7. Mga Paa't Buntot

1472 Words
“Magaling. Ang lahat ay naaayon sa aking balak. Panahon na lang ang aking aantayin.”  Matiyaga siyang nagmamasid sa isang bula na palutang-lutang sa kanyang harapan. Mula rito ay makikita ang larawan ng isang sirenang nahihimlay sa isang malaking punglo, ang Punong Maayo. Lubha siyang natutuwa sa kanyang pinagmamasdan. Matagal na niyang hangarin na wakasan ang buhay ng sirena. Ang sirena na naging mitsa ng kanyang kapalaran. At ngayon nga ay unti-unti na niyang nararamdaman ang katuparan ng kanya mga pangarap, ang maghiganti. -------- Bagabag pa rin ang isipan ni Managat, kaya nagpuslit ulit siya mula sa Palasyo at ngayon nga ay naroon siya’t nakaupo sa batuhan kung saan siya ay nakipag-usap sa isang dalagang mortal, si Eda. Ngayong naalala niya ito, siya ay napapangiti. Ang mortal ay may angking kahali-halinang ganda. Iba ang taglay nitong ganda sa mga dalagang sirena sa kanilang kaharian. Hindi niya mawari subalit sa tingin niya ay espesyal ang kagandahan nito. Noon din ay naisip niya kung naiisip din ba siya ng dalaga.  Muli siyang napangiti at napailing sa isipin. Ano ba ang kanyang ginawa. Hindi siya makapaniwala sa sarili. Kailanman ay hindi maaring magsama ang isang mortal at isang sirenong kagaya niya. Pinaalalahanan niya ang sarili na malubha ang karamdaman ng Punong Maayo sa kasalukuyan.  Napatanaw siya sa malayo, sa dako ng papalubog na araw, at napahawak sa hiyas na kanyang suot. Ang hiyas ay bigay sa kanya ni Sarapay, ang katipan ni Maalam, noong siya ay musmos pa lamang. Isa rin itong manggagamot kagaya ng katipan at magkasama nilang pinagsisilbihan ang Punong Maayo at ang kanyang mga kauri. Isa itong butihing ina, maaalahanin at laging maunawain. Subalit madalas itong nasa Palasyo o hindi kaya’y nangangalap ng mga sangkap para sa lunas ng iba’t ibang karamdaman. At kahit na hindi niya ito madalas kasama ay naramdaman niya mula rito ang pag-aaruga ng isang tunay na magulang.  Subalit isang araw, isang kagimbal-gimbal na balita ang nakarating sa kanila ni Maalam. Pinatawag ang kanyang amain sa Palasyo at doon ay ang Punong Maayo mismo ang nagbahagi ng masamang balita. Si Sarapay ay nasawi. Ayon sa isang saksi, siya ay nabitag ng lambat ng isang mangingisda. At nang mabatid na isang sirena ang kanyang nahuli ay walang habas niya itong pinaslang. Hindi na muling natagpuan ang katawan ni Sarapay. Tanging palikpik lamang ang natira nang marating ng mga tagapagsaklolo ang pook ng pangyayari. Ang paniniwala ng karamihan ay nilamon na ito ng mga pating.  Lubos na naghinagpis si Maalam dahil doon at mula noon ay lagi nitong pinangangaral sa kanya na ang mga mortal ay walang kasing lupit. Na sila ay masasamang mga nilalang. Na kahit kailan ay hindi magkakaroon ng kapayapaan sa pagitan ng mga Lawodnon at mga mortal. Ngunit sa tingin ni Managat ay hindi lamang nila nauunawaan ng lubos ang mga mortal at gayundin ang mga ito sa kanila.  Muling naglakbay ang mga daliri ng binatang sireno sa hiyas. Ina, sana ay tulungan ninyo ako, sa isip niya. Hindi ko maaaring pahintulutang ang pangalawang magulang ko ay masawi rin.  Isang kaluskos ang gumambala sa kanyang pagmumuni-muni. Bigla siyang kinabahan. Akmang tatalon na siya sa tubig nang marinig niya ang kanyang pangalan.  “Managat!” tinig ito ng isang babae.  Nang kanya itong lingunin, naroon si Eda, ang dalagang mortal. Nakangiti ito ng pagkatamis-tamis at tila sabik na sabik itong makita siya. May dala itong isang supot.  “Aalis ka na agad? Kakarating ko nga lang.” bungad ng dalaga sa kanya, na lumapit sa kanyang kinauupuan.  “Akala ko kasi…” hindi naituloy ng sireno ang sasabihin dahil naupo ang dalaga sa tabi nito. Nakapaa lang ito na kanyang nilublob sa tubig.  “Kasi ano?” wika ni Roselda, mataman itong nakatitig sa kanya.  “Wala,” yun lang ang kanyang naitugon.  “Wala?” ulit ng dalaga. “Pwede ba naman iyon?”  Tahimik niyang tinitigan ang mortal.  “Wala ka na namang imik dyan,” saad ni Roselda. “Noong huli tayong nagkita, tahimik ka rin. Meron bang problema?”  Napansin ng dalaga na tila mayroong mabigat na dinadala ang kaibigang sireno. Sobrang tahimik na naman ito. O sadyang ganito lang talaga sila? Hindi niya alam ang sagot sa tanong na iyon. Pero pakiramdam niya ay kailangan nito ng karamay.  “Kung ano man yang suliranin mo ngayon, makikinig ako,” anang dalaga.  Mahabang katahimikan ang sumunod. Tanging ang hampas ng alon sa batuhan ang maririnig. Sa kalayuan, isang ibong mandaragit ang matatanaw. Paikot-ikot ito sa isang bahagi ng tubig at waring nag-aabang. Maya-maya pa’y pumailanglang ito pababa sa tubig. Nang ito ay umahon, isang malaking isda ang tanggay-tanggay nito sa kanyang tuka. Noon lang muling nagsalita ang sireno.  “Anong gagawin mo kapag nalaman mong isa sa iyong minamahal ay nasa binit ng kamatayan?” anito.  Nabigla si Roselda sa tanong nito. Hindi pa sumagi sa kanyang isipan ang ganoong bagay. Ang totoo’y nakaramdam siya ng takot nang marinig ito. Hindi niya alam ang sasabihin.  “Siguro, kung meron pang paraan upang mailigtas ko siya, gagawin ko,” kapag kuwa’y turan ng dalaga.  “Papaano kung hindi mo alam kung ano ang paraang iyon?” tugon ng sireno.  Napaisip ang dalaga, hindi niya alam ang sasabihin. “Kung ganoon man, marahil ay susubukan kong maghanap ng makakatulong sa akin.”  “Papaano kung walang tutulong, walang paraan?” Mababanaag ang kawalang pag-asa sa tinig ng sireno.  Ipinatong ni Roselda ang kanyang palad sa kamay ng kaibigan. Tila basang goma sa pakiramdam ang balat nito subalit nagawa niya itong pisilan ng marahan. “Managat, ang lahat ay may paraan. Kung ang isang bagay ay walang kalutasan marahil ay may dahilan ito. Pero ito ang lagi mong tatandaan, may paraan ang lahat ng bagay. Marahil ay mahirap lang itong hanapin, ngunit palagi mayroon tayong magagawa.”  Napatingin ang sireno sa malamlam na mga mata ng dalaga. Naaaninag niya mula rito ang pagkahabag. Subalit puno rin ito ng pag-asa. Lihim siyang napangiti. Isang mortal ang nakikiramay sa kanya. Sa lahat ng nilalang. Kung totoong masasama ang mga tao, ano ang pinapakita ng dalaga sa kanya?  “Salamat,” ani Managat. “Totoo ang iyong sinabi, Eda. Kailangan kong subukang maghanap ng paraan at tulong.”  Napangiting muli ang dalaga. Sa kauna-unahang pagkakataon ay tinawag ng sireno ang kanyang pangalan at hindi binibini. “Huwag ka nang malungkot dyan, kumain na lang tayo.”  Binuksan ni Roselda ang dalang supot. Mayroon itong laman, at sa tingin ni Managat ay mga pagkaing-tao ang mga iyon. Nakakamangha ang amoy ng mga ito para sa sireno sapagka’t iba sa pakiramdam ang dulot nito. Kapag sila ay nasa tubig, panlasa ang pangunahin nilang pandama. Subalit iba dito sa ibabaw.  “Tikman mo ito,” dumukot ang dalaga ng isang pirasong tipak. Bilo-haba ang hugis nito, at sa ibabaw nito ay nag tatlong mahabang butas. Sa mga butas ay nakikita ng sireno ang kulay ubeng laman nito, ang palaman.  Nagtatakang tinanggap niya ang ibinigay ng dalaga.  “Ang tawag naming dyan ay tinapay,” wika ni Roselda. Nababakasan niya ng pagkamangha ang sireno. “Masarap iyan, tikman mo.”  Nag-aalangang inilapit ni Managat ang tinatawag ng dalaga na tinapay sa kanyang bunganga at napahinto. Nilingon niya ang mortal.  Tumawa si Roselda. “Huwag kang mag-alala, wala iyang lason.” Dumukot din ito ng tinapay mula sa supot at kumain.  May pag-aalinlangan man ay nakuha ding kagatin ng sireno ang tinapay. Matigas ito subalit malambot rin. Hindi niya mawari kung ano ito ngunit kakatwa ang lasa para sa kanya. Kumagat pa siya ng isa at nang isa pa. Hindi niya namalayang naubos na niya ito.  Aliw na aliw namang pinagmamasdan ni Roselda ang tauli ni Managat. Bakas na bakas sa mukha nito ang kakatwang pagkamangha sa kanyang kinakain. Tila ba ngayon lang siya nakatikim ng pagkaing gayun kasarap.  “Binibini, Eda," pagwawasto niya sa sarli, "may dumi ba ako sa mukha?”  Natawang muli si Roselda. “Wala Managat, nakakatuwa ka lamang pagmasdan. Ito, sa iyo na lahat ang mga ito.” Inaabot ng dalaga ang supot sa sireno na masigla namang tinanggap nito. “Rabalya!”  Isang nakamaskarang sireno ang nagmamadaling pumasok sa madilim na silid. Ang katawan nito hanggang buntot ay napupuno ng mga marka, samantalang nakapatong sa ulo nito ang isang pugot ng ulo ng malaking palos. Mistula itong halimaw sa unang tingin.  “Tama nga ang iyong mga hinala, ang Punong  Maayo ay nagkaroon ng malubhang karamdaman. Ang Dalit-Kamingawan. Usap-usapan ito sa nasasakupan.”  May kung anong kinuha ang sirena sa isang lalagyang naroroon at lumapit ito sa isang sisidlang yari sa hinabing lumot. Ang sisidlan ay nagbibigay ng isang banaag na liwanag. Inihagis niya sa loob ang hawak-hawak at tumindi ang liwanag ng sisidlan.  “Nagsisimula na siya, Askala,” anito na nilingon ang sirenong kakarating lang. “Subalit hindi ko pa rin nauunawaan kung papaano niya iyon naisakatuparan. Taliwas ito sa aking pananaliksik. Natitiyak kong meron siyang mga kasabwat.”  Iginala niyang ang paningin sa loob ng maliit at madilim na silid. Sa malamlam na liwanag, makikita ang ibat’ ibang hugis na mga lalagyan at sisidlan na naroroon mula sahig hanggang sa taluktok. Laman ng mga ito ang samo’t saring sangkap para sa lunas. Ilang taon din ang kanyang iginugol upang makalap ang mga ito, subalit madaming pa ring kulang.  “Magmanman kayong maigi, Askala! Mas masahol pa ang darating!” Mariin niyang turan. Nawa’y hindi pa mahuli ang lahat. Kailangan makalap ko na ang tatlong nahuhuling sangkap sa lalong madaling panahon, lihim niyang paalala sa sarili.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD