CHAPTER 3

1408 Words
Mula sa pagbabasa ng magazine ay napilitang mag angat ng tingin si Juancho nang marinig niya ang pagbukas ng pinto ng opisina niya. Hindi na siya nagtaka nang makita niya si Miguel. Tumayo siya para salubungin ng yakap ang nakababatang kapatid. “Bro!” bati niya at tinapik ito sa kaliwang balikat. Ilang buwan din silang hindi nagkita dahil matagal siyang nagbakasyon sa Europe. Ngumiti ito sa kaniya pero agad na napangiwi din nang mapagmasdan ang hitsura niya. “Kuya Juancho, anong nangyari sa`yo?” gulat na tanong nito sa kaniya. Ngumisi lang siya at muli itong tinapik sa balikat. Naupo na ito sa bakanteng silya at siya naman ay bumalik sa swivel chair niya. “Walong buwan kang nawala.” Tumango siya. “Alam ko Miguel at gusto kong magpasalamat sa`yo dahil hindi mo pinabayaan ang mga negosyo ko habang wala ako.” Napailing ito at hindi makapaniwalang tumitig sa kaniya. “Hindi mo ba nakikita ang sarili mo sa salamin? Nakita ka na ba nila mommy?” Umiling lang siya. Ilang araw pa lang siyang nakakabalik sa bansa at hindi pa niya nakakausap ang mga magulang nila. Siguradong sermon ang isasalubong sa kaniya ng ina kapag nagkita na silang dalawa. “Hindi ko akalain na ganiyan ang magiging hitsura mo sa sinasabi mong ‘soul searching’ na gagawin mo sa ibang bansa.” Nagkibit balikat siya. Kahit ang iba pa nilang mga kapatid ay nagulat din nang makita ang hitsura niya. Mukha daw kasi siyang hindi naliligo at sa loob ng ilang buwan na nawala siya ay malaki ang ipinagbago niya. Hindi naman niya magawang sisihin ang mga kapatid dahil alam niyang may punto ang mga ito. Sa walong buwan na pagbabakasyon niya ay nakapaglibot siya sa ibang panig ng Europe dahil na rin sa kagustuhan niyang hanapin ang sarili niya. Noon ay hindi naman talaga siya naniniwala sa ‘soul searching’. Pag aaksaya lang iyon ng oras at pera para sa kaniya. Abala kasi siya sa pag aasikaso ng mga negosyo niya kaya wala sa isip niya ang mga ganoong bagay. Pero nagbago ang takbo ng buhay niya mula ng mamatay dahil sa sakit sa puso ang fiancée niya. Matagal na palang may sakit si Eunice pero hindi man lang nito nagawang ipaalam sa kaniya ang totoo. Sa mismong araw ng kasal nila at habang naglalakad ito sa aisle at hinihintay niya ay bigla na lang itong nawalan ng malay. Cardiac arrest ang ikinamatay ni Eunice at para sa kaniya ay hindi madaling tanggapin ang nangyari. Isang taon na ang nakalipas pero hindi pa rin niya makalimutan ang masakit na pangyayaring iyon sa buhay niya. Umabot na siya sa punto na halos mapabayaan na niya ang sarili niya at ibinuhos niya ang buong oras sa trabaho at paglalasing. Pagkalipas ng ilang buwan na nagsawa siya sa takbo ng buhay niya ay nagdesisyon siyang magbakasyon na muna at iwanan kay Miguel ang pagpapatakbo ng mga negosyo niya. Masasabi niya na nakatulong naman sa kaniya ang pagbabakasyon dahil unti unti na siyang nakakabangon ngayon. Hindi na siya alchoholic at parang nakontento na lang siya na maging easy go lucky sa buhay. Alam niyang ikinagulat iyon ng mga taong nakakakilala sa kaniya dahil alam ng mga ito kung gaano siya kaseryoso sa trabaho noong nabubuhay pa si Eunice. “Nakalimutan mo bang bumili ng razor? May stock naman ang hotel—” “Don’t mind me, Miguel. Mas okay na ako sa ganito.” Pigil niya sa iba pang sasabihin ng kapatid niya. “Pero kuya, papaano mo nagawang magpunta dito sa pag aari mong hotel ng ganiyan ang hitsura mo?” giit nito. Agad na umangat ang isang sulok ng mga labi niya. “Bakit? Hindi na ba ako igagalang ng mga tauhan ko dahil hindi ako nakasuot ng business suit ngayon? Ako pa rin naman ang nagpapasweldo sa kanila `di ba?” Alam naman niya sa sarili niya hindi talaga siya mukhang pormal tingnan sa hitsura niya ngayon. Iyon din ang unang beses na nagpunta siya sa hotel na nakasuot lang ng simpleng t-shirt at black jeans. Walang mag iisip na siya ang boss ng malaking hotel na iyon sa bayan nila. Parang mauubusan nang pasensiya na umiling na lang ang kapatid niya. Gusto niyang mapahalakhak nang mapansin kung papaano ito nagpipigil na sagutin na naman siya. Kilala niya si Miguel at alam niyang kahit hindi ito magsalita ay napakarami pa rin nitong gustong itanong sa kaniya. Sa kanilang limang magkakapatid ay dito siya pinakamalapit. Isang taon lang kasi ang tanda niya dito sa edad niyang twenty nine years old. “Bahala ka na nga, basta tumawag ka na lang kapag kailangan mo ako. Kailangan ko nang umalis dahil maraming ipinapagawa sa akin si kuya Jaime ngayon. Alam mo naman ang isang 'yun, marami rin problema sa love life niya kaya hindi na maasikaso pa ang iba niyang mga negosyo.” “Well, actually may kailangan din ako sa`yo.” “Ano?” Ilang beses siyang umiling at saka ngumiti kay Miguel. “Hindi pa ako babalik sa trabaho ko.” “What?!” Lumipas ang ilang minuto na nagtalo sila at sa bandang huli ay wala na rin naman itong nagawa kundi ang pumayag sa gusto niyang mangyari. Humirit pa siya dito ng ilang linggong bakasyon na hindi na nito matanggihan pa. “Fine!” inis na tumayo na ito at naglakad patungo sa direksiyon ng pinto. Nagpaalam na ito sa kaniya dahil may meeting pa daw ito ng alas dos ng hapon. “Ngayon ko pinagsisisihan kung bakit mas nauna kayong ipinanganak sa akin ni kuya Jaime. Palagi na lang ninyo akong inaalipin.” Napapalatak siya. “Sinisiguro ko sa`yo na para sa`yo rin itong gagawin ko.” “Yeah right!” nakasimangot na sabi nito. Napahalakhak siya at mayamaya ay biglang nagseryoso na siya. Bago pa man pihitin ni Miguel ang seradura ng pinto ay muli na naman siyang nagsalita. “Wala ka bang balak na mag asawa?” “Sa ginagawa ninyo sa akin sa palagay ninyo magkakaroon pa ako ng oras para sa mga ganoong bagay?” “Papaano kung may gustong mang akit sa`yo? Kung may mabuntis ka?” makahulugang tanong niya. “Imposible, maingat ako pagdating sa babae.” “Hindi mo rin masasabi.” Nanunudyong sabi pa niya. “Crazy.” Anito bago tuluyang lumabas ng silid niya. Natawa lang siya at kinuha ang cellphone mula sa drawer niya. Muli siyang napangiti nang makita sa photo gallery ang litrato ng babaeng nakita niya sa coffee shop noong nakaraang linggo. “Tulungan mo akong makalapit kay Miguel Mondemar.” Naipilig niya ang ulo nang maalala ang sinabi ng babae sa kausap nito. Pamilyar sa kaniya ang tibo na kasama ng magandang babae kaya agad na nagpaimbestiga siya. Pag aari niya ang coffee shop kung saan niya nakita ang dalawa kaya hindi na mahirap para sa kaniya na makakuha ng litrato ng dalawa mula sa CCTV. Nalaman niya na ang tibo pala ay Doro ang pangalan at assistant ito ni Miguel. Ang pinsan naman nito na si Suzy Dela Rama ay apo ng matandang lalaki na nagngangalang Impeng na may ari raw ng dating sikat na carnabal sa bayan nila. Base sa mga narinig niya ay alam niyang may nilulutong plano ang mga ito laban sa kapatid niya. Dapat ay ipaalam niya ang bagay na iyon kay Miguel pero nagdesisyon siya na sarilinin na lang ang mga nalaman niya. Mas gusto niyang makilala si Suzy at mapigilan ang kung ano man na mga plano nitong pang aakit sa kapatid niya. Tinapik niya ng isang daliri niya ang screen ng cellphone para mas lumaki pa ang litrato ni Suzy. Bigla ay bumuhos ang hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya nang mapagmasdan ang maamong mukha ng babae. Ikinurap niya ang mga mata nang makita ang magandang mga mata nito. Buhay na buhay rin ang ngiti sa mga labi ni Suzy. Napakaamo ng mukha nito at sino ba ang mag aakala na may hindi magandang plano ito laban sa isang Mondemar? Napasipol siya. Hindi naman pala niya kailangan magtagal pa sa Europa dahil doon palang sa sarili niyang bayan ay may naghihintay ng misyon sa kaniya. Nangingiting hinaplos niya ang isang daliri sa screen ng cellphone niya na para bang sa pamamagitan niyon ay hinahawakan na rin niya ang mga pisngi ng magandang babae. Who are you, huh? Bakit palagi ka na lang sumasagi sa isip ko?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD