3
"ANO tara na?" ani Denden. Ngayon kasi kami maghahiking. Ngayon lang kasi umaraw. Nitong nakaraang dalawang araw kasi panay ulan. Tapos ang lalakas pa. Akala mo may bagyo. Di tuloy kami makalabas para mamasyal. Andito lang kami sa loob ng bahay nila Denden, nakakulong. Kaya ang ginawa namin nagmovie marathon na lang kami para hindi kami mabored. Diyos ko! Akala namin hindi na titigil ang ulan. Okay lang sana kung ambon lang para kahit papaano pwede siguro maghiking. Kaso bumubuhos, e. May pakulog at pakidlat pang nalalaman. Nakakatakot din kasing magpunta sa bundok kapag malakas ang ulan. May tendency kasing magkalandslide. Kaya hinintay na lang naming umaraw ara iwas disgrasya.
"Ou, tara na," sabi ko. Kinuha ko na lang yong backpack ko. Pati lahat ng gamit ko dinala ko na. Iiwan ko sana yong iba kaso wala akong paglalagyan. Nakakahiya namang ikalat ko na lang sa kuwarto yong mga gamit ko. Dapat talaga nagdala pa ako ng extra na bag, e. Di bale na nga. Medyo magaan naman itong backpack ko. Pero ewan ko lang mamaya kapag paakyat na kami nang bundok.
Baka mabalian ako nang balikat haha.
Three days daw kami doon. Dito lang din sa malapit. Di na kami lumayo para in case na may kailangan kami, madali lang makuha. Kasama namin mga pinsan ni Denden kaya medyo madami din kami. Mas maganda ngayon para ma-enjoy, e. Mga madadaldal panaman kaya hindi akward. Madali lang pakisamahan.
Mayamaya pa'y paakyat na kami ng bundok. Okay naman yong daan. Hindi naman matarik. Ang mahirap kapag tumatawid ng ilog. Malalaki kasi yong mga bato kaya medyo nakakatakot. Siguradong disgrasya ang aabutin mo kapag tumama ka sa mga yon.
Kailangang magdahan-dahan at mag-ingat. Saka nakakatakot yong tubig. Parang mababaw lang naman pero kapag tiningnan mo ng matagal napakalalim. Nakakatakot!
Hindi kasi ako marunong lumangoy kaya kapag may nag-aya ng picnic or ligo-ligo sa ilog hindi ako nagpupunta. Isa pa minsan na din kasi akong nalunod kaya parang nagkaroon ako nang phobia. Kaya mula noon hindi na ako naliligo sa ilog kahit anong pilit nila sa akin.
"Ano Clem? Kaya pa?" tanong ni Denden sa akin. Lumilipad kasi ang utak ko kaya hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala siya. Medyo nagulat tuloy ako.
Pilit akong ngumiti. "Ou naman. " Ramdam kong ang pawis sa likod ko nang mga oras na yon. Pawisin aksi talaga ako lalo na sa likod.
"Sigurado ka ba? Mukhang hirap na hirap ka na kasi diyan sa dala mong backpack, e," medyo concern nitong sabi.
"Ou. Okay lang ako ano ka ba,"sabi ko. Pero ang totoo talaga niyan medyo
mabigat yong backpack ko. Dapat talaga tinanggal ko yong ibang gamit ko. Akala
ko magaan hindi pala.
"Kung gusto mo ipabuhat na lang natin sa isang pinsan ko yan," suhestiyon ni Denden. Ramdam niya din sigurong medyo mabigat yong backpack na dala ko lalo't ako lagi ang nahuhuling naglalakad sa amin.
"Hala! Nakakahiya! Huwag na uy!" awat ko sa kanya. "Kaya ko nga!"
"Bakit naman kasi dinala mo lahat yang gamit mo? Iniwan mo na sana yong mga di mo kailangan, ah."
"Wala kasi akong mapapaglalagyan, e."
"Haays! Paglalagyan lang pala problema mo,"pabuntong-hiningang sabi nito. "Sinabi mo sana sa akin at nilagay ko dun sa cabinet ko."
"Di ko na din naisip. Yaan mo na. Andiyan na," sabi ko na lang saka pilit nginitian ito.
Ngumiti din ito. "Di bale malapit naman na tayo. Konting tiis na lang."
'Buti naman' sa isip-isip ko.
Ako lang yata ang pagod na pagod sa amin. Mga kasama ko halatang chill lang. Tawa pa sila nang tawa habang naglalakad. Samantalang ako dito lakad pagong na. Buti kamo hindi masyadong mainit ang panahon. Kundi baka magcollapsed ako
Mayamaya'y nakita kong tumigil na ang mga kasama ko sa paglalakad.
"Dito na ba? "tanong ko kay Denden.
"Ou dito na tayo magseset up ng tent mamaya. May falls kasi diyan sa baba. Maganda maligo diyan at magpicnic, "masayang sabi nito.
"Totoo ba?" excited kong sabi. Pero bigla kong naalala hindi pala ako marunong lumangoy.
'Haays! Sayang! Nakakainis naman!' himutok ko sa loob-loob ko. No choice. Papanuorin ko na lang talaga silang lumangoy.
Para akong nabuhayan ng makapagpahinga na din sa wakas. Naupo ako sa nakausling ugat ng malaking puno na naroon. Kinuha ko ang baunan ko nang tubig saka inubos lahat laman nun. Nakakauhaw sa sobrang pagod. Medyo mainit na yong tubig ko kaya hindi ko tuloy na-enjoy uminom
Tiningnan ko ang oras sa suot kong relo. Alas tres y media pa lang ng hapon. Maaga pa pala. Kaya pala may sikat pa ng araw. Mga alas singko pwede na siguro kaming mag set up ng tent. May mga lalaki naman kaming mga kasama kaya hindi kami gaanong mahihirapan. Bahala na sila mamaya. Mas kabisado nila yon. Titingnan na lang naming kung anong puwede naming itulong sa kanila.
Nang makaramdam ako nang init ay hinubad ko ang suot kong hooded jacket. Nakasando lang ako kaya medyo naginhawaan ako nang konti. Itinaliko yong jacket ko sa baywang ko. Hindi na kasi magkakasya pa kapag inilagay ko pa sa backpack ko.
Tinanggal ko ang tali nang buhok ko. Bumagsak ang mahaba at unat na unat kong buhok. Blonde ang kulay nun pero kapag nasikatan ng araw nagiging puti yon. Ewan ko ba kung bakit ganito ang kulay ng buhok ko. Mula pagkabata ganito na ito. Medyo
kakaiba. Dami nga naiinggit pero hindi ko na lang masyadong pinapansin. Actually, balak ko nga sanang paputulan kaso lagi kong nakakalimutan. Ang haba na tuloy. Itinali ko uli ito pataas saka ko kinuha ang cap ko sa bulsa nang bag at isinuot yon. Medyo may sikat pa kasi ng araw. Nakakasilaw sa mata saka pangproteksyon na din sa mukha. Baka mamaya masunog e. Sayang
ang kojic haha.
“Nasaan sina Leila?” mayamaya’y tanong ko kay Denden. Bigla na lang kasing nawala ang mga ito at hindi ko napansin kung saan sila nagpunta.
“Tiningnan yata yong falls na sinasabi ko diyan sa malapit,”sagot ni Denden.
Hindi pa ako nakakakita nang falls. Curious tuloy ako.Parang gusto kong sumunod
kina Leila. Wala naman akong balak maligo. Maya malunod ako problemahin pa nila ako.
“Hindi man lang ako inaya nang mga yon,”reklamo ko.
“Actually tinatawag ka nila pero hindi mo naman yata naririnig,”natatawang sabi ni Denden. “Baka maliligo ang mga yon.
“Huh? Seryoso?” tanong ko. “Malapit lang ba yon dito?”
“Ou. Sundan mo lang yang daan na yan,” ani Denden at itinuro ang daan pababa. “Sa
dulo niyan yong falls.”
“Tingnan ko nga sila,”nailing na sabi ko. “Ayaw mo bang sumama?”
“Maya na sunod na lang ako. Mag-aayos lang muna kami dito sa pagtatayuan ng tent natin,” anito.
“Ah sige,”sabi ko na lang bago umalis at sinundan ang daang sinasabi nito.
Iniwan ko na lang ang bag ko doon tutal may tao naman. Away kong buhat-buhatin pa at napakabigat. Paagurin ko na naman yong sarili ko.
Medyo masukal yong daan. Madaming puno at ligaw na damo sa paligid. Hindi ko alam kung ilang minuto akong naglakad bago narating ang dulo. Kaya lang bahagya akong nagtaka nang wala akong makitang falls doon. Parang dead end lang yon. Kasi may malaking batong nakaharang.
Napailing ako.
Parang ngayon lang ako nakakita nang batong kulay pink. Sobrang laki pa naman. Hindi ko alam kung crystal stone ba ito. Lumapit ako doon at wala sa loob na hinawakan yon.
‘Hindi kaya naligaw ako’ sabi ko sa isip-isip ko.
Mayamaya’y nagulat na lang ako nang biglang gumalaw ang paligid at bumuka ang lupa. Bago pa ako makatakbo nahulog na ako sa malalim na butas. Kadiliman ang bumalot sa akin hanggang unti-unti akong panawan ng ulirat…