ISANG buwan akong namalagi sa ospital pagkatapos ng operasyon sa nabali kong buto at isang buwan namang nagpagaling sa aming tahanan sa Pilipinas.
Nang tuluyan akong gumaling ay bumalik na kami sa bansang Bhutan.
"Meron pang isang buwang natitira sa ensayo ng mga bata, ipapadala mo na na ba siya agad doon?" Narinig kong tanong ni Daddy kay Mommy. Napadaan ako sa kanilang kwarto nang marinig ko ang kanilang pag-uusap.
Ilang linggo narin na ako ay mag-isang natutulog sa kwarto. Istrikto ang Mommy hindi katulad ni Daddy na palagi akong bini-baby.
Pero siguro nga ay kailangan ko nang humiwalay sa pagtulog sa kanila dahil mag-wa-walong taong gulang na ako.
"Hindi muna, ilang buwan na ang nakalipas mula nang mag-sanay siya, malamang ay nakaligtaan na niya ang kanyang mga natutunan. Baka masayang lang iyon at hindi siya makapasa sa ensayo. Kaya hahayaan ko na lang na lumipas ang taon at maghintay ng susunod na ensayo."
Napabuntong hininga ako. Bumalik na ako sa aking kwarto at nagpahinga.
Hindi ko parin maintindihan kung bakit kailangan kong mag-ensayo? Kung bakit kailangan kong maging sundalo ng bansang ito? Sa murang edad ko ay naguguluhan talaga ako sa nangyayari sa bansang ito.
Dahil kumpara sa Pilipinas, ibang iba ang bansang ito. Malaya kaming nagagawa ang gusto namin doon. Pero dito sa Bhutan, ni isang bata ay hindi ko pa nakikita at nakakalaro. Kaya isa lang ang naiisip ko, na tulad ko ay nagsasanay din sila upang maging mandirigma.
Tulad nga ng narinig kong sinabi ni Daddy, nasa ensayo ang mga kabataan. At dahil sa nangyari sakin, malamang ay ako nalang ang natitirang bata sa tahanan.
Naisip kong may mga bata pa kayang nakakapaglaro sa sitwasyon naming ito? Pero mukhang malabo iyon. Dahil tulad ko, kailangan nilang magsanay nang magsanay upang maging malakas na sundalo.
"TAYO NA, LHAM." Tawag sakin ni Mommy.
Tulad ng inaasahan, hinayaan naming lumipas ang ensayo ng kabataan.
Ilang araw narin akong nagsasanay muli. Bumalik ang sakit ng aking katawan, ang mga sugat na natatamo ko sa paghawak ng pana at espada at ang nakakahapong pagod.
Pabuntong hininga akong tumango nalang at sumakay sa kanyang kabayo.
Sa araw na iyon ay kinailangan kong tamaan ng sunod sunod ang gitna ng tudlaan habang paatras ako ng paatras at palayo ng palayo mula roon.
Ngunit mahirap iyon. Ilang beses kong inulit ang pagtira at ilang beses muna iyong bigo kaya hindi ako nakakaalis sa pwesto ko.
"Wag kang basta basta magbibitaw ng palaso kung hindi ka naman siguradong matatamaan ang gitna ng tigpo." Seryosong ani Mommy.
Pinilit kong sundin ang kanyang sinabi. Kinalma ko ang aking sarili at tinalasan ang mga mata.
Huminga muna ako ng malalim bago hinigit ang palaso. Nang sigurado na ako ay saka ko lamang iyon binitawan. Sapol.
Napangiti ako habang umatras ng dalawang hakbang. Mas nakakabilib sa sarili kapag napapagtagumpayan mo ang pagsasanay.
Paulit ulit ko iyong ginagawa hanggang sa tuluyan ko iyong makuha.
"Nice one, anak!" Tuwang sigaw sakin ni Dad na nanunuod lang sa silong ng puno. "Galing mo!"
Si Mom naman ay seryoso man ang mukha ay halata parin ang pagkamangha sakin.
Di ko maitago ang saya ko kaya hindi ko napigilan ang ngumiti.
NANG magtagumpay ako roon ay sunod namang pinagawa ni Mommy ang pag-asinta sa tigpo nang naka-piring.
Ganon din ang rule, kapag naka-tama ako ay saka lang ako hahakbang paatras.
At hindi iyon naging madali sa akin. Ilang minuto na ang lumipas ngunit wala parin akong natatamaan.
"Alalahanin mo ang sinabi ko sayo noon, Lham. Gamitin mo ang mahahalagang senses mo upang maasinta ang tigpong iyan nang wala kang nakikita. Ang iyong pandinig at pandama, pakiramdaman mo ang hangin. Isipin mo at tantyahin ang kinaruruonan ng tudlaan."
Muli ay huminga ako ng malalim saka inangat ang mga brasong may hawak na pana at palaso.
Inalala ko ang kinaruruonan at layo ng tudlaan. Pinakiramdaman ko rin ang hangin.
Kinalma ko ang sarili ko at nagtiwala sa sariling matatagumpayan ko iyon.
Ilang segundo ko munang itinutok ang palaso. Nang sigurado na ako ay saka ko iyon pinakawalan. Nang tanggalin ko ang piring ay nakita ko ang palaso. Tumama! Subalit hindi naasinta ang gitna.
"Gawin mo lang ng paulit ulit ang istratehiya mo kanina at tiyak akong makukuha mo rin iyon."
"Opo!"
Pursigido naman akong ginawa ang strategy ko kanina.
Muli akong nag-focus. Kahit nakapiring ay ipinikit ko parin ang aking mga mata upang mas lalong pakiramdaman ang aking paligid. Muli kong inisip ang layo at direksyon ng tudlaan.
Huminga ng malalim saka hinila ang palaso. Ipinurma ko ang palaso sa alam kong direksyon ng tigpo.
Maya maya lang ay pinakawalan ko na iyon.
Marahas akong nagpakawala ng hininga dahil narin sa pagod bago inalis ang takip sa aking mga mata.
Sumilay ang ngiti sa aking mga labi kasunod ng pagsuntok sa hangin.
"Yes!" Tuwang bulalas ko.
Napatingin naman ako kilala Mommy at Daddy.
Pumapalakpak pa si Daddy habang malapad ang ngiti sa akin. Seryoso man ay naroon parin ang ngiti sa mukha ni Mommy.
"Magaling Lham, ipagpatuloy mo lang ang ganoong strategy."
Tumango ako at ipinagpatuloy ang pagtira.
Patuloy kong naasinta ang tudlaan kaya naman malayo narin ang aking narating. May ilang sablay man ngunit hindi iyon nakapagpahina ng loob ko. Bagkus ay ipinagpatuloy ko iyon hanggang sa makuha ko.
Marami pang itinuro sakin si Mommy tungkol sa Pana't palaso. Nariyan ang pag-akyat ko sa puno upang doon pumwesto at umasinta ng target. Hindi naging madali iyon dahil di ko pa nararanasang umakyat sa puno. Sunod naman niyang ipinagawa ay ang pagtakbo ko dala ang pana at palaso at paghabol sa kanya na hawak hawak ang tudlaan habang nagpapatakbo ng kabayo. Kailangan kong matamaan iyon habang tumatakbo ako at tumatakbo naman ang kanyang kabayo.
Sabi ko nga, lahat yata ay hindi naging madali sa akin. Matagal bago ko nakuha ang technique doon. Umabot pa kami ng ilang linggo bago ko tuluyang matutunan iyon.
Hindi lang pana at palaso ang itinuro ni Mommy. Mas nagpursigi pa siyang turuan ako ng paggamit ng espada. Dahil para sa kanya, mas mabuti parin ang mas may alam ako sa pakikipaglaban gamit ang espada.
Tulad ng sa pana at palaso, matagal bago ako tuluyang natuto roon. Ngunit isang buwan akong naglaan ng panahon doon bago ko pa tuluyang natutunan ang tamang pagdala niyon. Dahil kasi sa bigat niyon at halos kasing taas ko narin, ay mahirap sakin ang gumalaw at makagawa ng anggulo.
HINDI ko nalang namalayan na dumaan na pala ang maraming buwan. Nalalapit na ang pagsabak ko sa tunay na ensayo.
Sa tagal ng panahong aking inilaan, masasabi kong mayroon na akong kakayahan at handa na akong sumabak sa totoong pagsasanay.
Pero di parin dapat ako maging kampante, tulad nga ng sinabi ni Mommy, kalahati palang ng hirap na dinadanas ko ngayon sa ensayo ang mararanasan ko doon.
Kaya naman, hanggang ngayon ay patuloy parin ako sa pag-e-ensayo.
At sa totoo lang, nakalimutan kong isa pala akong bata. Dahil nakalimutan ko na ang paglalaro.
At dahil sa wala rin naman akong makakalaro ay espada at pana ang aking palaging hawak at kasama saan man ako magpunta.
"Happy Birthday, Lham!!" Masayang bati sa akin ng pamilya ko.
Sa araw na iyon ay ipinagpaliban ang aking pagsasanay upang ipagdiwang ang aking kaarawan.
"Salamat po!" Hinipan ko ang aking cake. Nakangiti man ay hindi na tulad noon na tumatalon pa ako sa sobrang tuwa. Ano man ang dahilan ay hindi ko alam.
Siguro ay dala iyon ng tindi ng aking ensayo. Ikaw ba naman ang gumawa ng mga bagay na matatanda lamang ang normal na gumagawa.
"Halika anak, may regalo ako para sayo.."Nakangiting yaya ni Mommy sakin saka ako dinala sa labas ng aming bahay.
Nagtataka naman akong sinundan sila ni Daddy. Kung simpleng regalo lang iyon ay dapat ibinigay na nila sakin iyon katulad nina Lolo at Lola. Ano bang regalo ang ibibigay nila? Hindi naman pwedeng kotse, bukod sa hindi naman ako marunong magpatakbo niyon ay wala namang ganoong sasakyan dito sa Bhutan kundi gama at kalesa.
Nang paglabas namin ay sinundan ko pa sila hanggang sa makarating kami sa rancho, kung saan naroon ang kabayo ng lahat ng mga Tenzin.
Nagtaka nalang ako nang lumapit si Mommy at Daddy sa isang Puting kabayo na nag-iisang nasa labas ng kulungan.
Tahimik lang ang kabayong nakatayo at tila nakikiramdam sa amin. Napakaganda niya. Isang babaeng kabayo. Napangiti ako nang wala sa oras. Mukhang alam ko na. Agad akong lumapit sa kabayo at hinaplos ang mukha niya. Mas lalo akong napangiti nang gumalaw siya at tila mas inilapit ang mukha sakin.
"She's our gift for you.." ani Daddy.
"Gusto mo ba siya?" tanong naman ni Mommy.
"I like her, so beautiful.." nakangiting sagot ko. "Thanks, Mom, Dad."
"Welcome anak, sige na, test her." sabi ni Dad. Di tulad noon ay panatag na ang kanyang loob pagdating sa pagsakay ko sa kabayo.
Tumango naman ako saka mabilis na tinalon ang pagsakay sa kabayo.
Sa ilang buwan na aking pagsasanay, mas malaki ang natutunan ko sa pangangabayo. Naroon ang kailangan kong tamaan ang malayong tigpo habang nagpapatakbo ng kabayo. Ang makipagkarerahan sa kabayo ni Mommy na pinakamabilis sa lahat ng kabayo sa bansang iyon.
Ngayong may sarili na akong kabayo, sisiguruhin kong siya ang pinakamabilis na kabayo sa buong bansa.
"Ano nga palang ipapangalan mo sa kanya?" tanong ni Daddy.
Nag-isip naman ako.
"Ah, I think fit sa kanya ang 'Snow'. Kasing puti niya ang niyebe.." Nakangiting saad ko. Hinaplos ko muna ang kanyang ulo bago pinalakad. "Tayo na snow.." Kumaway ako kila Mommy at Daddy bago ako tuluyang nakalayo.
Matagal na nila akong hinahayaang magsanay mag-isa. Hindi na daw ako kailangang turuan pa ni Mommy sapagkat lahat ay natutunan ko na. Ang kailangan ko nalang daw gawin ay ang palakasin ang aking sarili.
Nang makalabas ako ng tuluyan sa aming templo ay pinabilis ko na ang pagpapatakbo kay Snow. At di ko akalaing napakabilis na niya kahit hindi ko pa natuturuan.
"Ganyan nga, Snow!" tuwang sabi ko.
Para namang kidlat sa bilis dahil agad din naming narating ang tuktok ng isang bundok na malapit lang sa aming templo.
Pumunta kami sa silong ng isang puno. Itinali ko si Snow doon saka saglit akong nagpahinga.
Ilang minuto akong nakahiga at nakapikit sa lilim ng puno. Maya maya ay nakarinig ako ng tawa ng isang bata na tingin ko ay medyo malayo sa kinaroroonan ko.
Kunot noo akong napamulat at napabangon. Muli ko iyong narinig kaya napatayo ako. Sa tono ng bata ay masayang masaya ito kaya naman nakakapagtaka.
Sa mahigit isang taon na pamamalagi ko rito ay nakikita ko na ang mga kalagayan ng kabataan. Lahat sila ay nag-eensayo sa halip na naglalaro.
Nakuha ang atensyon ko ng batang iyon kaya naman naisipan kong bumaba.
Naglakad ako pababa habang hila si Snow. Habang palapit ng palapit ako sa ingay na iyon ay palakas ng palakas naman iyon sa aking pandinig.
Ngunit hindi paman ako tuluyang nakakababa sa paanan ay natanaw ko na ang mga taong iyon. Agad akong nagtago at sinilip sila.
Naroon sila sa malaking ilog. Isang magandang babae na sa tingin ko ay ka-edad lang ni Mommy ang pinanunood ang batang lalaking naliligo sa malinaw na tubig. Alam kong di nalalayo ang mga edad namin.
Nakikita ko naman ang isang gama na naroon lang sa di kalayuan habang ang dalawang lalaki at dalawang babae ay naroon lang at nakabantay.
Sa kanilang suot ay nasisiguro kong isa silang maharlika.
"Ina, sabayan mo na akong maligo!" Pagtawag ng batang lalaki.
Nakangiting umiling ang babae. "Hindi na, anak. Papanuorin nalamang kitang maligo."
"Sige po.." Lumangoy muli ang batang lalaki. "Woo!" Tuwang bulalas niya nang makaahon.
Ngunit ganon nalang ang paglaki ng mata ko nang dumako ang tingin niya sa akin. Nakakunot ang kanyang noo. Agad akong nagtago at hindi nagpakita.
Maya maya ay naisipan kong sumilip muli ngunit nagulat nalang ako nang nakaahon na pala siya sa tubig habang nakatingin parin sa gawi ko.
Aalis na sana ako nang biglang umubo ang kanyang ina. Nakuha niyon ang atensyon ng bata. Nag-aalala itong nilapitan ang ina.
"Ina, ayos lang po kayo?" Natigilan siya nang makita ang dugo sa panyo ng kanyang ina. Mukhang nanggaling iyon sa bibig nito. "Ina, bakit may dugo!" Agad nitong tinawag ang mga tagapag-silbi. "Tulungan niyo si ina, kailangan natin siyang maibalik agad sa palasyo!"
Agad namang tumalima ang mga tagapag-silbi.
"A-Ayos lang ako anak..Tayo na, umuwi na tayo.."
"Sige po ina.." Inalalayan ng bata ang kanyang ina hangang makapasok sila sa gama.
Maya maya lang ay nawala na sila sa aking paningin kaya doon pa lang ako lumitaw.
Kunot noo akong nag-isip sa kung tama ba ang narinig ko.
Palasyo?
"Hindi kaya...?" Napatingin ako sa gawi kung saan sila dumaan.
"LHAM, gusto mo bang sumama?" Tanong ni Mommy kinaumagahan.
"Saan po ang punta niyo Mom?"
"Sa palasyo.."
Napasinghap ako sa gulat. "S-Sa palasyo?" Tumango siya. "Sige po sasama ako. Gusto kong makita ang itsura ng palasyo!" Tuwang sabi ko.
"Sige, magbihis kana.."
Agad naman akong sumunod at nagtungo sa aking kwarto. Excited akong makita ang itsura ng palasyo. Palibhasa noon pa man ay gusto kong maging prinsesa ngunit hindi natutugunan ng bansang pilipinas ang pangarap ko dahil wala naman silang literal na palasyo.
Pero kahit malabo naman na maging prinsesa ako sa bansang bhutan ay pangarap ko paring makatapak sa loob ng palasyo.
Pagkatapos ko ay agad akong bumaba. Nakahanda narin sina Lola at lolo.
"Isuot mo ito anak.." May ibinigay sakin si Mommy na malaking telang puti na di ko alam kung para saan.
"Para saan po ito Mom?" Tanong ko nang gayahin ko ang paglalagay ni Daddy ng kanyang telang puti sa balikat.
"Pagbibigay galang.." Sagot niya. "Tayo na at magsisimula na ang seremonyas.."
Lumabas na kami ng templo. Unang beses kong makasakay ng gama at unang beses ko ring makalabas ng aming bayan papunta sa palasyo.
Ilang minuto din kaming naglakbay bago makarating sa palasyo. Sa bagal ba naman ng gama na tao lang ang nagbubuhat sa amin.
Siguro kung si Snow ang ginamit ko ay baka kanina pa akong nakarating.
Nang makababa kami at makalabas ay agad akong namangha sa palasyo. Napakalaki niyon. Hindi man iyon kasing ganda ng mga kastilyo sa Disney movies na napapanood ko ay humanga parin ako. Kaya naman hanggang sa pagpasok ay di naputol ang ngiti ko.
Pero nawala iyon matapos kong mapansin ang mga taong naroon sa malawak na espasyo. Katulad namin ay may mga nakasablay rin silang puting tela sa balikat.
Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit umiiyak ang karamihan sa kanila?
Hinila naman ako ni Mommy at naglakad kami palapit sa mga taong iyon. Walang mga upuan doon kaya naman nakatayo lang kami.
Hindi ko napigilan ang sarili kong magtanong.
