“Saan nga ba ang punta natin?” Tanong ni Roselda sa mga kaibigan.
“Saan pa nga ba?” Si Japeth ang sumagot. “Meron pa bang ibang malapit na paliguan dito?”
Nahulaan na agad ng dalaga ang kanilang patutunguhan. Iyon lang kasi ang pinakalamapit na paliguan sa kanilang nayon kaya madalas ay doon lang din ang kanilang bagsak sa tuwing magkakayayaang lumabas.
Biglang lumiko ang lulan nilang puting van sa isang makitid na landas. Sa gilid ng sangang-daan, makikita ang isang arkong gawa sa kawayan. Natatakpan na ito ng mga halaman at nagagapangan ng malalagong baging. Nakasulat sa puting pinturang nangatuklap na ang mga salitang Burubukal Cold Spring Resort.
Tanyag ang resort na ito dahil sa malamig at nakakaalwang tubig mula sa mga bukal na matatagpuan sa ulo na batisan. Ito rin ang kaisa-isang pasyalan sa kanilang bayan kaya’t dinadayo pa ito ng mga kalapit nayon sa kanilang lugar.
“Hindi ba kayo nagsasawang maligo doon?” saad ni Roselda; ngunit ang totoo’y natutuwa siyang sa ilog naman ang kanilang tungo.
“Sawang-sawa na,” Si Mirasol ang sumagot, nakatanaw ito sa labas ng bintana at tila inip na inip na.
“Minsan, doon naman tayo kila Eda,” turan ni Michael, o Mike sa mga kaibigan.
“Oo nga,” tugon ni Marissa na napalingon sa kanyang mga kaklase. “Mag-beach naman tayo minsan.”
“Tama ka dyan,” pasang-ayon ni Japeth, “Kaya lang, lalo kang iitim doon.”
Nagkalakhakan ang magkakaibigan.
- - - - - - - -
“Managat,” nagugulihimang turan ni Sarikit sa binatang sireno. Nababakas ang matinding pangamba sa mukha ng munting sirena.
“Huwag kang matakot. Mga larawan lamang sila.” Paniniyak ng sireno. “Hindi ka nila masasaktan.”
“Pero Managat, mga mortal sila. Ang sabi ni Maalam masasama sila.” Nahihintakutan ng lubos si Sarikit. Sa unang pagkakataon, nasaksihan niya ang kahindik-hindik na itsura ng mga mortal.
Minabuti ni Managat na damputin na ang lambana upang maglaho ang mga larawan at inakay si Sarikit palabas ng Silid Hinigkuan.
Nang tuluyan na silang nakalabas, nakasalubong nila si Umala, ang Tagapagpayo. Nasa malalim itong pag-iisip at hindi sila napansin hanggang sa nasa harapan na sila nito. Agad na itinago ng sireno sa likuran nito ang hawak na lambana.
“Tagapagpayo,” yumukod ang dalawa bilang pagbigay galang sa kanya.
“Ano ang ginagawa ninyo dito?” usisa ng Tagapagpayo.
Sasagot sana si Sarikit subalit mahigpit na hinawakan ni Managat ang munting kamay ng sirena upang awatin ito.
“Naliligaw lamang kami,” tugon ng sireno.
“Doon ang tamang daan palabas.” Itinuro ni Umala ang gawing labasan.
Hawak-hawak pa rin ang kamay ng munting sirena, nagmamadaling tinungo ni Managat ang dakong pinanggalingan ng Tagapagpayo.
“Nga pala,” kapag kuwa’y tawag ng Tagapagpayo mula sa kalayuan.
Napatigil ang dalawa. Nararamdaman ni Managat na nanginginig na si Sarikit sa takot.
“Tingin ko ay hinahanap ka ng Manggagamot.”
- - - - - - - -
Lubhang madilim ang paligid ng yungib na kanyang kinaroonan. Tanging ang hawak niyang sisidlang gawa sa hinabing mga lumot ang nagbibigay ng mahinang liwanag. Itinaas niya ito upang ilawan ang bahagi ng dingding sa kanyang harapan kung saan makikita ang ilang mga katangi-tanging ukit. Ang mga ukit na ito ay bahagi lamang ng napakarami pang mga ukit na nililok sa buong kahabaan ng naturang yungib. Subalit ang isang ito ang nakakuha ng kanyang pansin.
Itinaas niyang lalo ang hawak na pailaw at nagliwanag ito sa ukit na kanyang sadya sa yungib. Isang ukit na hugis dikya, hugis kabibe at hugis perlas na napapaloob sa isang bilog. Sa ibabaw ng bilog, nakalilok ang mga linya at guhit ng sinaunang kataga ng mga sireno’t sirena, ang Kinadtong Sugil. Ang lumang salita ay pinaniniwalaang ginamit ng mga sinaunang engkanto ng karagatan. Ngunit nakalimutan na ang paggamit nito sa paglipas ng mahabang panahon. Lubhang matagal bago niya nagawang isalin ang ibig iparating ng mga kataga:
Sa pag-ugong ng banal na tunog
Sasayaw ang mga bulaklak ng Buwan
At ang luha ng dalisay na pag-ibig
Pighati ay lulunasan
Hanggang sa ngayon, hindi pa rin niya maarok ang talinhagang ikinukubli ng mga bugtong na ito at kung ano ang kaugnayan nito sa mga ukit na napapaloob sa bilog.
Siya ay nagbalik upang muling pag-aralan ang mga ukit. Marahil ay mayroon siyang hindi pa naisasaling maigi. Subalit makalimang ulit na niyang ginawa ang pagsasalin at tanging ang bahagi na lamang ng bugtong ang palaisipan sa kanya.
“Rabalya?” anang tinig sa kadiliman.
“Bigo pa rin ako, Askala.” Tugon nito. “Magbalik na lamang tayo.”
- - - - - - - -
Matapos ihatid si Sarikit sa hardin ng bahura, nagtungo na siya sa silid ng Punong Maayo. Doon, naabutan niya si Maalam na patuloy pa ring nag-aabang sa kalagayan ng kanilang pinuno.
“Ama.”
Tumayo ang Manggagamot mula sa pagkakaluhod nito at hinagkan ang noo ng Punong Maayo bago humarap sa kanya.
“Mayroon akong ibig ipakita,” anito sa binata. “Sumunod ka sa akin.”
Hindi na hinintay ng Manggagamot ang tugon ni Managat. Agad itong lumabas at tinungo ang dako ng Palasyo kung saan mahigpit na i***********l ang pagpunta nang walang pahintulot. Sinundan siya ng binatang sireno.
Sila ay huminto sa harap ng isang matayog at malapad na dalawang pintuang gawa sa mapuputing marmol. Sa gitna ng mga ito, isang baras na yari sa makinis at maputing bato ang nakausli. Pinihit ito ni Maalam at dahan-dahan itong umurong papasok. Nang tuluyan na itong lumapat kusang nagbukas ang mga pintuan.
Agad na pumasok si Maalam at sumunod naman si Managat sa kanya. At unti-unting nagsara ang mga pintuang marmol. Nilingon ito ng sireno, nagtataka kung papaano sila lalabas gayung wala siyang nakitang tatangnan.
Nang muli siyang humarap, tumambad sa kanya ang matutulis subalit mapuputing bato sa magkabilang gilid at maging sa taluktok. Ang mga dingding ng pasilyo ay mistulang makinang kaya hindi na nila kinailangan ng liwanag. Katunayan, ang buong paligid ay tila nagbibigay ng sariling liwanag.
“Ama, saan ba tayo pupunta?” tanong ng binatang sireno.
Ngunit hindi siya nakatanggap ng tugon mula sa amain. Tuluy-tuloy lamang ito pasulong.
Nagtataka man, tahimik na sumunod si Managat. Ilang sandali pa ay natanaw niyang muling huminto ang matanda. Ngayon naman ay sa harap ng isang lagusang natatakpan ng mga nakakalasong uri ng halamang-dagat.
Maingat na hinagilap ng Manggagamot ang isang manipis na tangkay ng halaman at kiniliti ito. Matapos niyon ay nangaligkig ang halaman at tuwirang humawi upang sila ay pagbigyang daan.
“Huwag mong hayaang madikitan ka ng mga talulot kung ayaw mong mamanhid.” Turan ng Manggagamot.
Maingat na pumasok sa lagusan si Managat. Nang siya’y makalagpas, nalula siya sa kanyang natagpuan.
Naroon siya sa isang napakalawak na silid na lubhang napakadilim. Hindi niya natanaw ang ilalim o ang ibabaw subalit malinaw niyang nakikita ang sarili at si Maalam na para bang sila mismo ay nagbibigay ng liwanag. Sa buong paligid ng silid, naaaninag niya ang mumunting liwanag na tila mga tala sa malayong kalangitan. Kukurap-kurap ang mga ito sa paningin. Tila ba siya ay napalis sa tayog ng kalawakan.
Sa gitna ng silid, isang napakalaking kabibe ang lumulutang. Ubod ito ng puti, at tila ba sa simpleng pagtingin rito ay masasaktan ang iyong mga paningin.
“Ito ang Laonlagan.” Narinig niyang sabi ng Manggagamot. “At ang iyong nakikita ay ang Budyong.”
Budyong? Bulong ng binatang sireno sa sarili.
“Ang Budyong ang banal na kasangkapan ni Maguayan. Ginamit niya ito upang pasunurin ang tubig sa alin mang kanyang naisin. Ayon sa matatandang alamat, ginamit ito ng Anito ng Karagatan upang gunawin ang mundo sa utos ng Dakilang Bathala. Ito ang naging sanhi ng Dakilang Baha, Managat. At tanging may busilak na puso lamang ang makakagamit nito.”
“Bakit mo ito sinasabi sa akin ngayon, Ama?” tanong ng binatang sireno.
“Kinausap ako ng Tagapagpayo. Iminungkahi niyang maghirang ng tagahalili habang may karamdaman pa ang Punong Maayo.” Tugon ni Maalam.
“Ano ang sabi ninyo?” Palaisipan sa binatang sireno kung bakit iyon sinabi ng Tagapagpayo. Salungat ito sa kanilang kultura. Ang isang pinuno ay maaari lamang palitan kung ito ay ganap na pumanaw na.
“Sinabi kong hindi pa tamang panahon para sa ganoon. Dahil hindi siya ang magpapasya niyon, kung hindi ang Budyong.” Turan ng Manggagamot. “Kapag nalalapit nang matapos ang panahon ng isang pamumuno, ang Budyong ay magbibigay ng isang alalad. Ang alalad ay magsisilbing hudyat na isang bagong pinuno ang hihirangin. Sakaling hindi ito masunod, isang kaguluhan ang mangyayari.”
Lalong nagtaka si Managat. “Ibig nyo bang sabihin, Ama, ang mungkahi ng Tagapagpayo ay magdudulot ng kaguluhan?”
Tumango ang nakakatandang sireno. “Maaari. Kapag maisakatuparan ang mungkahi ng Tagapagpayo.”
“Kung gayun, kailangang hindi ito mangyari Ama. Kailangang malunasan na ang karamdaman ng Punong Maayo.”
“Nais kong magbalik ka sa ating tahanan anak,” ipinatong ni Maalam ang kanyang palad sa balikat ng binatang sireno. “Hanapin mo ang mga talaan at mga naiwang gamit ng iyong yumaong ina. Kung mayroon maaring tumulong sa atin, natitiyak kong si Sarapay iyon. Kung hindi ako nagkakamali, minsan nang iginugol ng iyong ina ang isang masusing pananaliksik sa Dalit-Kamingawan. Bago nangyari sa kanya ang masamang kapalaran.”
- - - - - - - -
Tahimik na pinagmamasdan ni Roselda ang mga kabarkadang nagtatampisaw at naliligo sa malamig na ilog ng Burubukal. Naroon siya at nakaupo sa bangkong gawa sa kawayan sa nirentahang cottage. Hawak-hawak niya ang isang barbeque na kanina pa niya kinakain.
“Uupo ka lamang ba riyan?” lumapit si Erika sa kanyang kinauupuan, basang-basa na ito. “Hindi ka ba maliligo?”
“Maya-maya na siguro.” Nakangiting tugon ng dalaga sa kaibigan.
“Kung ako sa’yo, lulubus-lubusin ko na ang pagkakataon habang bakasyon pa.” Kumuha si Erika ng mga chips at canned soft drinks sa isa sa mga cooler na kinalalagyan ng kanilang pagkain at bumalik sa kinaroroonan ng nobyo nito na napag-alaman niyang Jericho ang pangalan.
Iginala ni Roselda ang paningin. Gaya ng inaasahan, napakaraming tao ngayon sa resort. Ang bawat cottage ay mayroong mga lamang pagkain, tuwalya, at kung anu-ano pang personal na gamit ng mga naliligo. Maririnig ang halakhakan, sigawan at maiingay ng kwentohan ng mga tao.
Kaaya-aya ang buong paligid. Ang malalago at matatayog na mga puno ay nagbibigay ng lilim mula sa sikat ng araw. Ang samyo ng hangin ay malamig sa pakiramdam, dahil na rin sa malamig na tubig na marahang umaagos. Ang magkabilang pampang ay nahaharangan ng pinagpatung-patong na mga tipak ng mga batong ilog at pinagdikit-dikit ng argamasa at luwad. Sa unahang bahagi ng ilog ay matatagpuan ang isang konkretong tulay na nagsisilbing tawiran at nakapatong sa isang malaking batong nababalot ng luntiang mga lumot. Samantalang ang kabilang dulo naman ay nilagyan ng saplad upang panatilihing may kalaliman ang tubig.
Nakakatuwa rin sigurong manirahan sa ganitong lugar, sa isip ng dalaga.
Dagli, sa sulok ng kanyang mga mata, may napansin siyang lulimipad-lipad na tutubing kulay asul sa di-kalayuan. Natanaw niya itong sumisid sa tubig. Nang ito ay umahon, isa na itong lambanang-tubig.
“Sadi!” bigla niyang nausal sa sarili.
Lumipad ito papapalapit sa kanya at hinagkan siya nito sa pisngi.
“Anong ginagawa mo rito?” pabulog na sabi ng dalaga, napapatingin ito sa paligid, tinitiyak na walang nakatingin sa kanya. “Hindi ba’t ang sabi ko ay mag-antay ka sa bahay?”
Umiling-iling ang lambana bilang pagmamaktol.
Narinig ng dalaga ang tugon ng lambana sa kanyang isipan. “Kanina pa ako nakasunod sa inyo. Nakaramdam lang ako ng isang kakaibang diwa sa paligid kaya’t nilapitan na kita.”
“Ano naman iyon?” nagtatakang tugon ni Roselda.
“Mga bagay na makapangyarihan.” Dumapo ito sa kanyang ulo.
Muling napatingin ang dalaga sa paligid. Hindi niya alam kung ano ang kanyang hinahanap. Subalit nasisiguro niyang isa itong uri ng engkanto. Sa lugar na tulad nito, paniguradong mayroong engkantong nananahan.
“Hoy Eda,” ginambala ni Kara ang pagmamasid nito. “Hindi ka pa ba maliligo?”
“Ah eh, susunod na.” nauutal na tugon ng dalaga. “Uubusin ko lang ito.” Nangalahati palang ang kanyang barbeque.
“Bilisan mo na. Ang sarap ng tubig. Magpapalit ka pa ba?” tanong ng kaibigan. “Doon ang C.R. nila oh.” Itinuro nito ang dakong palikuran.
Kinuha ni Roselda ang kanyang dalang tuwalya matapos ubusin ang pagkain at tumayo na upang tumunguhin ang direksyon ng palikuran.
“Teka lang Eda,” habol na tawag ni Kara. “Merong asul na tutubi sa ulo mo.”
Nagmamadaling umalis ang dalaga. Hindi siya sanay na nagdadahilan sa mga kaibigan.
“Anong tutubi ang sinasabi ni Kara, Sadi?” mahina niyang tanong sa lambana nang siya ay makalayo na.
Bumaba sa balikat ng dalaga si Sadi at doon naupo. “Sa pangkaraniwang paningin ng mga mortal, mistula lamang kaming mga tutubi. Ang tawag dito ay Bighani. Lahat ng mga engkanto ay nagtataglay ng ganoong kakayahan upang ikubli ang kanilang tunay na anyo.”
Bighani? Ulit ng Roselda sa isipan. Kaya pala may mga kwento ang mga matatanda na minsan ay nakikihalubilo ang mga engkanto sa mga tao subalit hindi nila ito nalalaman.
“Pero bakit nakikita kita?”
“Ang Bighani ay tatalab lamang sa nais naming pagbalatkayuhan.” Paliwanag ng lambana.
Walang anu-ano’y bigla itong lumipad papalayo. Patungo ito sa mga kakahuyan. Sinundan ito ng dalaga hanggang sa huminto ito sa harap ng isang matulis na batuhan. Tila isa itong malapad na pader na nakaharang sa kanilang daraanan. May mangilan-ngilang mga halamang tumutubo sa mismong mga siwang ng magagaspang na mga bato.
“Malakas ang kapangyarihan dito.”
Nakaramdam ng kaunting takot ang dalaga. Papaano kung isang engkanto pala ang nararamdaman ng kanyang lambana?
“Ano ba kasi ang nararamdaman mo?” nausal ni Roselda. Medyo may kadiliman sa kanilang kinaroroonan dahil sa mga aninong dulot ng matatayog na mga puno sa paligid. Maririnig ang ilang paghuni ng mga ibon sa ibabaw at miminsan ang pagsiyap ng mga kuliglig at kulisap na nagtatago sa mga dahon at bato.
Isang maling hakbang at gumuho ang lupang kinatatayuan ng dalaga.
Napapaubong bumangon si Roselda sa pinagbagsakan. May kaunting gasgas at galos siya sa binti at braso.
Mabilis na lumapit ang lambana sa kanyang Pangintalan. “Ayos ka lang ba?”
Tumango ang dalaga at napatingala. Sa ibabaw, isang maliit na butas ang makikita kung saan siya nahulog. Nagtatagos mula ang kakarampot na liwanag.
“Sadi,” himig nahihintakutan ang dalaga. Paano siya malalabas ngayon. Sa kanyang palagay, tatlumpong talampakan ang taas ng kanyang pinagbagsakan.
“Hihingi ako ng saklolo.” Tugon ng lambana.
“Saglit, huwag mo akong iwanan.” Pigil ni Roselda. Inukot niya ang kanyang paningin. Sa kalayuan, may natatanaw siyang isang liwanag. “Baka iyon ang labasan.”
Maingat na bumangon ang dalaga at dahan-dahang binaybay ang dako ng liwanag. Sa tulong ng liwanag ni Saminsadi, naaaninag niya ang dingding ng lagusan. Para itong isang kuweba at halos nababalot ng mamasa-masa at malambot na uri ng lumot at ang lupang kanyang natatapakan ay naaagusan ng malamig at mababaw ng tubig hanggang sa kanyang sakong. Naaamoy niya ang maumidong panghi at maaringhang baho ng nabubulok na dahon sa hangin na marahang umiihip.
Napayakap siya sa sarili. Malamig ang simoy ng hangin sa loob ng kweba. Kung nararamdaman niya ang mahinang pag-ihip, natitiyak niyang mayroong lagusang papasok at palabas. Binilisan niya ang kanyang paglalakad.
Nang marating niya ang dako na pinagmumulan ng liwanag, natutop niya ang sarili. Isa itong maliit na sanaw. Ang liwanag na nagmumula sa butas sa ibabaw nito ay tumatalbog sa tubig, sanhi upang mag mistulang napakaliwanag ng paligid.
Tiningala niya ang butas. Mayroong mahahabang mga ugat na tumatagos mula rito pababa sa kakarampot na tubig. Sadya itong maliit subalit sa tingin niya ay magkakasya siya.
Kailangan subukan niya itong akyatin upang makalabas.
Hinagilap niya ang lambana at natagpuan itong nakaluhod sa gilid ng isang mas maliit na sanaw sa kasuluk-sulukang bahagi. Nilapitan niya ito.
“Ano iyan Sadi?”
“Mga usbong,” tugon ng lambana.
Usbong? Wala namang nakikitang halaman si Roselda. Ang tanging nakikita niya ay mga puti at bilugang mga batong nakalublob sa maliit na sanaw.
Dagli, isa sa mga bato ay biglang lumutang sa ibabaw ng tubig. Nangatal ito ay unti-unting naglabasan sa ilalim nito ang mahahaba at mapuputing sinulid. Maya-maya pa’y bumuka ang ibabang bahagi nito ay dahan-dahan itong lumulutang.
Hindi makapaniwala ang dalaga. Para itong isang mapusyaw na dikya.
“Sadi, ano iyan?” namamanhang tanong ng dalaga.
“Isang Ramag!” natutuwang tugon ng lambana. “At napakadaming usbong ang naririto.”