Paulit-ulit na naririnig ni Managat ang sinabi sa kanya ng kanyang amain.
“Minsan nang iginugol ng iyong ina ang isang masusing pananaliksik sa Dalit-Kamingawan.”
Iyon marahil ang dahilan kung bakit lagi na lamang wala sa kanilang tahanan ang kanyang butihing ina. Lubos nitong pinag-ukulan ng panahon ang pag-aaral sa Dalit-Kamingawan. Batid ba nitong totoong karamdaman ang sinasabi ng alamat? Nag-aagawan ang mga tanong sa isipan ng binatang sireno.
Matapos siyang dalhin ng Manggagamot sa Laonlagan, ang silid na kinalalagyan ng Budyong, inatasan siya nitong magbalik sa kanilang lumang tahanan upang kunin ang mga talaan at mga kasangkapan ng yumaong ina. Umaasa si Maalam na may naiwang palatandaan ang pumanaw na katipan nito hinggil sa karamdamang dumapo sa Punong Maayo.
Kung sakaling mayroon nga, isa itong napakagandang balita para sa lahat.
Mababakas sa masiglang kilos ng sireno ang pamumuo ng bagong pag-asa habang tinatahak niya ang paliku-likong daan patungo sa kanilang lumang tahanan.
Lubhang malapit siya sa lapag dahil ayaw niyang makuha ang pansin ng mga bantay na nagtatanod sa kalayuan.
“Managat!”
Bulong lamang iyon subalit sapat na ito upang mapahinto ang sireno. napalingon siya sa likuran at natanaw ang anyo ni Sarikit na papalapit. Kasa-kasama nito si Saginrawa, ang lambanang-tubig.
“Anong ginagawa mo?” agad na tanong ni Managat sa munting sirena nang makalapit na ito.
“Nakita kitang papaalis kaya sumunod ako sa’yo.” Tugon ni Sarikit.
“Hindi ka maaaring sumama sa akin, malayo ang pupuntahan ko.” Mariing sabi ng binatang sireno.
“Babalik na lamang, ako.” Malungkot na tumalikod ang munting sirena.
Muling sinulyapan ni Managat ang mga bantay. Malayo na ang mga ito subalit naisip niyang maari pa rin silang makita ng mga ito.
“Huwag na, sumama ka na lamang.” Saad niya. “At pakiusap, huwag mong hayaang makita ng ibang mga sireno’t sirena ang iyong lambana. Nag-iisa lamang ito sa buong Lalawod. Baka may makakita riyan at magdulot pa ito ng pangungusisa sa atin.”
Tumango ang munting sirena. ”Narinig mo ang kanyang sinasabi, Sagi? Ayokong magkahiwalay tayo.” Nagsumiksik ang lambana sa mga hibla ng kanyang buhok.
--------
Pasado ala sais na ng gabi nang ihatid ng kanyang mga kaibigan ang dalagang si Roselda sa tapat ng kanilang tahanan.
“Eda, sa susunod mag-iingat ka na ha. Masakit pa ba yang sugat mo?” nag-aalalang tanong ni Erika sa kaibigan.
“Hindi na. Kaunting gasgas at galos lang naman ito. Hindi mo na kailangang mag-alala.” Tugon ni Roselda.
“Sige, mauuna na kami. Sa susunod uli ah.” Paalam ng kaibigan.
“Mag-iingat kayo,” nakangiting pahabol ng dalaga.
Umandar na ang sasakyan at natanaw pa niyang kumaway mula sa bintana sina Japeth at Mirasol.
Wala sa sariling napahawak siya sa kanyang sugat sa bandang siko. Nakalapat na roon ang isang band-aid. Mabuti na lang at wala siyang gaanong natamong sugat mula sa pagkakabagsak niya sa lihim na lagusan sa kakahuyan. Nagalusan rin ang kanyang kanang tuhod, bukod roon ay wala na siyang iba pang pinsala.
“Gagaling ka.” Saad ng lambana na lumabas mula sa likod ng kanyang batok kung saan ito nagkubli.
“Oo naman, Sadi.” Bulong ng dalaga.
Pumasok siya sa kanilang bahay at agad na sinalubong ng kanyang Papang.
“Narito ka na pala.” Bungad nito sa kanya. “Tamang-tama at handa na ang hapunan.”
Sa kanilang hapag, nakahanda na ang kanilang hapunan para sa gabing iyon: isang bandihadong kanin, isang pinggan ng puno ng piniritong galunggong at isang mangkok na puno ng hiniwa-hiwang kamatis.
“Pang, busog pa po ako. Maari na po akong magpahinga?” wika nito sa kanyang Papang.
“Hindi ka man lang ba kakain kahit kaunti?” sabi ng kanyang Mamang.
“Hindi na po Mang.” Sagot niya at tuluyang tinungo ang kanyang silid.
Nagkatinginan ang dalawang matatanda subalit hinayaan na lamang nila ang kanilang anak.
--------
Pinagmasdan ni Managat ang bungad ng kanilang lumang tahanan. Mababakas mula rito ang mga panahong lumipas na ito ay napabayaan na. Lubhang madami na ang mga lumot ng tumutubo sa paligid na dati-rati ay maayos. Inangkin na ng mga halaman ang mga sulok na maaari pa nitong pagtubuan. Noo’y maimis at malinis pa ito, ngayon ay hindi na ito maibukod mula sa pagkakaiba sa mga pader ng apog kung saan ito ay nakahukay.
Hindi tulad ng isang pangkaraniwang tahanan sa Lalawod, ang kanilang lumang tahanan ay gawa sa hinukay na guho sa isang napakalaking bloke ng apog na matatagpuan sa dulong bahagi ng naturang pook. Ang sabi sa kanya ni Sarapay noong siya ay musmos pa lamang, mga labi raw ito ng isang malawak na bahura noong unang panahon at sa hindi malamang dahilan ay unti-unti na lamang itong nangamatay at naging isang napakalaking apog. Malayo ito sa kabihasnan na siyang naaayon naman sa uri ng pamumuhay ng kanyang tinuturing na mga magulang.
Mga hamak na manggagamot lamang ang kanyang mga magulang noon. Subalit sila ay nagtataglay ng pambihirang dunong sa panggagamot. At dahil na rin dito, sila ay nakilala at naging tanyag sa ibayong karagatan. Noon din ay napaanyayahan sa Palasyo ang kanyang mga magulang, at sila ang nagsilbing punong manggagamot ng Lalawod. Hanggang sa nakarating sa kanila ang masamang balita tungkol kay Sarapay.
Nagpasya si Maalam na lisanin na nila ang tahanang kanyang kinalakhan matapos noon. Marahil ay upang limutin din ang masaklap na sinapit ng kanyang katipan at ang mga masasayang alaala na kanilang nabuo ng magkasama nang ang kanilang buhay ay simple at payak pa lamang.
Subalit iyon ay matagal nang nakalipas. Marami na ang nagbago magbuhat noon.
“Halika na Sarikit.”
--------
“Ramag,” mahinang usal ni Roselda sa sarili.
Patihaya siyang nakahiga sa kanyang katre at nakatitig sa kisame. Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari sa kanya sa Burubukal. Ang mga batong mapuputi na parang mga holen ay tinawag na usbong ni Sadi. At mula sa isa sa mga ito ay lumabas ang isang jellyfish na lulutang-lutang sa ere.
Pinagmasdan niya itong umangat ng umangat hanggang sa lumabas ito sa guho ng lupa na magsisilbi niyang labasan.
Noon lang din niya naisip na baka hinahanap na rin siya ng kanyang mga kasama.
Sa tulong ng mga ugat at baging na nakabitin sa bunganga ng lagusan ay nagawa niyang makalabas mula sa guho ng lupa. Laking tuwa niya nang makalabas. At nang ikutin niya ang kanyang paningin, nasa ibang bahagi na siya ng kakahuyan.
Masukal ito kumpara sa kanyang pinanggalingan dahil sa malalagong mga palumbong at matatayog na mga punong kahoy. Sa kanyang paglingon, napag-alaman niyang ang guho ay nasa pagitan ng malalaking mga ugat ng puno ng balete. Napakalaki ng katawan ng puno at sa tingin niya ay dantaon na ang gulang nito.
Bahagya siyang nahintakutan. Dumidilim na ang paligid at hindi niya alam kung nasaan na siya.
“Alam ko ang tamang daan,” anang kanyang lambana.
Sinundan niya ang asul na liwanang ni Saminsadi hanggang sa makarating sila sa isang batisan. Ang agos ng tubig ang naging gabay ng dalaga upang maayos na makabalik sa kanyang mga kaibigan.
Gulat na gulat ang mga ito nang siya ay makita. Madungis na siya dahil sa mga putik at may ilang mga punit ang kanyang suot na damit. Bahagyang nanunugo ang kanyang siko at tuhod. At bago pa siya lapatan ng lunas ng mga ito, hindi sila magkumahog sa pagtatanong kung ano ang nangyari sa kanya. Hindi naman niya maaring sabihin ang katotohanan dahil alam niyang hindi rin maniniwala ang mga ito. Sa huli, nag-isip na lamang siya ng magandang alibi para hindi na gaanong mag-alala ang mga ito.
Tumagilid ang dalaga paharap sa kanyang lamesita.
“Sadi, gising ka pa ba?” bulong ng dalaga.
Sa kanyang talukap, namamalukot ang lambana, malamlam ang liwanag na lumalabas mula rito.
“Bakit?” narinig niya ang mahinahong tugon nito sa kanyang isipan.
“Paano mo nalamang mga ramag ang nakita natin kanina?”
Bumuka ang mga pakpak ng lambana at lumapit ito sa kanya. Pumatong ito sa kanyang noo. “Alam ko lang.”
Nagsalubong ang kanyang mga kilay, nagtataka sa tugon ng kanyang lambana. “Hindi kita naiintindihan.”
“Kaming mga lambana ay may likas na kaugnayan sa kalikasan at dahil dito ano mang taglay na kaalaman na mayroon sa isang natatanging lugar ay maari naming taglayin.” Paliwanag ng lambana.
Napakagat ng labi ang dalaga. “Hindi ko pa rin naintindihan.”
Napabuntong-hininga ang lambana.
--------
Madilim ang buong paligid. Ang tanging linawag na nag-iilaw sa kanila ay ang malamyos na dilaw na liwanag na nagmumula sa lambanang si Saginrawa. Sapat lamang ang liwanag na naibibigay nito upang makita nila ang payak na silid. Ang dingding ng guho ay lubhang maputi kahit sa madilim na paligid. Walang kahit na anong adornong makikita maliban sa mga butas na sadyang nililok sa dingding upang magsilbing lagayan.
“Anong ginagawa natin rito, Managat?” anang munting sirena, mahigpit itong nakakapit sa kanyang kamay.
“Mayroon tayong kailangang hanapin, Sarikit.” Tugon ng binatang sireno.
“Ano naman iyon?” tanong ulit ng munting sirena.
“Hindi ko alam, basta kapag nakita ko iyon, alam kong natagpuan na natin ito.”
Nagsimulang maghalughog ang dalawa.
--------
Nasa harap ng isang maliit na salamin si Roselda at nagsusuklay ng kanyang buhok. Nakapagpalit na siya ng pantulog at inaayos na lamang ang sarili upang makapagpahinga na rin.
Lilipad-lipad sa gilid ng salamin si Saminsadi at namamanghang tinatanaw ang bagay na naglilikha ng larawang kawangis ng kanyang Pangintalan. Sa kanyang pagtataka, hinawakan niya ang salamin. Biglang nagpapaalun-alon ang repleksyon ni Roselda at kapag-kuwa’y napalitan ito ng ibang imahe.
Napakusot ng mga mata ang dalaga. “Anong ginawa mo, Sadi!”
Umiling-iling ang lambana.
Hindi na larawan ni Roselda ang natutunghayan sa salamin. Sa halip, isang silid na madilim ang doo’y matatanaw. At tanging dilaw na liwanag ang nagpapailaw sa paligid. Tila nagmumula ito sa isang munting isda.
Napayuko ang dalaga palapit sa salamin. Hindi ito isang isda. Isa itong lambana kagaya ni Saminsadi!