"Mom, bakit po sila umiiyak?"
Sasagot na sana si Mommy nang...
"Magpugay sa mahal na hari at reyna!!" Biglang sigaw ng isang matanda lalaki.
Agad na nagsiluhuran ang mga naroon pati na sila Mommy at Daddy kaya naman ako nalang ang natira. Agad akong sinenyasan ni Mommy kaya napaluhod narin ako. Bago paman makalabas ang hari at reyna ay agad silang nagsiyukuan kaya ginaya ko muli ang ginawa nila.
Tila ba ipinagbabawal ang tingnan ang hari at reyna.
Ilang minuto pa kaming ganoon bago muling tumayo. Hinintay lang palang makaupo ang hari at reyna.
"Simulan niyo na ang ritwal.." Ang sabi ng Hari.
Maya maya lang ay may nagsilabasang mga tao na may buhat buhat na parang stretcher. Napakunot noo ako nang mahulaan ko ang nakaratay doon. Taong nakabalot at nakatakip ng puting tela. Patay na ang taong iyon.
"Ina!!!" Natigilan ako nang makita ko ang batang lalaking patakbong sinundan ang binubuhat ng mga lalaki. "Ina!!!" Umiiyak siyang nakasunod lang doon.
Ngunit nagulat ako nang makilala ko siya. Siya ang batang naligo kahapon sa ilog kasama ang kanyang ina.
"Teka, isa siyang prinsipe?" Naiusal kong tanong.
"Paano mo nakilala ang prinsipe, Lham?" Kunot noong tanong ni Mommy.
"Nakita ko po siyang naliligo sa ilog kasama ang kanyang ina kahapon.."
Napabuntong hininga siya. "Malala na ang karamdaman ni Lady Aang, kaninang madaling araw siyang pumanaw."
"Lady Aang? Hindi ba siya reyna, Mommy? Kasi panong naging prinsipe ang batang iyan?"
"Doon nalang natin pag-usapan iyan sa bahay. Kailangan nating igalang ang yumao."
Tumango nalang ako at tahimik na sinulyapan ang batang lalaking pumapalahaw na dahil sapilitan siyang inilayo ng mga kawal sa kanyang ina.
"Ina!!!" Umiiyak na sigaw niya. Nakaramdam ako ng awa sa kanya. Sa murang edad niya ay naranasan niyang mawalan ng minamahal.
Tuluyan siyang inilayo sa lugar na iyon kaya naman natahimik muli ang lugar.
Maya maya lang ay nagsimulang mag-dasal ang mga mongheng naroon.
Kung ano ano pang ritwal ang ginawa nila at hindi doon natuon ang atensyon ko kundi sa reyna.
Nakakapagtaka na sa araw ng pagluluksa ay nakangiti siya. Tila masaya siya sa nangyayari ngayon sa halip na malungkot. Naguguluhan ako.
Napakurap lang ang mata ko nang magtama ang paningin namin. Matalim niya akong tinitigan.
"Wag mo siyang titigan, Lham." Saway sakin ni Mommy kaya agad akong yumuko.
Ilang oras pa kaming nagtagal doon hanggang sa wakas ay matapos. Umuwi kaming may katanungan sa aking isipan.
Tuloy ay nawala ang masayang pakiramdam ng pagtuntong ko sa palasyo dahil sa gumugulo sa utak ko.
Kung alin ba talaga ang reyna sa dalawang babaeng iyon? Ang nakaupo ba sa trono o ang yumao? At sino ba talaga ang ina ng batang prinsipe? Naguguluhan ako at hindi iyon nawala sa isip ko kaya naman hindi ko na napigilang itanong iyon kay Mommy.
At noon lang ay marami akong nalaman. Ang prinsipe pala ay anak ng hari sa ikalawa nitong asawa. Hindi ko alam na ganoon pala ang kultura dito. O baka naman ang hari lang ang may karapatang mag-asawa ng ganoon karami.
Pinaalalahanan naman ako ni Mommy na wag na wag akong titig sa reyna. Dahil hindi raw nito singbuti ang hari.
Hindi ko alam kung bakit hindi naalis sa isipan ko ang mukha ng batang prinsipe. Nakakaawa siya at nalulungkot ako sa nangyari sa kanyang ina. Kaya naman matagal bago ako nakatulog sa gabing iyon.
TATLONG ARAW ang lumipas, nabulabog ang buong bayan. Nagtataka ako kung bakit nagpapatrolya ang mga Pazap na tila may hinahanap.
"Mom, what's happening?" Tanong ko nang sundan ko sila sa labas habang kausap ang ilang Pazap.
"Nawawala ang prinsipe.."
"What?" Gulat kong tanong. "Pero bakit? Saan naman kaya siya nagpunta?"
Napabuntong hininga siya. "Marahil ay dinamdam niya ang pagkawala ng kanyang ina. Kaya ninais niyang mapag-isa."
"Pero pano kung kinidnap siya, hon?" tanong naman ni Dad.
"Imposible iyon, masyadong mahigpit ang seguridad ng palasyo. Nasisiguro kong may lihim na lagusan ang prinsipe upang walang makakita sa kanyang pagpuslit.."
"Saan naman kaya siya pumunta?" Bulong kong tanong.
"Wag kang mag-alala anak. Makikita din siya ng mga Pazap."
"Ngunit pano kung hindi? Dilikado parin ang buhay ng prinsipe.." Saglit akong may naalala. "Hindi kaya...?" Tama baka nga andon siya.
Bigla akong naghanda at lumabas ng aming bahay.
"Saan ka pupunta anak!" Tanong ni Daddy.
"Hahanapin ko po ang prinsipe!" Agad akong nagtungo sa likuran ng bahay at kinuha si Snow.
Agad akong tumalon pasakay sa kanya at pinatakbo siya palabas.
"Lham!" Pahabol na tawag ni Mommy. "Hayaan mo na ang mga pazap!"
Nagpatuloy parin ako. "Alam ko po kung nasaan ang prinsipe! Wag po kayong mag-alala sakin!"
Nang tuluyang makalabas ay mas pinabilis ko pa ang takbo kay Snow.
"Yah!!"
MAYA maya lamang ay nakarating na ako sa bundok na pinupuntahan ko. Agad akong nagtungo sa ilog kung saan naligo noon ang prinsipe.
At hindi nga ako nagkamali. Naroon siya sa tabi habang umiiyak.
Nahahabag akong pagmasdan siya habang nagluluksa.
Dahan dahan akong lumapit sa kanya. Ngunit agad din niya akong naramdaman kaya napalingon siya sa kanyang likuran.
Agad siyang napatayo. "Sino ka?" Pinunasan niya ang kanyang luha gamit ang manggas ng kanyang Gho(Tradisyonal na damit). Saglit niya akong tinitigan ng singkit niyang mata at saka nagsalubong ang kanyang makakapal na kilay nang tila may naalala. "I-Ikaw? Ikaw iyong batang sinisilipan ako habang naliligo dito sa ilog hindi ba?"
Napanguso ako. "Hindi kita sinisilipan. Nagkataon lang na napadaan ako rito.." Inilibot ko ang paligid saka ibinalik ang paningin sa kanya na salubong parin ang mga kilay. "Bakit ka nag-iisa mahal na prinsipe?" Sabi ko saka tumabi ng bahagya sa kanya saka pinanood ang pag-agos ng tubig.
"A-Alam mong isa akong prinsipe?" Gulat niyang tanong. Napatango ako. Napatingin siya sa kanyang damit. "Ngunit paano? Karaniwan lamang ang aking sinuot upang hindi nila ako makilala."
Napabuntong hininga ako. "Naroon ako sa palasyo nang isagawa ang ritwal sa iyong namayapang ina. Nakita kitang umiiyak.."
Agad namang bumalatay ang lungkot sa kanyang mukha. Napabuntong hininga siya saka umupo muli sa kanyang pwesto.
Pahikbi siyang umiyak habang nakayuko.
"Iwan mo na ako..." aniya. "Gusto kong mapag-isa.."
Sa halip na sumunod ay umupo ako sa tabi niya at kumuha ng bato. Itinapon ko iyon ng pahalang. Dalawang beses muna iyong tumalon sa tubig bago lumubog.
Inis siyang nilingon ako. "Hindi mo ba ako narinig? Ang sabi ko, iwan mo kong mag-isa dito..."
Tumaas lang ang gilid ng labi ko. "Gusto kitang samahan dito mahal na prinsipe."
Nagsalubong muli ang kilay niya. "Hindi mo ba naintindihan ang sinabi ko? Gusto ko ngang mag-isa!"
Napabuntong hininga ako. "Hindi kita maaaring hayaan dito mag-isa mahal na prinsipe. Baka may mangyaring masama sa inyo."
"Walang gagalaw sakin dito kaya umalis kana!"
Napabuntong hininga muli ako saka di nalang siya pinansin. Muli akong naghagis ng bato.
"Bakit di ka pa umaalis? Inuutusan kita, iwan mo ko ngayon din."
Di ko nalang siya pinansin saka muling naghagis ng bato.
Marahas siyang nagpakawala ng hangin saka tumayo.
"Nakakalimutan mo na bang ako ang prinsipe? Maaari kitang papugutan ng ulo dahil sa kalapastanganan mo!" Galit na sabi niya.
Ngumiti lang ako. "Ayos lang sa akin yon mahal na prinsipe..." Natigilan siya.
"A-Ano?"
"Ayos lang sakin ang mapugutan ng ulo, ang mahalaga naihatid kita nang ligtas sa palasyo, mahal na prinsipe..."
Napansin ko ang pagkagulat niya. Namula bigla ang mga pisngi niya.
Saglit siyang tumitig sakin saka umiwas ng tingin. Pagkaraa'y umiling siya at umupo muli.
"Ayoko munang umuwi.." aniya saka bumuntong hininga. "Ikukulong lang ako nila ama sa aking kwarto..."
"Kung iyan ang gusto mo, hahayaan kitang manatili dito mahal na prinsipe. Ngunit hayaan niyong samahan ko kayo."
Hindi siya kumibo. Sa halip ay ginaya niya ang ginawa ko kanina. Kumuha rin siya ng bato saka inihagis ng pahalang, agad iyong lumubog.
"Si ina ang parati kong kasama saan man ako magpunta..." Napatingin ako sa kanya. Nakayuko lang siya habang unti unti muling nangilid sa luha ang kanyang mga mata. "Masaya kaming parating magkasama. Minsan lang namin nakakasama si Ama. Sapagkat ang reyna ang tunay niyang asawa. Batid kong isinilang lamang ako upang magkaroon siya ng hahalili sa kanyang trono."
Napabuntong hininga nalang ako. Hindi ko alam ang aking sasabihin. Sa murang edad ko ay hindi ko alam kung paano siya aaluhin.
"Minsan, iniisip ko na sana naging normal nalang akong bata. Araw araw nalang akong pinaaalalahanan ng aking amang hari na balang araw ay ako ang susunod sa kanyang yapak kaya naman kinailangan kong mag-aral nang mag-aral ng kung ano ano. Pakiramdam ko tuloy ay pasan ko na agad ang buong bansa sa murang edad ko. Buti nalang andiyan si ina para samahan ako. Pero wala na siya ngayon kaya mas lalo akong mahihirapan ngayon." Mapait siyang tumingin at ngumiti sakin. "Kaya maswerte ka, kayong lahat ng mga bata dito, hindi niyo nararanasan ang dinadanas ko sa palasyo."
Napabuntong hininga ako at seryoso siyang tinitigan. "Mas maswerte ka, mahal na prinsipe..."
"Paano mo naman nasabi iyan?" Kunot noong tanong niya.
"Hindi mo rin dinadanas ang nararanasan naming mga kabataan sa bansang ito..."
"Anong ibig mong sabihin?"
"Dahil hindi mo na kailangang magsanay upang maging sundalo ng bansang ito..." Sabi ko. "Hindi mo mararanasan ang hirap sa pag-eensayo dahil isa kang prinsipe ng bansang ito. Di tulad namin, sa ayaw at sa gusto namin ay kailangan naming sumabak sa ensayo upang maging Pazap." Ngumiti ako. "Kaya ganoon nalang ang kagustuhan kong samahan ka dito. Dahil tungkulin kong protektahan ka, mahal na prinsipe.."
Natigilan siya at napalunok pagkarinig sa sinabi ko. Maya maya ay nag-iwas siya ng tingin at tumayo.
"Tayo na nga, gusto ko nang umuwi." aniyang hindi tumitingin sakin.
Tumayo narin ako. "Ihahatid na kita mahal na prinsipe. May kabayo akong dala."
"S-Sige." aniya saka nagpatiuna. Hindi pa siya nakakailang hakbang ay tumigil siya sa paglalakad at hinarap ako. Nagulat ako nang maglahad siya ng kamay. "Ahm, ako nga pala si Dojin. I-Ikaw? Anong pangalan mo?"
Ngumiti ako. "Lham ang pangalan ko mahal na prinsipe." Saka tinanggap ang kanyang kamay.
Napangiti siya. Dahilan para lumitaw ang kanyang mga biloy.
"Ikinagagalak kitang makilala, Lham. Paumanhin kung hindi naging maganda ang pakikitungo ko sayo kanina."
"Ikinagagalak din kitang makilala, prinsipe Dojin. Paumanhin din sa mga inasal ko kanina."
"Tayo na.." Yaya niya at tumango naman ako.
Naglalakad na kami palabas ng ilog na iyon nang biglang may tumalon sa harapan namin. Isang nakaitim na damit na tao na may takip ang kalahating mukha dahilan para mata lang ang nakikita. Nagulat kami nang itutok niya sa harap namin ang kanyang espada.
