KABANATA 8

2489 Words
ANG sunod naming inaral ay ang paggamit ng espada. Ilang oras muna naming pinag-aralan ang iba't ibang galaw niyon. Kahit naturuan na ako ni Mommy ay pinagtuunan ko parin ng pansin ang mga itinuturo ng mga namumuno sa amin. Lalo pa't marami rin ang hindi ko pa alam. Pagkatapos niyon ay nagkaroon muli ng pagtutuos. Pinanuod muna namin ang Ikatlo at Ikaapat na Pazap na naglalaban gamit ang espada. Napakabilis nila. Kahit babae ang Ikaapat ay hindi ito nagpatalo. Mas maliksi pa nga ito sa Ikatlo ngunit mas malakas parin ito sa kanya lalo na sa mga hampas nito na halos ikaatras ng Ikaapat. Halos nagliliparan na sila at naglalaban sa ere na siyang ikinahanga naming lahat. Maya maya lang ay natalo ang Ikaapat nang mapatumba siya ng Ikatlo at kinorner ng espada nitong nakatarak sa lupa malapit sa pisngi niya at ang isang braso naman ang nakatuon sa kabila. Nakangisi lang na nakatitig dito ang Ikatlo. Maya maya lang ay bigla nitong hinalikan ang Ikaapat na ikinagulat namin at ng Ikaapat. Agad na sumama ang mukha ng Ikaapat saka malakas na inuntog ang noo ng Ikatlo. Dahil doon napahiga ang Ikatlo sa lupa at nasapo ang noong napinsala. Agad namang bumangon ang Ikaapat saka galit na sinipa ang Ikatlo bago naglakad palayo. Maya maya lang ay ang Ikalawang Pazap na muli ang nagsalita. "Magkakaroon muli tayo ng isang tunggalian. Sa puntong ito, babae naman laban sa lalaki. Inaasahan kong magiging pantay lang ang lakas niyo kahit na magkasalungat kayo ng kasarian. Kayong mga kalalakihan, huwag niyong limitahan ang inyong sarili sa pakikipaglaban dahil lamang sa sila ay babae. Kayo namang mga babae, huwag kayong papatalo sa mga lalaki at patunayan niyong mas malakas kayo kaysa kanila, maliwanag ba?!" "Opo!" Nagkaroon muli ng pagpili kung sino ang makakalaban. At hindi ko inasahan ang sunod na nangyari. "Dahil mas lamang ang bilang ng kababaihan sa kalalakihan. Ang mga babaeng walang makakalaban ay kami ang kanilang makakatunggali." sabi ng Ikalawang Pazap. Nagsimulang pumili ng magkakalaban ang Ikalawa. Kabilang kami ni Cahya sa mga naiwan. "Cahya Yangchen, ang makakalaban mo ay ang Punong Pazap." "Ano? Hala!" gulat na bulalas ni Cahya."Bakit naman ang Pinuno pa?" nakasimangot na reklamo niya na napatingin sa Punong Pazap. Napabuntong hininga lang ito. Muling nagtawag ang Ikalawa. Ang tatlo pang natitira kong kasamahan ay makakaharap din ang ikatlo, ikaapat at ikalima. Ako nalang ang natitirang wala pang makakalaban. Natigilan nalang ako nang tumingin sakin ang Ikalawa Pazap. "Ikaw Lham Tenzin, ako ang makakalaban mo." seryosong sabi nito na lihim kong ikinalunok. Agad na nagsimula ang laban. May parehong magagaling, may parehong mahina at may mahina laban sa malakas. Mas naging interesado lang ang laban nang sumabak na ang Ikatlong Pazap at si Ugyen. Napakagaling ng Ikatlong Pazap, ngunit kahanga hangang kayang makipagsabayan ni Ugyen. Panay ang pagkalansingan ng kanilang mga espada. Halos liparin ni Ugyen ang pagsugod sa Ikatlo. Hindi naman hinahayaan ng Ikatlo na madikitan siya ng espada nito kaya mabilis niyang naisasalag ang mga tira nito. Pero mukhang pursigidong manalo si Ugyen. Seryoso lang siya sa kanyang ginagawa. Sa aming lahat yata ay siya ang pinakamalakas at pinakamagaling. Ang kilos niya'y panlalaki kaya naman hindi siya natatakot sa kanyang kalaban. Palibhasa ay nakipaglaban ang Ikatlo sa Ikaapat kanina kaya naman agad na rumehistro sa kanyang mukha ang pagod. Nagpatuloy ang kanilang laban hanggang sa muntikan nang matalo ni Ugyen ang Ikatlo. Mabuti nalang at naagapan nito ang kanyang tira. Mukhang kinailangang magseryoso sa laban ang Ikatlo dahil bigla niyang inilabas ang kanyang lakas. Wala pang ilang segundo ay naitutok na nito ang patalim ng kanyang espada sa leeg ni Ugyen dahilan para matapos ang laban. Sumunod na nagharap ang isa pa naming kasamahan katapat ang Ikaapat. Agad na natapos ang laban sapagkat hindi ito nakakasabay sa bilis at liksi ng Ikaapat. Sinundan naman ito ng Ikalima at ng isa pang kasamahan ko. Katulad ni Ugyen ay hindi ito nagpapahuli at hindi agad na nagpapatalo. Pero sa huli ay nanaig parin ang Ikalima. Wala naman siguro ni isa sa aming mga nagsasanay ang makakatalo sa lima naming pinuno. Ang sumunod na nagharap ay ang Punong Pazap at si Cahya na hindi maipinta ang mukha. Seryoso at naghahanda na sa laban si Pinuno ngunit tila ayaw lumaban ni Cahya. "Ano pang hinihintay mo? Sumugod ka na." sita ni Pinuno sa kanya na ikinasimangot niya. "Kahit ano namang lusob ko sayo hindi naman ako mananalo." reklamo niya. Sinamaan lang siya ng tingin ng Pinuno saka sinenyasan na sumugod dito. Umikot lang ang mata ni Cahya at napabuntong hininga. Maya maya ay huminga siya ng malalim saka sinugod ang Pinuno at agad na pinaghahampas ng espada na mabilis naman nitong nasasalag ng walang kahirap hirap. Panay lang ang pagtira ni Cahya ngunit tila nababagot lang ang itsura ng Punong Pazap. Kahit na sa likod manggaling ang pagsugod ni Cahya alam niya kung saan ito at kung paano ito tumira. Maya maya lang ay sumuko na si Cahya dahil sa sobrang pagod. Nakasimangot siyang bumalik sa pwesto namin. "Ang huling sasabak sa laban, Lham Tenzin." Huminga ako ng malalim bago tumayo nang tawagin ng Ikalawa. Medyo kinakabahan ako habang naglalakad na papunta sa gitna kung saan naroon ang Ikalawa. Hindi ko kasi maintindihan kung bakit siya nakangiti, yung kakaibang ngiti. "Maaari kanang sumugod." utos niya. Napalunok muna ako bago huminga muna ng malalim saka ipinorma ang sariling espada. Halos hindi ko siya matingnan ng deretso sapagkat madiin ang pagkakatitig niya sakin. Alam kong wala akong laban sa kanya ngunit inaasahan ko parin na maisahan ko man lang siya. Ilang sandali lang ay kumilos na ako para lusobin siya. Agad kong inihampas sa kanya ang espada na agad rin niyang sinalag gamit ang kanyang espada. Hindi kaagad ako humiwalay. Buong pwersa kong idiniin ang aking espada laban sa kanya. Nakangisi naman ang Ikalawang nilalabanan naman ang diin ko. "Sa tingin mo ba sapat na yang mga natutunan mo sa iyong ina?" nakangisi paring tanong nito. "Kahit kailan ay hindi mo ako matatapatan." Bigla ay malakas niya akong tinulak dahilan para marahas akong mapaatras at muntik nang matumba. Nilakasan ko ang aking loob at muli siyang sinugod. Pinatunayan kong kaya ko ring maging magaling katulad ng aking ina. Mas nilakasan ko ang aking paghampas ng espada dahilan para bahagya na siyang kumilos upang tumbasan ang aking tira. Ilang beses muna kaming palaging nagpambuno ng espada. Nang magkaroon siya ng pagkakataon ay bigla niya akong dinambahan ng hawakan ng espada sa dibdib na ikinatras ko. Napasigaw pa ako sa sobrang sakit niyon. Nahilot ko pa ang dibdib ko kasabay ng nalalasahan kong dugo na marahil ay muntikan ko nang isuka. Kasabay ng paghagod ko sa aking dibdib ang paghangos ko naman dahil sa pagod. Nakangiwi narin ang mukha ko dahil patuloy ang kirot ng dibdib ko. Habang ang ang isa ko namang kamay ay nakatuon sa aking tuhod. "Ano, hanggang diyan ka nalang ba?" nakapamaywang at nakangising turan ng Ikatlo. Napatingin naman ako sa kanya. "Ngayon palang ay nasisiguro kong hindi mo mapapantayan ang iyong ina." Naikiskis ko ang aking mga ngipin. Naiinis akong isipin na pinamumukha niyang mahina ako at kailan man ay hindi magtatagumpay bilang isang Pazap. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang galit niya. Kung bakit parating iba ang pakikitungo niya sa akin. Umayos ako ng tayo at muli siyang sinugod. Kung gaano kadiin ang hawak ko sa espada habang walang tigil siyang pinaghahampas ay ganoon din ang diin ng pagkakalapat ng aking mga ngipin na tila nanggigigil na magkaroon ng pagkakataon na siya ay maisahan. Ngunit ganon nalang ang hiyaw ko nang ihampas niya ang lapad ng espada sa likod ko dahilan para muntikan na akong masubsob sa lupa. Mabuti nalang at agad kong naitukod ang isa kong kamay at ang isa kung siko na nagasgasan na ngayon. Ramdam ko parin ang lanit ng pagkakahampas niya sa likod ko. Matagal akong nasa ganoong posisyon. Pinigilan kong umiyak lalo na't saka ko lang nakita ang taong nasa aking harapan. Napatingala ako at natigilan nang makita ang Punong Pazap. Hindi ko maaninag ang kanyang mukha dahil sa araw sa kanyang ulunan. Hindi ko tuloy malaman kung ano ang kanyang ekspresyon ngayong nakikita niya akong nahihirapan. Naisip kong humingi ng tulong sa kanya dahil pakiramdam ko ako ang bukod tanging nasaktan ng lubusan sa labanang ito. Pero pinigilan ko ang aking sarili at sa halip ay tumayo nalang at muling hinarap ang Ikalawa. Kung tutuusin ay maaari akong magdeklara ng pagsuko ngunit alam kong mas lalo lang niya akong hahamakin kapag ginawa ko iyon. Iniangat ko sa ere ang aking espada at pasigaw siyang sinugod. Nanggigitil ang aking mga bagang habang patuloy siyang binibigyan ng malakas na hampas ng espada na lagi naman niyang naaagapan ng pagsalag. Patuloy at walang paltos ang aming pag-iespadahan hanggang sa muli siyang magkaroon ng tiyempo at mahiwa ako sa aking braso. Agad akong napasigaw at pinigilan ang pag-agos ng dugo roon gamit ang isang kamay. "Ikalawa!" "Wag kang mangialam dito Punong Pazap!" pigil ng Ikalawa sa Pinuno nang akma itong lalapit. Napatingin ako sa Pinuno. Madilim ang mukha nito. Tila napupuno na sa Ikalawa. Kung tutuusin kasi sobrang laki ng agwat ng edad nila sa isa't isa. Ang Ikalawa ay nasa dalawam pu't pataas habang ang Pinuno naman ay nasa Labing apat pataas lamang. Kaya ganoon nalang ang pakikitungo ng Ikalawa. Ni ayaw siya nitong igalang bilang nakakataas na Pazap. Marahil ay dahil sa edad ng aming pinuno na para sa kanya ay bata lamang. Wala naman akong nagawa kundi ang bahagyang napaatras at nakangiwing pinagmasdan ang aking braso. Sobrang sakit niyon. Hindi ko lalo maintindihan kung bakit niya ako sinugatan. Bukod tanging ako lamang ang nasugatan sa nangyaring labanan. Nagkaroon lang naman kasi ng pagtutuos upang subukin ang aming galing sa paggamit ng espada ngunit tila sineseryoso iyon ng Ikalawang Pazap pagdating sakin. Umurong ako saglit upang makahinga ng maayos at makapag-isip ng paraan. Kung gusto niya ng totoong laban, ibibigay ko iyon. Hindi ako makakapayag na ako lang ang nasaktan sa labang ito. Kailangan ko siyang maisahan. Alam ko na... Mabilis akong tumakbo sa gawi niya at patalon siyang hinampas ng buong pwersa na hindi niya inasahan. Dahil doon ay napaluhod siya at agad na sinalag ng espada gamit ang dalawang kamay sa magkabilang gilid. Nandoon lang ang buong atensiyon niya at wala siyang alam sa balak ko. Mabilis na umangat ang isa kong binti at agad ko siyang tinuhod sa baba na ikinahandusay niya sa lupa. Napadura siya ng dugo sa kanyang gilid. Bago pa man siya makabangon ay agad ko siyang tinapakan sa dibdib gamit ang isa kong paa habang ang talas ng aking espasda ay madiing nakalapat sa kanyang leeg. Hindi ko napigilang mag-apoy ang mga mata ko. Nanginginig ang mga kamay ko at nanggigigil akong diniinan ang talim ng espada dahilan para magkaroon ng hiwa ang leeg niya na ikinangiwi niya. Matalim ang mga mata niyang tumingin sakin. "Bitiwan mo ako bata!" sigaw niya. Sinagot ko siya ng nakangisi. "Sumusuko ka na ba Ikalawa?" "Lapastangan! Isa kang tampalasan!" galit na sigaw niya. "Bitiwan mo ako ngayon din!" "Sumuko ka muna sa laban Ikalawa." seryoso kong sabi. "Ginagalit mo talaga ako Tenzin!" Sa halip na matakot ay mas diniinan ko pa ang talim ng espada kaya naman napahiyaw siya. "Ahhh! Humanda ka, magbabayad ka!!!" Natigil lang ako nang may humawak sa braso ko. Agad kong nalingunan ang Pinuno. Umiling siya. "Tama na..." bulong niya. Sa halip na sumunod ay muli kong binalingan ang Ikalawa at muling diniinan ang pagkakalapat ng espada sa kanyang leeg. "Tatanungin kita, Ikalawa. Ano po bang problema niyo sa akin? Bakit ako lang ang pinatutunguhan mo ng ganito?" hindi ko naman napansin na tumutulo na ang luha ko. Hindi naman ito sumagot at masama lang ang tingin sa akin. Naramdaman ko muli ang paghawak ng Pinuno sa aking braso. "Tama na, Lham. Halika na, gagamutin natin ang sugat mo." Wala na akong nagawa nang agawin niya sakin ang espada at hinila na palayo roon. Wala akong imik hanggang sa dalhin niya ako sa kanyang kubo at pinaupo roon. Nilinisan niya ang aking sugat at nilapatan ng halamang gamot. Napagtanto ko nalang na humihikbi na pala ako. Hindi ko alam kung dahil ba iyon sa hapdi ng sugat ko o dahil sa ginawa ng Ikalawa. "Masakit ba?" nag-aalalang tinig ng Pinuno. Natigilan pa ito dahil sa iyak ko.  Hindi ko naman siya tinitingnan. Tanging sa ibaba lamang ang aking paningin habang tumutulo ang aking luha. "May problema ba?" tanong niya nang umiiyak parin ako kahit na tapos na niyang gamotin at talian ng tela ang aking braso. Nakatungo parin ako at napabuntong hininga.  "Bakit ba ganon ang Ikalawa? Bakit ba siya galit sa akin?" tanong ko. Naramdaman ko naman na nilingon niya ako. "Bakit mo naman iniisip iyan?" "Nararamdaman ko, may galit siya sakin. Ako lang ang bukod tanging pinakikitunguhan niya ng ganoon. Ano bang kasalanan ko sa kanya? Bakit parang gustong gusto niya akong saktan?" Napabuntong hininga siya. "Hindi ko rin alam. Pero isa lang ang maipapayo ko sa iyo, habaan mo ang pasensya mo sa kanya. At kailangan mo nang maging mas maingat ngayon sa kanya. Sigurado akong mas nadagdagan ang galit niya sa iyo dahil natalo mo siya sa laban kanina." Napanguso nalang ako at pinunasan ang aking mga luha. "Ngunit hindi ko naman siya napasuko..." "Hinding hindi mo siya mapapasuko ng ganoon lang. Lalo na sa tulad mong isang bata lang." Napabuntong hininga ako saka nagpasyang tumayo. "Kung gayon, magsasanay ako ng mabuti upang mapantayan ko ang lakas at galing niyo sa pakikipaglaban. Upang hindi niya na ako hamakin sa aking kakayahan." sabi ko bago lumabas ng kubo. NAGLALAKBAY na kami pabalik sa aming mga tahanan. Nakasakay ako kay Snow na tatlong buwan ko ring hindi nasakyan. Hindi ko naman siya nakaligtaang pakainin dahil sagana naman sa d**o ang kampo na aming nilagian. Sa wakas ay tapos na ang tatlong buwan naming pagsasanay. Marami rin ang nangyari at naging kasangkapan ko iyon upang magtagumpay.  Isang taon mula ngayon ay sasabak na kami sa tunay na laban. Kailangan kong dagdagan ang aking mga kasanayan upang mapagtagumpayan ang proseso upang maging Pazap. Nang makauwi ako ay tuwang tuwa ang aking pamilya sa pagsalubong sakin. Umiiyak namang niyakap ako ng aking lola. Ganoon din si Daddy na nanlumo sa itsura ko. Masasabi kong malaki ang ipinagbago ko at ng katawan ko. Pakiramdam ko ay napakalakas ko na. Hindi ko na inisip ang kutis ko na noon ay mala-porselana at ngayon ay naging maitim at magaspang na dulot ng aking mga naranasang mga ensayo. Niyakap naman ako ni Mommy nang nakangiti. Bumilib siya sa aking narating. Naniniwala siyang mapagtatagumpayan ko ang huling laban. Isang taon akong maghahanda. Hindi raw madali ang pagdadaanan namin doon. Maaari naming ikamatay ang kahinaan sa pagsusulit na iyon kaya naman ngayon palang ay inaalis ko na ang takot ko sa dibdib ko. Konting panahon nalang, magiging Pazap na ako ng bansang ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD