"Hindi na ito matatapos pang muli. Hindi ka na dapat pang nagbalik, Carolina." Nanlaki ang mga mata ko sa huli nitong sinabi, muli na naman akong naghahabol ng hininga dahil parang kakaunti na lang ay mahihimatay na naman ako.
Anong ibig niyang sabihin? Alam kong wala siya sa matinong pag-iisip pero bakit parang lahat ng katanungan ko siya lang ang makakasagot?
"A-ano pong ib-" hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang biglang may humila ng kamay ko, dahilan para matanggal ang pagkakahawak ni ate sa akin. Bigla akong napalingon sa gilid at nakita kung sino ang tao na iyon, si Marlo. Anong ginagawa niya rito?
"Aling Dina mas maganda po kung umuwi na kayo." Utos pa ni Marlo matapos niya akong bitawan at lumapit doon sa pulubi.
"Carolina.Carolina.Carolina." Sunod-sunod na sabi nito habang nakatingin sa akin, maya-maya pa ay tumawa siya nang tumawa at tumakbo na papalayo habang paulit-ulit na binabanggit ang pangalan ni Carolina.
Napatingin sa akin si Marlo ng seryoso habang ako ay halatang litong-lito pa rin sa mga pangyayari.
Paalis na sana siya ng bigla ko siyang hawakan sa braso.
"T-teka lang." Napalunok muna ako bago muling nagsalita.
"Bakit niya ako tinatawag na Carolina?"
Nalilito na talaga ako, bakit niya ako tatawagin sa pangalan na iyon? Ako ba si Carolina? Pero paano?
"Lahat ng babaeng may mahabang buhok ay tinatawag niyang Carolina," sagot niya bago tanggalin ang pagkakahawak ko sa braso niya at aakma na namang lumakad.
"Teka! Ano bang alam mo? Nalilito na ako." Mangiyak-ngiyak kong tanong dito, wala na akong pakialam sa mga tao sa paligid, hindi ko na talaga mapigilan.
"Mababaliw na ako," dagdag ko pa, pero patuloy pa rin ang pananahimik niya kaya lumakad ako papalapit sa kaniya.
"May alam ka ba?" Napatingin siya sa akin ng hawakan ko siya sa balikat at alugin.
"Wala akong alam." Deretsyo nitong sagot.
"P-pero noong isang gabi?" Muli kong tanong dito.
"Alam ko na mangyayari iyon dahil karamihan ng bago sa lugar na ito naririnig iyon at alam ko na isa ka rin sa mga tao na iyon," sagot nito mula sa kaniyang seryoso at malamig na boses.
Nagulat naman ako ng bigla niyang punasan ang pisngi ko kaya mabilis akong napaatras.
"Sinabi ko na sa 'yo, 'wag mo ilugay ang buhok mo," dagdag pa nito.
Umayos ako nang tayo at pinunasan ang pisngi ko gamit ang palad ko bago ko siya tingnan ng masama.
"Hindi ako sanay mag-ipit ng buhok." Sabay irap ko rito.
"Huwag kang maging emosyonal sa lahat ng bagay," sabi pa nito at nagsimula na akong lagpasan para lumakad na papalayo.
Nakakinis talaga! Ano ba kasi ang nangyayari? Una iyong kay Inayah, tapos doon sa party, doon din sa ipinakita sa akin ang lugar nila tapos ngayon may babae na tinatawag akong Carolina.
Hindi ko na alam kung nasaan na si Marlo dahil lumakad na siya palayo, iyong mag-jowa mukha atang nakalimutan nilang kasama ako. Hindi ko rin alam pabalik kaya hinanap ko na lang ang pwesto ni lola para doon magtambay.
Kilala naman siya rito kaya madali kong naipagtanong.
"Girl ganda ng hair mo." Natawa naman ako sa sinabi ni Chanchan, siya ang isa sa mga kasama ni lola na nagtitinda rito sa gulayan, singkit ang mata niya at mukha siyang Japanese.
"Chingkwayla repolyo raw." Napairap na lang siya nang tawagin siya ni Andrus, iyong isa pa nilang kasama. Si lola naman katabi ko ngayon habang tinatalian ang buhok ko.
"Lola, totoo po ba ang Biringan?" Pansin kong napahinto si lola sa ginagawa niyang pagtirintas sa buhok ko matapos ko itong itanong.
"Saan mo naman nalaman iyan apo?" Tanong pa nito.
"Nabasa ko lang po dati." Palusot ko pa sa kaniya, hindi ko naman pwedeng sabihin sa kaniya na nakarating na ako roon baka kasi madamay pa siya. Ayoko naman may iba pang mapahamak dahil sa gusto lang ako makuha nila Inayah.
"Kwento-kwento lang ang lugar na iyan apo, 'wag mo na isipin at 'wag mo ng pag-aralan pa dahil baka matulad ka lang sa iba." Sandaling natigilan ako at muling kinabahan dahil sa sinabi ni lola.
Anong ibig niyang sabihin sa iba? Ibig sabihin ba marami rin ang tumuklas ng lugar na iyon? At ni isa sa kanila ay hindi na nakabalik?
Nang sumapit na ang gabi at nagsarado na sila ng tindahan sabay-sabay na kami umuwi. Buti na lang napadaan ang mag-jowa sa pwesto kaya nakita nila ako at ayon pinagalitan naman sila ni lola.
Tapos na kaming kumain at tumambay na lang ako sa kwarto ko.
Wala rin naman akong ibang pwedeng gawin.
"Mukha atang napakalalim ng iniisip mo?" Napalingon ako kay lolo na papasok sa kwarto ko, nakatitig kasi ako kanina pa rito sa may bintana.
"Wala po, ang ganda lang po pala rito." Ngumiti ako sa kaniya matapos niyang tumabali sa akin at tumingin din sa bintana.
"Maganda talaga ang lugar na ito, napakaraming tagong yaman," sambit pa ni lolo.
"Alam mo ba na sobrang daming alaala ang lugar na ito?" Napatingin ako kay lolo na ngayon ay nakangiti habang nakatingin sa malayo at tila may mga alaala mula sa nakaraan siyang sinasariwa.
"Lolo alam niyo po ba ang kwento ni Carolina?" Hindi ko alam kung bakit ko biglang naitanong iyon, halata naman sa mukha ni lolo ang pag-iba ng emosyon niya.
"Saan mo naman nalaman ang pangalan na iyan?" Marahan siyang tumingin ng seryoso sa akin.
"Nabasa ko lang po." Pagsisinungaling ko at mukha naman napanatag siya sa sagot ko.
"Okay lang po kung hindi niyo sasagutin," dagdag ko pa rito, baka kasi bigla siyang magalit sa akin at baka isa rin siya sa ayaw itong pag-usapan.
"Napakasikat talaga ng kwento na iyan, marami man ang hindi naniniwala pero totoo iyan. Napakaganda sa lugar ng Biringan," sabi pa nito at muling ibinaling ang tingin sa malayo.
"Nakapunta na po ba kayo roon?" Tanong ko rito na ikinagulat ko ng bigla siyang tumango.
"Isang beses."
Hindi ko malaman kung anong klase ang emosyon niya matapos sabihin iyon, para siyang dismayado na parang nalilito.
"Na pinagsisisihan ko hanggang ngayon," dagdag pa niya.
Tumingin siya sa akin at hinawakan ako sa kamay.
"Kahit na anong mangyari hindi na mauulit pa ang matagal ng natapos," sambit pa nito na mas lalo akong naguluhan, anong pangyayari noon na hindi na dapat mauulit ngayon? Ang pagbalik ba niya sa Biringan City o may iba pang dahilan?
"Isuot mo ito at kahit anong mangyari ay 'wag na 'wag mo itong huhubarin." Nakita ko na may kinuha siya sa bulsa niya at inabot sa akin, isang lumang bracelet na gawa sa tali na may pinaghalong kulay pula, dilaw at asul. Para siyang nakatirintas. Isinuot niya ito sa kanan kong kamay.
"Hindi man kayang putulin ang nakatadhana na, kaya pa naman itong pigilan. Sa tamang panahon maiintindihan mo rin ang lahat." Ngumiti siya at niyakap ako. Naguguluhan pa rin talaga ako sa lahat pero parang wala silang balak sabihin sa akin.
Nag-usap kami ni lolo tungkol sa mga bagay na ginagawa nila rito at hindi na namin napag-usapan ang tungkol sa Biringan.
"Sige na matulog ka na." Nakangiti nitong sabi habang isinasara ang bintana, maya-maya humakbang na siya palabas pero may iniwan siyang salita na dumagdag sa pagkalito ko.
"Kung pag-ibig ang magiging kahinaan mo wala kang kakayahan para manalo."
Ano ba ang ibig nilang sabihin? Ano ang meron kay Carolina at sa akin? Ano ang ibig sabihin ni lolo?
Nakahilata ako ngayon sa higaan habang nakataas ang kanang kamay at tinitingnan ko ang bracelet na binigay ni lolo. May kinalaman kaya ito sa lahat ng nangyayari sa akin?
******
Maaliwalas ang paligid at sadyang napakaganda ng mga berdeng d**o at halaman ang nagkalat sa paligid. Napakasariwa ng hangin at talagang napakaganda ng langit. Kasabay ng mga nag-aawitang ibon ang tunog ng gitara at boses ng isang lalaki na masayang inaawitan ang babae na nasa harapan niya, masaya silang nakaupo. Sadyang nakakahumali ang kagandahang taglay ng babae na sinabayan pa ng matatamis nitong ngiti.
"Sana hindi na matapos ang kaligayahan na ito." Nakangiting sambit ng babae
"Kahit na napaka-imposible nitong mangyari." Napatigil ang lalaki at malungkot na tumingin sa napakagandang kaharap nito.
"Mahal kong Eliezer, 'wag kang malungkot dahil pwede ka namang sumama sa akin." Mahinahong sambit nito at hinawakan sa magkabilang pisngi si Eliezer.
"Pero Carolina, hindi ko maaring iwan ang pamilya ko." Tinanggal ni Eliezer ang kamay ni Carolina na nasa pisngi niya at mariin itong hinawakan.
"Mahal kita Carolina, ngunit ayoko pang iwan ang lahat," dagdag pa ni Eliezer dahilan para maiyak si Carolina at kasabay nito ang paglanta ng mga kanina lang ay malalagong d**o. Naglaglagan na rin ang mga dahon ng isang malaking puno. Ang kanina lang ay napakagandang tanawin ay napalitan ng mga tuyo at lantang dahon, ang napakagandang musika ay napalitan ng iyak ng mga pusong wasak.
Bigla akong nagising na umiiyak, napaupo ako at napayakap na lang sa tuhod ko habang patuloy pa rin sa pag-iyak. Hindi ko alam kung bakit ako umiiyak basta ang alam ko nasasaktan ako. Nasasaktan ako sa kung paano nila tingnan ang isa't isa na kahit gaano nila kamahal ang bawat isa ay wala silang magawa.
Bakit ako nagkakaganito? Narinig ko na Carolina ang tinatawag ng lalaki doon sa kasama niya, kung ayon man si Carolina bakit ko siya napanaginipan? Bakit ko nararamdaman ang nararamdaman niya? Asan ba ngayon si Carolina? Sino si Eliezer? Hindi ko na alam, nababaliw na ako sa lahat. Ayoko na nito, bakit kailangan pa mangyari sa akin ang ganito?