"S-Sino ka? Anong kailangan mo?!" Natatakot na sigaw ng prinsipe. Hindi sumagot ang tulisan. Akma siyang susugod.
Agad kong hinugot ang aking espada saka lumipat sa harapan ng prinsipe. Sinikap kong protektahan siya mula sa aking likuran. Iminuwestra ko ang aking espada sa tulisan.
Hindi ko pa kailan man nagagamit sa totoong laban ang aking mga natutunan. Ni hindi pa nga ako nakakasabak sa ensayo ay agad akong napasubo sa ganitong sitwasyon.
"Lham!" Sigaw ng prinsipe kaya naman saglit ko siyang nilingon. Noon ko lang napagtantong may isa pang tao. Kinabahan naman ako nang may isa pang tumalon sa gilid ko.
Agad kong hinigpitan ang hawak ko sa espada at inihanda ang sarili sa paglusob ng mga kalaban.
"Huwag kang aalis sa tabi ko mahal na prinsipe, puprotektahan kita kahit anong mangyari..."
"Lham..." Napahawak nalang siya sa damit ko. Ramdam ko ang panginginig niya dahil sa takot.
Kahit ako man ay kinakabahan. Paano ko sila malalabanan sa liit kong ito.
Lulusob na sana ang isang kalaban nang biglang may tumarak na palaso sa likod nito.
"Arrg!!" Bumagsak ito.
Napalingon kami sa kinaroroonan niyon. Isang lalaking Pazap.
"Yong!" Tawag sa kanya ng prinsipe. Saka ko lang naalala. Isa siya sa mga kawal ng prinsipe.
"Mahal na prinsipe!" Agad siyang tumakbo palapit samin ngunit agad ding hinarangan ng isang tulisan. Doon ay nagpangbuno silang dalawa.
Naiwan naman ang isang tulisan sa amin.
Nataranta ako nang lusubin niya kami. Agad kong sinalag ng espada ang kanyang tira. Napakalakas niya kaya nahirapan akong depensahan iyon. Sinipa ko siya ng malakas sa tiyan dahilan para lumayo siya.
Muli siyang sumugod gamit ang kanyang espada at ako naman ay paulit ulit na sinalag iyon at naghintay ng pagkakataon na matamaan siya. Nang makahanap ako ng tyempo ay agad ko siyang hiniwa sa dibdib dahilan para mapaatras siya.
Tila tiniis naman ng tulisan ang kanyang sugat saka muli kaming sinugod. Ginamit ko ang lahat ng aking natutunan upang siya'y malabanan. At hindi ko alam na ganito pala kapagod ang makipaglaban sa totoong sitwasyon.
Naubos ang lakas ko kaya naman sa isang paghampas lang ng tulisan ay tumilapon ang espada ko.
Nanginginig akong inihanda ang aking kamao. Mabilis na sumugod ang tulisan. Sa puntong ito, sinikap kong wag matamaan ng talim ng kanyang espada. Ngunit nahirapan ako kaya naman nadaplisan niya ang braso ko.
"Ahh!!" Hiyaw ko at agad na tinakpan ang sugat.
"Lham, ayos kalang?!" Nag-aalalang tanong ng prinsipe.
"W-Wag mo kong alalahanin prinsipe Dojin, diyan kalang sa likod ko..." ngunit sa loob loob ko ay gusto kong umiyak sa sobrang sakit at kirot ng sugat ko.
Umatras kami nang umatras habang inihaharang ko parin ang sarili ko sa prinsipe.
Ganon nalang kabilis ang muling pag-sugod ng tulisan at walang habas akong inambahan ng kanyang espada dahilan para mapahandusay ako.
"Lham!!" Agad na lumuhod ang prinsipe at tinulungan akong bumangon.
Pero ganon nalang ang paglaki ng mata ko nang makita ko ang tulisan na akma nang susugurin ang prinsipe.
"Wag!!" Agad akong tumayo at isinalag ang sarili sa prinsipe.
"Ahhk!!!" Nanlaki ang mata ko at napaawang ang bibig ko nang maramdaman ang paghiwa sa likod ko.
"Lham!!!"
Babagsak na sana ako nang saluhin ako ng prinsipe.
"Arrg!!" Naramdaman ko ang pagbagsak ng tulisan sa likuran ko.
"Mahal na prinsipe!" narinig kong sigaw ng kawal na palapit na sa namin.
"Tulungan mo si Lham, Yong!"
Naramdaman ko nalang na bumigat ang talukap ng mata ko hanggang sa mandilim ang paningin ko at mawalan ng malay.
ITUTULOY...