"UGYEN!!!"
Agad kong ibinato sa ulo ng ahas ang mga hawak kong mansanas upang mapigilan ito sa kanyang balak ngunit tila hindi ito natinag.
"Hoy! Ako ang kalabanin mo!" Patuloy ko itong binabato ng mansanas hanggang sa wala nang matira sa kamay ko.
Hindi man lang ito bumaling sakin. Bagkus ay akma na nitong lulunukin ng buo si Ugyen.
Lumipad naman ang mga palaso sa direksyon nito mula sa mga kasamahan kong nagtatago, ngunit dumadamplis ang mga iyon sa katawan at ulo ng ahas.
Mabilis akong tumakbo malapit sa ahas at walang ano ano ay itinarak ko ang aking espada sa buntot nito.
Narinig ko ang paghiyaw ng ahas at agad na bumaling sakin.
Ang akala kong mabibitawan niya si Ugyen sa pagkakataong iyon ay nagkamali ako.
Mabilis itong lumusob sa akin habang lingkis parin ang katawan ni Ugyen.
Gumulong ako upang iwasan ito at patakbong tinungo ang likuran ng isang malaking puno.
Sobrang lakas ng kalabog ng dibdib ko at di maiwasang kabahan.
Hindi ko rin makita ang aming mga kasamahan. Siguradong nagtatago ang mga ito at natatakot makita ng ahas.
Agad kong narinig ang ingay ng ahas kaya naman alam kong nakasunod ito.
Nagulat nalang ako nang bigla itong magpakita at akmang manunuklaw. Agad kong iwinasiwas ang aking espada sa harap nito at nahiwa ang mukha nito dahilan para mas lalo itong magalit.
Sa muling pag lusob nito ay tumakbo ako palayo ngunit ginamit nito ang kanyang buntot at hinagupit ako dahilan para tumilapon ako at bumanda sa katawan ng puno.
Matagal akong hindi kaagad nakabangon dahil sa sakit ng katawan ko.
Napatingin ako sa malaking ahas. Hindi nito ako hinabol bagkus ay ipinagpatuloy ang balak na pagkain kay Ugyen na ngayon ay wala nang malay.
"Ugyen..." Nilaksan ko ang aking loob at bumangon. Hindi ko alam kung buhay pa siya dahil para na siyang lantang gulay.
Pero umaasa parin akong buhay pa siya.
Pinulot ko ang aking espada at patakbong nilusob ang ahas.
"Yahhhhh!!!" sigaw ko habang patalon kung inakyat ang nagpatong patong na katawan ng ahas na nakalingkis kay Ugyen.
Agad kung tinunton ang ulo nito at iniangat ang espada. Naka-nganga na ito at nasa ulunan na ni Ugyen. Bago pa man nito makain si Ugyen ay agad na patalon ko itong inabot at marahas na iwinasiwas ang espada sa kanyang leeg.
Kasabay ng pagbagsak ko sa lupa ang pagkaputol ng ulo nito.
Agad na tumagas ang dugo nito at bagaman bumagsak sa lupa ay gumagalaw parin ito ng walang patutunguhan.
Nabitawan naman nito si Ugyen kaya naman agad ko siyang kinuha rito at inilayo.
"Ugyen!" paggising ko kay Ugyen.
Saka lang muling nagsulputan ang aking mga kasamahan.
"Ate Lham..." lumapit si Cahya. "Patawad, hindi ako nakatulong, natakot kasi ako." naiiyak na sabi niya.
"Ayos lang iyon Cahya. Mas dilikado kung naroon pa kayo." tugon ko saka binalingan si Ugyen. Inilapit ko ang aking tenga sa kanyang dibdib. Nakahinga ako ng maluwag. "Buhay pa siya. Nawalan siya ng malay matapos higpitan ng ahas ang pagkakalingkis sa kanya."
"A-Ang braso niya!" tinuro ng batang lalaki ang kaliwang braso ni Ugyen. "Nangingitim na ang braso niya."
Agad naman akong nag-alala kay Ugyen. "Masama ito, nabali ang braso niya."
Kumuha ako ng tela at inilagay sa kanyang braso habang nakatali iyon sa kanyang balikat.
Pumutol ako ng dalawang mahahabang kahoy at ginawan ko iyon ng sapin sa gitna gamit ang aming mga damit.
Inihiga namin doon si Ugyen at humingi ako ng tulong sa mga kalalakihan na pagtulungang buhatin si Ugyen.
Naghanap kami ng malawak na espasyo na maaari naming pahingahan.
Habang ang lahat ay abala sa pagluluto ng mga nakalap nilang makakain. Ako naman ay abala sa paglilinis ng katawan ni Ugyen na hanggang ngayon ay wala paring malay.
