"Iihh...para ka namang baliw babe." Pag-iinarte ni Angie, habang tinutulak-tukal pa si Gino.
"Sayo lang mababaliw." Pambawi naman ni Gino dahilan para lalong kiligin si Angie. Parang natatae lang iyong hagikgik niya. Hindi ko alam kung inaatake ba siya ng epilepsy, pero alam ko mukha siyang tanga. Silang dalawa parang tanga, alam na may single sa tabi landian nang landian.
"Umayos ka nga–" Hindi na niya natapos ang dapat na sasabihin nang bigla siyang kilitiin ni Gino. Nang mabangga niya ako, doon lang nila napagtanto na may kasama pala sila.
Andito kami ngayon sa isang kainan sa bayan, dito raw ang tambayan nila palagi dahil masarap daw ang halo-halo dito. Well, masarap naman talaga siya dahil libre.
"Okay ka lang ba Caralina? Pansin ko kanina ka pa tahimik at tulala simula pag-alis natin sa bahay."
Napabuntong hininga na lang ako sa tanong ni Gino. Sino ba naman kasi ang hindi tatahimik kung silang dalawa lang naghaharutan? Bukod sa naguguluhan pa rin ako sa nangyari sa akin kagabi e, naging pambansang third wheel pa ako.
"Wala, 'di lang ako nakatulog ng maayos kagabi." Tinatamad kong sagot.
"Nga pala, may mga ginaganap bang party rito?" Tanong ko matapos akong sumandal. Halata naman ang pagkagulat sa kanilang dalawa.
"Dito sa bayan meron kapag pista pero matagal pa iyon. Sa June," sagot naman ni Gino habang ngumunguya. Napatango na lang ako sa sinabi niya.
"Malayo ang buhay dito sa buhay mo sa Maynila, walang party rito gabi-gabi," dagdag pa ni Angie. Tumango na lang ulit ako at ibinaling ang paningin sa malayo nang bigla akong may matanaw na isang familiar na mukha, papalapit ito sa amin kaya para akong na-estatwa at halos malaglag na ang mga mata.
Lumalakad papalapit sa kinauupuan namin ngayon iyong diwata.
Lumingon ako kila Gino at Angie pero parang wala silang nakikita sa paligid dahil sa paghaharutan nilang dalawa. Parang huminto ang oras habang papalapit sa amin iyong babae, malawak ang kurba ng labi nito at talagang napakaganda niya. Gusto kong sumigaw pero ayaw bumuka ng bibig ko, para ring nanghihina ang mga tuhod ko na parang pinipigilan akong tumayo.
"Kamusta ka na Caralina?" Malambing nitong tanong dahilan para mas lalo akong kilabutan. Malambing ang boses niya pero naghahatid ito ng kakaibang pakiramdam.
"Huwag kang mag-alala hindi pa naman ito ang tamang oras." Umiwas ako ng tangkain niyang hawakan ang buhok ko.
"Napakaganda mo pa rin talaga." Mga katagang binitawan niya dahilan para mas lalong dumami ang katanungan sa utak ko.
Anong ibig niyang sabihin? Bakit parang unang beses pa lang kaming nagkita noon ay parang kilalang-kilala na niya ako?
Nagulat ako ng bigla niya akong hinawakan sa baba at iniharap sa kaniya, dahilan para magtama ang aming mga mata na para akong na hypnotized, at may kung anong hangin na sobrang lakas ang dumampi sa buo kong katawan at sa sandaling iyon ay para akong dinadala sa kung saan.
Nang bitawan niya ako ay doon lamang ako natauhan upang tingnan ang paligid.
"N-nasaan ako?" Halos lumuwa ang mga mata kong inililibot ang paningin sa paligid. Alam kong wala ako sa lugar namin dahil napakaganda ng paligid, may mga naglalakihan at nagtataasang gusali at talagang napakayaman ng lugar na ito.
Sa gitna ng lugar na ito, may isang malaking palasyo na gawa sa ginto. Nakakasilaw ang ganda nito.
Kitang-kita ko rin kung gaano kasaya ang mga tao na nasa paligid, masasaya nilang binabati ang lahat. Kitang-kita ko kung gaano kaganda ang mga tao rito–teka mali hindi nga pala sila mga tao.
Malakas ang kabog ng dibdib ko dahil sa kaba, pero mas nangingibabaw ang pagkamangha dahil talagang kakaiba ang mga nasa paligid. Napakaganda, napakayaman at talang napakasaya. Paano kaya kung ganito na lang ang totoong mundo? Walang away, walang gulo, walang lungkot?
Matagal din ang pamamangha ko sa paligid nang makakuha na ako ng lakas ng loob para magsalita.
"Ikaw ba si Carolina?" Deretsyong tanong ko rito. Napangiti siya sa tanong ko at marahan na umiling.
"Ako si Inayah, ang kagandahan ni Carolina ay walang kasing tulad. Hindi ito kayang pantayan ng kahit sino," sagot nito at dahan-dahang lumapit sa akin dahilan para mapaatras ako.
"A-anong gagawin mo?" Hindi na ako nakapalag nang bigla niya akong hawakan sa magkabilang balikat. Marahan iyon pero mabilis nanindig ang balahibo ko.
"Kay tagal naming hinintay ang pagbabalik mo." Nagulat ako ng humigpit ang hawak niya sa akin at para akong nilalamon ng napakalakas na hangin pababa, may mga sinasabi pa siya pero para akong nabibingi dahil sa napakalakas na paghila ng hangin sa akin na maging ang paghinga ko ay pinipigil nito.
"Caralina!" Napabalikwas ako nang tayo at habol ang paghinga. Para akong nahulog sa kung saang nataas na lugar, dahil sa pakiramdam ng sobrang lula. Para akong nilamon ng lupa at kahit tagaktak ang pawis ay nanlalamig ang buo kong katawan.
"Ayos ka lang ba?" Natatarantang inabot sa akin ni Gino ang baso na may lamang tubig, tuyong-tuyo ang lalamunan ko kaya hindi agad ako makapag salita. Uhaw na uhaw ako, daig ko pang lumakad ng napakalayo.
"Ano ba nangyari sa 'yo? Nahilo ka ba kanina?" Pag-aalalang tanong ni Angie habang hinahawi ang buhok ko na kanina pa nakaharang sa mukha ko.
"A-anong nangyari?" Nanghihina kong tanong.
"Nagulat na lang kami ng bigla kang bumagsak, dinala ka kaagad namin dito sa bahay nila Gino, mabuti na lang talaga at malapit lang. May sakit ka ba?" Napatulala na lang ako sa isang gilid.
"Mahigit Limang oras kang natutulog, sinabi ko na lang kay lola na baka hindi lang maganda ang tulog mo kagabi at pagod ka lang, baka kasi mag-alala sila lalo na't ngayon dapat ang balik mo ng Maynila," dagdag pa niya. Ibig sabihin nahimatay ako kanina nang saglit na ipakita sa akin ni Inayah ang lugar nila? Pero bakit niya ipinakita sa akin? Gusto niya pa rin ba akong kunin?
Dalawang araw matapos ang pangyayari na iyon hindi muna ako lumabas ng bahay, hindi rin ako makabalik ng Manila dahil palaging nagkakaproblema sa sasakyan, kaya hindi na muna ako pinapalabas nila lola. Hindi ko gaanong nakakausap sila mama dahil palaging walang signal, si Angie at Gino naman dito na lang din sila tumatambay.
Wala ni isa sa kanila ang napagsabihan ko, alam ko kasing madaldal si Angie kaya hindi malabong madulas siya kila lola.
May parte sa akin na gusto ko ng bumalik sa Maynila pero meroon ding parte na ayoko muna, may mga gusto pa akong tuklasin sa buhay ko at sa sarili ko.
"Insan sa susunod na linggo may birthday tayong pupuntahan uuwi kasi iyong isa naming kababata, si Yuna dito rin siya magpapasko." Masayang tugon ni Angie, hindi ko naman kilala iyon. Malay ko ba kung sino siya.
"Ayos ka na ba? Balak ka sana naming ayain ngayon lumabas, araw ng palengke ngayon at baka sakali na may nagustuhan ka." Pag-aaya ni Gino.
Feeling ko marami namang tao doon baka hindi na ako sundan ni Inayah, isa pa nakakabagot manatili rito. So, bakit hindi ako sumama.
Matapos kong mag-ayos, nag-abang kami ng tricycle para sakyan papunta ng bayan. Si Gino ang nakaupo sa likod ng driver habang kami ni Angie ang nasa loob.
Maganda rin ang palengke rito kaso hindi ko maintindihan ang mga salita ng iba, hindi kasi ako marunong umintindi ng bisaya.
"Babe may gusto akong bilihin doon." Pag-aaya ni Angie at nagmadaling hinila si Gino. Heto na naman ako, ang pambansang third wheel.
Maraming tao rito dahil maliit lang ang palengke nila, maraming mga nagtitinda at hindi ko na alam kung nasaan sila nagpunta. Mukha atang feeling nila sila lang ang tao sa mundo at hindi na nila inalala na may single silang kasama.
Mali atang napasama ako sa gala ng mag-jowa. Pinilit ko silang hanapin sa magulong paligid, hindi ako sanay makipag-siksikan ng ganito.
Dahil hindi ko sila nakita, nilibang ko na lang ang sarili ko habang mag-isa, tutal sanayan lang ito.
"Alam mo ba nakita na si manong Ernest, iyong sasakyan na gamit niya pang deliver ng mga gulay nakita sa tutok ng bundok. Ang nakakapagtaka pa, walang sasakyan ang kinakayang umakyat doon." Hindi ko alam pero bigla akong naintriga sa usapan ng mga katabi ko na namimili ng mga damit.
"Oh? Grabe naman pala nangyari sa kaniya, napaglaruan kaya siya ng mga engkanto?" Sandaling iyon mas lalo pa ako lumapit sa kanila, para akong tanga na sumusunod sa kanila kung saan sila pupunta para lang marinig ang usapan nila, dakilang chismosa rin ako.
"Hindi nga siya nakakausap ngayon, simula nang nangyari iyon nakatulala na lang siya," sagot pa ng babae, kung hindi ako nagkakamali iyong driver na tinutukoy nila ay si manong na naghatid sa akin papunta sa palengke. Naikwento kasi sa akin ni lola na iisa lang ang taga-deliver ng gulay. Kung siya man iyon ibig bang sabihin nakilala siya ng diwata at pinaglaruan siya dahil binalaan niya ako?
Aakma pa sana akong sumunod sa dalawang babae na nag-uusap tungkol doon sa driver ng biglang may humawak ng kamay ko mula sa likuran, dahilan para mapahinto ako at mapalingon dito. Hindi siya ganoon katanda, pero gulo-gulo ang buhok nito at marungis ang mukha. Tinitigan ako nito at hinigpitan pa lalo ang pagkakahawak sa akin, mabilis namang kumalabog ang dibdib ko dahil sa kaba.
"Bakit ka pa bumalik? Umalis ka na." Gulat na saad nito na may halong takot. Parang may sumabog sa utak ko, hindi tuloy ako makapag-isip ng maayos.
"Hindi ka na dapat bumalik pa." Paulit-ulit niya itong sinasabi habang mahigpit pa rin ang pagkakahawak sa kamay ko, marami ang tao pero walang pumapansin sa aming dalawa. Natatakot ako sa mga tingin at tono ng pananalita niya.
"A-ano pong i-ibig ninyong sabihin?" Nanginginig man ay pilit ko itong tinanong sa kaniya.
"Hindi na ito matatapos pang muli. Hindi ka na dapat pang nagbalik, Carolina." Nanlaki ang mga mata ko sa huli nitong sinabi, muli na naman akong naghahabol ng hininga dahil parang kakaunti na lang ay mahihimatay na naman ako.
Anong ibig niyang sabihin? Alam kong wala siya sa matinong pag-iisip pero bakit parang lahat ng katanungan ko siya lang ang makakasagot?