"ATE LHAM!!!"
Doon lang ako nakabalik sa pagkakatulala nang sumigaw si Cahya.
Huli na upang makatakbo kami ni Snow palayo roon. Agad na bumaling sa gawi ko ang dambuhalang itim na pusa matapos nitong gula-gulanitin ang katawan ng batang lalaking ngayon ay wala nang buhay.
Gusto kong masuka nang mapagmasdan ang kalunos lunos na itsura ng bata ngunit lamang ang takot ko dahilan para manginig ako habang dahan dahang binubunot ang sariling espada.
Panay naman ang padyak ni Snow dahil sa prisensya ng mabangis na hayop.
Maya maya lang ay nagsilabasan ang pangil nito at galit akong tinitigan.
Huminga ako nang malalim nang bumubwelo na itong lumusob sa akin.
Bago pa man ito makatakbo palapit sakin ay tumalon ako pababa at pinalo ang pwetan ni Snow dahilan para tumakbo siya palayo roon.
Kasabay ng paglayo niya ay ang pagsalubong ko sa akmang pagsakmal sakin ng halimaw.
Agad kong itinarak sa kanya ang aking espada ngunit sa gilid lamang iyon ng kanyang tiyan kaya naman nadaganan parin niya ako at pilit akong kinakagat. Mabuti naman at nabitawan ko agad ang espada upang pigilan ito sa pagsakmal sakin sa pamamagitan ng mahigpit kong paghawak sa leeg nito.
Mahirap din ang posisyon ko sapagkat naroon parin ang aking bagahe sa aking likuran.
Hindi ko siya magawang sakalin dahil sa laki ng leeg nito.
Napapaiwas nalang ako nang marahas niyang inilalapit ang kanyang ulo habang tila gutom na gutom dahil panay ang pagsakmal nito sa harap ng aking mukha.
Sa sobrang lakas nito ay halos mahagip na ng mga matatalas na ngipin nito ang aking mukha.
"Azhim!"
"Diyan ka lang! Wag kang lalapit!" pasigaw na sagot ko kay Cahya na akmang lalapit.
Naisip kong baka pagbalingan siya ng halimaw kapag nangialam siya.
Tila nanggigigil na ang higanteng pusang kainin ako.
Nakakalmot narin niya ang katawan ko dahilan para mapasigaw ako sa sakit.
Mabilis kong inalis ang isang kamay ko at agad na hinugot ang nakatarak na espada sa katawan nito.
Bago paman niya ako makagat sa mukha ay mabilis kong sinaksak ang leeg nito pataas sa kanyang ulo dahilan para matigil ito sa paggalaw.
Napaiwas ako at napapikit nang bumuhos sa mukha ko ang dugo nito.
Agad ko siyang tinulak ng malakas paalis sa ibabaw ko at hinihingal akong napahilata sa lupa.
"Azhim!" Agad na lumapit sakin si Cahya at ang iba pa naming kasamahan.
Nakita ko namang sinipa ng bahagya ni Ugyen ang nakahandusay na hayop ngunit hindi na ito gumagalaw.
"May sugat ka Ate Lham!" Kinuha ni Cahya ang kanyang bag at may kinuha doong tela saka pinunit iyon upang itali at pigilan ang pagdurugo ng mga sugat ko.
Malamang bumaon ang kuko ng higanteng pusang iyon sa braso ko kaya naman husto ang pag-agos ng aking dugo.
"May natanaw akong ilog doon sa di kalayuan. Maaari kang mag-hilamos doon ng iyong mukha." suhestyon ni Ugyen.
Tumango ako at tumayo. Tinanaw ko si Snow na naroon sa unahan. Mabuti at hindi siya tuluyang tumakbo palayo.
Nilingon ko ang iba kong kasamahan. Nag-iiyakan ang ilang kababaihan habang pilit minamasdan ang bangkay ng batang lalaki.
Hindi ko na matagalan ang pagsulyap ko dito dahil nagkalasog lasog ang katawan nito lalo na ang ulo nito.
"Simula sa sandaling ito, kailangan na nating maging alerto. Maaaring ngayon palang ay may mga mababangis na hayop na sa ating paligid. Talasan natin ang ating pakiramdam magmula ngayon..." ani Ugyen saka naglakad hila ang kanyang kabayo.
"Teka, hahayaan nalang ba natin siya dito?" tukoy ko sa bangkay. "Hindi man lang ba natin siya ililibing?"
"Kailangan nating magmadali. Hindi tayo maaaring magtagal dito." seryosong aniya saka naunang maglakad na sinundan ng mga kasamahan namin.
Sa halip na sumunod ay naglakad ako at naghanap ng mga bato.
"Ate Lham saan ka pupunta?" takang tanong ni Cahya nang mapatigil sa paglalakad.
Napatigil narin sina Ugyen at kunot noong napatingin sa akin.
"Mauna na kayo..." sabi ko habang pinupulot ang mga bato.
Napansin ko nalang na bumalik si Cahya at tinulungan akong mamulot ng malalaking bato.
Tinipon nin iyon at inilagay sa bangkay.
Hindi ko namalayang naroon narin sina Ugyen at ang iba naming kasamahan. Namulot din sila ng mga bato at inilagay sa katawan ng bangkay hanggang sa unti unti na itong matabunan.
Sina Sierra naman at ang kasamahan nito ay nanood lang sa amin.
Dahil tulong tulong kami ay agad namin iyong natapos.
Pinulot ko ang espada ng namatay at ipinatong sa ibabaw nito.
Pumikit ako at taimtim na nagdasal para sa kanyang kaluluwa.
Nangilid ang luha sa aking mga mata matapos maisip na hindi pa doon nagtatapos ang lahat. Marami pang mangyayari, at posibleng hindi lang isa ang malalagas sa amin.
"Tayo na." sabi ni Ugyen.
Agad akong naglakad papunta sa kinaruroonan ni Snow at sumakay sa kanya.
Nagpatuloy na kami at tinunton ang natanaw niyang ilog.
Sa bawat lakad namin ay nakahanda na ang aming mga armas at pinakikiramdaman ang paligid.
Kailangang maging handa na kami sa ano mang pag-atake ng mga nilalang doon.
Si Ugyen ang nauuna sakay ng kanyang kabayo. Tinatabas niya ang mga nakaharang na mga dahon.
Ilang minuto lang ay nakarating agad kami sa isang may kalakihang ilog.
Pinainom ko muna si Snow roon. Pagkatapos ay itinali ko muna siya sa isang puno.
Agad akong lumapit sa tubig upang maghilamos ng aking mukha. Malalim ang tubig dahil hindi ko na maaninag ang kalaliman nito.
Nagsilapit narin ang iba ko pang kasamahan. Ang ilan sa kanila ay nagsalok ng tubig sa kani-kanilang inuman. Ang iba naman ay uminom doon sa umaagos na tubig sa unahang bahagi ng ilog.
Nagsimula na akong maghilamos ng aking mukha. Bahagya nang nanigas ang dugo roon kaya naman natagalan akong sa paglilinis.
Nahawa ng kulay pula ang tubig sa harap ko. Unti unting nawawala ang dugo sa aking mukha. Patuloy lang ako sa aking paghihilamos habang nakatungo nang mapatitig ako sa tubig na nasa aking harapan.
Unti unting nawala ang kulay pula at napalitan ng natural na kulay ng tubig. Ngunit hindi lang iyon ang napansin ko. Ngayon ko lang napansin ang maitim na bagay na iyon.
Wala naman iyon kanina. Nangunot naman ang aking noo nang papalapit ng papalapit ang maitim na bagay na iyon paangat sa gawi ko.
Ganoon nalang ang pagsinghap ko sa gulat nang maaninagan ang ulo ng isang buwaya.
Kasabay ng paglitaw ng ulo nito ang paggapang ko paatras at napahandusay pa ako sa lupa nang bigla siyang manakmal.
"Buwaya!!!" narinig kong sigaw nila.
Mabilis na umahon sa tubig ang napakalaking buwaya ay gumapang papalapit sa akin.
Hindi agad ako nakabangon kaya naman gumulong ako palayo dito.
"Napakadami nila!!" hindi na ako nag-abalang lingunin si Cahya dahil napakalapit na sakin ng buwaya.
Agad kong hinugot ang aking espada at tinukod sa lupa upang ako'y makatayo.
Sumusugod ako upang ito ay tapyasan ng aking espada ngunit mabilis nitong ibinubuka ang kanyang napakalaking bibig na may napakaraming matatalas na ngipin dahilan para mapaatras ako.
Bukod sa napakalaki niya ay napakabilis rin niya.
Tumakbo ako, tumalon at napagulong nang ito ay umataki sakin gamit parin ang kanyang bibig.
Pumunta ako sa kanyang likuran at akmang sasaksakin ito sa gilid nang bigla niyang pagalawin ang kanyang buntot at ako ay hatawin dahilan upang ako ay mapatalsik sa lupa at mabitawan ang espada.
Muli itong bumaling sa akin. Napatingin ako sa aking espada na naroon sa aking kaliwang gilid may isang metro ang layo sa akin.
Muling sumugod ang buwaya sakin. Bago pa man siya makalapit ay mabilis akong bumangon at tumakbo papunta sa aking espada.
Kasabay nang pagpulot ko ay ang tuluyan nitong paglapit patalon sa akin at akma akong kakagatin.
Pagkapulot ko sa aking espada ay agad kong tinaga ang leeg nito dahilan para humiwalay ang ulo nito at tumilapon.
Hinihingal akong nilingon ang aking mga kasamahan.
Nagulat nalang ako nang ganoon kadami ang mga buwayang nagsilabasan.
Patuloy parin sa pakikipaglaban ang iba. Mayroong tagumpay ring napatay ang mga nakaharap ng buwaya.
Nakakalungkot dahil may isang kabayo ang napatay ng isang buwaya.
Agad kong nilingon si Snow. Nakahinga ako ng maluwag nang makitang malayo siya sa amin. Panay ang padyak ng kanyang mga paa, halatang natatakot sa mga buwaya.
"Ahhh!!!"
Napalingon ako sa sigaw na iyon ng aming babaeng kasamahan.
Natutop ko ang aking bibig at pinanlakihan ng mata nang makitang nasa bunganga ng buwaya ang isa niyang binti dahilan upang agad na umagos ang kanyang dugo roon habang nginangatngat nito.
Nakakapang-nginig ang sigaw na iyon ng babae.
Patakbo ko siyang nilapitan ngunit napatigil din nang tumarak sa ulo ng buwaya ang isang palaso mula kay Ugyen.
Patakbo siyang dinaluhan ang babae at hinila palayo sa buwayang wala nang buhay.
Huli na para sa babae dahil tuluyan nang naputol ang kanyang isang binti.
Hindi siya magkamayaw sa kakasigaw at iyak dahil sa sobrang sakit.
Nag-alala naman ako bigla nang maalala ko si Cahya.
"Cahya!" sigaw ko habang hinahanap ang kinaroonan niya.
Napakalawak ng ilog kaya naman nagkawatak watak kami dahil sa buwaya.
"Cahya!" patuloy akong naghanap.
"Ahhh!!!" sigaw ng binatilyo nang palibutan siya ng tatlong naglalakihang buwaya. Tanging ang pana nalang ang natira sa kanya at iwinawasiwas niya ito sa harapan ng mga ito.
Mabilis kong kinuha ang aking pana at palaso at agad na pinakawalan sa direksyon ng mga buwaya.
Sa tatlong sunod sunod na tira ay agad na tumama ang mga iyon sa mga ulo ng mga buwaya.
Patakbo kong hinanap si Cahya.
"Cahya!!"
"Ate Lham!!" nilingon ko ang kinaroroonan ng tawag niya.
Agad ko siyang pinuntahan at natagpuan ko siyang nakikipagbuno sa isang buwaya. Nahihirapan siyang tsumempo dahil sa liksi ng buwaya.
"Kailangan mo ng tulong?"
"Ayos lang ate Lham, kaya ko to."
Tumango nalang ako at pinanunood siyang makipaglaban dito. Inihanda ko ang aking pana sa maaaring pag-atake ng buwaya kay Cahya.
Halatang nahihirapan siya roon.
Sa muling paghampas niya ng kanyang espada ay agad iyong kinagat ng buwaya.
Nahirapan si Cahya sa paghila ng kanyang espada. Tila wala lang sa buwaya ang talas ng sandata na nahihiwa na ang bunganga nito at nagdurugo.
"Cahya!" sigaw ko nang hindi parin siya humihingi ng tulong sa akin. "Ako na."
Tumango siya saka hinayaan ang kanyang espada.
Mabilis kong pinatamaan ng palaso ang ulo ng buwaya. Sa isang iglap ay nawalan ito ng buhay.
Kinuha ni Cahya ang kanyang espada. Lumapit ako sa kanya.
"Pasensya kana kung nakialam ako..." hinging paumanhin ko. "Nag-alala kasi ako sa iyo."
Ngumiti siya at napabuntong hininga. "Ayos lang ate Lham. Malungkot lang ako dahil pakiramdam ko ang hina ko."
Agad ko siyang niyakap. "Huwag mong sabihin iyan. May mga pagkakataon ka pa upang ipakita mo ang iyong natatanging kakayahan."
Narinig ko ang muli niyang pagbuntong hininga.
Natigilan lang kami at napalingon nang marinig ang iyakan ng aming mga kasamahan.
Naubos na pala namin ang mga kalaban. Nakakalungkot lang dahil may isa na namang napuruhan.
Mabigat ang loob kong naglakad palapit sa kumpol nila.
Pinalilibutan nila ang babae naming kasamahan na nakahiga sa lupa at naghihingalo.
Pinipigilan ni Ugyen ang pag-agos ng dugo sa naputol nitong binti sa pamamagitan ng pagtali ng tela.
Ngunit tila huli na ang lahat. Lumakas ang mga iyakan nang hindi na kumukurap ang mata ng babae. Nakaawang lang ang kanyang bibig habang deretso ang tingin sa langit na natatakpan ng malabong na dahon ng mga puno.
Blangko ang mukha ni Ugyen habang dahan dahang isinasara ng kanyang palad ang mga mata ng namatay naming kasamahan. Hindi man makita sa mukha ni Ugyen, alam kong sa loob loob niya ay nagluluksa siya.
Sobrang bigat ng hangin na pinakawalan ko. Napayakap sakin si Cahya at napahikbi.
Tumulo ang aking luha. Nalagasan muli kami ng isang kasamahan.
Ilang minuto ang lumipas. Tahimik kaming namulot ng bato at inipon iyon sa tabi ng bangkay.
Walang ni isang nagsalita sa amin habang tulong tulong na tinatakpan ng mga bato ang yumao.
Tahimik lang kami habang muling nagpatuloy sa paglalakbay. Tutok sa dinaraanan at nakikiramdam sa kapaligiran.
Unti unti nang nawawala ang liwanag sa kalangitan lalo pa't nasa loob kami ng kagubatan.
Ngunit wala roon ang takbo ng utak ko.
Nagtatanong ang isip ko kung bakit ganito ang pagsusulit. Kung bakit pakikipaglaban sa hayop ang aming ginagawa. Kung bakit sa murang edad namin ay ganito ang aming nararanasan.
Nalaman ko na noon kay Mommy na sa gubat gaganapin ang pagsusulit. Nabanggit niya narin na hindi ganoon kadali ang aming makakaharap at mararanasan.
Gayon pa man, nagugulat parin ako sa aming sinapit.
Hindi ko alam kong makakaabot pa kami sa hangganan. Ni hindi pa nga namin naaabot ang gitna ng kagubatan.
Iniisip ko rin, ano pang klase ng halimaw ang aming makakaharap lalo na sa pagsapit ng kadiliman.