"Kailangan mong ihatid ang asawa mo, Alejandro," narinig ni Lorabelle na wika ni Dash Silvestre sa anak nang palabas na siya sa front door. Hindi niya inaasahan na naroon ang mag-ama sa labas lang ng pinto.
"I have work, Dad. Itinambak mo sa table ko ang lahat ng trabaho, hindi ba?" Gusto pang magprotesta ni Alejandro pero isang seryosong tingin ang ibinigay ni Dash sa anak. Napilitan itong magtungo sa garahe para kuhanin ang sasakyan.
"H-hindi naman ho kailangan," wika niya sa biyenang lalaki. "Makakaabala lang ho ako sa trabaho ni Alejandro sa hacienda."
"My son must learn how to handle responsibility from now on, Lorabelle. Kailangan niyang gampanan ang pagiging asawa niya sa 'yo. Sumunod ka na sa kanya at sabihin mo na rin kung anong oras ka niya dapat sunduin."
"Sige ho..."
"Dad. Since you are Alejandro's wife, kailangan mo na ring sanayin ang sarili mo na tawagin kaming Daddy at Mommy."
Isang nahihiyang ngiti at tango ang isinagot niya. Patalikod na siya nang muling nagsalita si Dash.
"Huwag kang magpapasindak sa asawa mo, Lorabelle. Learn how to fight for your right as his wife."
Kinalma niya ang sarili at pinilit isaisip ang mga bilin ng biyenan sa kanya. Hindi pa rin niya maiwasan ang hindi panginigan ng tuhod nang sumunod siya kay Alejandro sa garahe. Sa kabila niyon ay may kilig siyang naramdaman. Sino ang mag-aakala na ang sikat na lalaki sa mga eskwelahan sa bayan nila ay siya ang ihahatid ngayon? Naroon ang pagmamalaki sa dibdib niya.
Hindi siya nito pinagbuksan ng pinto kaya't kusa na lang siyang sumakay. Tahimik lang itong nakatingin sa driveway nang paandarin nito ang sasakyan. Nasa kalahati na sila ng biyahe nang magsalita siya.
"K-kung nagagalit ka sa 'kin, I'm sorry..."
Hindi ito sumagot. Alam niyang hindi rin madali dito na tanggapin na mag-asawa na sila ngayon. Ang katulad ni Alejandro ay tila isang agila na mahalaga ang kalayaan. Gusto naman niyang sabihin na hindi niya ito itatali sa kasal nila, magagawa pa rin naman nito ang gusto nitong gawin. Huwag lang ang magtaksil sa kanya.
"A-ang sabi ng Daddy mo... susunduin mo rin ako mamaya? Alas sais ang tapos ng last subject ko..."
"You really enjoyed being married to me, aren't you?" wika nito na hindi naitago ang iritasyon sa tinig. Hindi niya alam kung ano ang dapat isagot. Kahit pa sabihin na ayaw niya ang ganitong pagtrato ni Alejandro sa kanya, nananaig pa rin ang pag-ibig niya rito. Aayusin niya ang pagsasama nila sa abot ng kanyang makakaya.
"Wala naman tayong choice. Kasal na tayo."
"Ano pa nga ba," sagot naman nito na idinabog pa ang kamay sa manibela. Isang buntunghininga na lang ang pinakawalan niya.
Nang tumapat sa gate ang sasakyan ay bumaba na rin siya nang kusa. Alam niyang bibilang pa ng ilang buwan bago nila makagamayan ang ugali ng isa't isa. Naniniwala siyang babalik din ang dating mabait na Alejandro na kilala niya.
Nang makarating sa classroom ay ikinuwento niya sa bestfriend na si Harlene ang status ng relasyon nila ni Alejandro. Ito lang ang kaibigan niya ang napagsasabihan niya ng mga problema at sikreto. Hindi rin naman alam ng karamihan ang nangyaring kasal sa pagitan nila ni Alejandro.
"Naku, mag-iinarte pa ba siya?" kontra naman ni Harlene nang sabihin niyang susuyuin niya ang asawa para magkaayos sila. "Ikaw ha, alam ko kung gaano mo pinangarap 'yang mayaman mong amo. Pero baka sumobra naman ang pagiging martir mo. Babatukan talaga kita para matauhan ka!"
"Ikaw naman, kaya ko 'to. Mabait naman 'yon, nabigla lang talaga sa desisyon ng Daddy niya."
"O e hanggang kailan naman?" Tumaas pa ang kilay ng kaibigan.
"Malapit na 'yon. Pag nagkataon, maiinggit ka nang bonggang bongga sa 'kin!" pagmamayabang niya.
"Naku, okay na 'ko sa boyfriend ko. Kahit hindi 'yon mayaman o kagwapuhan, sigurado namang mahal ako no'n."
Gusto niyang masaktan sa birong iyon ng kaibigan. Pangarap niya rin 'yon -- ang magpakasal sa lalaking iniibig din siya. Kaya nga siya nagsisikap na mapabuti ang sarili ay para buo na siya kapag nagdesisyong mag-asawa. Pero siguro nga ay hindi niya hawak ang kapalaran. Ang magagawa na lang niya ngayon ay magsumikap na mahalin din siya ni Alejandro sa kabila nang labag sa kalooban nito ang pagpapakasal.
"Mamahalin din ako no'n," tila naman nangangarap niyang wika. "Matutunaw ko din ang galit sa puso niya."
----
"Bakit nakabusangot ka d'yan?" tanong ni Erika kay Alejandro. Nakapasok sa opisina niya ang kaibigan nang hindi niya namamalayan. Lalong sumama ang timpla ng mukha niya sa pang-iinis nito.
"This is all your fault!"
"Lagi mo na lang bang isisisi sa 'kin ang pagpapakasal niyo ng babaeng 'yon? My God, Alejandro!"
"Why are you here? I'm busy," wika niya para itaboy ito.
"Porke't may-asawa ka na, itataboy mo na lang ako, gano'n?" tila may tampo naman nitong wika.
"Marami lang talaga trabahong itinambak si Dad sa 'kin. Parang kulang na lang ako na ang magpatakbo nitong buong hacienda!"
"Nand'yan naman ang kapatid mo ah, hindi ba't mas siya ang kasa-kasama ng Daddy niyo sa bukid?"
Hindi niya masagot ang tanong na 'yon. Bagama't magkasundo sila ng kapatid na si Lawrence, mas malambing ito sa Daddy nila na madalas ay pinagseselosan niya. At habang lumalaki sila ay ito ang kasa-kasama ng Daddy nila sa bukid dahil siya ay madalas sa Lola Matilda nila iniiwan. Ang pagrerebelde niya ay nauwi sa pagiging happy-go-lucky niya. Na taliwas naman sa inaasal ni Lawrence. Sa huli ay inakusahan tuloy siyang walang pakialam sa responsibilidad sa hacienda.
"All of a sudden, Dad wants me to manage the farm. Gusto rin niyang ihatid-sundo ko sa school si Lorabelle dahil responsibilidad ko na na siya ngayon. My life is doomed!"
"OA ka naman, Alejandro. Okay, do you want to get rid of Lorabelle?"
"As if naman papayag si Dad na hiwalayan ko ang babaeng 'yon. Hindi na 'ko makakawala sa pagkakatali ko sa kanya, Erika."
"Says who? Alangan namang hindi pa rin papayag ang Daddy mo kung nagloko si Lorabelle?"
"Si Lorabelle magloloko? She doesn't even know how to flirt with me!" pagalit niyang usal.
"Madaling gawan ng paraan 'yan, sabihin mo lang kung gusto mo. Let's admit it, you're not the husband material, Alejandro. Mas gusto mong nakakawala ka. Marami ka pang babaeng hindi natitikman," nakangising wika ni Erika.
"Ginawa mo naman akong male prostitute. Namimili naman ako ng babaeng papatulan. Kung hindi lang naman sa dare mo, hindi ko lalapitan ang Lorabelle na 'yon. That's why this is all your fault!"
"Kaya nga tinatanong ko sa 'yo kung gusto mong siya na ang umayaw sa kasal niyo."
"How can that be possible?" Naningkit ang mga mata niya na tumitig sa kaibigan. "Hindi ba tayo mapapahamak sa Daddy ko d'yan?
"Takot na takot ka naman sa tatay mo," pang-iinis na wika ni Erika. "Umayon ka na lang sa plano ko. I'll make sure she will leave you."
"How? Don't do anything I am not aware of. Ano'ng nasa isip mo?"
"Hindi ba't may manliligaw 'yan dito sa hacienda? Palalabasin lang natin na nakikipaglandian siya sa iba. For sure, kapag humiling ka sa tatay mo na hiwalayan siya, papayag na ang mga 'yon."
"I'm not sure about that. Think of something else," tila naman pagsang-ayon niya sa sabwatan nila ni Erika. Hindi pa talaga siya handa na mag-asawa. At totoong wala siyang pagtingin kay Lorabelle para gugustuhing makasama ito habangbuhay.
"Another option is, harap-harapan mong ipakita sa Lorabelle na 'yon na hindi ka magbabago. I'm sure she knows how unfaithful you are with your ex-girlfriends. Ilapit mo siya sa mundo mo pero ipakita mo ang totoong ikaw. 'Yung Alejandro na iba't ibang babae pa rin ang binibigyan ng atensyon."
"Do you think I can get rid of her that way?"
"Positive. Idealistic ang mga katulad niya, my dear friend. Kapag nakita niyang hindi ka magbabago, maghahanap 'yon ng lalaking mas seseryoso sa kanya."
Agad siyang napasang-ayon sa mga plano ni Erika. Isang flying kiss at matamis na ngiti ang ibinigay nito sa kanya bago lumabas sa silid niya. Nakangiti rin siyang ibinalik ang atensyon sa sangkaterbang trabaho na iniwan ng Daddy niya kanina bago niya inihatid si Lorabelle sa school. Sa isip niya ay ang pag-asa na mapagtagumpayan nila ni Erika ang mga plano. He has nothing against Lorabelle. Kung puwede lang niyang bayaran na lang ang danyos na nagawa niya dito ay ginawa niya na. Gusto rin niyang makatagpo ito nang mamahalin ito at aalagaan. Hindi siya ang lalaking iyon.