Malamig na hangin ang bumabalot sa buong paligid, patuloy pa rin akong nasa sahig habang hinihintay ang mga salitang bibitawan nila.
"Hindi ikaw si Carolina." Piyok na tugon ni mama.
"Pero ikaw ang magiging kapalit ni Carolina, ipinagbawal namin sa 'yo ang magmahal dahil ayaw naming sapitin mo ang kapalaran na sinapit niya at ayaw naming mahirapan kang tanggapin ang tadhana mo." pagpapatuloy ni papa na ngayon ay nakayuko at kita ko ang pag-agos ng mga luha nito.
Hapong-hapo ako sa paghabol ng hininga ko. Gusto ko pang umiyak pero wala na ni isang patak ang kaya pang lumabas.
"Pero mukhang hindi na namin napigilan ito, natatakot ako para sa inyo Caralina, dahil sa oras na itinakda..." Pagputol ni lolo na bumitaw pa ng napakalalim na paghinga.
"Maaaring mamatay ang taong inalayan mo ng iyong puso."
Matapos itong sabihin ni lola ay parang may sumabog sa kaloob-looban ko. Nabibingi ako sa paulit-ulit na salitang ito.
Tuluyan na akong bumagsak at hindi manlang nakaramdam ng kahit na anong sakit. Manhid na ako, sana nga naging manhid na lang ako para wala na akong maramdaman pa na kahit ano.
"Ang tadhanang ito, kailan man ay hindi na maari pang mabago." Mariin akong pumikit at dinama ang lahat ng sakit, ang sakit ng katotohanan na hindi ko na kaya pang baguhin.
Nasa punto ako na kailangan kong mamili, mamili sa bagay na parehas kaming masasaktan. Kailangan ko siyang palayin, kung hindi ko man mababago ang kapalaran ko kaya ko naman pigilan ang para sa kaniya.
Pinilit kong idilat ang mga mata ko kahit na sobrang hapdi nito, malabo ang paningin ko ngunit tanaw ako ang taong nakaupo mapalit sa akin. Bahagya akong ngumiti hanggang naging malinaw ito.
"Nakakinis ka." Marahan nitong pinalo ang braso ko kasabay ang pagbagsak ng mga luha nito.
"Wag mo akong ngitian ng ganiyan," saad nito na humihikbi pa.
"A-Angie." Hinawakan ko siya sa braso bago umupo.
"Iiwan mo na kaagad ako, akala ko pa naman sabay nating sasalubungin ang bagong taon." Nakasimangot nitong saad.
Ngayon nga pala kami babalik sa Manila, napansin ko rin iyong mga gamit kong naka-impake na.
"Nagpaalam ka na ba kay Marlo?" Napatingin ako sa kaniya at umiling, alam ko hindi ako papayagan kapag nagpaalam ako.
"Pwede ka namin tulungan mamaya, kakampi mo pa rin kami Caralina." Mahinang tugon ni Angie. Napangiti ako matapos niyang sabihin iyon, napakaswerte ko sa kanila. Kahit na anong mangyari palagi silang andiyan para sa akin.
Tinitigan ko siya na may halong lungkot, alam ko nalalapit na rin ang pag-alis ko. Ang nakatadhana sa akin, ang pagbalik ko sa Biringan City.
Tanghalian na at sabay-sabay kaming kumain, wala pa rin akong kibo wala akong balak na kausapin pa sila.
Kanina pa tawag nang tawag si Gabbi sa akin pero pinapatayan ko ng phone. Pumunta rin siya sa bahay kanina pero hindi siya pinapasok nila papa.
Nasa kwarto kami ni Angie habang nag-iisip kung paano kami makakalabas. Pwede sana sa bintana pero alam kong makikita kami dahil maliwanag pa.
"Paano kaya ku–" Sabay kaming napayuko ng biglang may malakas na pag-ugong kaming narinig mula sa labas.
Dali-dali kaming lumabas ng kwarto at kita ang gulat sa mga kasama namin. Sabay-sabay kaming lumabas ng bahay para silipin kung anong kaguluhan ang nangyayari.
Pilit kaming pinapapasok sa loob pero wala rin silang nagawa.
"Anong nangyayari?" Pag-aalalang tanong ni lolo na hinila ang isa pang matanda na tumatakbo.
"Hindi ko alam pero nasusunog ang bahay nila Karding." Halos malaglag ang mata ko sa sobrang gulat ng sandaling marinig ko iyon, tumingin ako kay Angie na gulat na gulat din.
Mabilis akong tumakbo kung saan papunta ang mga tao, pinigilan pa nila akong makaalis pero hindi na rin nila nagawa. Nanghihina ang tuhod ko pero kailangan kong makarating doon.
Habang papalapit ako sa nasusunog na kubo palakas nang palakas ang pagtibok ng puso ko. Ito na ba iyon? Ito na ba ang kapalit ng lahat? Ito na ba ang kadiliman sa likod ng pilit na pagsama ng buwan sa araw?
Wala akong pakialam sa mga taong nasa paligid, nabibingi na ako sa lakas ng t***k ng puso ko.
Hinawi ko lahat ng tao na nakaharang hanggang sa tumambad sa akin ang bahay nila na nilalamon na ng apoy. Mainit, ramdam na ramdam ko ang init ng impyernong ito.
Muling bumalik sa alaala ko si Carolina, iyong takot niya sa mga oras na nasusunog siya sa loob ay damang-dama ko. Ang panginginig ng laman ko, pero bakit hindi ko maramdaman ang galit sa kabila noon? Bakit hindi naramdaman ni Carolina ang galit? Dahil ba tanggap na niya ang kapalaran niya?
Inilibot ko ang paningin sa paligid, nakahinga ako ng malalim nang makitang ligtas ang taong mahal ko, hawak siya ng dalawang lalaki na pumipigil sa kaniya para makaalis. Gusto niyang sumugod sa loob, nakita ko rin si mang Karding na nakahandusay sa labas. Kakaunting tao lamang ang nagbubuhos ng tubig para puksain ang apoy na ito.
Hindi ko alam kung papaano ako nakarating sa kinaroroonan niya pero napaluhod ako kasabay ng pagtumba niya. Tiningnan niya ako na punong-puno ng kirot ang puso. Muli, hindi ko na napigilan ang pag-iyak ng yakapin ako nito. Damang-dama ko ang mainit nitong hininga sa leeg ko.
Humigpit ang yakap ko rito na halos ayoko ng kumawala, ayoko siyang bitawan.
"S-si Sarmayah..." Panghihina nitong tugon.
"Kinuha nila. Kinuha nila si Sarmayah."
Sandaling binalot ng katahimikan ang lahat, napapikit ako at pakiramdam ko dalawa lang kami ngayon. Anong tinutukoy niya? Kinuha nila si Sarmayah? Nino? Sino ang tinutukoy niya?
Kasabay ng pagbagsak ng mga alipato ay ang muling pagbalik ng ingay sa paligid. Ayoko pa ring kumawala sa kaniya ngunit may malakas na pwersa ang humila sa akin. Pinilit kong kumapit pero pilit akong inilalayo.
"Ano bang ginagawa mo?!" Napatingin ako ng deretsyo sa mga mata nito. Wala na akong makita pa na kahit ano rito kung hindi ang mga namumuong galit. Si Gabbi, hindi na siya ang Gabbi na nakilala ko. Bakit parang ibang tao na siya?
Kumawala ako sa pagkakakapit niya pero pilit akong hinila palayo, sinulyapan ko pa si Marlo na hinang-hina at nakatingin sa daang tinatahak namin ni Gabbi.
"Aray!" Sigaw ko rito matapos akong itulak papasok sa sasakyan niya. Wala siyang naging kibo, pinaandar niya ito ng mabilis.
"Ano bang proble–" Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko matapos niyang huminto mula sa napakabilis na pagmamaneho.
Napahawak ako sa ulo ko matapos akong masubsob sa harap, ramdam ko ang hapdi ng sugat na idinulot nito.
"Paano mo nagawa sa akin ito?" Galit itong tumingin sa akin. Sandaling kinilabutan ako sa talim ng mga tingin nito, nakakatakot siya.
Na nanaliti pa rin akong walang kibo habang patuloy na umaagos ang mga luha.
"Sinabi ko na sa 'yo, hindi ako pumapayag na kinukuha ang pag-aari ko," dagdag pa nito na ngayon ay napangisi, nakakapangilabot na ngisi.
"I-ikaw ang may gawa?" Napahalakhak siya matapos ko itong itanong.
"Oo, sayang lang at hindi siya nilamon ng impyernong inihanda ko para sa kaniya." Tumawa ito na parang isang demonyo, ibig sabihin nagawa niya ito lahat dahil sa akin?
"Nagbago ka Gabbi, hindi na ikaw iyan." Humihikbi kong saad. Ngumisi siya at patuloy pa rin na nananaig ang galit sa mga mata nito.
"Binago ako ng sakit, Caralina."
Sa sandaling sabihin niya iyon ay unti-unti nang bumagsak ang luha niya, pero walang nagbago sa mga tingin nito. Kitang-kita mo pa rin dito ang galit.
Ang lahat ng nangyayari ay ako ang may kagagawan. Natatakot na ako sa mga susunod pang mangyayari. Ayoko na may madamay pa sa katangahan ko.
Huminto kami sa tapat ng bahay at si papa ang humila sa akin palabas, gabi na rin kung kaya't hindi na kami natuloy umuwi sa Manila. Mas maganda na rin siguro na hindi kami natuloy. Gusto ko ng kumawala sa lahat ng ito.
Hanggang ngayon binabagabag pa rin ako ng kasalanan ko kay Marlo, nangyayari ang lahat ng ito dahil sa akin. Pero mas lalo akong nababahala sa inaasta ni Gabbi, alam ko na hindi niya titigilan si Marlo. Pero kailangan kong mapigilan ang lahat, kailangan ko ng pakawalan lahat ng nararamdaman ko.
Kailangan ko na siyang palayain.