“Amang!”
Masiglang tawag ng munting sirena habang papasok sa pinto ng silid. Tuwang-tuwa ito sa kanyang natagpuan. Sa mga palad nito ay naroon ang itlog ng lambanang-dagat. Bigla itong nahinto nang maramdamang sumisikdu-sikdo ang hawak na itlog. Sa nanlalaking mga mata, pinagmasdan niyang unti-unting nagliliwanag ang ginintuang mga ikid samantalang ang mga galamay nito ay mahigpit na pumulupot sa kanyang mumunting kamay . Dahan-dahan itong bumubuka na wari’y isang bulaklak.
At doon sa gitna ng bumukang itlog ay naroon ang isang pagkaliit-liit na hugis. Kawangis nito ang isang sirenang gadaliri kalaki. Matingkad na amarilyo ang kulay nito mula ulo hanggang buntot, habang purong puti ang napakapinong buhok nito. Mayroon itong dalawang mahahabang palikpik sa likuran. At nagbibigay ito ng kakaibang liwanag.
Inilapit ni Sarikit ang mukha sa hawak-hawak na itlog upang pagmasdan itong maigi at nakitang unti-unting itong gumagalaw. Nag-unat ito ng malilit na mga braso at napatingin sa kanya. Ang mga mata nito ay lubhang malaki para sa maliit nitong ulo.
“Sarikit!” nadinig ng munting sirena ang munting tinig nito. Para itong mahinahong agos ng tubig.
“Saginrawa...” nabulong ni Sarikit sa sarili.
Nagkaroon ng nakakasilaw na liwanag.
Sa dulo ng pasilyo, makikita ang papalapit na anyo ni Maalam, ang Manggagamot. Napansin niya ang kataka-takang liwanag na nagmumula sa kanyang silid kaya agad siyang nagtungo dito. Natigil siya sa gitna ng pinto nang matanaw si Sarikit. Nakaluhod ito sa sahig at isang kakaibang liwanag ang makikitang paikut-ikot rito.
“Lambanang-tubig,” naturan niya sa sarili, “Isang Pangingintal ang naganap.”
Sa batuhan, magiliw na tinatawanan ni Roselda ang sireno. Naubos nito ang laman ng supot na kanyang dala.
“Kanina parang ayaw mong kainin ang dala kong mga tinapay, tapos ngayon, tingnan mo, wala ng laman,” iwinawasiwas ng dalaga ang supot sa mukha ni Managat.
Nangingiti ang sireno. Pinagloloko siya ng dalagang mortal.
“Paumanhin, hindi ko napigilan ang aking sarili,” natatawa nitong wika.
Naghalakhakan ang dalawa, subalit biglang natigilan ang sireno. Nararamdaman niya ang kapansing-pansing pangangatal na nagmumula sa kanyang maliit na sisidlan. Dinukot niya ito at inilabas ang itlog ng lambanang-tubig.
Natutop ni Roselda ang kanyang sarili. Hawak ng sireno ang sa wari niya ay isang batong pilak na may ginintuang linyang paikot na nagmumula sa ibabaw hanggang sa ilalim, subalit ang ibabang bahagi nito ay mayroon tila galamay na gumagalaw.
Napaurong ang dalaga nang ilapag ito ni Managat sa pagitan nila. Bumaon sa mga siwang ng batuhan ang mga galamay nito.
“Ano ang bagay na iyan,” himig nahihintakutan ang dalaga.
“Huwag kang matakot, Eda. Isa lamang iyang itlog.” Anang sireno.
Isang itlog? sa isip ni Roselda. Hindi naman ganoon ang itsura ng mga itlog ah.
Maya-maya pa’y namangha ang dalawa. Nagliliwanag ang ginintuang guhit ng naturang itlog at unti-unting naghihiwalay ang ibabaw; dahan-dahan itong bumubuka kagaya ng pamumukadkad ng isang bulaklak.
Magkahalong pangamba at pananabik ang naramdaman ni Roselda sa nasasaksihan. Pangamba dahil hindi niya nauunawaan ang nakikta ng mga mata at pananabik dahil isa itong hiwaga para sa kanya. Hindi nga niya namalayang napayuko siya upang maigi itong pagmasdan.
Sa gitna ng itlog, ngunit sa hinuha ng dalaga ay bulaklak ito, mayroong siya nakikitang isang munting anyo na hugis tao, sireno, pagwawasto niya sa sarili. Ito ay kulay asul subalit purong puti ang buhok nito. Matingkad na bughaw ang buntot at sa likuran nito ay napupuna niya ang dalawang nakatiklop na palikpik.
Ang munting nilalang ay unti-unting gumagalaw. Nag-unat ito ng mumunting mga braso at naghikab. At nagmulat ng mga mata.
“Roselda” narinig ng dalagang tinawag ang kanyang pangalan sa kanyang isipan ngunit tila napakalayo nito.
Bigla niyang nilingon si Managat. “Narinig mo iyon?”
Nangunot ang mukha ng sireno; nagtataka. “Ang alin?”
“May tumawag sa aking pangalan.” Tugon ni Roselda.
“Wala naman akong naririnig.” Kinakitaan ng pagkalito ang mga mata ng binatang sireno habang ito ay napapailing, na bigla ding napalitan ng pagkaunawa. “Pangingintal! Nangingintal siya sa iyo, Eda.”
Ang dalaga naman ang nabakasan ng pagkalito. Hindi niya nauunawaan ang sireno.
“Nangingintal?” nausal niya sa sarili na muling napatingin sa itlog. Subalit wala na roon ang munting sireno, sa halip makikita na itong lilipad-lipad sa kanyang harapan.
“Saminsadi!” bigkas ni Roselda, tila wala sa sarili.
Noon din ay nilukob sila ng nakakasilaw na liwanag na agad ding nawala.
Nang muling imulat ni Managat ang kanyang mga mata, nakita niya si Roselda na nakaupo pa rin at ang lambanang-tubig ay lilipad-lipad paikot sa kanya. Hindi niya inaasahan ang nangyari. Karaniwan, ang mga lambanang-tubig ay Nangingintal lamang sa mga nilalang ng tubig. Subalit ngayon lang niya nabatid na maaari din pala itong mangintal sa isang mortal.
“Managat, ano ang nangyari?” nagigitlahang turan ng dalaga.
“Naging bahagi ka ng isang kamangha-manghang kababalaghan, Eda.” Natutuwang tugon ng sireno. “Ang Pangingintal ay isang sagradong pag-aanib o kasunduan sa pagitan ng dalawang nilalang. Ito ay nagsisilbing sumpaan na kayo ay magpakailanmang pinag-uunay ng iisang diwa. Ibig sabihin kayong dalawa ay magkarugtong na sa isip at kaluluwa. Ano man ang iyong iniisip o nararamdaman ay maiisip at mararamdaman din niya,” itinuro ng sireno ang lambanang-tubig. “Siya ay bahagi na ng iyong sarili.”
Hindi maunawaan ni Roselda ang nararamdaman. Lalong tumindi ang pananabik niyang naramdaman kanina. Hindi niya mapagdugtong ang mga sinabi ng sireno at ang nangyari. Sa wari niya’y lalo siyang nalito sa paliwanag nito.
Iniuntay ng dalaga ang kanyang palad, at dumapo dito ang munting nilalang.
“Ano ang tawag sa kanila, Managat?” pangungusisa ni Roselda.
“Lambanang-tubig ang tawag namin sa kanila. Mistulang kasa-kasama.” Tugon ng sireno.
“Tulad ng isang alaga?” anang dalaga.
“Higit pa sa alaga,” mariing sabi ni Managat. “Mayroon din silang sariling isip at damdamin. Marunong silang umunawa. At sila ang pinakamaaamong mga nilalang.”
Inilapit ni Roselda ang lambanang-tubig sa kanyang mukha. Malambing naman siyang hinaplus-haplos nito. “Saminsadi, iyon ang kanyang pangalan.”
Magiliw na pinagmasdan ni Managat ang mortal na dalaga at ang lambanang-tubig na naglalaro sa paligid ng dalagang mortal, nagbibigay itong ng nakakatuwang tunog at mga huni.
“Sarikit!”
Agad na lumapit ang matandang manggagamot sa kinaroroonan ng munting sirena.
“Amang!” hiyaw ng sirenang paslit. “Tingnan mo, nakatagpo ako ng lambanang-tubig.”
Magiliw na nagpaikot-ikot kay Maalam ang munting lambana. Hinagkan siya nito sa pisngi bago bumalik kay Sarikit.
“Nakikita ko nga,” tugon ng matanda.
Ang mga lambanang-tubig ay bibihira na lamang matagpuan dahil na rin sa dantaon ang kakailanganin upang ang mga itlog nito ay mapisa. Si Sarapay ang huling sirenang kilala niyang nakapulot ng mga itlog ng naturang mga nilalang. Subalit nang masawi siya ay hindi na rin matagpuan ng Manggagamot ang mga ito sa pinaglalagyan. Bigla na lang naglaho ang mga ito. At ngayon, isang musmos ang nakatagpo ng isa.
“Saan mo ito natagpuan, anak?”
“Doon po sa may hardin.” Tugon ni Sarikit habang nilalaro ang lambana.
Sa hardin? Lihim na nagtaka ang Manggagamot. Kadalasang ang mga itlog ng ganitong uri ng lambana ay nakatago sa mga pook na mahirap marating at ang isang hardin na kagaya sa Palasyo ay hindi maaring kakakublian ng gayong mga itlog.
Sarapay, isa ba itong palatandaang ika’y nagmamasid pa rin sa amin?
Si Mang Berto ay isa sa mga mamamayan ng nayon na malakas ang paniniwala sa mga engkanto. Mag-isa na lamang siyang naninirahan sa kanyang kubo. Ang kanyang asawa ay matagal nang yumao at ang kanilang mga anak ay may kanya-kanya ng pamilya. Siya na lamang ang naiwan sa lugar na ito. Ayaw niyang iwan ang kanilang tirahan sa kadahilanang dito na siya lumaki at nagkaisip. Ang kubo ay pinananahan ng mahahalagang alaala para sa kanya.
Ngayong araw ay naglalakad siya papauwi galing sa kanilang bukirin, na kanya pang minana mula sa kanyang mga magulang at matiyaga niyang sinasaka. Pasan-pasan niyang ang ilang piling ng mga saging na saba. Ito ang kanyang magsisilbing pagkain dahil sa hikaos siya sa buhay.
Mabilis ang kanyang mga hakbang sapagkat dumidilim na at dahil na rin na ang kanyang binabagtas na daan ay malapit sa batuhan, na pinaniniwalaang pinamamahayan ng mga engkanto at ligaw na kaluluwa. Siya, higit sa lahat ang nakakaalam. Lumipas man ang panahon, naaalala pa rin niya.
Sa kanyang paglalakad, nakarinig siya ng mga halakhakan. Agad siyang nahintakutan at lalo pang binilisan ang kanyang paglalakad. Maya-maya pa’y natanaw niyang nagliwanag ang dako ng batuhan. Hindi na niya napigilan ang kanyang sindak at takot. Nag-aatubili niyang tinakbo ang natitirang layo papuntang kubo.