Nagkalat sa katre ni Roselda ang iba't ibang gamit. Nakabuklat ang aklat na Shells & Crafts, mayroon mga pandikit, mga water color, makukulay na mga sinulid, gunting at kung anu-ano pa. Sa isang maliit na bilao, naroon ang mga kabibe't batotoy na kanyang napulot noong nakaraang araw; malinis na ang mga ito.
Maagang nagising ang dalaga. Ipinagluto niya ng almusal ang kanyang mga magulang, na lubos na ikinagulat ng mga ito; pinakain ang mga alagang manok; nagwalis ng mga tuyong dahon sa bakuran at nagdilig ng iilan mga halaman ng kanyang Mamang. Ipinagbalot na rin niya ng tanghalian ang kanyang Papang bago ito lumakad papunta sa pananahi nito ng lambat. Lubhang nakapagtataka ang sipag na taglay niya ngayon.
Nang siya ay bumalik sa kanyang silid, kapansin-pansin ang ngiting hindi maparam-param sa kanyang mga labi. Masigla niyang sinimulan ang paggawa ng palamuti gamit ang mga kabibe't batotoy. Maya't maya ang kanyang pagsulyap sa pahina ng aklat na nakabuklat. Ibig niyang matiyak na tama ang kanyang pagdikit sa mga piraso ng kanyang ginagawa.
Bigla siyang natigil at sinuri ang kanyang gawa. Hindi na masama. Ang kanina'y karaniwang bote lamang sa paningin, ngayon ay mistula nang pambihirang plorera na nababalot ng sala-salansang mga kabibe.
"Ano sa tingin mo Sadi?" anang dalaga na sinulyapan ang lambanang-tubig sa talukap nito.
Nakadapa ang lambana at tila nababagot. Nag-angat ito ng ulo at nagbukas ng isang mata sabay bigay ng mahinang aliw-iw. Bago muling pumikit at nagbaba ng ulo.
"Hindi mo ba nagustuhan ang gawa ko?" Lumapit ang dalaga at hinaplus-haplos ang lambana.
Bumuka ang mga pakpak nito at lumipad patungo sa balikat ni Roselda. Kiniliti nito ang kanyang leeg.
Natatawang dinakot ng dalaga ang lambana. "Gusto mo na namang makipagpalaro? Nakita mo namang mayroon akong ginagawa, hindi ba?"
Nagbigay ito ng nagsusungit na huni at lumipad sa ibabaw ng kanyang ulo. Doon ito namaluktot.
Muling natawa ang dalaga.
Tatlong sunud-sunod na busina ang narinig ni Roselda sa labas ng bahay. Nang siya ay lumapit at dumungaw sa bintana, natanaw niya ang isang puting van. Nakaparada ito sa tapat ng kanilang bakuran. May naliligaw yata, sa isip ni Roselda.
Minabuti niyang lumabas at tingnan kung kaninong sasakyan ang nakahimpil sa harap ng kanilang bahay.
Hindi pa siya nakakalabas ng bakuran ay natanaw na niyang unti-unting bumababa ang bintana ng magarang kotse sa bandang unahan. Mula dito ay lumuwa ang ulo ni Marissa.
"Negra!" Malakas na tili ng kaibigan. Dinig na dinig ng ibang kapitbahay ang boses nito. Mabilis nitong tinulak ang tarangkahan ng bakuran at payakap na sinalubong si Roselda.
"At anong masamang hangin ang nagdala sa'yo rito?" nangingiting tugon ng dalaga.
"Aba, aba! Hangin ng kagandahan ang nagdala sa'kin rito. Bruha ka!" pairap na turan ng kaibigan.
Natawa si Roselda. "Anong ginagawa mo rito?"
"Namin," anang tinig na nagmula sa likuran ni Marissa.
Nakatayo sa labas ng bukas na pintuan ng van ang isang babae. Nakasuot ito ng isang hapis na puting sando na nagpalitaw ng magandang hubog ng katawan nito at lubhang maiksing salawa kaya't tanaw na tanaw ang mapuputi at makinis nitong mga hita. Nakapuyod ang buhok nitong hanggang balikat at nakapatong ang puting salaming pang-araw sa ulo nito. Ang kanang galanggalangan nito ay may suot na pulseras na gawa sa makukulay na abaloryo. Mistulang dayuhan ang porma nito sa simpleng kasuotan.
"Erika!" bulalas ng dalaga.
"Nakakatampo naman!" anang isa pang boses.
Mula sa giwang ng pintuan ng van ay lumitaw ang ulo ni Kara, Japeth, Mirasol, at Mike; mga kamag-aral at kabarkada niya.
"Teka, anong ginagawa ninyong lahat dito?"
"Um, hello, hindi ba obvious sa get-up ni Erika?" sagot ni Mirasol, ang kwela pero nerdy niyang kaklase.
Napatingin muli si Roselda kay Erika at napakibit-balikat.
"Hay naku Eda," singit ni Kara, bumaba ito mula sa van at tumayo katabi ni Erika. Nakasuot ito ng dilaw na sando at tulad ng kaibigan, puting salawa na sobrang iksi rin. "Nagplano kaming mag-outing, na-miss ka naming kasama eh."
"Tama," matining na dagdag ni Japeth, ang binabae nilang barkada. "Kaya't magpalit ka na roon. Sayang naman ang magandang sikat ng araw."
"Eda, anak!" narinig nilang lahat na tawag ng isang ali. "Anong meron at mukhang merong bisita?"
Mula sa likod-bahay ay lumapit si Lisa sa harap ng bakuran.
"Mang, mga kaklase ko po." Ani Roselda.
Isa-isang nagmano ang mga kabataan.
"Mamang!" naglalambing na lumapit si Marissa sa matanda. "Hihiramin sana namin ang inyong dilag."
"Saan ba ang punta ninyo?" usisa ng matanda.
"Isasama po sana namin si Eda sa outing," si Erika ang sumagot. "Maari po ba?"
"Ganun ba?" tugon ng matanda. "Pupwede naman."
"Talaga ho Mang?" may pananabik na wika ni Roselda.
"Basta ba maaga kayong umuwi."
Biglang niyakap ni Roselda ang kanyang Mamang. "Salamat po."
"So, ano pa ang inaantay natin? Pasko?" bitaw ni Marissa ng biro.
Naghalakhakan ang lahat.
--------
"Managat."
Marahang niyuyugyog ni Sarikit ang balikat ng binatang sireno.
Pupungas-pungas siyang bumangon mula sa pagkakahiga nito.
"Managat," gumising ka na sabi. "Nawawala si Sagi."
"Sinong Sagi?" tugon ng sireno na halata pang inaantok.
"Yung lambana," nagmamaktol na sagot ng munting sirena.
Nag-unat-unat ang sireno. nakapagtataka, turan niya sa sarili. Bakit naman mawawala ang isang lambanang-tubig. Hindi ito umaalis ng basta-basta sa Pangintalan nito.
"Pakiusap Managat," samo ni Sarikit. "Hanapin natin siya."
Tuluyang bumangon si Managat sa higaan at hawak ang munting kamay ng sirena ay magkasama silang lumabas ng silid.
Pilit inalala ng sireno sa kanyang balintataw ang kanyang mga natutunan noong maliit pa lamang mula kay Maalam. Ang mga lambanang-tubig ay ubod ng tapat na mga nilalang, hindi sila kusang umaalis sa kanilang Pangintalan ng walang dahilan. Sakaling umalis man ito nang hindi alam ng kanyang Pangintalan, ito marahil ay nasa paligid lamang. Dahil na rin sa sadyang mapagtaka at mausisa ang mga ito.
"Sinubukan mo na ba itong tawagin, Sarikit?" tanong ni Managat sa kasama.
"Hindi pa," matipid na tugon ng munting sirena.
"Subukan mo. Ang mga lambanang-tubig ay nauugnay sa ating mga isip. Kahit gaano pa ito kalayo, tiyak na naririnig ka niya." Paliwanag ng sireno.
Tumango ang munting sirena at gamit ang kanyang isipan ay tinawag nito ang lambanang-tubig.
Napahinto si Sarikit, na biglang namang ikinagulat ni Managat. Mistula itong hindi gumagalaw.
Nang mga sandaling iyon, nakikita ni Sarikit ang nakikita ng kanyang lambana, si Saginrawa. Nasa loob ito ng isang tagong silid sa Palasyo kung saan ikinukubli ang mga bagay na kanilang napupulot mula sa paglilinis sa lapag ng karagatan. Mga kalat ng mga mortal na tinapon na lang nila basta-basta.
Ang lambana ay nasa harap ng isang makinang na bagay na mayroong makinis na ibabaw. Mula rito ay pinagmamasdan nito ang gumagalaw na larawan ng mga mortal.
"Nasa Silid Hinigkuan si Sagi."
--------
"Hoy, negra." Patuksong sabi ni Roselda sa kaibigang si Marissa.
Nagsisiksikan ang magbabakarda sa loob ng puting van na ngayon ay binabaybay ang maalikabok na daan papunta sa kanilang patutunguhan. Pawang malalagong punong kahoy at nagluluntiang mga halaman ang makikita sa magkabilang bahagi ng kalsada.
"Kanino mo naman hiniram 'tong kotse?" pagpapatuloy ng dalaga.
"Ouch ha," tugon ni Marissa. "Sa ganda kong 'to, can't afford? Excuse me, Roselda Mae de Vera. Ang kotseng sinasakyan mo ngayon ay pagmamay-ari ng aking future husband."
"Future?" sabat ni Japeth, "Hoy Marissa, sinong nagsabing meron kang future? Nakalimutan mo na bang ako ang clairvoyant sa atin? Tingnan mo ang mga mata ko." Sadyang tinirik ng kaibigan ang mata hanggang sa mawala ang mga itim nito.
Nagtawanan ang magkakaibigan.
"Tse," pag-iirap ni Marissa. "Baklang 'to. Kahit kelan, kontrabida." Lumapit ito sa lalaking nagmamaniho at inihilig ang ulo sa kanyang balikat. "Inggit ka lang. Wala ka kasing boyfriend."
Noon lang napansin ni Roselda na ang lalaking nagmamaniho pala ay siya ring lalaking kasama ng kaibigan nang sila ay magkita sa bayan.
"Ay, usapang boyfriend. Suko na ako." Agad na tugon ni Japeth na lalong ipinagsiksikan ang sarili sa kasamang si Mirasol. "Di ba, Mira?"
"Bawal pa akong mag-boyfriend," wika naman ni Mirasol. "Kaya labas ako sa usapang iyan."
Si Roselda, Japeth, Mirasol at Lloyd ang nasa likurang bahagi ng sasakyan, samantalang nasa harapan nila sina Kara at Mike, ang mag-irog ng barkada na hindi mo maaring paghiwalayin at si Erika na may kasama ring lalaki. Hindi niya ito kilala at sa tingin ng dalaga ay ito ang nobyo ng kaibigan; habang nasa harapan sina Marissa at ang future husband nito.
"Oo nga Eda," si Erika naman ang nagsalita. "Kelan mo ipapakilala sa amin ang nobyo mo?"
Napukol sa dalaga ang atensyon ng lahat.
"Sya nga naman," dugtong ni Kara. "Madami kang manliligaw sa school di ba?"
"Naku, wala pa sa isip ko ang bagay na yan." Tuwirang tugon ni Roselda. "Saka, makakapag-antay naman yan di ba?"
Subalit nang mga sandaling iyon, naisip ng dalaga ang sireno. Hindi niya mawari kung ano ba ang nararamdaman niya. Pero, isang bagay kanyang nasisiguro. Masaya siya sa tuwing kasama niya ito.
--------
"Sagi!"
Tawag ng munting sirena sa lambana nito.
Nilingon siya nito at nagpaikot-ikot na lumapit sa kanya.
"Bakit bigla-bigla ka na lang umaalis nang hindi nagpapaalam?" nilambing-lambing ni Sarikit ang lambana. Bagkas sa mukha nito ang galak dahil natagpuan na niya si Saginrawa.
Nasa loob sila ng Silid Hinigkuan, ang silid kung saan nakatambak ang mga kalat ng mortal. Lubhang madungis ang paligid sa malawak na silid na matatagpuan sa pinakailalim na bahagi ng Palasyo. Narito at gabundok ang mga bagay na hindi nila alam kung ano ang silbi. Karamihan sa mga ito ay hindi nabubulok at lubhang matibay at tinutubuan na ng mga korales at mga halamang-dagat.
Nabaling ang pasin ng sireno sa makinang na bagay na nilisan ng lambana kani-kanina lamang. Nagbibigay ito ng kakaibang liwanag, subalit nang iwanan ito ng lambana ay bigla itong naglaho. Tila ba nakita niyang mayroong mga anyong gumagalaw roon nang sila ay pumasok sa silid.
"Sarikit, itapat mong muli si Sagi roon." Sabi ni Managat sabay turo sa bagay na makinang.
Lumapit ang dalawa at hinayaan ng munting sirena na hawakan ng lambana ang bagay sa harapan nila. Nang dumampi ang mamaliit na kamay nito, nagkaroon na nakakasilaw na liwanag, pagkatapos ay tumambad sa kanila ang larawan ng mga mortal. Tila nagkakatuwaan ang mga ito.
"Managat," ani Sarikit. Nahintakutan ito sa nakikita at napahawak ng mahigpit sa kamay ng binatang sireno.
"Huwag kang matakot, Sarikit." Pinagmasdang maigi ng sireno ang mga mortal na kanyang nakikita. Tila napapaloob sila sa isang masikip na silid. Noon niya napagtantong isa sa mga ito ay ang dalagang si Eda, ang mortal niyang kaibigan.