"Ayaw nila sa akin, nag-iisang anak kasi ako nila mama at papa. Noong naghiwalay sila, binenta nila ako. Bata pa lang ako, naging alila na ako ng ibang mga tao, naglayas ako at nagpalaboy laboy sa kalye. Sa awa ng diyos, naka survive naman ako!" Malungkot na pagsasalaysay ni Robert.
"Nakakalungkot naman, pang mmk pala ang kwento mo!"
"Hehe, kaya nga eh. Mabuti na lang at nag-iba na ang tahak nang landas ko! I learned to stand alone kahit na sobrang hirap. Kaya ako, kumakapit sa patalim para may pangkain sa araw-araw. Mahirap umasa sa ibang tao at lalong mas mahirap magkaroon ng utang na loob!"
Tumunog ang cellphone ni Robert at agad niyang binasa ang nagtext sa kanya, "Pasensya kana, Juliana. Kailangan ko na pumasok sa work at hinahanap na ako ng amo ko," pagpapaalam niya.
"Sige, sorry sa abala. Ingat ka sa work!" Nakangiting sabi ni Juliana sabay tayo sa upuan.
"Ikaw rin, sa susunod pwede tayong mag-usap ulit. Nice meeting you!"
"Walang problema, Robert!"
Halos hindi maitago ni Juliana ang kanyang ngiti na abot langit matapos makausap si Robert. Pagpasok niya sa loob ng bahay ay nadatnan niya ang kanyang lola na kumakain mag-isa. Nagtampo siya na hindi man lang siya tinawag nito para kumain.
"Lola talaga, hindi po ba uso ang mag aya ng pagkain kahit noong araw?" Nakasimangot na sabi ni Juliana.
"Mukha mo! Hiyang hiya ako sa ginawa mong haliparot ka! Suot suot mo pa yang maiksing damit at short shorts mo! Kita tuloy ang mga kuyukot mong kulay ube!" Wagas na panlalait ni Lily sa kanyang apo.
"Wow, lola talaga ang lakas mang-asar, alam mo po kaunti na lang talaga ang pasensya ko at lalayas na ako dine!" nagtatampong sabi ni Juliana.
"Hindi ako makapaghintay! Mas maganda pa yang sinabi mo kaysa sa mga palabas sa tv na napanood ko. True to life, kung gusto mo tutulungan kitang maghakot ng mga gamit ngayon din!"
Kumuha si Juliana ng plato at kutsara sabay upo. Nilagyan niya nang kanin at pinakbet ang kanyang plato.
"Ano nga pala ang pangalan ng hudas nating kapitbahay na mukhang inosente?"
Nagblush si Juliana ng bigla siyang tanungin tungkol sa bagong lalaking kanyang kinahuhumalingan, "Robert po, lola. Grabi ang ganda ng ngiti niya. Para siyang anghel na bumaba sa langit!"
"Eh bakit ka namumutla jan? Tapos ang kapal yata ng makeup mo, para ka lang magja-japan!"
"Natural na lang po ang ganito ngayon! Pero alam mo po lola, mabait na lalaki po si Robert. Hayaan niyo po, ipapakilala ko kayo sa kanya para matigil na po kayo sa panghuhusga jan!" pagtataray ni Juliana.
"Over my dead body! Alam mo Juliana, kung may katiting na respeto ka pa para sa akin, hindi ka na makikipag kita sa lalaking yun ulit!"
"Don't judge the book by its cover, look inside and discover! Di po ba yun tinuro sa inyo noong grade 1 kayo?"
"Kinder lang ang tinapos ko! Pero wag na wag kang makikipag kita ulit sa kanya. May kalalagyan ka talaga sa aking malandi ka!"
"Hindi ko po maipapangako yan Lola. Ngayon pa lang po ako nakakarecover sa nangyaring trahedya sa mansyon ni sir Raul. Hanggang ngayon, natatakot pa rin ako na baka sundan ako ng mga magnanakaw na yun. Wala pa rin kasing nananagot sa nangyari," dismayadong sabi ni Juliana.
"Manalig ka lang iha, makukuha rin natin ang hustisya para sa kanila!"
"Eh paano po kung tumestigo ako?" Biglang tanong ni Juliana.
Hinampas ni Lily ang lamesa sa galit, "Gusto mo bang ilagay sa kapahamakan ang buhay nating dalawa? Hindi mo talaga ginagamit yang kokote mo eh!"
"Lola naman. Hindi po ba't malapit lapit na rin po kayo? Hindi niyo po ba namimiss ang iba nating kamag-anak na sumalangit nawa?" Pabirong sabi ni Juliana.
"Hindi ka na nakakatuwa, pag namatay ako wala nang gagabay sayo. Tanga tanga ka pa man din lalo na sa pag-ibig! Pero seryoso ako, basta hindi ka tetestigo! Hayaan mo na ang karma ang gumawa niyan sa mga walang pusong sindikato na yun!"
"Pasensya na po Lola, hindi ko kasi talaga makalimutan ang nangyari. Hindi po deserve na mamatay nila sir Raul ng walang kalaban laban."
"Juliana, wala naman nagsabi sayo na kalimutan mo ang nangyari. Pero dapat mas matimbang sa iyo ang sarili mong kadugo. Paano kung malaking sindikato pala ang kakalabanin mo? Paano kung mas makapangyarihan sila kaysa sa mga Pulis? Eh di namatay na tayong dalawa!"
"Eh kahit naman po siguro nasa kanila na lahat nang yaman sa mundo hindi pa rin sila makakalusot sa batas!" Sagot ni Juliana.
"Ayan ang akala mo apo, mas lalo mong pinapatunayan sa akin na may gatas ka parin sa labi. Masakit man ang katotohan pero ang hustisya ay para lang sa mayayaman! Nananalo lang ang mahihirap dipende kung paano usigin ng konsensya ang hukuman natin. Pero sa mundong ito, binibili ang dangal at ang katotohanan. Wag na wag kang magpapauto, maging matalino ka dahil walang lugar ang mga dakilang uto uto dine!" Mahabang paliwanag ni Lily.
"Opo lola, makakaasa po kayo!"
Matapos nang sensitibo nilang pag-uusap ay nagmuni muni muna si Juliana sa kanyang kwarto. Inalala niya ang malagim na trahedya at sariwa pa rin sa kanyang alaala ang brutal na pagpaslang sa loob ng mansion ni Raul. Pumatak ang luha sa mga mata niya at tila ay inuusig pa rin siya ng kanyang konsiyensa at pakiramdam niya ay wala ng saysay pa ang kanyang buhay.
Bigla namang pumasok ang lola ni Juliana sa kanyang kwarto upang utusan itong magpunta sa palengke, "Hoy, Juliana pumunta ka sa palenge at dalhin mo lahat ng tinahi kong mga tela at ibigay mo kay Mareng Marta!"
"Katok katok rin po pag may time! Nagulat ako sa inyo lola!"
"Eh bakit bahay ko naman ito ah! Bilisan mo na at marami pa tayon gagawin pagkatapos. Hinihintay ni Kumare ang mga telang pinatahi niya sa akin. Singilin mo siya ng 500 dahil minadali ko kamo ito!"
Masipag talaga rumaket ang lola ni Juliana kaya naman kahit papaano ay kinabibiliban parin siya ng kanyang nag-iisang apo.
"Sana all maraming raket!"
"Aba, mahirap mamatay sa gutom apo! Hindi tayo palamunin ng gobyerno kaya dapat magdoble kayod tayo. Magdala ka nalang ng payong para hindi ka mabasa ng ulan!"
"Opo, lola! May common sense naman po ako!" Nakangiting sabi ni Juliana.
Naglakad na papalabas si Juliana bitbit ang bayong na may lamang mga tahing tela. Paglabas niya ay narinig niya ang dalawang babae na nag-uusap tungkol sa nakawang naganap sa kabilang barangay.
"Grabe mars, nakakatakot pumunta sa purok dos. Kawawa naman si Congressman Rico at ang pamilya niya," sabi nung tsismosang babae sa kaibigan niyang bagong hair rebond.
"Ang balita ko pagnanakaw raw ang motibo ng mga suspeks! Limas daw ang milyong-milyon na pera nila sa Vault!" Sagot ng babaeng bagong hair rebond.
"Korek! Yan din ang narinig ko. Puro armado raw ang mga lalaki at nakaitim silang lahat! Nakasuot sila ng mask kaya raw hindi sila namukaan ng ilang mga tao sa paligid."
Halos tumayo ang balahibo ni Juliana ng marinig na naman ang balita tungkol sa naganap na nakawan sa kabilang barangay. Bumalik ang kanyang trauma sa malagim na trahedya isang taon ang nakakaraan. Inisip na lamang niya na marahil ay ibang grupo ito at nagkataon lamang na nakasuot sila ng itim na mask. Pagdating ni Juliana sa tindahan ni Aling Marta ay agad niya itong binati.
"Goodmorning po Aling Marta, dala ko na po ang mga tela na ipinatahi ninyo," nakangiting sabi ni Juliana.
"Salamat iha, magkano ang patahi?"
"500 pesos po!" Nakangiting sabi ni Juliana na medyo kinakabahan sa magiging reaksyon ni Aling Marta.
"Kamahal naman iha, tubong lugaw naman kayo niyan!" Dismayadong sabi ni Aling Marta.
"Ayan po ang singil ni lola eh. Minadali niyo raw po kasi kaya naging ganito ang presyo!"
Nakapamewang si Aling Marta, "So kasalanan ko pa ngayon?"
"Sorry po Aling Marta. Makakaasa po kayo na sasabihin ko 'yan kay lola."
"Sige na nga, sa susunod hindi na ako magpapatahi sa kanya. Halos kalahating araw na kita ko ang mawawala sa akin niyan!"
"Pasensya na po kayo. Hayaan niyo po sa susunod sasabihan ko si lola na wag na pong lakihan ang patong sa inyo!"
"Wag na iha, kasi wala nang susunod. Last na to promise ko yan!" Nakasimangot na sabi ni Aling Marta sabay abot nang 500 kay Juliana.
Tinanggap ni Juliana ang 500 sabay lagay sa kanyang bulsa. Hindi siya nakapagpigil at tinaasan ng kilay ang matanda, "Ang sungit mo naman Aling Marta. Parang wala naman po tayong pinagsamahan niyan!"
"Ayun na nga ang punto ko iha, may pinagsamahan naman tayo lalo na ang lola mo, pero hindi naman makatarungan na singilin mo ako ng malaking halaga. Mahirap mabuhay sa probinsya at dapat naiintindihan mo 'yun. Kung hindi ka magtanim, wala kang makakain at mamamatay sa gutom ang pamilya mo!"
Dumating ang kumare ni Aling Marta na si Aling Lucing at mayroon rin itong ibinalita na nagpagimbal kay Juliana.