Chapter 16

2210 Words
Naalimpungatan ako sa gitna ng mahimbing na pagkakatulog ko. Umupo ako para hanapin ang tunog na kanina pang parang kahoy na kinukutkot. Napadpad ako sa bintana, hindi ko alam kung anong pumasok sa utak ko para bukasan ito.  Laking gulat ko nang makita si Marlo, napaatras ako ng bigla itong sumampa paakyat.  Mahigpit na yakap ang sumalubong sa akin, pero mabilis din akong kumawala para siguraduhin na nakasarado ng maigi ang pinto.  Puro galos ang balat nito, isa sa nakapanlulumo sa akin. Naawa ako sa kaniya. "Anong ginagawa mo rito?" mahina kong tanong sa kaniya, baka kasi marinig kami kapag lumakas ang pag-uusap namin. "Sumama ka sa akin." Hinawakan nito ang pisngi ko para maiharap sa mukha niya. "Tara, sumama ka na sa akin. Tumakas na tayo rito." Tinitigan ko muna siya ng ilang segundo bago inalis ang pagkakahawak niya sa pisngi ko. Tumalikod ako sa kaniya at mariing pumikit. "Tapusin na natin ito." Ramdam ko na ang pagbabadya ng luha ko pero pilit ko pa rin itong pinipigil. "A-ano bang sinasabi mo?" Hinawakan niya ako sa braso para iharap sa kaniya. "Tama na." Bahagya akong tumawa na ikinakunot ng noo niya. "Hindi naman talaga kita minahal, ginawa ko lang ito d-dahil sa isang kasunduan." Pilit kong tinatatagan ang boses ko, pilit kong kinakalaban ang damdamin ko.  Hindi ako makatingin ng maayos sa mga mata nito na ilang segundo na lang ay babagsak na rin ang mga luha. "Umalis k–" Hindi ko na natuloy ang sasabihin ng tuluyan nang bumagsak ang mga luha nito. Ayokong saktan siya, sa bawat luhang pumapatak sa mga mata nito para akong pinapatay. Hindi ka dapat umiiyak, hindi ako ang para sa 'yo. Sana maintindihan mo na ginagawa ko ito para sa 'yo. "Tumingin ka sa mga mata ko, ngayon sabihin mo sa akin na–" "Hindi kita mahal." Deretsyo kong saad dito. Matapos ko itong sabihin ay bumagsak na rin ng tuluyan ang mga luha ko.  Kitang-kita ko ang sakit na idinulot ko sa kaniya, gusto kong bawiin ang lahat ng sinabi ko. Kung alam niya lang kung gaano ko siya kamahal. Kaya kong talikuran ang lahat para sa kaniya, pero hindi ko kayang mapahapak siya dahil sa akin.  "Umalis ka na." Pilit ko siyang itinutulak pero ayaw niyang kumawala sa akin.  Nanginginig man ay pilit ko pa rin siyang ipinagtutulakan palayo. May kung anong pumasok sa utak ko para magbitaw ng mga salitang alam kong ikasasakit niya. Sorry sa pagsisinungaling kong ito, pero kailangan ko itong sabihin. "A-ako ang may dahilan ng lahat, ako ang nagpasunog ng bahay niyo." Mariin akong napapikit sa mga sinabi ko, ramdam ko ang galit ngayon na namumutawi sa higpit ng hawak niya. Nanggigitgit ang mga ngipin nito sa galit, pinipilit kong tumaliwas sa mga mata niya na punong-puno na ng galit ngayon. Na nanatili pa rin siyang tahimik pero ang mga mata nito ay sobrang daming nais iparating. "Pero hindi ako hihingi ng tawag sa 'yo, dahil wala akong pinagsisisihan sa lahat!" Matapos ko itong sabihin ay bahagya siyang natawa at bumitaw sa akin. "Parehas lang naman tayo, sino ba naman ang magmamahal sa 'yo? Maganda ka lang naman, ganda mo lang ang kayang pakinabangan sa 'yo–" Napahinto siya matapos lumapat ang palad ko sa pisngi niya.  Napahawak pa siya sa pisngi niya bago muling humarap sa akin. "Masakit ba malaman ang katotohanan? Parehas lang naman tayong naglalaro." Galit na galit nitong saad, pero may mali. May mali sa mga tingin niya, iba ang nakikita ko sa mga mata niya, o pinipilit ko lang na iba ang nakikita ko dahil hindi ko tanggap? Hindi ko tanggap na iyong taong mahal ko ay hindi naman talaga ako minahal.  Nanatili akong nakatayo malapit sa kaniya, tama lang ito. Saktan mo lang ako, tama na rin lahat ng ginagawa ko, hindi magtatagal ay iiwan ko na rin ang lugar na ito. "Sandali." Pagpigil ko rito bago siya tuluyang makaalis. Humawak ako sa leeg ko kung saan nakalagay ang kuwintas na ibinigay niya sa akin noong birthday ko. Pinigtal ko ito bago ibinato sa kaniya. Ayoko na makakita pa ng kahit na anong bagay na mag-uugnay sa aming dalawa. Tuloy-tuloy na bumabagsak ang luha ko habang tinatanaw siyang papalayo. Bawat hakbang niya dinudurog ang puso ko, kahit hindi mo ako minahal alam ko sa sarili ko na ikaw lang ang taong pag-aalayan ng puso ko. Para sa 'yo ang lahat ng ito, kahit para akong pinapatay sa desisyong ginagawa ko. Paalam, Mahal ko. Matapos ang pangyayari kagabi ay nanatili pa rin akong tulala at walang kinakausap maliban kay Angie, naikwento ko sa kaniya ang lahat at kahit siya ay galit na galit kay Marlo. Wala akong ganang magsalita, kumain o kahit huminga. Ayoko na ring huminga, dahil sa bawat kawala ko ng paghinga lalong sumasakit ang dibdib ko. "Gusto mo munang lumabas? Ayain natin si Chanchan." Pqg-aaya ni Angie, gusto ko sanang tumanggi pero gusto ko ring sumama. Baka sakaling kapag nakasama ko si Chanchan ay gumaan ang pakiramdam ko.  Hindi na rin pala kami natuloy bumalik sa Manila dahil nalaman na nilang umiwas na ako kay Marlo.  Pinayagan kaming lumabas ngayon at sinundo si Chanchan sa palengke, kasama rin namin si Gino. 'Yong tungkol pala kay Gabbi, bumalik na siya sa Manila, ayoko na rin siyang makita pa kahit kailan.  "Girl." Malungkot na tawag ni Chanchan at sinalubong ako ng napakahigpit na yakap, ang swerte ko rin sa taong ito dahil kahit bago lang kaming magkakilala ay hindi niya ako tinuring na iba. Nasira rin ang friendship nila ni Yuna, dahil mas pinili niya na tulungan ako.  "Halo-halo?" Bahagya akong natawa sa pag-aaya ni Gino, isa ang halo-halo ni aling Pia ang pinakamami-miss ko sa lugar na ito. Purgadong-purgado na ako masyado. Kaunting lakad lang ay nakaratin na rin kami, sa dating pwesto. Katapat ko si Angie at Gino, si Chanchan naman ay nakaupo sa gilid ko.  Ang daming kaganapan din sa pwesto na ito, nakasama ko rito si Gabbi, si Marlo at si Yuna. Ganoon talaga, iyong mga alaala na nanatiling naroon kahit ang mga taong nakasama ay wala na. "Gawin mong aral ang mga sakit na idinulot nila sa 'yo." Napabitaw ako ng malalim na paghinga matapos itong sabihin ni Gino. "Basta kahit anong mangyari, kasama mo kami." Ramdam ko ang pagyakap sa akin ni Chanchan, ngayon alam kong kahit papaano ay may mga tao pa akong makakapitan. Alam kong balang araw ay iiwan ko rin sila, pero hindi ko nakakalimutan ang mga kabutihan nila.  Kahit papaano ay nakaluwag na ako mula sa sakit na idinulot nitong mga nakaraan. Nakakatawa na rin ako sa mga corny na joke ni Gino at mga paandar ni Chanchan at mga facial expressions nito.  Napahinto kami sa kasiyahan ng dumaan sa harapan namin si Marlo na kasama si Yuna, magkahawak sila ngayon ng kamay. Hindi ako makatingin sa kanila ng deretsyo pero halata sa mukha ni Yuna ang pang-aasar, nasasaktan ako syempre pero hindi ako pwedeng magpatalo sa kanila. Napairap si Angie matapos nilang umupo malapit sa amin, katabi ko talaga sila dahil nga hindi naman ganoon kalayo ang space ng mga lamesa rito. "Med'yo masama ang hangin dito." Pag-iinarte ni Yuna, napangisi ako at napatingin kay Angie na nanggagalaiti sa galit. "Nakakaamoy ako ng basura." Sabay takip ko ng ilong, tumayo ako pero hindi pa rin tumitingin sa pwesto nila Yuna. "Lumipat na lang tayo, nasusuka ako sa amoy ng nabubulok na ugali." Napangisi ako matapos itong sabihin ni Angie na deretsyong nakatingin sa pwesto nila Yuna.  Lalakad na sana ako paalis nang biglang may humila ng buhok ko, dahil sa lakas nito ay natumba ako. Agad naman akong tumayo para bigyan siya ng isang napakalakas na sampal.  Pinalilibutan na rin kami ng mga tao, galit at nanginginig ang kalamnan ko habang pilit na pinapakalma ang sarili. Ayoko sana itong gawin pero pinupuno niya ako. "Wag kang mag-alala, malinis ang kamay ko. Mas malinis pa sa budhi mo!" Bulyaw ko rito na muling nagbitaw ng napakalakas na sampal.  Walang umaawat at sumasali sa away naming dalawa, pilit niyang hinablot ang buhok ko at dahil sa mahaba ito ay madali lang para sa kaniya na mahawakan ito. Patuloy ang paghila namin sa buhok ng isa't isa, galit na galit akong kumapit sa buhok niya at nanggagalaiting tanggalin ang buo nitong anit.  Natutuwa ako, may kakaiba sa pakiramdam ko na mas nagpapainit ng buo kong katawan para magkaroon ng lakas na gawin ito. Tuwang-tuwa ako sa bawat daing nito ng sakit, parang lumalabas ang pagkademonyo na kay tagal ko ng itinatago.  Sa kalagitnaan ng pag-aaway namin ay biglang may humila sa akin, gulo-gulo pa ang buhok ko pero rinig ko ang sigawan ng mga tao, napatulala ako matapos maramdaman ang isang matulis na bagay na nasa leeg ko.  Hindi ko kilala ang taong may hawak ng kutsilyo na nakatapat ngayon sa leeg ko pero halata sa mukha ng mga tao ang pagkagulat. "Walang lalapit!" Sigaw nito matapos tangkain ni Gino na lumapit sa amin. "K-kailangan ko siya para maibalik ang anak ko." Nanginginig nitong wika, hindi ako makagalaw dahil kaunting galaw lang ay maaaring tumagos ang hawak nito sa leeg ko. Inilibot ko ang paningin sa paligid upang sipatin si Marlo, yakap niya ngayon si Yuna. Nakatingin lang siya sa kinatatayuan ko, bagya akong napangisi sa kaniya na ikinagulat naman niya.  Tuwang-tuwa siguro sila sa nangyayari sa akin o baka sila ang may gawa nito. Dama ko sa mga tao ang takot pero bakit hindi manlang ako kinakabahan? Ramdam ko ang dugo na dumadaloy sa leeg ko pero wala akong pakialam. "Kailangan kita, kailangan mong ibalik ang anak ko." Mangiyak-ngiyak nitong wika.  Hinila niya ako palayo sa lugar na iyon at wala ni isa ang nagtangka na sumunod sa amin.  May pinuntahan kami pero hindi ko alam kung saan ito banda dahil puro puno ang narito. Nag-aagaw ang liwanag at dilim pero tanaw ko pa ang paligid, matapos namin makapasok sa loob ng kakahuyan ay agad niya akong binitawan. Napahawak ako sa leeg kong nagdurugo, ngayon ramdam ko na ang paghapdi nito.  Hinawakan niya ako sa braso para hilahin papasok pa sa kakahuyan at sa hindi kalayuan ay natanaw ko ang isang bukirin, tanging puno na napakalaki at nakatayo sa gitna ang matatanaw. Parang naaalala ko ang lugar na ito, tama. dito iyong lugar na nakita kong masayang magkasama si Carolina at Eliezer. Matapos naming makarating sa tapat ng puno na ito ay pinaluhod niya ako rito. "Kailangan ko itong gawin para maibalik ang anak ko." Dahan-dahan akong napatingin dito na ngayon ay walang humpay sa pag-iyak. Kitang-kita ko sa mga mata nito ang sakit na nararamdaman ng isang ama na nawalay sa kaniyang anak.  "A-anong kailangan kong gawin?" Deretsyong tanong ko rito, kung ako ang makakatulong sa kaniya ay handa kong gawin ang lahat maibalik lang ang anak niya. "Kailangan kong ialay ang dugo mo para ibalik nila ang anak ko." Napalunok ako matapos niyang sabihin ito, mariin akong napapikit at nagsalita.  "G-gawin mo na." Nanginginig kong saad dito. Ayoko na rin sa buhay ko, gusto ko na itong tapusin at ngayon alam kong kahit papaano ay may matutulungan ako. Dahan-dahan itong lumapit sa akin at hinawakan ako sa ulo, bahagya niya itong itinaas at inilapat muli ang kutsilyo sa leeg ko. Napapikit ako para alalahanin ang mukha ng mga mahal ko sa buhay, hindi manlang ako nakahingi ng tawad sa kanila. Sigurado ako na manlulumo sila sa mangyayari sa akin pero gaya nga ng sinabi nila, kahit kailan ay hindi na kaya pang baguhin ang nakatadhana na. Mama, papa, lolo, lola sorry po sa pagsuway ko sa inyo, mga sakit ng ulo na ibinigay ko. Angie and Gino sorry kasi hindi ko na matutupad ang ipinangako ko sa inyo na ako ang magiging maid of honor sa kasal niyo. Chanchan sorry rin kung hindi ko magagawa ang pangako ko na isasama kita sa Manila para hanapan ka ng jowa at higit sa lahat. Sorry Marlo, dahil hindi ko manlang nasabi sa 'yo ang totoo kahit alam kong wala ka namang pakialam doon. Mariin akong napapikit ng makaramdam ng hapdi matapos nitong idiin ang kutsilyo. Tuluyang bumagsak ang mga luhang kanina ko pa pinipigil. Malaya ko ng tinatanggap ang kapalaran na ito.  "Aahh!" Rinig kong sigaw nito matapos mabitawan ang kutsilyo na kanina ay nakadiin sa leeg ko.  Nanginginig kong idinilat ang mga mata ko at nilingon itong nakabulagta sa likuran ko. Agad akong napagapang paatras at napahawak sa leeg ko, patindi nang patindi ang hapdi na nararamdaman ko hanggang sa unti-unti na ring nanlalabo ang paningin ko. "Hindi ako makapapayag na dungisan mo ang lugar na pinakamahalaga sa akin." Wika ng isang lalaki, naningkit ang mga mata ko upang mukhaan ang lalaki na nakatayo. Maya-maya ay ibinaling nito ang tingin sa akin na ikinagulat ko.  Bakit ko nakikita sa lalaking ito ang aura ni Eliezer? Kahit na nanghihina ay pilit ko pa rin siyang tinititigan, maaari kayang siya at si Eliezer ay iisa?  Unti-unti ng nanlalabo ang paningin ko at nanghihina ang katawan. Sa sandaling pabagsak na ako ay may isang taong sumalo sa akin mula sa likuran, hindi ko matanaw ang mukha nito dahil sa panghihina. May mga sinasabi ito pero wala kong maintindihan na kahit ano, hanggang sa tuluyan na akong nawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD