Chapter 17

2171 Words
Dahan-dahan kong iminulat ang mata ko pero muling napapikit dahil sa napakaliwanag na paligid, kinusot-kusot ko pa ang mata ko kasabay ang pag-upo.  Nang masanay ang paningin ko sa liwanag ay agad kong inilibot ang paningin sa paligid, maaliwalas at talagang napakaganda ng mga gintong gamit na nasa paligid.  Tumayo ako para lumabas, pero bago ko pa maihakbang ang paa ko palabas, napatingin ako sa salaming malapit sa pinto. Napakaganda ng suot ko, kulay puting dress at may mga burda ng bulaklak, kitang-kita ko ang mukha ko sa salamin na walang ibang mababakas kung hindi ang pagod at lungkot. Nang makalabas ako ay tinanaw ang napakagandang paligid at ang mga napakasayang mga narito. Binabati nila ang isa't isa nang masigla at tila ba wala silang dinaramdam na lungkot. "Gising ka na pala." Agad akong napalingon nang marinig ang boses ni Inayah, gusto ko pang magtanong pero lumagpas ito na sinundan ko nang lakad. "Alam mo ba kung bakit masaya sila rito?" Masaya nitong tanong habang nakatingin sa paligid. "Dahil malaya nilang tinanggap ang kapalaran nila." Bumitaw pa ito nang napakalalim na paghinga. "Sa lugar na ito ay hindi ka na makakaramdam pa ng kahit anong sakit at kahit na anong lungkot. Kung pagod ka na Caralina, pwede ka ng manatili rito."  Maya-maya pa ay may inabot siyang pagkain sa akin. Tinitigan ko muna ito bago kinuha. "Ito ang mundo sa likod ng mundo niyo. Marami ang takot sa lugar na ito, ngunit hindi nila alam na mas nakakatakot sa mundong kanilang ginagalawan. Dito ay walang agawan ng kapangyarihan, walang mapang-abuso. Hindi ito katulad ng mundo niyo na kapwa niyo tao ang nagpapatayan, nagsisiraan at nagkakasakitan." Malambing nitong paliwanag. "Pero bakit na nanakit kayo ng mga tao?" Tanong ko rito na bahagya niyang ikinatawa. "Hindi namin sila sinasaktan, ibinibigay lang namin ang nararapat sa kanila. Napakayaman ng lugar na ito at may iilang tao na gustong nakawin ang ilan sa mga tagong yaman. Kasakiman nila ang gumagawa ng ikapapahamak nila, Caralina at hindi kami. Pinapangalagaan lamang namin ang mga bagay na sa amin. Hindi nila kayang pangalagaan ang sarili nilang mundo, sinisira nila ang tunay nilang yaman para sa kapangyarihan at pansariling kapakanan. Kinatatakutan nila ang mundong ito, ngunit hindi nila alam na ang mundong dapat nilang katakutan ay ang mundong kanilang ginagalawan." Mahaba nitong paliwanag.  Bahagya akong napaisip sa sinabi niya, tama siya. Ang mundong dapat katakutan ay ang mundo sa likod nito. Dito mo makikita sa tunay na saya, dito mo makikita ang tunay na yaman, sa lugar na ito ay walang mananakit sa 'yo, walang huhusga. Hindi ka matatakot na baka isang araw ay may humarang at manakit sa 'yo. Pero bakit nga ba takot ang ilan na mapunta rito? Nakakatakot ba ang maging masaya? Sa lugar na walang pagtanda, sa lugar na walang lungkot, sa lugar na napakayaman bakit nga ba ako natatakot na manatili rito? Bakit ako natatakot na maging masaya? Tinitigan ko ang pagkaing inabot sa akin ni Inayah, ngayon malaya ko na ring tatanggapin ang kapalaran na ito.  Aakmang kakainin ko na ito pero napigil ako sa pagsasalita niya. "Sa panahong kainin mo iyan, lahat ng alaala mo sa mundo ng mortal ay mawawala. Ang itsyura ng pamilya mo, ng mga kaibigan mo at ang alaala niyo ng minamahal mo." Saglit akong natulala sa sinabi niya, nais ko ng makalimutan iyon pero gusto kong matiwasay na magpaalam sa kanila.  "Maari pa kitang bigyan ng ilang araw para pag-isipan ito, ngunit sa pagtakip ng kadiliman sa liwanag ng araw ay kailangan mo ng mamili. Ang tadhanang ito ay matagal ng naitala, kahit anong gawin mo ay hindi na ito maari pang baguhin." Napapikit ako matapos niyang takpan ang mga mata ko.  Sa pagsasama ng araw at buwan ay kailangan ko ng tanggapin ng buong-buo ang tadhanang naitala sa akin. Matapos nito, makakalimutan ko ang lahat at makakapagsimula na ng bagong buhay.  "Caralina!" Mabilis akong napabalikwas ng tayo at hingal na hingal, napalunok ako bago ibinaling ang tingin kay Lola. Agad niya akong niyakap at umiyak, maya-maya pa ay pumasok na rin sa loob sila mama na namamaga ang mata. Agad silang tumakbo sa akin at niyakap ako ng mahigpit.  "S-sorry po." Napapikit ako matapos itong sabihin.  "Sshhh...wag ka na munang magsalita." Pagpapatahan sa akin ni papa, matapos nilang kumawala sa akin ay napahawak ako sa leeg ko na may benda, hindi na siya ganoon kasakit. "Kumusta na ang kalagayan mo?" Napangiti ako ng bahagya sa tanong ni lolo. "Ayos lang naman po ako." Nakita ko ang pagngiti nila pero alam kong hindi pa rin sila kampante sa sagot ko. Binalot ang buong paligid ng katahimikan, tinitigan ko sila isa-isa habang may malawak na ngiti, ang mga luha sa mga mata nila ay ako ang may gawa. Sa puntong ito, alam ko na alam nila ang ibig sabihin ng tingin ko.  Kung alam ko lang sana noong una pa lang ang kahahantungan ko ay mas naglaan pa ako ng mahabang oras para sa kanila. Sana ay sinunod ko lahat ng utos nila at ipinaramdam ko kung gaano ko sila kamahal. Pero huli na, ilang araw na lang ang lahat ng ito ay matatapos na.  Sumapit ang gabi at naiwan si mama at papa sa kwarto ko, pinagigitnaan nila ako ngayon. Sobrang saya ko kahit sobrang bigat nang nararamdaman ko, para akong dinudurog sa bawat galaw ng oras. Dinudurog ako ng pinong-pino. "Alam mo kung bakit ikaw lang ang anak namin?" Panimula ni papa. "Galing kami sa Biringan City, isa kami sa mga nakatira roon. Minsan lumalabas kami at naninirahan din dito sa mundo ng mga mortal, maaari kaming mabuhay ng normal pero sa tuwing sasapit ang pagsarado ng portal ay dapat nasa loob na kami ng Biringan, dahil maaring hindi na kami makabalik pang muli. Ganoon ang nangyari kay Carolina, mas pinili niya ang maging mortal para sa pag-ibig. Hindi na siya nakabalik pang muli, kaya ng sunugin ang bahay nila ay hindi na siya muli pang naibalik sa Biringan. Hindi maaaring mawalan ng namumuno sa Biringan City, sa pagmamahal namin sa bayang iyon ay inihandog namin ang magiging anak namin na papalit kay Carolina." Ngayon ay patuloy pa rin akong nakatulala kay papa. Ang ibig sabihin ay hindi rin sila tao?  "Hindi ka pa ipinapanganak pero naitala na ang tadhana mo. Bawal kang magmahal dahil sa muling pagsara ng lagusan ay hindi ka maaring maiwan. Matapos nito, lahat tayo ay babalik doon at hindi na muli pang babalik sa lupa. Ngunit kung pilit mong ipagpipilitan na baguhin ang tadhanang ito, kailangan mong isakripisyo ang buhay ng taong inalayan mo ng iyong puso." Dagdag pa ni mama. Ito ba ang sinasabi nilang maaaring mamatay ang taong mamahalin ko? Wala na pala talaga akong karapatang umangal dahil hindi pa ako ipinapanganak ay naitala na ang tadhana ko.  Maaga akong nagising dahil marami pa akong nais gawin, ilang araw na lang din at malapit na ang bagong taon. Marami ring ginagawa sila mama kaya pinayagan na nila akong lumabas at makasama sila Angie, nasabi rin nila mama na engkanto rin pala ang mama ni Angie. Pero si Angie hindi niya pa alam at hindi rin siya pinipilit na magpunta ng Biringan dahil hindi naman siya kagaya sa akin na hindi pa ipinapanganak ay naihandog na. Apat ulit kaming magkakasama ngayon, si Chanchan, Gino, Angie at ako. Ngayon dinadama ko na ang bawat tawa, hindi ko alam kung nahahalata ba nila ako dahil bawat isa sa kanila tinititigan ko talaga. Alam ko na balang araw ay makakalimutan ko rin ang mukha nila at ang mga ginagawa namin, pero kahit kailan hindi ito mawawala sa puso ko. Kahit burahin man ito ng pagbalik ko sa Biringan kahit kailan hindi ito kayang burahin sa puso ko. "Pwede niyo ba akong samahan?" Tanong ko sa kanila at sabay-sabay silang mapahinto sa paglalakad. Narito ulit kami sa bayan, kahit med'yo naiilang ako sa mga tao dahil sa bawat daraanan namin ay nakatingin sila sabay magbubulungan. Sikat na sikat ako sa lugar na ito dahil sa dami ng gulo na idinulot ko rito. "Samahan niyo ako kay Marlo at Yuna." Halata sa mukha nila ang gulat pero kahit naman anong mangyari wala silang magagawa dahil alam nilang hindi ako nagpapapigil. Tumawag na ako kay Gabbi bago kami gumala kanina, nag-sorry ako sa mga nagawa ko sa kaniya kahit hindi siya nagsasalita sa kabilang linya, pinatawad ko na rin siya kahit walang sorry akong narinig mula sa kaniya. Alam ni Chanchan kung saan tumutuloy sila Marlo ngayon matapos ang sunog kaya sabay-sabay kaming nagpunta, pero wala kaming naabutan na Marlo. Walang tao sa bahay nila ngayon kaya sumunod kaming pumunta kay Yuna pero kagaya ng kay Marlo ay wala rin si Yuna.  "Nag-date siguro." Wika ni Gino habang palabas kami ng bahay nila Yuna. "Sigu–" Hindi ko na natuloy ang sasabihin ko matapos may bumangga sa likuran ko, napatigil kami matapos itong bumagsak.  "Yuna." Gulat naming sabi lahat at itinayo ito. Gulo-gulo ang buhok niya at hingal na hingal, namumula rin ang mga mata nito na halatang galing sa pag-iyak. Galit na galit itong nakatingin sa akin. "Kasalanan mo itong lahat, malandi ka!" Bulyaw nito na nagtangka akong sugurin pero nahawakan siya ni Chanchan at Gino, agad naman akong inilayo ni Angie. "Ano bang problema mo? Andito kami para makipag-ayos sa 'yo!" Bulyaw pabalik ni Angie. "Girls, kalma muna okay? Yuna, makini–" Hindi na natapos si Chanchan nang kumawala si Yuna at sinigawan ito. "Mga traydor kayo! Alam niyo lahat kung gaano ko kamahal si Marlo, pero Nagawa niyo sa akin lahat ito." Mangiyak-ngiyak nitong saad na 'di kalaunan ay sinabayan ng paghikbi. "Kaya nga andito ako, gusto ko mag-sorry sa 'yo. Hindi ko na kayo guguluhin kahit kailan." Mahinahon kong saad dito, pero hindi siya nagpatinag sa matalim na tingin sa akin. "Hindi na kayang ibalik ng sorry mo ang lahat, kahit anong gawin ko hindi ko na siya mababawi pa." Muli kaming napatahimik lahat matapos kumawala nang napakalakas na pag-iyak ni Yuna. Hinagod pa ni Gino ang likod nito, pero itinulak lang siya nito palayo. "Pero hindi ako papayag na maging masaya kayo, tandaan mo 'yan Caralina!" Huling salita nito matapos tumakbo papasok sa loob, nagtangka akong pumasok pero agad akong hinila ni Chanchan paalis. Hindi ko siya maintindihan, ano bang sinasabi niya?  Pero alam ko hindi niya na ako mapapatawad pa. "Chanchan bakit parang balisa ka?" Gulat siyang napatingin sa akin. Simula kanina pag-alis namin kila Yuna, ang tahimik niya at parang may gusto siyang sabihin sa akin. "Natatakot ako para sa 'yo, paano kung may gawin na naman si Yuna? Kilala ko siya, lahat gagawin niya para makuha ang bagay na gusto niya." Mahaba nitong tugon na sinang-ayunan naman nila Gino. Siguro dahil nag-iisang anak lang ito kaya lahat ng gusto niya ay nakukuha niya. Pero hindi ba't nakuha na rin niya ang puso ni Marlo? Ano pa ba ang gusto niya? "Matapang kaya ako, kita mo ito?" Pagmamayabang ko sa kaniya na ipinakita ang leeg ko na may balot pa rin ng benda. "Baliw ka talaga." Sabay batok nito pero binawian din ako ng mahigpit na yakap.  "Grabeng pagpapasalamat ko sa inyo, kahit kailan hindi ko pinagsisihan ang makapunta rito. Mahal na mahal ko kayo," saad ko habang nag-iinit ang gilid ng mga mata ko, kaunting hangin na lang ay babagsak na ang mga luha. "Drama mo." Biro ni Angie na humihikbi-hikbi pa sabay sunggab sa akin ng yakap.  Hinagod ko ang likod niya para patahanin. Ang akala kasi nila aalis na kami at pupunta ng ibang bansa matapos ang bakasyon dito, ang hindi nila alam ay aalis kami pero hindi sa ibang bansa kung hindi sa ibang mundo.  Matapos ang drama namin ay muli kaming naglakad para umuwi, nag-request ako na sa bahay na rin mag-new year si Chanchan at pumayag naman siya.  So happy ang new year ko dahil makakasama ko si Chanchan, Gino at Angie. "Caralina." Muli ulit kaming napahinto ng masalubong namin si mang Karding. "Maari ba tayong mag-usap?" Pag-aaya nito. Napatingin ako sa mga kasama ko na nag-aalangan pa. "Hindi naman ganoon kalayo, kaunting distansya lang at hindi ko siya hahayaan na mapahamak," dagdag pa nito, mukha atang nakahalata siya sa tingin ng mga kasama ko, kaya sinigurado na niya. Sila Chanchan na ang lumayo ng kaunti para makapag-usap kami. "Tungkol po ba saan?" Panimula ko rito. "Gusto ko lang sabihin sa 'yo na huwag kang magpapalinlang. Hindi pa ito ang lahat ng napalaman mo." Nanlaki ang mata ko matapos niya itong sabihin, muli na naman akong binalot ng takot, ang dami na namang tanong ang bumabagabag sa akin.  "Buksan at lawakan mo ang isipan mo, hindi lahat ng nalalaman mo ay totoo. Hindi nila sasabihin sa 'yo ang lahat, kailangan mong alamin ito, Caralina."  Bakit ganito? Bakit kailangan pa niyang guluhin ang isip ko kung kailan handa na akong tanggapin ang kapalaran ko? Bakit kailangan pa niya itong sabihin? Sino ba siya? Bakit parang mas marami pa siyang nalalaman sa akin? Ano pa ba ang totoo? Gulong-gulo na ang utak ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD