SHAMAE
"Hala! Anong gimik iyan, Shamae?"
Nabuhayan ako ng loob nang marinig ang mala-megaphone na boses na iyon. Tumigil ako sa paghila sa paa ko papasok ng school building namin.
"Kristel! Mabuti naman nandito ka. Tulungan mo ako."
Mabilis na lumapit sa akin si Kristel at lumingon-lingon sa paligid. Ginaya ko siya. Lampas alas-syete na, dumarami na ang mga estudyante at nakakakuha na ako ng pansin.
"Ano iyang nasa paa mo? Panibagong fashion trend ba 'yan?"
Nakabusangot na sinulyapan ko ang paa ko. Nakakabit dito ang isang metal ball na ginagamit sa mga preso para hindi makawala.
"T-Teka... don't tell me..." eksaheradang napatakip sa bibig si Kristel na nanlaki pa ang mga mata. "Don't tell me nakatakas ka sa kulungan?! Kaya ka ba nagpapatulong dahil gusto mong itago kita? Sumagot ka!"
Walang kaide-ideya si Kristel sa nangyari kahapon. At tiyak kong mahihirapan akong i-explain sa kanya kung para saan ang nasa paa ko dahil hindi ko pwedeng sabihin sa kanya ang kasunduan namin ni Lucky. Hindi ko pwedeng sabihin na ako ang napagbintangang gumawa ng lecheng vandalism na iyon na naging ugat ng pagiging alila ko. Which reminds me, I am officially the slave of Lucky Pacua just minutes ago!
"Ready saan?" pagkaklaro ko kay Lucky habang patuloy ako sa pagngata sa plastic na kutsara.
Nagdikit ang mga kilay ni Lucky. "I told you a while back that your duty as my slave starts today."
"Hala, e teka. Paano ako makasisigurong tutupad ka sa usapan at hindi ako madedehado? Baka mamaya lamangan mo ako. It won't be fair. Dapat may patunay na six months lang dapat ang pagsisilbi ko. Kapag natapos na iyon at nagawa ko na ang lahat ng utos mo, wala na akong atraso sa'yo."
"I expected you to react like that so to be fair, I made this," may inilabas na brown envelope si Lucky mula sa backpack niya at iniabot sa akin.
Curious ko iyong binuksan. Tumambad sa akin ang mga piraso ng bond paper na naglalaman ng kontrata namin bilang master at slave. Nagkapileges ang noo ko habang binabasa ang nilalaman niyon. Bagama't hindi naman nalalagay sa alanganin ang moralidad ko ay may mga kondisyon at rules pa rin na hindi ako sang-ayon. Pero wala akong magagawa dahil nakalagay na sa unang rule pa lang ang: The slave should not have the right to complain.
Nagmatigas ako. Testing kung pwede pang repasuhin. "Hindi ko maaring sabihin kahit na kanino ang kasunduan natin? Pati sa bestfriend ko?"
"Of course. I don't wanna involve myself in balderdash gossip. It irks the hell out of me everytime."
Gonk.
Napilitan akong tumango bago ibinalik ang paningin sa kontrata. "And if one of the rules above is violated by the slave within the six month-service, then she will remain as his slave unless he gets satisfied of the service... Wait, so kapag may nalabag ako kahit isa sa mga ito, magiging forever slave mo ako, ganon?"
"Yes," walang kagatol-gatol niyang sabi.
Medyo nag-panic ako doon. Paano kung may ma-violate ako. O di kaya ay may hindi ako nagawa sa mga ipinag-uutos niya?
"Hindi ka naman siguro lalabag 'diba?" he asked with that piercing eyes of his before I could say another word.
Umiwas ako ng tingin at napakagat sa pang-ibabang labi ko. "I-I think so."
Lumipas ang ilang segundo pero hindi siya nagsalita. Ibabaling ko na lang ang paningin ko sa kanya nang marinig ko ang tinig niya.
"Then wala kang dapat na ikabahala."
I hope.
Bumuntunghininga ako bago binigyan ng huling sulyap ang kontrata. Alam kong inosente ako sa mga bintang sa akin pero napasok na ako sa gulong ito. I was left with no other choice but to go with the flow. Iisipin ko na lang na may magandang bagay na kapalit ang nangyayari ngayon sa akin.
"I-I think tolerable naman ito so..." I sighed once again. "Well, wala naman na akong magagawa."
"Shall we call it a deal then?"
"D-Deal."
Matapos makapirma at makuha ang kopya ng kontrata ay nakipagshake-hands ako kay Lucky. Ewan ko kung ako lang ba iyon o meron talagang parang kuryenteng dumaloy sa kamay ko mula sa kanya. Napatingin ako kay Lucky pero wala namang kakaiba sa ekspresyon niya kaya inisip ko na lang na baka nga guni-guni ko lang.
"So, handa ka na ba sa unang utos ng master mo sa iyo?"
"Ano po iyon mahal na hari?"
Lucky just smirked.
*****
"Ano? Hindi ka makapagsalita? Totoo ang sinasabi ko di'ba?" naputol ang pagmumuni-muni ko nang magsalita ulit si Kristel. Pinagtitinginan na kami ng mga nagdaraang estudyante. Paano ba nama'y napakalakas ng boses ng bruha, idagdag pang nakabalandra kami sa covered pathwalk.
"Hindi. Kasi ganito... ah---"
"Huwag ka nang magkaila pa. Huling-huli na kita sa akto. Sabi ko na nga ba gumagamit ka ng ipinagbabawal na gamot eh. Kaya pala madalas, baliw ka. Shamae, makinig ka. Huwag mong hayaang gapiin ka ng kasamaan. May chance ka pa para magbago. Kung inaakala mong itatakwil kita bilang kaibigan, nagkakamali ka. Nandito pa rin ako sa likod mo. Kaya, bumalik ka na sa kulungan," makabagbag-damdaming litanya niya.
Maang akong tumingin kay Kristel. Kung hindi lang talaga ako hihingi ng tulong sa kanya, nasabunutan ko na siya nang bonggang-bongga. Pinagsasasabi ng lukaret na 'to?
"Kristel, lumapit ka nga."
"Ano? Susuko ka na ba?"
"Lumapit ka muna."
Agad ko siyang binatukan nang magkaharap kami.
"Aray! Para saan 'yun, ha?" kinamot ni Kristel ang nasaktang ulo.
"Ang OA mo kasi!"
"Ito naman. Beastmode kaagad? Nagbibiro lang naman ako eh. Para saan ba kasi 'yan? Hindi ka pa naman siguro nababaliw di'ba?"
"Eh kasi... kwan..." paano ko ba 'to ie-explain?
I ransacked the crevices of my mind to extract a convincing alibi. Unfortunately, wala akong maisip.
"Ano na?" untag ni Kristel.
Pumadyak na ako dahil sa frustration. "Bakit ba ang dami mong tanong? Pwede bang tulungan mo na lang ako?"
"Anong tulong?"
"Buhatin mo itong bolang bakal para makapaglakad ako."
Maiksi kasi ang kadenang nagkokonekta sa bola at paa ko kaya kung ako mismo ang magbubuhat ay nakaupo akong maglalakad. Alam kong sinadya ito ng lalaking iyon para pahirapan ako.
"Ano?! Bubuhatin ko 'yan hanggang sa room natin?" nanlalaki ang mga matang reklamo ni Kristel.
"12 pounds lang naman eh. Kaya mo 'yan."
"Ayoko," she crossed her arms and pouted.
"Akala ko ba kaibigan kita?" may himig-paghihinampong na wika ko. Napatingin naman siya nang masama sa akin. "Ano? Ayaw mo? Sige iwan mo na lang ako dito, tutal ganyan ka naman."
Sa mga mata pa lang niya, alam kong effective ang reverse psychology ko.
"Maduga ka talaga. Hindi mo na nga sinabi sa akin ang dahilan ng bolang ito tapos para ka pang boss kung makautos," nagdadabog na sabi ni Kristel pero binuhat naman ang bola. Krung-krung talaga. "Aray, ang bigat!"
Kanina sa labas ay konti-konti lang ang nakakapansin sa akin. Pero ngayong naglalakad na ako sa hallway ng building kasama ng tagabuhat ko, halos lahat na ng estudyante ay nakatingin sa amin. Kung hindi nakakunot ang noo ay tumatawa sila. Wala akong magawa kundi tiisin na lang ang hiya.
Panay naman ang reklamo ng kaibigan ko a.k.a porter na nagkandarapa sa likod ko. "Naku, pinagtatawanan na nila tayo oh. Para saan ba kasi ito, luka-luka ka? Jusko, nakakahiya talaga. Kuu, pagkatapos nito, bubugbugin talaga kita!"
Ilang saglit pa ay may kumukuha na ng larawan namin. Nataranta na ako kaya binilisan ko na ang paglakad.
"Aray ko! Dahan-dahan ka naman diyan 'no!" himutok ng tagabuhat ko. Nakokonsensiya ako dahil para siyang kuba sa likuran ko.
Gayunma'y hindi ko siya pinansin at nagmamadali pa rin akong pumanhik sa hagdan patungo sa susunod na palapag. Nasa kalagitnaan na ako nang maramdaman kong bumagsak ako sa mga baitang. Hindi ko alam kung nahila ni Kristel ang bola o dahil napabilis lang talaga ako ng lakad. Napapikit ako dahil naramdaman ko kaagad ang pagsigid ng tuhod kong bumagsak. May naririnig akong tawanan pero hindi ko iyon ininda
"Are you okay, Miss?"
Napatingala ako. Isang gwapong lalaki ang nakayuko at nakalahad ang kamay sa akin. Tinanggap ko ang tulong niya.
"I-I'm fine," sagot ko nang maitayo niya ako. Nilingon ko si Kristel na parang naeengkantong nakatitig sa kaharap ko. "Kristel, let's go."
Para naman siyang natauhan at agad na binuhat ang bolang bakal. Nagmamadali kaming nagpatuloy sa pagpanhik. Noon ko lang na-realize na hindi pa ako nakapagpasalamat sa lalaking tumulong sa akin.
"Nakalimutan kong magpasalamat sa kanya," bulong ko habang nakayuko. Ramdam ko pa rin ang titig ng mga schoolmates namin.
"Kanino? Kay kuyang pogi? Shet, ang gwapo niya," makiring saad ni Kristel. Hinihingal na nga ang bruha, nakuha pang maglandi.
"Oo," aniko na lang.
Masakit na talaga ang tuhod ko at nanliliit na ako sa hiya kaya all I want that very moment was to get inside our classroom as soon as possible.
I silently cursed Lucky for doing this to me. Wala din naman akong magagawa kahit magwala pa ako. I need to endure the burden of wearing this metal ball until afternoon. Iyon ang utos ni Lucky. That asshole, I swear makakaganti rin ako!
*****
Kung nakamamatay lang ang tingin ay kanina pa bumulagta sa sahig si Lucky. Sayang nga lang at hanggang "kung" lang ako.
Kanina ko pa siya binabato ng matatalim na tingin at irap, umaasang magbago ang isip niya at ipatanggal na ang nakakabit sa paa ko. Hindi na ako nakapag-concentrate sa mga lecture dahil dun. Unfortunately, kahit ngayong last period na namin sa hapon ay wala pa rin siyang aksiyon. Kung magtatama man ang mga paningin namin ay agad siyang iiwas ng tingin na para bang hindi niya ako nakikita.
Kating-kati na akong tanggalin ang metal ball na ito. Kanina pa ako napapahiya sa mga tao sa school. Ni ayaw ko na ngang lumabas sa room kaninang first period at kung hindi lang talaga kailangang lumipat ng room ay mananatili na ako roon. Nang mag-recess naman at lunch ay nanatili lang ako sa room at nagpabili na lang ng makakain kay Kristel.
It was one of my rarest experiences for this kind of chagrin. Sanay naman na akong mapahiya pero hindi sa ganitong paraan. Maling desisyon ba ang pagpayag ko? Until now, I am weighing things over if I made the right decision or I had put myself in a blunder. First day ko pa lang, ganito na agad ang ipinagawa sa'kin. Paano kung mas malala ang mga susunod? For crying out loud, six months ng buhay ko ang nakasalalay rito!
Kung hindi kaya ako nagpadalos-dalos, posible kayang naiwasan ko pa ang gustong mangyari ni Lucky? For all I know, there was an alternative solution to my predicament. Yet drastic circumstances need drastic measures. Hindi na ako nakapag-isip nang matino lalo pa't ginipit ako ng pusit na 'yan.
Speaking of him, nahuli ko siyang napatingin sa akin. Hindi ko inaksaya ang panahon at agad siyang pinandilatan. Pasimple ko pang tiningan ang nasa paa ko. Pero agad din siyang tumingin sa teacher na nagdi-discuss sa harap. Napahigpit ang hawak ko sa ballpen.
Kinalabit ako ni Kristel. I looked at her with the crease on my forehead.
"Ano 'yun?" usisa ko.
Saglit na nagpalipat-lipat ang tingin ni Kristel sa akin at kay Lucky bago tumigil ang paningin sa akin.
"There's something fishy going on. Naamoy ko ang lansa mo, bruha ka," pabulong niyang sabi sa akin.
"Ha?"
Biglang kumunot ang noo niya at hinimas pa ang baba. Dikawasa'y nanliit ang mata niya. "Kanina pa kita inoobserbahan. Kanina ka pa tingin nang tingin kay Lucky. Iisipin ko na talagang patay na patay ka sa kanya. Kung hindi lang matalim ang mga mata mo kapag napapasulyap ka sa kaniya. Bakit ganon? Can you please enlighten me like I was three pataas, mag-bonakid preschool three plus?"
Hindi ko ipinahalatang nagulat ako sa obserbasyon niya. Basta talaga tungkol sa lalaki, malakas ang radar ng lukaret na 'to.
"N-Namamalikmata ka lang. Sa board kaya ako tumitingin. Nakikinig ako sa teacher. Hindi gaya mo na iba ang pinagkakaabalahan. Ayan tuloy, kung anu-ano ang nakikita mo na wala namang ibig sabihin," pabulong kong pakli.
"Wushu, alam ko ang lahat sayo, pati hugis ng peklat mo sa puwet. Huwag nga ako. Masama ang titig mo kay Lucky eh," medyo lumakas ang boses ni Kristel kaya napatingin sa kanya ang katabi niya.
"Huwag ka ngang maingay," saway ko. "Ganito talaga ang mga mata ko 'no. Killer eyes, alam mo yun? Fierce ako. Fierce."
Diskumpyadong umiling iling si Kristel. "Malalaman ko rin 'yang sikreto mo. If I know, ginagamitan mo na ng gayuma si Lucky," at humalakhak siya.
"Miss Clemente!"
"Ay gayuma!" halos mapatalon sa upuan niya si Kristel. Tinakpan ko naman ang bibig ko upang pigilan ang pagtawa ko. "Ano po 'yun Ma'am?"
"What are you laughing at?"
"H-Hala, hindi ako tumatawa Ma'am. Ah... umuubo ako. Alam niyo po 'yun?" at umubo-ubo nga ang bruha.
Palusot pa more.
Hindi rin nakaligtas sa teacher si Kristel dahil pinasagutan siya nito about sa lesson. As expected, hindi nakasagot ang luka-luka. Buti nga, hahaha.
Ilang saglit pa ay na-dismiss na kami. Nagsimula nang lumabas isa-isa ang mga classmate namin. Nanatili lang ako sa upuan at inobserbahan kung ano ang gagawin ni Lucky.
Nakaupo pa rin siya sa upuan niya at parang may ginagawa sa smartphone niya. Pagkatapos ng ilang segundo ay nag-vibrate ang phone sa bulsa ko.
This is it.
Dinukot ko ang phone at agad na tiningnan iyon. Nakahinga ako nang maluwag nang mabasa ang mensahe galing kay pusit.
'The key is in your locker room. It was in a small box.'
Bagama't nagtataka kung paano niya nabuksan ang locker ko ay ipinagwalang-bahala ko na lang.
"Hindi pa ba tayo lalabas, mare?" tanong ni Kristel.
"Actually, may hihingin muna akong pabor sa'yo," baling ko sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya. "Don't tell me, bubuhatin ko ulit 'yan?"
Parang na-trauma si Kristel dahil masama ang pagkakatitig niya sa metal ball.
Napatawa ako. "Hindi na. May nakalimutan ako sa locker ko. Since mahihirapan akong maglakad papunta dun, pwede bang ikaw na lang ang kumuha?"
She let out a relieved sigh. "Okay, no problem. 'Yun lang naman pala eh"
Pagbalik ni Kristel mula sa locker room ay nakakunot-ang noo niya. Hawak-hawak na niya ang isang maliit na box na kulay maroon. Kaming dalawa na lang nasa loob ng room dahil kanina pa nakalabas ang mga kaklase namin, including Lucky na parang hindi ako nakikita.
"O, ayan. Ano ba 'yan? May nagpo-propose na ba sa'yo?" hindi pa rin mabura ang pagkakakunot ng noo ni Kristel.
Hindi ko siya pinansin at agad na binuksan ang kahita. Tumambad sa akin ang isang susi. Kinuha ko agad iyon at pinakawalan ang paa ko mula sa metal ball. Agad ang pagsalakay sa akin ng ginhawa. Tuwang-tuwang hinalikan ko ang susi na para bang iniligtas ako nito mula sa bingit ng kamatayan.
Nang sulyapan ko ulit ang kaibigan ko ay nakanganga na siya at halos pasukin na ng langaw ang bunganga. May pagtatakang nakalarawan sa mukha niya. Nagulat ako nang bigla niyang apuhapin ang noo at leeg ko.
"Anong ginagawa mo?" Tanong ko.
"Wala ka namang sakit," parang nahihintakutang bulong niya at napakagat pa sa kuko niya habang nakatingin sa akin.
"Ano ba'ng nangyayari sa'yo? Wala akong sakit. So ano naman?" tinaasan ko siya ng kilay.
"Sigurado ka bang hindi ka pa nasisiraan ng ulo?" parang problemadong usal niya.
"Ikaw kaya ang mukhang timang diyan. Ang weird ng mga ginagawa mo."
"At ako pa ngayon ang weird? Eh, ikaw nga 'tong bigla-bigla na lang may nakaangklang metal ball sa paa, ipapabuhat iyon sa akin para makapaglakad at uutusang pumunta ng locker room para kunin ang susi. May saltik lang sa utak ang makagagawa nun."
"Hindi ako baliw!" protesta ko.
"Sige nga. Kung hindi ka baliw. I-explain mo sa akin ang logic ng mga ginawa mo," humalukipkip siya.
Naiinis na ibinalik ko ang maliit na susi sa kahita at itinabi ito kasama ng metal ball. Tumingin ulit ako sa seryosong mukha ni Kristel.
"Okay, sasabihin ko na," bumuntunghininga ako. "I-It was a dare."
Ito lang ang pinaka-sensible na alibi na pwede kong sabihin. Bahala na ang bruhang ito kung hindi niya paniniwalaan. Problema na niya 'yun.
"And who dared you?"
Nagsalubong ang mga kilay ko. "You don't need to know."
Nagmamadaling naglakad na ako palabas ng room. Sumunod naman si Kristel.
"Kung talagang reasonable ang alibi mo, sasabihin mo sa akin ang pangalan. Unless, nagsisinungaling ka."
Lumingon ako sa kanya. "Totoo ang sinasabi ko 'no."
"Pangalan lang naman eh. Ang dali lang sabihin kung tutuusin."
I sighed as a sign of resignation. I crossed my fingers. Here comes another lie. "S-Si Rex."
Biglang nagliwanag ang mukha ni Kristel pagkarinig sa pangalan ng pinsan kong nag-aaral sa States.
"Si Rex?" kulang na lang ay maghugis-puso ang mga mata niya. Simula kasi noong elementary kami ay crush na niya si Rex. Siya pa nga ang unang-unang nalungkot nang mag-migrate ang pamilya ni Rex sa States. Sabi niya, nakulangan na naman ng isang lalaki ang harem niya. Luka-luka talaga.
"Oo, nagka-chat kasi kami kagabi. So ayun," aniko habang patuloy sa paglakad.
"Ano namang sabi niya? Nami-miss daw ba niya ako?"
Effective ang swerving mechanism ko. Buti naman. Baka madulas pa ako kung patuloy na mag-usisa ang babaeng ito.
"Hindi," natatawang sagot ko.
Napabusangot siya. "Buti ka pa, nire-replayan niya. Eh ako, ilang ulit na akong nagmesaage sa kanya, nilulumot na nga ang chatbox namin, hindi pa rin siya nagre-reply hanggang ngayon. Anchaklap."
Kunwari ay tumawa ako. Ang totoo niyan, hindi ko pa nako-contact ang pinsan kong iyon. Matagal-tagal na rin na hindi kami nakapag-usap, mga two months pa yata 'yung huli. It's just that, siya kasi ang unang pumasok sa isip ko. Siguro ay dahil siya ang pinaka-close ko sa lahat ng mga pinsan ko. Kaya nga naging magkaibigan din sila ni Kristel eh. Sasabihan ko na lang siguro siya mamaya para siguradong hindi makakatunog ang isa dito, usisera pa naman.
Pababa na kami ng hagdan patungong first floor nang mag-vibrate ang cellphone ko. Natigil ako sa pagbaba at binuksan iyon.
'Where are you? I suppose you haven't left the shool yet. Meet me at the parking lot as soon as possible. Make sure no one will see you get here. Bilisan mo, ayokong pinaghihintay ako.'
Tumingin ako sa paligid. Halos wala nang estudyante sa paligid dahil nga uwian na. Alangan akong sumulyap kay Kristel na nangunguna na ng ilang hakbang sa akin.
"Kristel."
"Oh?" tumingala siya sa akin.
"May... may nakalimutan pa pala ako sa locker ko. 'Yung, 'yung libro natin sa Science. "'Diba may assignment tayo?"
Saglit na nag-isip si Kristel. Alam kong hindi niya matandaan kung may assignment nga kami o wala. Ako nga hindi ko maalala eh, siya pa kaya.
"Ah, oo. Pakopyahin mo ako bukas ah?"
"Oo naman 'no. Mauna ka nang umuwi ha? Uuwi na rin ako mamaya pagkatapos kong kunin ang libro."
Tinitigan niya ako sa nanliliit na mga mata. Akala ko nga kung hindi siya papayag pero napangiti ako nang sumagot siya.
"Sige na nga. Ba-bye, ingat ka."
"Ikaw rin," kumaway-kaway ako sa kaniya.
Nang mawala siya sa paningin ko ay mabilis pa sa alas-kwatrong tumakbo ako patungo sa kabilang hagdanan sa dulo. Kapag bumaba ka kasi doon ay diretso na iyon sa parking lot.
"Ano na naman kayang binabalak ng lalaking 'yon?" bulong ko sa sarili ko.
*****
End of Chapter 4