Halos maligo siya sa dugo ng malaking ahas kanina.
Habang pinupunasan, naririnig ko ang mahina niyang pag-ungol kaya naman nangunot ang aking noo.
Hinawi ko ang mga nagkalat niyang buhok sa mukha. Natigilan ako nang mapagtantong mainit siya.
"Nilalagnat ka Ugyen.."
Patuloy lamang ang pag-ungol niya habang nakapikit. Kaya naman pinuntahan ko si Cahya.
"Maari mo bang bantayan muna si Ugyen at ipagpatuloy ang pagpupunas sa kanya. Maghahanap lang ako ng halamang gamot."
"Ha? Para saan ang halamang gamot?"
"Inaapoy ng lagnat si Ugyen. Malamang ay epekto iyon ng bali niya sa kanyang kaliwang braso."
"Sige ate Lham, tapos ko narin namang lutuin ang pagkain natin. Mag-iingat ka, wag kang magpakalayo ha."
"Sige, maraming salamat Cahya."
Agad ko munang nilisan ang pwesto naming iyon upang mangalap ng halamang gamot.
Malaking impluwensiya ang pagiging doktor ng aming pamilya lalo na si Mommy dahil habang nananatili ako sa bansa ay nag-aaral ako ng tungkol sa medisina.
Dahil katulad ni Mommy, nais ko ring maging doktor at nais kong manatili rito sa Bhutan upang pagserbisyuhan ang bansang ito.
Hindi ako masyadong nagpakalayo gaya ng utos ni Cahya. Naririnig ko pa ang ingay ng aking mga kasamahan doon.
Agad akong naghanap ng mga halamang gamot at ugat na maaaring inumin ni Ugyen.
Ilang minuto rin akong naghanap bago ko natagpuan ang ilan sa mga halamang iyon.
Di naglaon ay nagpasya na akong bumalik sa aming kampo. Ngunit bago pa man ako makapaglakad pabalik ay nakarinig ako ng kaluskos mula sa itaas sa likuran ko.
Mabilis akong lumingon at inihanda ang aking pana. Agad kong inikot ang aking paningin at hinagilap ang nilalang na iyon. Malakas ang pakiramdam kong may nagmamatyag sa akin.
Mabilis kong itinutok ang aking palaso sa isang malaking puno nang mahuli ng paningin ko ang pagalaw doon.
Nangunot ang noo ko nang makita ang taong nagtatago sa likod ng puno. Nakalabas ang bahagi ng itim na damit nito dahilan para mapagtanto kong tao iyon.
Nagtatanong ang isip ko kung ano ang pakay niya. Wala siyang ginagawa at hindi lumulusob sa akin kaya naman isa lang ang naiisip ko, isa siya sa mga Mata at Anino.
Mabilis akong tumakbo pabalik sa aming pwesto at hindi nalang pinansin ang taong iyon.
Agad kong nilinisan ang mga halamang nakuha ko, dinikdik iyon at kinuha ang katas.
Agad kong nilapitan ang wala paring malay na si Ugyen.
Nagpatulong ako kay Cahya na painumin si Ugyen ng gamot.
Naglagay rin ako ng basang tela sa kanyang noo upang mabawasan ang init niya.
Tinapalan ko rin ng dahon at ugat ang kanyang nabaling braso upang hindi iyon mamaga.
Naghintay akong magising si Ugyen kaya hindi ako umalis sa tabi niya.
SUMAPIT ang hapon, nakaramdam ako ng paggalaw sa tabi ko.
Hindi ko pala namalayang nakatulog ako. Nagmulat ako ng mga mata at bumangon.
Agad kong nakita si Ugyen. Gising na siya ngunit matamlay parin ang mukha.
"Gising kana..." nakangiting sabi ko. "Kumusta ang pakiramdam mo?"
"Nahihilo ako, at hindi ko na maramdaman ang kaliwang braso ko."
Napabuntong hininga ako. "Dahil sa nangyari, nabali ang kaliwang braso mo. Maaaring hindi mo iyan magagamit ngayon sa pakikipaglaban."
Marahas siyang nagpakawala ng hininga. "Nahihiya ako sayo, sa inyo, tuloy ay kinailangan niyong tumigil sa paglalakbay dahil sakin."
"Ano ka ba, hindi ka naman namin pwedeng pabayaan. Malaki rin ang naitulong mo sa pagsusulit na ito."
Hindi ko naman inasahan ang pagngiti niya. Palagi kasi siyang seryoso.
"Maraming salamat nga pala sa pagligtas mo sa akin. Hindi ko akalaing tutulungan mo pa ako sa sitwasyon kong iyon."
"Ang akala ko nga rin ay huli na ako. Nawalan ka kasi ng malay."
"Salamat, utang ko sa iyo ang aking buhay."
Natawa ako. "Sus, wala iyon."
Maya maya ay dumating si Cahya dala ang isang mangkok.
"Ugyen, gising kana pala! Tamang tama, may dala akong sinabawang karne para sayo."
"S-Salamat.." Pinilit bumangon ni Ugyen ngunit nahirapan siya kaya naman tinulungan ko siya.
"Ako na ang magsusubo sayo."
"S-Salamat.."
Agad ko siyang pinahigop ng sabaw. Sinundan ko iyon ng laman ng karne.
"Nais ko sanang pagkatapos nito ay magpatuloy na tayo sa paglakbay." maya maya ay sabi ni Ugyen.
"Ngunit mahina ka pa, baka mapaano ka."
"Ayos na ako, wag niyo na akong alalahanin. Andiyan naman ang kabayo ko, hindi ako mahihirapang maglakbay."
Bumuntong hininga ako. "Sige, pero pagkatapos nito, magpapahinga muna tayo ng ilang oras bago umalis."
GANOON nga aming ginawa, labag man sa aking kalooban ay nagpatuloy na kami sa paglalakbay.
Nagtulungan pa kaming buhatin si Ugyen at isakay sa kabayo.
Sa puntong ito, ako naman ang nangunguna sa paglalakbay na iyon. Pinabantayan ko naman kay Cahya si Ugyen.
Sa maghapon na aming paglalakbay, naging payapa iyon at walang nangyari sa amin.
Muling lumatag ang gabi. Muli kaming naghanap ng maaaring mapagpahingahan.
Sa punto ring ito, hindi ko hinayaang si Ugyen ang magbantay sa amin. Pinatulog ko siya at pinagpahinga at ako naman ang nagbantay sa kanila.
Sa kalagitnaan ng gabi, habang tulog ang lahat, nakakarinig ako ng mga pagpagaspas mula sa itaas. Hanggang ang sa mga ito ay magsidapo sa puno.
Inihanda ko ang aking pana at palaso at inilibot ang paningin sa paligid.
Nahirapan akong maaninag silang lahat ngunit nakikita ko ang anino ng ilan sa mga ito.
Nasisiguro kong hindi lang iyon basta mga ibon. Base sa naging pagdapo nila ay nasisiguro kong malalaki silang ibon.
Inihanda ko ang aking sarili sakaling sumugod ang mga ito.
Naghintay ako ng ilang minuto ngunit tila wala silang balak sugurin kami.
Maya maya lang naramdaman ko ang paglisan nila.
Muli akong umupo at bumuntong hininga. Kahit mabigat na ang mga talukap ay pinilit ko paring imulat iyon upang bantayan ang mga kasamahan ko.
"Bakit gising ka pa?.."
Nilingon ko ang nagsalita. Iyong batang lalaking tumulong sa akin noon na magkatay ng manok.
"Wala kasing magbabantay, maraming nakapaligid na mabangis na hayop sa paligid. Hindi tayo pwedeng makampante."
"Hayaan mo, ako na muna ang magbabantay upang makatulog ka narin."
"Ayos lang ba sayo?"
Ngumiti siya at tumango. Naliliwanagan ng ginawa naming apoy sa gitna ang kanyang mukha. Masasabi kong magandang lalaki ito lalo na kung ngumiti.
"Salamat.." tumayo na ako.
"Pinahanga mo ako sa lahat ng napagdaanan natin dito sa gubat." aniya na napalingon ako. "Hindi ko akalaing maililigtas mo pa si Ugyen. Kung kami iyon ay baka tumakbo na kami upang hindi madamay at mapahamak."
Napabuntong hininga ako at ngumiti. "Konsyensiya ko ang kalaban ko pag nagkataon. Hindi ako patutulugin ng konsyensiya ko kapag hindi ko siya natulungan nung nanganganib ang buhay niya sa harap ko. Kaya naman sinikap kong mailigtas siya kahit na maliit lamang ang pag-asa ko. Ibinilin rin sa akin ng aking ina na wag kalimutang tumulong sa nangangailangan."
"Nasisiguro kong ikaw ang magiging pinaka mataas na marka sa pagsusulit. Pag nagkataon, maaari mo ring maagaw ang pwesto ng Punong Pazap."
"Nako malabo iyon. Wala pa sa kalingkingan ni Pinuno ang kakayahan ko. Hinding hindi ko siya matatalo."
"Sabagay, kahit ako ay hinahangaan ang Pinuno. Bukod doon ay napakabait niya hindi tulad ni Ikalawa."
Bahagya akong natawa. Hindi lang pala ako ang nakapansin niyon.
"Oo nga pala, sa dami ng pinagdaanan natin dito ay hindi pa tayo lubusang magkakilala. Ako nga pala si Kael."
Ngumiti ako. "Ako si Lham."
Nakipagkamay siya sa akin at pinaunlakan ko naman iyon.
Maya maya lang ay iniwan ko na siya roon at naglatag ng aking mahihigaan.
KINABUKASAN, natuwa ako nang makitang maayos na ang pakiramdam ni Ugyen. Ngunit ganoon parin ang lagay ng kanyang braso, hindi niya iyon maigalaw at nasasaktan siya kapag nasasagi iyon.
Nagpatuloy kami sa paglakbay. Magkapantay kami ni Ugyen. Ipinipilit niyang kaya na niya at mas alam niya ang daan palabas ng kagubatan dahil nakita na niya ang mapa nito.
"Oh?" usal ko nang maaninag ang liwanag sa dulo ng gubat. "Iyon na ba ang hangganan? Makakalabas na ba tayo?" mas dinalian ko pa ang pagpapalakad kay snow upang makita ang labas niyon.
Ganoon din naman ang mga kasamahan namin. Nagmadali rin silang magtungo sa labasan.
Agad na sumilay ang tuwa ko nang sa wakas ay makalanghap muli ako ng sariwang hangin sa malawak na damuhang iyon.
"Ito na ba iyon? Tagumpay ba tayo?" tanong ni Cahya kay Ugyen. Halos lahat kami ay nag-aabang ng kanyang sagot.
"Sa palagay ko ay hindi." sagot niya na ikipinanlumo naming lahat. "Hindi pa natin natatanawan ang tore ng templo kung saan tayo magtitipon at naghihintay din doon ang mga nakatataas na Pazap."
"Ibig bang sabihin, malayo pa tayo sa dulo nitong gubat?" tanong ni Sierra.
"Nakita ko na ang malawak na espasyong ito sa mapa at nag-iisa lamang ito. Sa tingin ko ay malapit na tayo."
"Talaga?"
"Nakikita niyo ba ang gubat na iyan sa ating harapan? Kakailanganin nating lagpasan iyan upang makalabas tayo ng tuluyan."
"Kung gayon ay bilisan na natin. Pasukin na natin ang gubat na iyan." sabi ng kasamahan naming lalaki.
Ganoon nga ang ginawa namin. Masyadong malawak ang espasyong iyon kaya naman. Malayo layo rin ang susunod na gubat na aming kailangang pasukin.
Habang tinutungo namin iyon sakay ng aming mga kabayo, napansin ko ang pagdaan ng anino mula sa itaas kaya naman napatingala ako.
Isa iyong malaking ibon. Hindi ko matukoy kung anong klase dahil sa sikat ng araw.
Binaliwala ko iyon nang pumalayo na ito. Ipinagpatuloy ko nalang ang pagpapalakad kay snow.
Makalipas lng ng ilang segundo ay muli kong napansin ang paglilim sa gawi ko kaya naman napatingin muli ako.
Ngayon ay dalawa na ang mga ibon na pumapaikot-ikot sa himpapawid. Nangunot man ang aking noo ay muli ko nalang isiwinalang bahala iyon at nagpatuloy.
Ngunit ganoon nalang ang pagtataka ko nang dumami at lumawak ang mga lilim at aninong iyon.
Kaya naman napahinto ako. At hindi lang ako ang nakapansin niyon. Lahat kami ay napatigil at napatingala sa kalangitan.
Nagulat nalang ako nang mapagtantong hindi ko na sila mabilang sa dami nilang lumilipad sa himpapawid na halos takpan na nila ang langit at araw.
"Ano ang mga iyan?" tanong ng isang naming kasamahang babae.
"Ugyen, alam mo ba kung anong mga nilalang iyan?" tanong ko habang nakalagay ang palad sa aking noo at sinipat ang mga nagliliparang ibon.
Pilit niyang inaaninag kung anong mga ibon iyon.
Nakakunot rin ang kanyang noo habang nasa itaas parin ang paningin.
Muli kong ibinaling sa itaas ang aking paningin. Ganoon parin ang ginagawa ng mga ibon. Panay lang ang ikot ng mga ito at tila pinagmamasdan kami mula sa itaas.
"Kailangan na nating umalis..."
Halos lahat kami ay napatingin kay Ugyen.
"Bakit Ugyen, ano ba ang mga iyan?" tanong ni Cahya.
"Pinaka malaki at pinaka halang sa lahat ng uri ng ibon, ang mga bwitre."
Napatingin kaming lahat sa itaas at biglang nasindak nang makita ang paglipad sa gawi namin ng mga bwitre.
"Tayo na!!!" sigaw ni Ugyen dahilan para mataranta kami at agad pinatakbo ang kanya kanya naming kabayo.
Nasa kalagitnaan palang kami ng espasyo ay nakalapit na kaagad ang mga bwitre.
"Ahhh!!!" napalingon ako at agad nakita ang pag dagit ng mga bwitre sa iba naming kasamahan.
Agad akong huminto at humarap sa mga ito.
Kinuha ko ang aking pana at palaso saka iyon tinira sa papalayong bwitreng dala ang babae naming kasama.
Tumama iyon sa pakpak nito ngunit hindi parin binitiwan ang babae. Pakiling iyong lumipad pababa.
Akma ko iyong pupuntahan nang sugurin ako ng ilan pang bwitre. Agad ko silang pinaulanan ng palaso at tumama iyon sa kanilang mga tiyan dahilan upang magsihulog sila sa lupa.
Hindi doon natapos ang kanilang pagsugod. Katulad ko, panay rin ang pagpana nina Sierra at Cahya. Si Ugyen ay naghintay nalang na may lumapit sa kanya sapagkat hindi niya magamit ang kanyang pana.
Dumami nang dumami ang mga bwitreng sumugod sa amin. Animo'y mga galit at gustong gusto na kaming kainin ng buhay.
Di naglaon ay naubos ang aking mga palaso kaya naman hinugot ko ang aking espada at denepensahan ang kanilang paglusob.
Sa dami nila ay naaabot ng kanilang mga kuko ang aking katawan at nasusugatan ako dahilan para mapahiyaw ako habang nakikipagbuno.
Ganoon nalang rin ang paghisterya ni Snow ng pati siya ay balingan ng mga ito kaya naman marahas siyang napatalon pataas dahilan para mahulog ako sa damuhan.
Patakbong nilisan ni Snow ang espasyo at nagtungo sa pinanggalingan naming gubat.
"Snow!" tawag ko ngunit palayo lang ito ng palayo hanggang sa makapasok ng gubat.
Nag-aalala ako ngunit kinailangan ko iyong ipagsawalang bahala sapagkat muli akong nilusob ng mga bwitre.
Agad kong iwinasiwas sa kanilang harapan ang aking espada at marahas silang pinupugutan ng ulo kapag tuluyan silang lumalapit.
"Tulong!!" agad akong napalingon nang maarinig ang sigaw ni Cahya.
"Cahya!" nasa kanya ang aking paningin habang nakikipaglaban sa mga bwitre.
Tumilapon ang kanyang espada at nakahilata siya ngayon sa damuhan habang umaatras palayo sa isang bwitreng nais siyang pagpiyestahan.
"Ate Lham!!" paghingi ng tulong ni Cahya.
Agad kong tinapos ang kaharap kong bwitre at patakbong nilapitan si Cahya.
Mabilis kong sinaksak sa likuran ang bwitre dahilan upang humandusay ito sa lupa.
"Ayos ka lang Cahya?" lumapit ako at inilapag ang espada sa damuhan. Akma ko siyang itatayo.
"Salamat ate---ate!!!"
Bago pa man ako makalingon ay naramdaman ko nalang ang dalawang paa ng bwitre sa aking balikat at ang pag-angat ko sa ere.
Marahas akong nagpumiglas ngunit nakakapanghina ang mga kuko nitong bumabaon sa aking laman dahilan upang magdugo iyon at mapasigaw ako.
Pataas ako ng pataas at palayo rin ng palayo kina Cahya.
"Ate Lhammm!!!" Umiiyak na sigaw ni Cahya.
"Lham!" tumatakbo si Ugyen at nakatingala sa direksyon ko. Ngunit dahil hindi pa ubos ang mga bwitre, agad siyang hinarang at nilusob ng mga ito.
Tuluyan akong nailayo roon at natanawan ko sa ibaba ang sunod na gubat na aming kailangang puntahan.
Kailangan kong mag-isip ng paraan upang makaalpas sa bwitreng ito.
Nilaksan ko ang loob ko at pilit na inangat ang mga braso.
Masakit ngunit kailangan kong tiisin iyon.
Marahas kong hinawakan ang isang paa ng bwitre at pilit na inalis ang pagkakakapit niya sa balikat ko.
Napapasigaw ako habang inaalis iyon dahil mas lalo niyang ibinabaon ang kanyang kuko sa balikat ko.
Bigla kong naalala ang aking punyal. Agad ko iyong hinugot mula sa aking likuran.
Mabilis ko iyong itinarak sa kanyang hita dahilan upang siya ay mapasigaw at mabitawan ang isa kong balikat. Ganoon din ang ginawa ko sa isa pa niyang hita. Agad akong humawak sa kanyang paa bago pa niya mabitawan.
Hindi na diretso ang kanyang paglipad dahil sa pinsala. Muli ko siyang sinaksak sa parte ng kanyang katawan na maabot ko.
Maya maya ay bumababa ang kanyang lipad sa ere hanggang sa nararamdaman ko na mula sa aking paanan ang mga dahon ng puno kaya naman doon ko na tuluyang inabot ang kanyang tiyan at sinaksak dahilan upang tila mawalan siya ng kontrol at mahulog kami.
Ramdam ko ang pagsagi ko at sa mga sanga ng puno hanggang sa tuluyan akong bumagsak.
Pakiramdam ko ay mahihimatay ako dahil sa tindi ng bagsak ko. Tila namanhid ang katawan ko at hindi agad makagalaw.
Halos hindi pa ako makamulat ng mata dahil sa hilo. Mataas rin ang pinagmulan ko.
Ilang sandali muna akong nagpirme roon at hinayaang nakahandusay ang katawan sa lupa.
Naririnig ko ang huni ng mga ibon at hampas ng mga dahon.
Nakikisali rin ang mabigat kong paghinga dahil sa pagod.
Maya maya ay naririnig ko ang pagtawag sa akin nina Cahya at Ugyen kaya naman pinilit kong bumangon at magmulat.
"Nandito ak---." bigla akong napasinghap sa gulat nang makita ko ang mga itim na lobo na nakapalibot na pala sa akin.
Agad akong napagapang paatras at hinagilap ang aking punyal. Noon ko lang naramdaman ang p*******t ng aking kaliwang binti. Mukhang hindi ako makakatakbo dahil doon.
Ngunit hindi ko na mahagilap ang aking punyal.
Bumilis ang t***k ng puso ko nang mapagtantong parami sila nang parami. Sunod sunod ang naging paglunok ko nang marinig ang mabagsik na angil ng mga ito na handa na akong lapain ano mang oras.
Natataranta akong nangapa ng aking magagamit sa paglaban sa kanila at lihim akong nagpasalamat nang makapa ko ang mahabang sanga.
Hirap man sa pagtayo dahil napinsala sa aking pagkakahulog ay pinilit ko ang sarili ko at agad na iwinasiwas sa harap ng mga ito ang kahoy.
Mas lalo namang nagalit ang mga ito at akma akong susugudin. Agad ko silang inaambahan ng hawak ko upang kahit papano ay lumayo sila.
"Ate Lham!" napalingon ako sa boses na iyon ni Cahya. Medyo malayo ang kinaroroonan niya.
"Lham!" mukhang kasama niya si Ugyen at hinahanap ako.
"Dito! Tulong!!" malakas na sigaw ko dahilan upang sugurin ako ng ilang lobo.
Malakas ko silang hinampas ng kahoy kaya tumilapon ang iba. Sumugod narin ang iba kaya naman napapaatras ako dahil hindi ko sila kayang sabay sabayin.
Panay lang ang hampas ko at tumitilapon ang sino mang sumugod sa akin.
"Tulong!!" muli kong sigaw.
Mas lalo kong nakitaan ng galit ang mga lobo nang masaktan ko sila kaya naman naging agresibo sila sa paglusob sa akin.
Panay ang atras ko habang pinipigilan silang makagat ako.
Maya maya lang ay halos sabay sabay na silang sumugod kaya naman nataranta ako.
Hanggang sa bigla nalang bumagsak ang ilan sa mga ito na may nakatarak na palaso at makita ko ang papalapit na si Cahya.
Pinaslang niya ang kanyang madadaanan at nakapalibot sa akin kaya naman nakalakad ako palayo.
Sumunod naman si Ugyen na nakasakay sa kanyang kabayong tumatakbo papalapit sa akin.
Inilahad niya ang kanyang kamay habang papalapit sa akin.
Nang makalapit siya ay agad akong kumapit sa kanya at patalong sumakay sa kanyang likuran at yumakap sa kanyang tiyan.
Naunang tumatakbo si Cahya at sumunod naman kami.
Pinabilis pa niya ang kanyang pagpapatakbo nang sundan kami ng mga natitirang lobo.
"Nasan ang mga kasamahan natin?" tanong ko.
"Nauna na sila. Nagpaiwan kami ni Cahya upang hanapin ka."
"Salamat..." sabi ko at biglang may naalala. "Si Snow, nakita mo ba siya?" nag-alalang tanong ko.
"Ang kabayo mo? Hindi, sa palagay ko ay naroon siya sa kabilang gubat."
"Ugyen, kailangan ko siyang balikan doon."
"Hindi maaari Lham, dilikado. Nakita mo namang sinusundan pa tayo ng mga lobo."
"Ngunit hindi ko siya maaaring pabayaan nalang Ugyen. Mahalaga sakin si Snow."
"Patawarin mo ako Lham, pero hindi kita hahayaang bumalik doon. Naroon pa ang ilang mga bwitre at nag-aabang."
Nakagat ko nalang ang aking labi at tahimik na napaluha.
Siguradong malulungkot sina Mommy at Daddy sa pagkawala ni Snow. Regalo nila iyon sakin.
Tuluyan kaming napalayo at tila napagod ang mga lobo sa pagsunod dahil tumigil na ang mga ito at hindi na humabol pa.
Ilang sandali lang ay natanawan namin ang ilan naming kasamahan.
Nagulat lang ako dahil napansin kong kaunti nalang kaming natira. Sa dalawampung kalahok, walo na lamang ang natira.
Bumigat ang kalooban ko. Nalulungkot ako para sa mga kasamahan kong hindi nakaligtas.
Sama sama na kaming naglakbay muli.
"Tingnan niyo, ang tore!" sabi ng lalaki naming kasamahan.
Ganoon nalang ang tuwa namin nang makita ang toreng iyon. Ibig sabihin...
"Malapit na tayong makalabas..." naluluha kong sabi.
"Bilisan na natin.." sabi naman ni Cahya saka pinatakbo ang kanyang kabayo.
Ganoon din ang ginawa namin. Alam kong lahat kami ay pareho ang nararamdaman ngayon. Ang makahinga ng maluwag sa pagkakaligtas namin sa pagsusulit na ito.
Napansin kong unti unting kumikipot ang daan at nakikita namin ang magkabilang bangin.
Pero ganoon nalang ang pagkagulat at paghinto namin nang biglang magsisulputan ang mga taong balot ng itim na damit at bandana. Itim rin ang telang nakatakip sa mga mukha nito na mata lang ang tanging nakikita.
Higit sa sampu ang mga ito at may mga hawak na espadang nakatutok ngayon sa aming harapan. Ngunit maliban sa kanila, may sumulpot ding isang nakaitim na sa tingin ko ay ang kanikang pinuno.
"Mga tulisan..." sabi ni Ugyen.
Napilitan kaming bumaba sa aming mga kabayo.
"Anong kailangan niyo?!"
Sa halip na magsalita ay bigla nalang sumugod ang mga ito sa amin maliban sa kanilang pinuno.
"Ate Lham!" ibinato ni Cahya ang kanyang espada sa gawi ko at matagumpay ko iyong nasambot.
Agad ko iyong ipinanggalang sa paghampas ng mga ito ng kanilang espada.
Agad namang pumunta si Cahya sa likuran namin ni Ugyen at nagtago roon.
Kataka taka namang sa gawi lamang namin ni Ugyen sumusugod ang lahat ng kalaban.
Ngunit ang mas nakapagtataka ay tila ako lang ang kanilang puntirya. Mabuti nalamang at humaharang si Ugyen dahilan para mapilitan ang mga ito na kalabanin siya.
Sina Sierra naman at ang iba pa naming kasamahan ay nagtataka kung bakit hindi sila nilalapitan ng mga ito.
Ilang sandali kaming nagpambuno sa espada hanggang makaramdam ako ng pagod. Hindi ako makagalaw ng malawak dahil masakit parin ang aking binti. Kaya naman napupuruhan parin ang aking katawan at nasusugatan sa kabila ng aking depensa.
Sa puntong iyon, mas nilakasan ko pa ang aking hampas at pinantayan ang kanilang lakas.
Mas binilisan ko pa aking kilos sa pag hampas at wasiwas ng espada dahilan para mahiwa nang malaki ang dibdib ng isang tulisan na ikinatumba nito.
Nakapagpatumba rin si Ugyen ng isang kalaban na kanyang nasaksak sa tiyan nito.
Mas lalo namang naging agresibo ang mga ito sa pagsugod sa amin ni Ugyen.
Patuloy ang naging labanan hanggang sa tatlo nalang sa mga ito ang natira.
Saglit kaming nahintong parepareho dahil sa pagod.
Doon ko napansin ang pagtititigan nina Sierra at ng pinuno ng tulisan.
Di nakawala sa paningin ko ang bahagyang panlalaki ng mata ni Sierra na animo'y nagulat.
Maya maya lang ay tumikhim siya at sumakay sa kanyang kabayo.
"Tayo na Tamara..." tukoy nito sa natirang kaibigan saka pinalakad ang kabayo.
"H-Ha? Ngunit paano sina Ugyen?"
Tumingin muna si Sierra sa gawi namin bago umiwas.
"Hayaan na natin ang mga iyan. Ang mahalaga, makalabas na tayo rito." Nagpatuloy siya hanggang malampasan niya ang mga tulisan.
Wala namang nagawa ang ilan pa naming kasamahan kundi ang sundan si Sierra.
"Hoy! Huwag niyo kaming iwanan!"
"Hayaan mo na sila, Cahya..." pigil ni Ugyen dito.
Maya maya lang ay muling sumugod ang tatlong tulisan at agad naman namin iyong tinugunan.
Lumayo naman sa amin si Cahya kaya magkatalikod naming kinalaban ni Ugyen ang mga tulisan.
Naging matindi ang laban at pareho na kaming sugatan ni Ugyen. Ngunit kumpara sa akin, mas maraming natamong pinsala si Ugyen dahil kung tutuusin, isang kamay lamang ang kanyang gamit kaya lihim akong humanga.
Ilang sandali lang ay napatumba namin ang tatlong iyon.
Hindi paman kami nakakapagpahinga ay bigla nalang sumugod ang natirang pinuno at pareho kaming nilabanan.
Napakalakas nito at lugi kami dahil kanina pa kaming pagod at sugatan.
Ginawa parin namin ang makakaya namin upang siya ay malabanan.
Bumagal ang kilos ni Ugyen dahilan upang masikmuraan siya nito ng ulo ng espada nito. Hindi pa man nakakabawi si Ugyen ay dinagukan na siya nito sa ulo gamit parin ang ulo ng espada na ikanabulagta niya.
"Ugyen!!" sabay naming sigaw ni Cahya.
Galit na galit akong sumugod sa tulisan at mabilis naman nitong nasalag ang aking espada.
Habang patuloy kami sa paglalaban, si Cahya naman ay umiiyak na dinaluhan si Ugyen. Tila nahilo ito at hindi makabangon.
Ibinuhos ko ang buo kong lakas sa paghampas ng aking espada sa kalaban dahilan para tumilapon ang espada niya at maputol naman ang espada ko.
Ipinorma niya ang kanyang mga kamao.
Itinapon ko naman ang espada ko at inihanda rin ang sariling kamao.
Sa isang saglit lang ay nagpambuno kami ng aming mga suntok at sipa sa isa't isa.
Dahil sa lalaki at mas malaki siya sa akin ay mahirap sa akin ang abutin siya kaya naman kinailangan ko pang tumalon upang masipa ang kanyang mukha.
Ilang beses akong nagtagumpay ngunit mas maraming pagkakataon na nabugbog niya ang katawan ko at parang namaga rin ang aking mukha.
Nagpatuloy ang aming sagupaan at nalasahan ko na ang sarili kong dugo. Panay ang sipa ko at suntok hanggang siya ay mapagod narin at matamaan ng aking kamao ang kanyang mukha.
Sa patuloy na pagsugod niya at paunti unti kong pag-atras hindi ko namalayang nasa tabi ko na ang bangin.
Pinilit kong makalayo roon ngunit bigla niya akong hinarangan. Balak niya akong ihulog doon.
Sobrang bigat na ng aking hininga at nanghihina na ang aking tuhod.
Doon siya nakakuha ng pagkakataon para masipa ako na ikinaatras ko. Muntikan na akong mahulog sa bangin, buti nalamang at agad akong humakbang muli paabante.
Pero mabilis siyang lumapit at binigyan ako ng napakalakas na suntok sa mukha dahilan para muli akong maatras. Agad akong napakapit sa kanyang damit upang maiwasan ang pagkahulog.
Nakatayo na ako ngayon sa pinakadulo ng bangin at nalulula ako sa taas niyon.
Akma ko siyang itutulak pero...
"Aghhk!!" ganoon nalang ang paglaki ng mata ko nang maramdaman ko ang pagsaksak niya sa tagiliran ko. Agad akong napahawak doon.
"Ate Lham!!!"
Tila bumagal ang paligid. Ang umiiyak na pagtakbo ni Cahya papunta sa gawi ko, ang pagtitig ko sa mga mata ng tulisang iyon at ang pagtanggal ko sa telang nakatakip sa mukha niya na sandaling ikinagulat ko.
Kasabay ng malademonyong ngiti niya ang pagtulak niya sa akin dahilan upang tuluyan akong mahulog. Tila walang katapusan ang aking pagkakahulog dahil sa taas ng aking pinanggalingan.
Sa pagbagsak palang ng aking katawan sa tubig ay agad na nandilim ang aking paningin.
At ang huli kong naisip...
Hanggang dito nalang ba ako?