9. Kahalili

1405 Words
“Miggie!”  Napaangat ng tingin ang matandang lalaki mula sa kanyang tasang umuusok at napatanaw sa ali na nakatayo sa harap ng kalang de-kahoy. Nasa kalagitnaan ito ng pagluluto. “Baket Lisa?”  “Wala pa ba ang anak mo?” nayayamot na sabi nito.  Humigop muna ng kape ang lalaki bago tumugon, “Ano ka ba naman, hindi ba’t nagpaaalam iyon na pupunta ng dalampasigan. Alam mo namang mahal na mahal niyon ang dagat.”  “Aba eh gumagabi na ah. Kahapon, gabi na rin siya umuwi.”  “Hayaan mo na, bakasyon naman. Hayaan mo namang mag-enjoy ang dalaga mo. Saka malaki na siya, alam na niya ang dapat gawin. Ano ba ang pinangangamba mo riyan?”  Hindi na umimik pa ang asawa. Tama naman ang sinabi ng bana nito, subalit hindi nito maalis sa sarili ang mag-alala. Tama, malaki na si Eda. Pinalaki nila ito ng maayos at may wastong asal. Lagi nila itong pinangangaralan. Subalit iyon nga mismo ang kanyang ikinababahala. Lumalaki na ang kanilang dalaga, Nagkakaroon na ito ng sariling isip. Papaano kung magtanong ito sa mga bagay-bagay   patungkol sa kanyang katauhan? Papaano kung maisip nitong itanong sa kanila kung bakit nag-iisa lamang itong anak. Papaano kung maisip nitong itanong kung bakit nagkaanak pa sila gayung lagpas na sila sa gulang na posible pang magkaanak? Hindi alam ni Elizabeth ang isasagot sa mga iyon. At iyon ang labis niyang pinangangamba. Papaano kung… umiling-iling siya sa naisip, hindi maaaring mawala sa kanila si Roselda, labis niya itong ikalulungkot.  Ilang mga pagkatok ang narinig sa dakong pintuan. Maya-maya’y pumasok ang kanilang dalaga.  “Mang, Pang, andito na po ako,” anito na lumapit sa kanila at nagmano.  Napansin ni Lisa na nakayapak lamang ito at tila mayroon itong hawak na isang uri ng bulaklak na noon lamang niya nakita, subalit hindi niya natanaw ang tila tutubing nakadapo sa balikat ng dalaga. “Asan ang mga tsinelas mo?” pamumuna nito. “At ano iyang hawak mo?”  “Mang, nawawala yung tsinelas ko, natangay po ata ng alon kanina,” tugon nito. “Saka, ito po. Napulot ko po ito sa dalampasigan habang naglalakad. Ang ganda ano po?”   Alam ni Lisa na hindi ito nagsasabi ng buong katotohanan at mayroon itong tinatago, subalit hindi niya ito tinanong pa.   “Eda, anak, nagpalit ka na doon at kakain na tayo maya-maya,” sabi ng matandang lalaki.   “Opo Pang.” Naabutan ni Managat si Sarikit na natutulog sa kanyang hihigan nang makarating siya sa Palasyo. Tahimik niyang tinungo ang daan sa sariling silid dahil nagkalat ang mga bantay sa paligid ng kaharian. Kinailangan pa niyang ikutin ang masukal na bahagi ng kaharian upang doon sa lihim na lagusan pumasok. Mapalad naman siyang nakapasok sa Palasyo nang hindi napapansin ng kahit isa mang bantay. Bakit biglang naghigpit ang pagbabantay, naitanong niya sa sarili.  Pagod siya, mahaba rin ang kanyang nilakbay patungo at pabalik mula sa batuhan para lang makapagmuni-muni. Sinamahan pa siya ng dalagang mortal, si Eda. Malaki ang pasasalamat niya dito dahil sa pagbibigay liwanag sa kanyang kaisipan. Mayroon pang pag-asa, paalala niya sa sarili.  Marahan siyang naupo sa tabi ng munting sirenang nahihimlay sa malambot na uri ng lumot, ang nagsisilbing pahingahan nila. Maingat siya dahil ayaw niyang magising ito. Napansin niya na isang lambanang-tubig ang nakapatong sa ulo ni Sarikit, at mukhang natutulog rin ito.  Pinaaalahanan niya ang sarili. Sa loob lamang ng dalawang araw ay madami na ang nangyari. Nakilala niya ang mortal na dalaga; ang pagkakasakit ng Punong Maayo; at ngayon ang pagkasilang ng bagong salinlahi ng mga lambanang-tubig. Ang isa sa mga ito ay nangintal pa sa mortal na dalaga. Nagdulot ito ng pangamba at pagkamangha dahil ngayon lang siya nakasaksi ng ganoon, na maaari pala itong mangyari.  Bigla siyang napauntay ng mga braso. Hinayaan niyang angkinin ng pagod ang kanyang katawan. At ilang saglit pa’y mahimbing na siyang natutulog. Tiniyak ni Roselda na natutulog na ang kanyang Mamang at Papang. Nakasara na rin ang kanyang pintuan at bintana. Habang siya ay nakahiga na sa kanyang katre, lilipad-lipad naman sa paligid ng kanyang kwarto ang lambanang-tubig. Napapangiti siya sa kanyang sarili. Hindi niya inakalang magkakaroon siya ng kasa-kasamang isang engkantong tubig. Kakaiba talaga ang mundo, madami itong lihim na hindi nauunawaan ng isang pangkaraniwang tao. Ito marahil ang dahilan kung bakit natatakot ang mga tao sa mga engkanto. Namumuhay sila sa mundong labas sa pang-unawa.  Sa tabi ng kanyang higaan ay naroon ang kanyang lamesita. Nakapatong sa ibabaw noon ang garapon ng itim na perlas na bigay ng sireno sa kanya, katabi nito ang talukap ng itlog ni Saminsadi. Inilagay niya ito sa isang malapad at mababang paso na gawa sa luwad at nilagyan niya ng mapuputing bato. Sa unang tingin, isa lamang itong kakaibang uri ng halaman na walang mga dahon. At sa pagitan ng mga ito ay naroon ang kaisa-isang picture frame nilang mag-anak; kuha ito noong siya ay sampung taong gulang pa lamang.  “Huwag mong hahayaang manuyot ang talukap, Eda,” nagugunita niya ang habilin ng sireno sa kanya habang inaabot ang naturang itlog. “Kapag nanuyo ito ay magkakasakit ang iyong lambana, bahagi ito ng kanyang sarili. At kaakibat ng iyong tungkulin ang panatilihing malusog ang talukap dahil kung napabayaan mo ito mayroong masamang mangyayari. Palagi mo itong ibababad sa tubig, maliwanag ba?”.  Tumango siya sa sireno at bago ito nagpaalam ay nagpasalamat ito sa tinapay na ibinahagi sa kanya ng dalaga.  Aalagaan kita Sadi, bulong niya sa sarili. Ituturing kitang kapatid.  Dumapo sa kanyang noo ang lambanang-tubig at namaluktot, naglilikha ito ng nasisiyahang huni.  “Pagod ka na Sadi?” mahina niyang turan.  Tumango-tango ang lambana at lumipad patungo sa kanyang itlog. Doon ito muling namaluktot.  Tumagilid si Roselda paharap sa nakapasong itlog. Napapangiti. Ibig nang manghinga ng kanyang munting kaibigan. Bigla siyang napahikab. Inaantok na rin ako, sa isip niya.  Bago siya nakatulog, naisip niya si Managat. Maari rin siguro… “Kamusta na ang kalagayan ng Punong Maayo, Manggagamot?”  Nakatayo si Umala sa likuran ni Maalam, ang Manggagamot, habang nagsasagawa ito ng pagsusuri sa kanilang mahal na pinuno. Mahabang panahon na rin niyang pinagsisilbihan ang Punong Maayo kaya’t nais din niyang mabatid ang tunay na kalagayan nito. Subalit batay sa kanyang nakikita, hindi pa rin bumubuti ang katayuan ng Puno.  “Wala pa ring pagbabago, Umala.” Pailing-iling na turan ng manggagamot. Nakaluhod ito sa tabi ng punglo at hawak ang isang kamay ng pinunong sirena. Hindi man ito nakaharap sa Tagapagpayo, mapapansin pa rin ang bagabag dahil sa higpit ng pagkakahawak nito sa kamay ng Punong Maayo.  Lumapit sa dakong buntot si Umala at maharang hinagod ang namumutlang kaliskis sa bahaging iyon. Magaspang na ito sa pakiramdam, tanda na sadyang naaapektohan na ito ng sinaunang karamdaman.   “Ayoko man itong banggitin, Manggagamot, subalit tingin ko ay panahon na upang maghanap ng bagong mamumuno sa nasasakupan,” mungkahi ng Tagapagpayo.  Hindi napa-imik si Maalam.  “Batid ko na batid mo, higit sa lahat ang alamat ng Dalit-Kamingawan,” pagpapatuloy nito, “hindi ko na kailangang ipaalala sa iyo na…” sinadyang putilin ni Umala ang sasabihin.  Nilingon siya ng Manggagamot. “Batid ko, Umala,” marahas nitong tugon. Hindi niya ibig ang mungkahi subalit alam niyang naaayon ito para sa lahat.  Napaismid si Umala sa tauli ni Maalam. Madalas ay Tagapagpayo lamang ang tawag sa kanya ng Manggagamot. Napaghahalata niyang nagagalit na ito dahil na rin sa paang ng tugon nito.   “Paumanhin,” agad na bawi ni Maalam na muling napaluhod sa gilid ng punglo. “Naiisip mo bang masyado pang maaga para sa mungkahing iyan, Tagapagpayo?”  “Batid ko, Manggagamot. Subalit iniisip ko lang naman ang kapakanan nating lahat. Hindi natin maaaring pabayaan ang ating nasasakupan na walang tumatayong halili sa maiiwang tungkulin,” saad ng Tagapagpayo. “Sa tingin mo ba, mayroon pang pag-asang malunasan ang karamdaman ng Punong Maayo?”  Muling umiling si Maalam. Batid niyang kasinungalingan ang sabihing mayroon pa.  “Ang ibig kong iparating ay maari naman tayong maghirang ng halili lamang, habang ginagawa mo ang lahat upang lunasan ang kapahamakang ito.” Binigyang-diin ni Umala ang katagang halili. “Huwag mong isiping hindi ko hangad ang kagalingan ng Punong Maayo, Manggagamot. Tulad mo, nais ko ring gumaling siya. Siya na ang tinuturing kong pamilya at batid mo iyan.”  Hindi tumugon si Maalam, bagkos ay muling hinawakan ang kamay ng Punong Maayo.  Bago pa man naging isang Tagapagpayo si Umala, siya ay isang ulila noong maliit pa lamang. Kinupkop siya ng isang butihing sirena nang siya ay matagpuan nito sa isang sukal ng kalumutan. Minahal siya at pinalaki ng maayos ng naturang sirena. At nakakalungkot man, ito rin ay pumanaw na sa hindi malamang kadahilanan.  “Huwag mong kalimutan Manggagamot,” pagpapatuloy ng Tagapagpayo, “hindi lang ikaw ang nawalan ng minamahal. Hindi ko pahihintulutang muli akong magiging ulila.” Pagkatapos iyong sabihin, isang tapik sa balikat ng Manggagamot ang binigay ni Umala at lumabas na ng silid.  Tama ka, turan ni Maalam sa sarili. Subalit sino ang hahalili?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD