Mike Robles
"TOTOO ba ang narinig ko? Inaatasan ka nilang maging Mahistrado, hon?"
Kanina ko pang gustong klaruhin sa kanya ang narinig kong pag-uusap nila ng kanyang ama sa opisina nito.
Napabuntong hininga siya at tumango.
"At papayag ka sa gusto nila?" kunot noo kung sabi.
Seryoso siyang tumingin sakin. "Bakit naman hindi? Pagkakataon na naming maibalik sa mga Tenzin ang tiwala ng mga tao."
"Hon, sa gagawin mo, mas lalo tayong hindi makakalaya sa batas ng bansang ito."
Napakunot noo siya. "Maging Mahistrado man ako o hindi, hindi natin matatakasan ang bansang ito, Mike.."
Napabuntong hininga ako. "Pero kapag naging Mahistrado ka, hindi ka maaaring mag-stay sa pilipinas. Kakailanganin mong pumirmi dito."
"Ganon na nga ang mangyayari."
"Pero pano naman kami? Ng anak mo? Hindi ako sang-ayon sa gusto mo, hon. Magkakalayo tayo.."
"Hon..."
"Ayos lang ba sayo na magkahiwalay tayo?"
"Ito ang nakikita kong paraan para matupad ko ang pangako ko sa lola ko, Mike."
"Ano bang ipinangako mo sa lola mo?"
"Ang baguhin ang batas lalo na ang tungkol sa Pazap.."
"Ngunit paano?"
"Hindi ko alam sa ngayon. Pero susubukan kong humanap ng paraan para maisagawa yon."
Napabuntong hininga ako.
"Kung yan ang gusto mo, wala na akong magagawa kundi ang suportahan ka at samahan ka dito."
Hindi na ako nakipagtalo sa kanya. May tiwala naman akong magagawa niyang baguhin ang nakasanayan naming batas kapag naging mahistrado na siya.
Dumaan ang ilang araw, muling sumabak sa ensayo si Lham.
Hindi lang pana ang itinuro ni Dema sa kanya, nang hindi parin matamaan ni Dema ang gitnang tudlaan ay itinuro na muna niya ang paggamit ng espada.
Itinuro niya ang tamang paghawak doon.
"Ang bigat po.." anas ni Lham nang hindi niya halos maiangat ang espada.
"Masasanay ka rin.." Sagot ng ina. "Pinakita at pinahawak ko lang iyan sayo upang makita mo at malaman ang bigat niyan. Sa ngayon, kahoy na muna ang gagamitin mo. Tuturuan kita kung paano makipaglaban gamit ang espada."
Sa ngayon ay tinuruan muna siya ng kanyang ina sa tamang paghampas ng espada, ang pagsalag o depensa at posisyon ng katawan.
Sa liit ng katawan ni Lham ay hindi kataka takang nahihirapan siya doon.
"Higpitan mo ang hawak, Lham." utos ng kanyang ina. "Isipin mong espada mo yan. Gayahin mo ang posisyon ko."
Tumango naman si Lham at ginaya ang tayo ni Dema.
Sa ilang oras na kanilang inilaan sa pag-eensayo ay kahit papano ay may natutunan si Lham sa kabila ng hirap niyon.
DUMATING ang takdang araw na iaatang na kay Dema ang pagiging Mahistrado.
Nagsidatingan ang iba pang miyembro ng pamilya Tenzin upang masaksihan ang seremonyas na gaganapin sa Parliyamento ng Thimpu.
Di naglaon ay nagsimula na ang seremonya.
Naroon lahat ang mga namumuno ng bansa. Ang mga namumuno sa bawat distrito, ang hari ng bansa at ang reyna na masama ang tingin sa aming pamilya na halatang tutol sa pagiging Punong Mahistrado ni Dema, ang mga Drangpon o mababang hukom ng Parliyamento at ang mga Pazap at mamamayan ng bansa.
Nagsimulang mag-anunsiyo ang isang hukom gamit ang kanilang lenggwahe.
Maya maya ay binasbasan siya ng mga naroong namumuno at ng mga hukom.
"Ako si Dema Tenzin, maluwalhating tinatanggap ang katungkulang inyong iniaatang sa akin. Nangangako ako, pisan ng aking lahi na gagawin at susundin ang aking tungkulin bilang isang Punong Mahistrado."
Lumapit ang hari sa kanya at binasbasan siya.
"Mula sa araw na ito, ikaw, Dema Tenzin ay isa nang ganap na Punong mahistrado, aasahan ko ang iyong paglilingkod sa bansa."
Tumungo naman ng may si Dema. "Makakaasa kayo, kamahalan."
Nagsi-luhuran ang mga naroong mamamayan at Pazap pati na kaming naroroon bilang paggalang at pagtanggap sa bagong Punong Mahistrado.
MATAPOS ang seremonya ay dumulog kaming lahat sa malawak na hapag na ipinahanda ng hari doon mismo sa Templo ng mga Tenzin.
Naroon ang lahat ng hukom.
Naroon ang mga pinuno ng mga destrito at ang Hari at Reyna. Naroon rin ang babae ng hari at ang kanilang prinsipe na 'di nalalayo ang edad kay Lham.
Masayang nag-uusap ang mga naroon sa kanilang lenggwahe.
Sa tinagal tagal ng panahon ay natutunan ko ang kanilang salita.
SA sumunod na araw, isang babaeng pazap ang inatasan ni Dema na magpatuloy sa pageensayo ni Lham dahil nagsimula na sa kanyang trabaho bilang Punong Mahistrado si Dema.
Ako ang naghahatid kay Lham sa tuktok ng bundok kung saan siya nag-aaral pumana at sinusundo ko nalamang siya kapag papalubog na ang araw.
Labag man sa akin na iwanan siya kasama ang isang babaeng Pazap ay napilitan akong sundin ang payo ng ama ni Dema na makabubuting huwag muna akong magbantay sa kanya upang matutong bumangon mag-isa ni Lham.
Natapos ang ilang araw na ensayo ni Lham kasama ang Pazap.
Kahit papano ay may natutunan si Lham sa kanya.
Nalaman kong ilang beses na natamaan ni Lham ang gitnang tudlaan ngunit kailangan niya pa iyong pagbutihin sapagkat mas malayo pa roon ang kanyang sasapitin sa ensayo.
Bukod doon ay may natutunan narin siyang ilang Martial Arts pati narin ang paghawak at paggamit ng espada.
Ngunit hindi pa iyon sapat. Hindi ko man nasaksihan noon ang karanasan ni Dema sa kanyang ensayo ay nababatid kong mala-empyerno iyon katulad narin ng kwento niya noon.
Mayroon pa kaming isang buwan upang paghandaan ang ensayo ni Lham.
At sinimulan agad iyon ni Dema nang magkaroon siya ng espasyo upang sanayin si Lham.
Habang tumatagal ay nagiging seryoso si Dema sa pagtuturo sa bata. Nagsisimula na siyang maging istrikto lalo na kapag hindi napapagtagumpayan ni Lham ang pinapagawa niya.
Ang isang buwang paghihintay ay naging linggo hanggang maging ilang araw nalang bago ang totoong ensayo. At mas lalong bumibigat ang pagpupursige ni Dema na turuan sa lahat ng bagay si Lham.
Natutunan na ni Lham ang pagsasalita at pag-intindi sa lenggwahe ng bansa dahil iyon ang pinakamalagang bagay na kanyang matutunan sapagkat mas lalo siyang mahihirapan sa ensayo kapag hindi niya naintindihan ang salita ng mga tao roon.
"Laksan mo ang pagsuntok Lham!" Pasigaw na utos ni Dema sa anak habang nakikipagbuno rito.
"Yah!!" Pasugod na suntok ni Lham sa ina ngunit tila hangin lang ito kay Dema na walang kahirap hirap na naiilagan ang suntok ng anak.
Muling sumugod si Lham gamit ang pinakamalakas niyang sipa ngunit mabilis iyong nasangga ng braso ni Dema.
"Ganyan nga, lakasan mo pa!"
Buong araw silang ganoon ang ensayo.
Kinabukasan naman ay ang pana muli ang kanilang pinagtuunan.
"Laksan mo ang paghigit Lham! Tiisin mo ang sakit!" Utos ni Dema habang pinapanuod ang pag-asinta ni Lham sa tigpo. "Talasan mo ang iyong paningin. Pakiramdaman mo ang deriksiyon at lakas ng hangin. Malaki ang epekto ng hangin sa pinapakawalan mong palaso kaya dapat mong pag-aralan pati ang hangin."
Tingin ko naman ay nakuha ni Lham ang punto ng kanyang ina dahil pumikit siya at tila pinakiramdaman ang ihip ng hangin.
Maya maya ay nagmulat siya ng mata at itinutok ang palaso sa malayong tudlaan.
Napangiti ako nang tagumpay niyang matamaan ang gitna.
Habang tumatagal ay papalayo ng papalayo si Lham sa tudlaan. Kapag natatamaan niya ang gitna ng tigpo ay kailangan niyang umatras ng ilang hakbang.
At natutuwa naman ako sa naging resulta dahil malayo na ang narating ni Lham, ibig sabihin, parati niyang natatamaan ang tigpo. Hindi man niya makuha sa unang tira ay nakukuha niya iyon sa ikalawa hanggang ika-lima.
Sa sumunod na araw naman ay ang paggamit muli ng esapada.
Nagtuos ang mag-ina sa pagkakalansingan ng kanilang mga armas.
"Higpitan mo ang kapit sa inyong espada Lham! Huwag kang magdadalawang isip na sugurin ako."
Nabibigatan man ngunit pinilit parin niyang sugurin ang ina at inihahampas ang mabigat na espada. Magaan iyong nasasalag ni Dema.
"Hindi mo mapapatumba ang kalaban kung ganyan kagaan ang iyong tira. Ibuhos mo ang lahat ng iyong lakas Lham!"
Huminga ng malalim si Lham saka ipinurma ang espada. Kita ko ang paghawak niya ng mahigpit doon saka mabilis na sinugod ang kanyang ina.
"Yahhh!!!"
Iyon na ang pinakamalakas na tira ni Lham at pati si Dema ay di iyon inasahan kaya naman muntikan na siyang mataman ng matalim na espada kung hindi lang niya iyon naagapan sa pagsalag.
Kahanga hanga naman ang sumunod na sandali sapagkat bumilis bigla ang kilos ni Lham. Wala siyang ginawa kundi ang sumugod ng sumugod at ang kanyang ina naman ay napapaatras nalang habang sinasalag ang mga tira niya.
Napangiti ako sa tuwa ng matapos ang kanilang ensayo. Si Demanaman ay napangisi nalang at alam kong nasisiyahan siya sa sandaling iyon.
Agad kong nilapitan ang aking anak. Tagaktak ang kanyang pawis at mabilis na naghahabol ng hininga dahil sa pagod.
Inabutan ko siya ng tubig at agad niya itong nilagok dahil sa sobrang uhaw.
CHALLENGING naman ang sumunod na araw na ensayo ni Lham.
"Pana po ulit?" Takang tanong ng bata.
Tumango naman ang ina. "Kailangan mong matamaan ang target."
"I already did that Mom. I hit the center many times." Kamot kamot ang ulo na sabi ni Lham.
"Nang naka-piring Lham." Seryosong sabi ng ina.
"What's 'naka-piring' means mom?"
Iniangat ni Dema ang hawak niyang panyo. "Blindfold.."
Umawang ang bibig ni Lham. "It's impossible..." Bulalas niya. "How can I hit the target when I couldn't see?"
"Hindi lang sa umaga kumikilos ang kalaban Lham, kailangan mo ring matutunang makipaglaban sa dilim at sisimulan natin sa paggamit ng pana. Bukas ay ang pakikipaglaban gamit ang iyong kamay at paa at sa susunod na araw naman ang espada nang nakapiring."
"B-But mom.."
"At isa pa, sanayin mo naring limitahan ang pagsasalita mo ng ingles at tagalog. Mahigpit na ipinagbabawal dito ang pagsasalita ng ibang lenggwahe, naiintindihan mo?"
Kunot man ang noo ay tumango parin si Lham.
"Sige po.."
Tinakpan na ni Dema ang mga mata ni Lham gamit ang panyo.
Ipinihit ni Dema si Lham paharap sa dereksiyon ng kinaroroonan ng tudlaan.
"Huwag kanang gagalaw. Nakaharap ka ngayon sa dereksyon ng iyong target. Ang kailangan mo nalang gawin ay ang asintahin ang tudlaan."
Naghanda ng pagtira si Lham. Ngunit mali ang kanyang tutok. Malayo sa gawi ng tudlaan.
"Deretso ang tutok Lham." Sinunod naman iyon ni Lham. "Katulad kanina, pakiramdaman mo ang hangin. Talasan mo ang iyong pakiramdam. Isipin mo ang layo ng iyong target, ang kinaroroonan nito."
Huminga ng malalim si Lham. Tama na ang tutok niya sa tudlaan. Nakainat na ang kanyang palaso. Ang kailangan nalang niyang gawin ay ang pakawalan iyon.
Ilang segundo pa siyang nagconcentrate. Hangang pakawalan niya iyon. Tinamaan ang tudlaan...sa gilid.
Agad na tinanggal ni Lham ang kanyang piring. Napabuntong hininga siya.
"Subukan mo uli..." Utos ng ina.
Muling sumubok si Lham. At umabot iyon sa dalampung subok ngunit hindi niya parin napupunterya ang gitna.
"Subukan mo uli." muling utos ni Lham. "Huwag kang susuko hanggat di mo nakukuha."
Ganoon nga ang ginawa ni Lham. Hindi siya sumuko kahit na ramdam ko na ang pagod niya.
Paulit ulit niyang sinusubukang tamaan ang target hanggang sa tila alam na niya ang dereksyon nito. Natatamaan na niya ng sunod sunod at walang daplis ang tudlaan. Yun nga lang hindi mismo sa sentro ang kanyang natatamaan.
Ang resulta, umuwi kaming hindi parin niya napuntirya ang sentro ng tigpo.
SA sumunod na araw, ang pakikipaglaban gamit ang kamao at sipa nang nakapiring naman ang sunod na pinagawa ni Dema kay Lham.
Hinayaan niyang sugurin siya nito at labanan na maagap niyang naiiwasan.
"Katulad ng paggamit ng palaso, malaki rin ang tulong ng hangin sa ganitong pakikipaglaban. Kapag nakikipaglaban ka sa dilim, bukod sa talas ng iyong pandinig ay kailangan mo rin ng talas ng pakiramdam. At matutulungan ka ng hangin na matukoy ang kinaruroonan ng iyong kalaban. Lalo na kapag ito'y susugod na sa iyo. Huminto ka saglit," Utos ni Dema at agad namang huminto sa pagsugod si Lham. "Huminga ka ng malalim, pakiramdaman mo ang presensya ko. Kailangan mong matukoy kung nasaan ako at kailangan mong depensahan ang pagsugod ko sayo, malinaw?"
"Opo!"
"Kung gayon, magsimula na tayo."
Nagsimulang maglakad paikot kay Lham si Dema. Si Lham naman ay tila pinakikiramdaman ang kilos ng ina.
Panay ang pihit niya ng mabilis kapag naririnig niya ang kaluskos na ginagawa ng kanyang ina.
Aktong susugurin na siya ni Lham sa likod nang bigla siyang humarap dito at depensahan ang kamaong nakaamba sa kanya.
Agad naman akong pumalakpak sapagkat nagawa niyang ilagan iyon.
"Good job, anak!" Tuwang sigaw ko.
"Tsk!" Singhal ng aking asawa. "Wag kang maingay!" Nakangiti kong nailapat ang aking mga labi. Bumaling siya sa aming anak. "Focus, Lham.."
Muling niyang inulit ang paglakad palibot kay Lham. Ang bata naman ay nakaporma lang ang mga kamao at naghahanda sa pagsugod ng kanyang ina.
Muling sumugod si Dema at hindi iyon naagapan ni Lham kaya naman napahandusay siya nang tamaan ng suntok ni Dema ang kanyang dibdib dahilan para mapangiwi siya.
"Lham, anak!" Tatakbo na sana ako palapit nang galit akong pinigilan ni Dema. "Dema, what are you doing?"
"Diyan kalang, wag kang lalapit!"
"You're hurting her!" Galit na bulalas ko.
"It's part of the training!" Saway niya sakin saka binalingan ang anak na nakahandusay parin sa damuhan. "Get up.." Utos niya. Sumunod naman ito at himas himas ang dibdib na tumayo. Malapit nang mapahikbi si Lham. Hindi niya yata inasahan iyon. "Huwag kang umiyak.." Mariing utos niya at napasinghot naman si Lham at kinagat ang ibabang labi upang pigilang maiyak. "Sinadya kong gawin iyon upang iparamdam sayo ang mga posible mong matamo sa pakikipaglaban. Hindi lang iyan ang matatamo mo Lham, maaari ka ring mahiwa ng espada, tamaan ng palaso at sa ganitong pakikipaglaban, maaari kang balian ng buto." nakita ko ang pagpigil ng hininga ni Lham. "Kaya hanggat maaari, maging alisto ka sa lahat ng pagkakataon. Kaya tinuturo ko na sayo ngayon palang ang mga bagay na kailangan mong matutunan. Dahil kapag naroon kana sa tunay na ensayo ay mas mahirap pa dito ang mararanasan mo. Naiintindihan mo ba?"
"Opo Mommy!"
"Are you mad at me?"
"N-No, Mom.."
Napabuntong hininga si Dema. "Don't be mad if I suddenly hit you, you have to resist it cause it's part of the training, understand?"
"Yes, Mom!"
"Shall we proceed?"
"Yes, Mom."
Ilang oras silang nanatili sa lugar na iyon. Sunod niyang pinagawa kay Lham ang paggamit ng espada ng nakapiring.
At mas lalong hindi iyon naging madali dahil maaari siyang masugatan sa talim niyon.
Buti nalang at hindi masyadong pinahirapan ni Dema si Lham. Panay lang ang pagsalag niya sa pagsugod nito.
ILANG ARAW nalang at tutungo na sa ensayo si Lham. Hindi parin tapos sa pagtuturo si Dema sa kanya. At di ko inaasahan ang huli niyang kailangang matutunan. Ang pagsakay at pagpapatakbo sa kabayo.
"Are you serious?" Di makapaniwalang sambit ko. "Bata pa si Lham. Hindi niya kakayaning sumakay diyan mag-isa."
"Kaya nga tuturuan ko siya." Seryoso niyang sabi.
Isinakay na niya ang bata sa kabayo at sumunod naman siyang sumakay sa likod nito.
Nandoon lang ako sa lilim ng puno habang pinapanuod ang mag-ina.
Una, tinuruan niya kung paano hawakan ang tali sa katawan ng kabayo. Ang mga senyas sa pagpapatakbo at pagpapahinto dito at ang klase ng paghataw sa katawan ng kabayo.
Ikalawa ay bumaba si Dema at hinayaang mag-isa sa kabayo si Lham. Ipinasubok niya rito ang mga kailangan isenyas sa pagpapatakbo ng kabayo.
"M-Mom.." Kinakabahang tono ni Lham. "I'm afraid.."
"Huwag kang matakot, anak." Pangungumbinse niya. "Sa una kalang kakabahan, di maglalaon ay masasanay karin at masisiyahan. Handa ka na ba?"
"O-Opo.."
"Dahan dahan lang muna sa pagpapatakbo." Hinawakan na muna ni Dema ang tali ng kabayo at pinalakad ito upang masanay si Lham na nakasakay mag-isa sa kabayo habang naglalakad ito. Ini-utos niyang isenyas ang pagpapatakbo rito nang ibigay niya ang tali.
Sinunod iyon ni Lham kahit naroon parin ang kanyang takot.
Marahang tumakbo ang kabayo at naiwan si Dema. Patuloy lang sa pagpapatakbo si Lham at nakikita ko naman ang tuwa niya roon.
"I did it Mom!"
"Ipihit mo pabalik rito!"
Ganon nga ang ginawa ni Lham. Ipinihit niya ang kabayo pabalik sa kinaruroonan ni Dema.
Tuwang tuwa si Lham nang tagumpay niyang napasunod ang kabayo.
"Ngayon naman ay katamtamang bilis ang pagpapatakbo. " Sabi ng kanyang ina. "Katamtaman lang rin ang paghataw sa kabayo, okay?"
"Opo."
"Kailangan mo siyang patigilin at pabalikin bago ka pa makalayo."
Nagsimulang patakbuhin ni Lham ang kabayo. Marahan lang iyon ngunit tumatalbog talbog parin ang bata dahil sa gaan niya.
"Kumapit ka nang mahigpit Lham!" Pasigaw kong sabi.
Nang bahagyang lumalayo na siya ay inutusan na siyang bumalik ng kanyang ina. "Maaari kanang bumalik Lham!"
Ngunit tila nagkamali ng dala si Lham sa kabayo. Mukhang napalo niya ang kabayo kaya bumilis ang takbo nito.
Napatayo ako sa pag-alala. "Lham!!"
"Pahintuin mo Lham!" Sigaw ni Dema habang tumatakbo pahabol sa aming anak.
Ngunit tila mas lalong nalito ang kabayo. Masyadong napwersa ni Lham ang pagpapahinto sa kabayo dahilan para umangat ang dalawang paa ng kabayo sa harapan at mahulog si Lham.
"Lham!!!" Bulalas na sigaw ko at patakbong nilapitan ang aking anak.
Naunang makalapit si Dema at pinakalma ang tila nagwawalang kabayo.
Halos sabay kaming makalapit sa aming anak.
"Lham, anak!" Nag-aalalang sambit ko nang kalungin ko siya. Nawalan siya ng malay.
"Lham!" Nag-aalala ring sambit ni Dema saka mabilis na sumakay sa kabayo. "Akina si Lham." Agad kong ibinigay sa kanya si Lham. Saka sumakay sa kanyang likuran at muling kinuha si Lham.
Mabilis niyang pinatakbo ang kanyang kabayo patungo sa Templo ng mga Tenzin.
"Kailangan natin siyang dalhin sa ospital."
"Walang ospital dito, Mike."
Ilang segundo lang ay narating namin ang templo na aming tinutuluyan. Agad kaming sinalubong nina Mommy at Daddy.
"What happened?!" Sabay nilang tanong.
"Nahulog sa kabayo." Sagot ni Dema. Mabilis kaming bumaba at ipinasok namin si Lham hanggang sa sala.
Mabilis na kumilos si Dema upang kunin ang Medical Kit.
Pinakinggan niya ang t***k ng puso ni Lham. Maya maya ay sinuri niya ang katawan nito. Hinawi niya ang mga mangas ng suot na hanbok ni Lham. At tumambad sa aming paningin ang nangingitim na kanang braso ni Lham.
"Oh my God!" Bulalas ni Mommy at natutop ang kanyang bibig.
Agad na inagapan ni Dema ang paglala niyon ngunit hindi iyon sapat upang gumaling si Lham.
"Kailangan niyang mapasuri sa ospital." Sabi ni Dema. "Nadislocate ang kanyang buto. Kailangan nating magmadali bago pa magmaga ang braso ni Lham."
"Ngunit sabi mo ay wala ritong ospital."
Napabuntong hininga siya. "Ospital sa pilipinas, Mike. Uuwi tayo ng pilipinas."
Natigilan ako. "Uuwi tayo ng pilipinas? Pero paano ang ensayo ni Lham? Sa makalawa na iyon hindi ba?"
"Saka na natin isipin iyon. Kailangang magpagaling ni Lham. Mahalaga ang mga kamay sa bansang ito. Maituturing kang walang silbi at inutil kung hindi mo nagagamit ang mga braso mo."
"Kung gayon, hindi na matutuloy sa ensayo si Lham?" Tanong ko. Umaasang ito na ang paraan upang hindi na kailanganing mag-ensayo at sumabak sa pagsusulit ni Lham.
"Sa ngayon, kapag hindi gumaling sa loob ng isang buwan si Lham ay oo."
Nakaramdam ako ng tuwa ngunit agad ding nawala.
"Ngunit babalik siya sa susunod na taon. Alam kong inaakala mong magiging excuse ito upang hindi na magensayo at sumabak sa pagsusulit si Lham, Mike. Ngunit nagkakamali ka." Natigilan ako. "Hindi kailanman nakakatakas sa pagsusulit ng pagiging Pazap ang mga kabataan dito. At mas lalo lang na mahihirapan si Lham."
Napabuntong hininga siya at nagbibigay iyon ng matinding kaba sa akin.
"Dahil magiging doble ang mararanasan niyang hirap doon sapagkat nilakdangan niya ang itinakdang panahon ng ensayo."