin. "Sa tingin ko ay hindi ligtas kung matutulog tayong lahat sa ganito kadilikadong gubat."
"Tama ka, kaya naman pilit kong wag matulog upang bantayan ang mga kasamahan natin."
Kinuha ko ang aking pana at palaso. Saka tumayo.
"Sa tingin mo, anong mababangis na hayop ang narito ngayon?" tanong ko habang inilalagay ang palaso at ipinorma sa gawi ng madilim na sulok.
Saglit siyang tumingin sakin saka tumingin sa bahaging iyon.
"Mga asong lobo..."
"Ilan sa palagay mo?"
"Hindi ko alam pero marami akong nakikitang mata."
"Bakit hindi natin gisingin ang ating mga kasamahan?"
"Hindi na kailangan..." aniya saka itinutok ang kanyang palaso sa dakong iyon. "Kaya natin tong dalawa."
"Ha?"
"Alam kong magaling kang umasinta kahit sa dilim. Magagamit mo iyon ngayon, Lham."
Tumango ako saka akmang pakakawalan ang palaso.
"Sandali lang..." aniya. "Sa isang tira mo lang ay siguradong magkakagulo ang mga iyan at susugurin agad tayo."
"Anong kailangan nating gawin?"
"Kailangan ay mabilis ang ating pagkilos. Sa isang segundo, dapat dalawang palaso kaagad ang ating mapakawalan upang hindi sila tuluyang makalapit."
"Sige.."
Pinagmasdan ko ang paligid. Inalam ko sa bawat sulok ng dilim kung saan naroon ang mga lobo.
Pero hindi pa man ako nakakapagpakawala ng palaso ay biglang lumitaw ang isang puting lobo at agad kaming pinakitaan ng kanyang mga pangil.
"Ngayon na!" unang pinakawalan ni Ugyen ang kanyang palaso at tumarak iyon sa leeg ng lumitaw na lobo.
Agad ko namang pinakawalan ang aking tira sa madilim ng bahaging iyon. Tanging ang ungol lang at pagbagsak ang aking narinig mula sa natamaang lobo.
Maya maya ay lumabas ang dalawa sa mga lobo. Patakbo akong sinugod. Patalon nila akong akmang sasakmalin ngunit mabilis kong pinakawalan ang dalawang magkasunod na palaso dahilan upang tumarak iyon sa mga tiyan ng lobo.
Mabilis nang sunod sunod na nagsilabasan ang mga lobo. Mabilis rin ang pagkilos ni Ugyen. Agad niyang napatumba ang tatlo at ako naman ang sa dalawa.
Hindi ko akalain na ganoon pala karami ang mga ito. Patuloy parin ang paglusob ng mga ito na animoy hindi nauubos. Ang mga palaso naman namin ay naubos na kaya gumamit kami ng espada.
Hanggang sa tila natakot na ang mga natira sa mga ito dahil sa dami na ng aming napatay. Naaaninagan ko ang kanilang pagtakbo palayo kaya naman nakahinga ako ng maluwag.
Nang lingunin ko ang aming mga kasamahan ay mahimbing parin ang mga ito sa pagtulog.
Pinagtulungan naming tipunin ang mga patay na lobo sa malayo.
KINABUKASAN, gulat na gulat ang aming kasamahan sa nakitang itsura ng paligid. Halos mag kulay pula ang lupa na nakapalibot sa kanila dahil sa dugo ng mga lobo.
At mas lalo pa silang nagulat pagkakita sa tumpok ng mga patay na lobo.
Ikinuwento naman ni Ugyen ang pangyayari kaya naman humanga sa amin ang aming mga kasamahan maliban kina Sierra at ng tatlong kasamahan nito.
Tuluyang naging maliwanag muli ang kapaligiran. Nagpatuloy kami sa aming paglalakbay habang naghahanap ng aming makakain.
Malapit nang tumirik ang araw ngunit katulad ko ay wala parin ang ilan sa aming nakakahanap ng makakain sa pananghalian.
Sa palagay ko'y walang usa, baka at manok sa gubat na ito. Dahil kung meron man, siguradong kinain narin ang mga ito ng mababangis na hayop.
Tanging baboy ramo lamang ang nakikita namin at nauunahan kami ng mga kasamahan naming nauunang maglakad.
"Ilog..." turo ni Ugyen. "Baka may mga isda diyan."
Nagtungo kami roon. Itinali ko muna sa tabi si Snow at sumunod sa mga kasamahan kong nauna nang pumunta roon kasama na si Cahya.
Ang iba naman na may mga nahuli nang makakain ay naroon tabi at naghihintay.
Kumuha ako ng isang palaso upang magamit sa panghuhuli ng isda saka sumuong na sa tubig.
Biglang hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko nang lumubog ang kalahati ng katawan ko sa tubig.
Kakaiba ang kapit ng tubig sa balat ko at kakaiba rin ang pagkamaligamgam niyon.
Kakaiba rin ang kulay niyon sa totoong natural na ilog na nakikita ko. Hindi rin ito umaagos. Pero malaki ito at malawak.
"Mukhang hindi ito ilog..."
Napalingon ako kay Ugyen. Hindi ko napansing naroon na pala siya sa tabi ko.
"Iyon din ang napagtanto ko..." nasabi ko nalang.
Nagpasya nalang akong maglakad papunta sa gitna ng tubig upang doon maghanap ng isda.
"May isda ba talaga dito?" tanong ni Cahya na naroon na sa malalim na bahagi ng tubig. "Parang wala naman akong makita."
May mga kasamahan din kami na naroon narin at naghahanap rin ng isda.
"Sandali, ano yun?" Nilingon ko muli si Cahya nang may mapansin siya sa ilalim ng tubig.
Tila may bagay na bumara sa kanyang dinaraanan kaya naman hinila niya iyon pataas.
"Ahhh!!!"
Ganon nalang ang gulat namin pagkakita sa isang kalansay.
Dinaluhan na siya ng mga kasamahan naming malapit sa kaniya.
Agad iyong binitawan ni Cahya at napaatras.
"K-Kalansay ng tao..."
Kunot noo naman akong nag-isip kung bakit may kalansay sa tubig na iyon.
Biglang bumigat ang pakiramdam ko. Hindi ko alam pero hindi maganda ang pakiramdam ko sa tubig na kinalulubugan namin.
"C-Cahya..." tawag ko. "U-Umahon na tayo." sabi ko saka naglakad na papunta sa pangpang.
"Bakit ate, Lham?" aniya na sinunod naman ako. Naglakad rin siya papunta sa gawi ko.
"May kutob ako sa tubig na ito." sabi ko habang umaahon sa tubig. "Hindi maganda ang pakiramdam ko rito Cahya."
Binalingan niya ang iba pang naroon.
"Mga kasama, umahon na tayo. Mukhang wala namang isda rito."
"Sino ba kayo para sundin namin?" mataray na usal ni Sierra. "Nagugutom na kami kaya maghahanap kami ng---."
"Ahhhhhhh!!!---."
Napalingon kami sa babaeng bigla nalang pumalubog sa tubig na tila may humila sa kanya roon. Naroon siya sa pinakamalalim na parte ng tubig.
"Ali!" nag-aalalang sigaw ni Sierra at nagmadaling pinuntahan ang babae.
Ngunit natigilan siya nang makita ang pagkulay pula ng tubig. Maya maya lang ay biglang lumitaw ang naging kalansay nang katawan ni Ali.
Napasigaw kaming lahat sa takot.
"Cahya!" nag-alalang tawag ko sa kanya. "Cahya bilis!!"
Umiiyak namang nataranta si Cahya na nagmadali sa paglangoy sa tubig.
"Cahya!!" halos napapaluha ako kakatawag sa pangalan niya habang hindi mapakali sa kinatatayuan ko.
Halos magkasabay lang sina Cahya at Sierra sa paglangoy. Pareho silang nanghihilakbot sa takot habang binibilisan ang paglangoy patungo sa pampang.
"Ahh!!---."
Mas lalo pa akong nanginig nang maabutan ng mga halimaw sa ilalim ng tubig ang isang kasamahan naming lalaki at hilahin rin ito pailalim at pagpiyestahan.
"Cahya!!"
Kinuha ko kaagad ang pana ko at pinatamaan ang mga nilalang sa likuran ni Cahya.
Alam kong hindi ko sila mauubos agad ngunit baka makatulong iyon upang mag-iba ang mga ito ng direksyon.
Aapat nalang silang nagsisilangoy paahon.
Tagumpay na nakaalis sa tubig ang isang lalaki at halos sabay namang makaahon sina Cahya at Sierra.
Nakahinga ako ng maluwag at naglakad palapit kay Cahya.
Nahuli naman ang isang babae. Ngunit hindi kaagad siya lumayo sa tubig at nakatalikod doon.
Bigla nalang tumalon ang isang malaking piranha at kinagat siya sa leeg.
"Ahh!!!" tili niya. Akma siya tatakbo ngunit natalisod ang kanyang paa at nawalan ng balanse. Natumba siya sa tubig kung saan nakaabang ang napakaraming Piranha.
Kay bilis ang mga ito sa paglapa sa babae at hindi ito tinigilan hanggang maging kalansay.
Agad akong tumakbo kay Cahya.
"Cahya!"
Tumabo siya palayo ng tubig ngunit tila lumipad ang isang piranha sa kanyang kinaruruonan at kinagat ang kanyang damit.
Nataranta si Cahya at napahiga sa lupa.
Tila naghuhurumintado ang piranha at sinisikap kainin ang kanyang damit.
"Cahya!" Mabilis kong hinugot ang espada at itinarak sa katawan ng isda at ibinaon sa lupa.
Agad na lumayo si Cahya sa Piranha.
Buhay parin ang isda kaya tinusok ko ng palaso ang ulo nito saka itinapon muli sa tubig.
Tuluyan kaming lumayo doon upang wala nang mabiktima.
Narinig ko muli ang mga hikbi ng aming mga kasamahan kabilang na si Sierra at Cahya.
Nagkatinginan nalang kami ni Ugyen at napabuntong hininga.
Nilingon ko ang inakala naming ilog na ngayon ay naging kulay dugo na.
Iniwasan kong magbilang kung ilan ang nabawas sa amin. Kung ilan na lang kaming natitira.
Nangunot nalang ang mata ko nang mahagip ng gilid ng aking mata ang isang bulto na biglang kumilos paalis sa isang malaking sanga ng puno sa di kalayuan.
Napatingin ako kay Ugyen. Nakatingin siya sa tiningnan ko. Mukhang napansin niya rin.
"Sila ang mga mata ng pagsusulit na ito..."
"Sila? Ngunit iisa lang ang nakita ko."
"Sa pagkakaalam ko ay tatlo sila. Marahil ay nandyan lang sila at hindi natin nakikita. Mas magagaling sila sa mga Pazap."
"Kung ganon, hindi ang punong Pazap ang pinakamataas na sundalo?"
"Bagaman dumaan din sila sa pagiging Pazap. Hindi na sila kabilang sa mga larangang iyon. Itinuturing silang anino dahil walang nakakakita sa kanila. Ang pagkakaalam ko, binubuo sila ng tatlong matatandang mandirigma. Walang nakakaalam kung may babae o lalaki sa mga ito. Kahit ang hari at reyna ay hindi alam ang kanilang pagkakakilanlan. Ang alam ng lahat sila ang pinakamagagaling sa kanilang henerasyon. Ang ikatlong hari lamang ang nakakakilala sa kanila sapagkat ito ang nagbigay sa kanila ng simbolo at nagdeklara sa kanila bilang Mata at Anino ng bansa."
"Paanong hindi sila kilala ng hari at reyna? Paanong makakasiguro ang hari at reyna na sila ang mga Mata at Anino?"
"Mayroon silang simbolo na hari at reyna lang ang nakakaalam."
Napabuntong hininga ako. "Pero bakit hinahayaan lang nila tayong mapahamak at mamatay?" malungkot na saad ko.
"Matira, matibay. Iyon ang kasabihan ng pagsusulit na ito. Wala silang pakialam ano man ang mangyari sa atin. Kaya wag mo nang asahan na tutulungan nila tayo."
Binalingan naman niya ang mga kasamahan namin.
"Alam kong nagdadalamhati pa kayong lahat..." sabi ni Ugyen. "Ngunit kailangan nating magpatuloy at magmadali upang makalabas na tayo rito nang wala nang nababawas sa atin."
Walang nagawa ang iba kundi ang magpatuloy kahit na tila puno ng dalamhati ang kanilang mga mukha.
Ilang oras kaming naglakbay muli. Malapit nang magtanghalian ngunit wala parin ang ilan sa amin ang nakakahanap ng pagkain.
Ramdam ko na ang pangangalam ng aking sikmura. Nakakaramdam narin ako ng panghihina. Paano nalang kapag may nakaharap kaming mabangis na hayop katulad ng tigre at lion, baka hindi ko sila malabanan.
Si Ugyen ay ganoon rin. Kahit siya ang nangunguna sa paglakbay ay wala siyang nakuhang pagkain para sa sarili niya dahil ibinibigay niya sa iba naming kasamahan ang kanyang nakukuha.
"Tingnan niyo!" napatingin kami sa batang lalaking nasa unahan namin. May itinuturo siya roon. "May puno ng mansanas!"
Isa nga iyong puno ng mansanas. Hindi nga lang ito ang punong nakikita ko sa aming bayan. Napakalaki nito at halata ang katandaan.
Marahil ay ito rin ang pinakamalaki at pinakamataas na puno sa kagubatan.
Kahit mataas ito, ang ilang malalaking sanga nito ay mababa lamang at kaya naming akyatin.
Agad na bumaba si Ugyen. Bumaba narin ako at sumunod sa kanya.
"Diyan na lamang kayo, ako na ang aakyat at kukuha para sa ating lahat. Ikaw ang sumalo Lham."
Tumango naman ako. "Sige."
Inilapag ni Ugyen ang kanyang mga kagamitan at armas. Umakyat siya nang walang kahirap hirap. Tila sanay siyang umakyat ng puno di katulad ko na natututunan palang.
Naglakad siya sa sanga patungo sa mga bunga ng mansanas. Agad niya iyong pinitas at inihulog sa gawi ko.
Agad ko naman iyong sinalo. Pumitas muli siya at inihulog sakin. Kumuha siya ng isa at saka kinagat iyon.
Nakangiti naman akong kumuha rin ng isang mansanas at kumagat doon. Napataas ang mga kilay ko nang malasahan ang tamis niyon.
Iyon na yata ang pinakamasarap na mansanas na natikman ko.
Agad ko namang binigyan sina Cahya at ang iba naming kasamahan. Katulad ko ay nasarapan sila sa prutas na iyon.
Muli kong tiningala ang kinaruroonan ni Ugyen. Mabilis na nangalahati ang kanyang kinakaing mansanas. Napapangiti ako dahil kita sa mukha niya ang paghanga sa lasa ng prutas.
Pero agad ding naglaho ang ngiti sa labi ko nang mapadako ang paningin ko sa itaas ni Ugyen.
Nabitawan ko ang aking mansanas at napasinghap ng malakas.
"Ugyen, sa itaas!!!" sigaw ko na nagpalingon ng lahat.
Agad na lumingon si Ugyen sa taas at nanlaki ang mga matang makita ang napakalaking ahas. Hinding hindi mo iyon mapapansin hangga't di gumagalaw sapagkat kakulay iyon ng punong nililingkisan nito.
Napasigaw ang lahat sa panghihilakbot saka patakbong lumayo sa lugar na iyon.
"Ugyen!!" muling sigaw ko sa pag-aalala.
Agad na tumalon sa isang sanga si Ugyen at iniwasan ang ahas. Ngunit mabilis iyong gumalaw at siya ay agad na nasundan.
Walang armas si Ugyen kaya naman pagtalon lamang sa mga sanga ang kinailangan niyang gawin. Hindi naman kaagad siya makababa dahil naroon na ang katawan ng ahas at nakalingkis sa katawan ng puno.
Tumalon siya papunta sa isang maliit na puno at naglambitin sa sanga niyon. Ngunit mabilis na nakasunod ang ahas at akma na siyang tutuklawin. Walang nang ibang matatakasan si Ugyen kaya nagpasya siyang magpahulog nalang paibaba.
Mataas ang binagsakan niya kaya naman hindi maganda ang idinulot niyon sa kanyang katawan.
Napangiwi siya tanda ng p*******t ng kanyang katawan. Matagal bago siya nakabangon.
Tumakbo ako patungo sa kanyang kagamitan at agad na kinuha ang kanyang espada.
"Ugyen!" sigaw kong tawag sa kanya. Itinapon ko sa kanya ang espada.
Nasalo niya iyon ngunit bigla nalang lumitaw ang dambuhalang ahas at agad siyang nilingkisan ng katawan nito.
Ganoon nalang ang panginginig ng labi ko nang mabitawan ni Ugyen ang kanyang armas nang higpitan ng ahas ang pagkakalingkis nito sa kanya.
"Hindi!!" napaluha ako nang makitang nahihirapan si Ugyen. Namumutla na ang kanyang mukha habang ang mga mata ay namumula dahil tila madudurog siya sa pagkakalingkis ng ahas.
Mas lalo pa akong nanginig nang makita kong pumapaitaas na ang ulo ng ahas kay Ugyen.
Dahan dahan nitong ibinubuka ang bunganga nito at handa nang lamunin ng buo si Ugyen.
"Ugyen!!!!"