KABANATA 9

2015 Words
ISANG buwan bago sumapit ang pinakahihintay na pagsusulit, ipinatawag ni Prinsipe Dojin ang Punong Pazap at palihim na kinausap. Naroon sila sa kanyang lugar ng pagsasanay kung saan nagkunwari siyang nagpapaturo rito ng pagpana. "Kamusta si Lham sa ensayo?" tanong niya habang hinihila ang palasong nakatutok sa gawi ng tudlaan. "Maayos po ang kanyang naging kalagayan doon, Mahal na Prinsipe." tugon ng Punong Pazap habang nakatungo. Napangiti naman ang prinsipe saka pinakawalan ang palaso. Hindi man lang nakarating iyon sa dako ng tudlaan. "Mabuti naman. Malapit narin ang pagsusulit, nais kong bantayan mo siya at tulungan doon kung kinakailangan." Napabuntong hininga ang Punong Pazap. "Paumanhin Mahal na Prinsipe, ngunit sa puntong ito ay hindi na ako maaaring makialam sa pagsusulit ng mga Pazap. Ipinagbabawal po ang pagtulong sa kanila doon." "Subalit kailangang makabalik ng maayos ni Lham. Nalaman kong matindi ang kanilang sasapitin doon. Naroon ang mababagsik na hayop sa gubat. May dumaraan din raw na mga tulisan na maaari nilang makasalubong. Dilikado ang lugar na iyon kay Lham. Nag-aalala akong baka may mangyari sa kanya doon at hindi na makabalik." "Magtiwala kayo sa kanya, Mahal na Prinsipe. Makakayanan niyang lampasan iyon." "Ngunit..." "Hayaan niyo Mahal na Prinsipe, tatanawin ko siya mula sa malayo. Tutulungan ko siya kung kinakailangan alang alang sa inyo." Agad namang sumilay ang tuwa sa prinsipe. "Maraming salamat. Huwag kang mag-alala, bibigyan kita ng pabuya kapag tagumpay na nakapasa si Lham sa pagsusulit." "Hindi na kailangan, Mahal na prinsipe. Tungkulin ko po kayong paglingkuran." "Kung yan ang nais mo. Ngunit dapat na walang makakaalam ng ating napag-usapan. Tayong dalawa lang ang nakakaalam nito. Hindi ito dapat malaman ng Amang hari at Inang Reyna." "Makakaasa kayo mahal na prinsipe." LINGID sa kaalaman ng Punong Pazap, ipinatawag naman ng Reyna ang Ikalawa. Agad na pumasok sa silid tanggapan ng Reyna ang Ikalawang Pazap at yumukod sa harapan nito. Hindi niya hinayaan ang sariling sulyapan ang dako ng Reyna at nanatiling nakayukod sa sahig. May nakatabing na kurtinang pula sa pagitan nila dahilan upang hindi makita ng Ikalawang Pazap ang mukha ng Reyna. "Bakit hinayaan mong makapasa sa ensayo ang batang iyon!" agad na pagalit na turan nito na ikinabigla ng Ikalawa. Mas lalo pa niyang iniyuko sa paanan ang kanyang mukha at kinabahan. "Patawad Mahal na Reyna, ginawa ko ang lahat upang siya ay mahirapan ngunit parati niya iyong nalalampasan. Palaging nakamasid sa kanya ang Punong Pazap at tinutulungan kaya po hindi ako makakilos laban sa kanya." "Inutil! Wala kang silbi! Paano pa't ipinagkatiwala ko sayo ang bagay na iyon, hindi mo rin pala magagawa! Gusto mo bang pugutan kita ng ulo ngayon din?" Agad namang nanginig sa takot ang Ikalawa at mas lalo pang isinubsob ang sarili sa sahig. "Maawa po kayo Mahal na Reyna, patawarin niyo po ako! Gagawin ko po ang nais niyong ipagawa sakin wag niyo lamang akong patayin!" "Kung gayon, makinig ka sa sasabihin ko. Bibigyan pa kita ng isa pang pagkakataon. Siguruhin mo lang na mapagtagumpayan mo ang ipapagawa ko sayo!" "Makakaasa po kayo Mahal na Reyna. Hindi ko po kayo bibiguin!" "Ito ang kailangan mong gawin." pagsisimula ng Reyna. Sumilay ang malademonyo niyang ngiti sa kanyang labi habang iniisip ang plano. "Hindi maaaring maging ganap na Pazap ang batang Tenzin na iyon. Balak ng prinsipe na kunin ang batang iyon bilang kanyang tagabantay. Kapag nagkataon, mahihirapan akong patayin ang prinsipe!" Nanlalaking napatingin sa gawi ng reyna ang Ikalawang Pazap. "M-Ma--M-Mahal na Reyna..." Napalunok pa ito dahil sa gulat. "N-Nais niyong patayin ang p-prinsipe?" "Oo! May problema ba doon?!" Agad namang umiling ang Ikalawa at muling napayuko. "W-Wala po Mahal na Reyna, wala po..." "Ngayong alam mo na ang mga plano ko, nasa hukay narin ang buhay mo. Kaya subukan mo akong traydorin, uubusin ko ang lahi niyo!" Agad namang nanginig ang Ikalawa at muling napalunok. "M-Magtiwala po kayo sakin Mahal na Reyna." "Mabuti kong gayon. Ito ang nais kong gawin mo sa batang Tenzin. Gawin mo ang lahat upang hindi siya makalabas ng buhay sa gaganaping pagsusulit. Patayin mo siya kung kinakailangan!" Muling nanlaki ang mga mata ng Ikalawa. Naging sunod sunod ang paglunok niya. "M-Mahal na Reyna..." "Bakit? Hindi mo kaya?..." Hindi nakapagsalita ang Ikalawa. "Maswerte ka at ikaw ang napili ko. Kagaya ng kanyang ama, wala ring silbi ang Punong Pazap at hindi ko ipinagkatiwala ang plano ko sa kanya sapagkat maaari niya akong ipahamak." Ngumiti ang Reyna kahit na hindi iyon makikita ng Ikalawa. "Kapag matagumpay mong naisagawa ang ating balak ay magkakaroon ka ng malaking pabuya, sapat upang gumaan ang buhay ng iyong pamilya." Agad namang napatingin ang Ikalawa sa gawi ng Reyna dahil sa narinig. Napaisip siya. Malaking tulong ang pabuyang iyon upang gumanda ang buhay niya at ng kanyang pamilya. Ito na ang kanyang pagkakataon upang iangat ang kanilang pamumuhay sa bansang imposible ang pag-ahon sa hirap. Napalunok siya at napatungo. "Tinatanggap ko po ang inyong utos Mahal na Reyna. Gagawin ko po ang lahat at sisiguraduhin kong magtatagumpay tayo." "Mabuti kung ganon, makakaalis ka na. Hindi maaaring malaman ng Hari ang dahilan kung bakit ipinatawag kita." Nagpaalam ang Ikalawa at agad na lumabas sa silid tanggapan ng Reyna. Naglalakad siya sa pasilyo patungo sa labasan ng Palasyo nang makasalubong niya ang Punong Pazap. "Maaari ko bang malaman kung bakit ka nandito Pinunong Yangchen?" aniya nang pareho silang tumigil sa paglakad at magkaharap. "Ako ang nagsanay sa Prinsipe sa paggamit ng pana't palaso." tugon nito saka tinanaw ang kanyang pinanggalingan. "Ikaw? Anong ginagawa mo dito Ikalawa?" Tumikhim siya bago nagsalita. "Nais ng Hari at Reyna na malaman kung ano ang mga nangyari sa nagdaang ensayo kaya naman ipinatawag nila ako." Tumango naman ang Punong Pazap at muling tinanaw ang pinanggalingan ng Ikalawa bago ito iniwan at naunang umalis. Sinundan naman ng tingin ng Ikalawa ang papalayong Punong Pazap. Matunog siyang ngumiti habang matalim ang tingin dito. "Kapag nakuha ko ang loob ng Reyna, di maglalaon at maglalaho ka narin sa paningin ko Surya..." DUMATING na ang pinakahihintay ng mga batang nagnanais maging Pazap kabilang si Lham. Sa isang taong paghahanda at pagsasanay ay masasabi niyang makakayanan niya ang pagsusulit. Bago siya umalis ay marami ang mga payo at paalala ng kanyang mga magulang lalo na ang kanyang ina. Hindi niya nakalimutan ang babala nito na hindi basta basta ang kanilang mararanasan. At mas kailangan niyang mag-ingat lalo sa gabi kung saan maraming halang na nilalang ang kanilang masasagupa. Ang payo ng kanyang ina, maging alerto, alisto at matatag. Isang daang porsyentong nakamamatay raw ang pagpasok sa gubat kung saan gaganapin ang pagsusulit. Magiging Pazap ka kung makakalabas ka sa gubat ng buhay. Ayaw man siyang takutin ng kanyang ina ngunit pinili parin nitong ibahagi ang sariling karanasan. Ayon dito, sa dalawam pu't tatlong kalahok na sumabak sa pagsusulit na iyon, tanging siyam na kabataan lamang kabilang ang kanyang ina ang nakaligtas at nakalabas sa gubat na iyon. Kahindik-hindik, kakila-kilabot, nakakalungkot... Ngunit walang nagawa ang mga kabataan at mga magulang sapagkat iyon ay matagal nang kaugalian at batas. Mahirap man o mayaman ay walang nagawa, maging ang pamilya Tenzin na itinuturing na pinakamayaman sa bansa--maliban sa hari at reyna--, kahit pa noong naging Punong Mahistrado ang lola ni Dema ay hindi ito naghimagsik sa batas ng kaharian. Ang mangahas na sumuway rito ay mapaparusahan. Tanging ang pamilya ng hari at reyna lamang ang lusot sa nakamamatay na pagsusulit. At hindi sa pagmamayabang, nakaligtas ang mga kabataang iyon sa tulong ng kanyang ina. Hindi niya rin nakalimutan ang bilin nitong tumulong sa mga kasamahan kung kinakailangan. Naglakbay siya patungo sa isang templo kung saan sila kailangang magtipon tipon bago tumungo sa gubat o 'Nak-sel' na makikita sa pinakadulong bahagi ng bansa. Ngayon ay makakasama niya si Snow sa lahat ng kanyang paglalakbay. Kung noon sa ensayo ay hindi niya ito nagagamit, ngayon ay malaki ang maitutulong nito. Yun nga lang, pihadong makakaranas rin ito ng pinsala sa pakikipaglaban niya. Habang unti- unting nararating ang kanyang paruroonan, patindi rin ng patindi ang nararamdamang kaba sa dibdib ng dalagitang si Lham. Normal lang iyon, sapagkat gaano man kalaki ang pagbabago sa kanyang katawan, gaano man siya kalakas ngayon ay hindi maikakailang isa parin siyang bata, may karapatang kabahan, matakot at mag-alinlangan. Ngunit hindi sapat ang mga iyon upang lalong panghinaan ng loob si Lham. Dahil nangako siya sa kanyang pamilya, nangako siya sa mga nagtitiwala sa kanya, nangako siya sa prinsipe... MAKALIPAS ang ilang oras, nakarating siya sa templo kung saan ang marami narin sa kanyang mga kasamahan ay naroon na at naghihintay. Tulad niya ay may mga malalaking bagahe rin ito na nakasukbit sa likod. Bukod doon ay may malaking supot pa siyang nakasukbit naman sa likuran ni Snow, naroon ang iba niyang kagamitan at mga pagkain. Ilang saglit pa ay nakumpleto na sila. Agad silang tinipon ng mga nakatataas ng Pazap kabilang ang Punong Pazap. Naroon din ang mga pinuno at kalihim ng kagawaran ng tanggulang pambansa upang bigyan sila ng paalala at babala. Pagkatapos niyon ay inihatid sila ng mga nakatataas na Pazap. Nang makarating sila ay unti unting bumabalot sa katawan ni Lham ang bigat ng presensiya ng kagubatan. Sa layo ng kanilang nilakbay, wala ni isang nakatayong tahanan doon. Madilim ang bawat sulok ng gubat. Natatakpan ng hamog ang ilang bahagi niyon at halos hindi nila makita ang mga puno. Tanging ang mga huni ng ibon at tunog ng iba't ibang hayop ang kanilang naririnig. Hindi nga talaga basta basta ang kanilang susuungin. Tunay ngang nakakakilabot. Hindi lang siya ang nakaramdam ng takot. Dahil maging ang kanyang mga kasamahan ay nakikitaan niya ng panghihilakbot. Ngunit wala nang atrasan iyon. Walang pagpipilian kundi ang matiyak na makalabas roon ng buhay. "Hanggang dito nalang kami." sabi ng Punong Pazap. "Mula rito ay susuungin niyo ang gubat na ito at maglakbay sa abot ng inyong makakaya. Hindi kayo maaaring bumalik sa pinanggalingan niyo. Wala rin kayong ibang malulusutan sapagkat pulos bangin sa magkabilang gilid nitong gubat ang inyong makikita. Isa lang ang maibibigay kong payo sa inyo, mag-iingat kayo at pilitin niyong makaligtas..." Tila naghanap naman ang mga mata nito at nahinto lang ito nang magtagpo ang paningin nila ng dalagita. Ang sumunod na nagsalita ay ang Ikalawa. "Kung bibilisan ninyo ang paglalakbay mula ngayon, makakarating kayo sa hangganan ng gubat na ito ng tatlong araw. Ngunit maraming mangyayari, kaya naman inaasahan ko nang kung makakalabas man kayo ay siguradong aabutin kayo ng hanggang limang araw. Naroon lamang kami sa dulo ng gubat na ito at maghihintay sa inyong paglabas. Mag-iingat kayo." Nakaramdam naman siya ng kakaiba nang sulyapan siya ng Ikalawa. Ilang sandali lang ay iniwan na sila ng mga ito. Agad na lumapit sa kanya si Cahya. Nagsimula silang maglakad papasok sa loob ng gubat. "Maaari ba akong sumabay sa iyo ate Lham?" "Oo naman, makakaya natin kung sama sama tayo. Sana ganoon din ang iba nating kasamahan..." "Naku malabo iyan, tingnan mo naman." Inginuso nito ang iba nilang kasamahan na nagkanya kanyang grupo bago nagpati-unang maglakad papasok. Nagpakawala nalamang siya ng malalim na buntong hininga bago hinila si Cahya at muling naglakad. Habang tinatahak nila ang loob ng gubat ay unti unti ring nawawala ang liwanag. Malalaki at malalabong ang mga puno kaya naman hindi makapasok ang liwanag ng araw doon. Hindi pa man sila nakakapasok ng tuluyan ay naramdaman niya na ang mga nilalang na nakatingin ngayon sa kanila. Agad siyang napalingon sa dakong kaliwa nang makarinig siya ng kaluskos. Sabay sabay silang napahinto sa paglakad at napatingin sa dakong iyon. Napalunok siya nang makita ang paggalaw ng mga dahon doon. Humigpit rin ang paghawak ni Cahya sa kanyang braso mula sa likuran. Nahigit na lamang niya ang kanyang hininga nang biglang tumalon ang isang napakalaking itim na pusa sa gawi nila. "Takbo!!!!" Bago pa man makagalaw ang mga kasamahan niya ay nilapa na ng mabangis na hayop ang isang batang lalaki. Para siyang tuod dahil biglang nanigas ang kanyang katawan. Bigla siyang natulala habang bahagyang nanlaki ang mga mata. Tila naging bulong nalang ang mga sigaw ni Cahya at ng kanyang kasamahan. Sobrang bilis ng pangyayari. Sa isang iglap lang ay nalagasan agad sila ng isang kasamahan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD