VICTORIA'S POINT OF VIEW
Mabilis lang kami kumain nila Prince kahit na papakainin naman daw kami roon after ng gig. Mas okay na rin ngang may laman ang tiyan namin. Kasalukuyang narito ako sa isang makeup room, kung saan ginagamit daw ito ni Tita Prescila. Siya pa ang nag-push sa aking pumasok ako rito nang nagkausap kami kanina sa telepono. Kasama ko si Tiya Christine at si Momsh Feil, ang makeup artist na kakilala ni Kellix. Gay siya subalit wala itong problema sa akin. Sa katunayan nakaka-enjoy ding kasama siya rito sa silid dahil nakakatuwa ang mga kuwento niya tungkol sa karanasan niyang nagbibigay inspirasyon.
“Ang pretty talaga ng eyes mo! At iyan na ang i-ma-magic natin ngayon kaya relax ka lang, okay?” Nakangiting tumango naman ako bilang tugon at pinikit ang mga mata nang simulan niya na ulit lagyan ng kung anong kolorete ito. May pagka-dark ang shade ng makeup at 'di ko alam pero nagawa ni Momsh Feil na medyo magmukhang hindi singkit ang aking mata. Brick red din halos ang shade ng lipstick ko ngayon.
“Ayan! Bago natin ilagay ang wig at saka maskara mo ay suotin mo muna sa banyo rito ang damit,” ani niya at kaagad naman akong tumungo sa may kaluwagang banyo sa loob ng makeup room. Kasama ko si Tiya Christine upang tulungan akong isuot ito.
Ang Daisy Restaurant ay kilalang restaurant na ang theme sa loob ay mala Medieval. Sikat din halos para sa mga date lalo na kapag araw ng mga puso. At dahil diyan, ang susuotin namin para sa gig ay damit na inspired sa mga medieval clothes.
Hindi naman kita ang dibdib ko sa suot, ternong puti at dark blue ang damit at medyo fit lang talaga pagdating sa baywang at dibdib. Medyo kinakabahan akong humarap sa salamin sa banyo pagkatapos magbihis.
“Okay lang po ba sa akin tingnan ang damit, Tiya?” tanong ko at huminga ng malalim.
“Oo naman! Okay na okay nga tingnan sa'yo ang damit. Bumabagay din sa katawan mo ang sukat talaga. Siya nga pala, kailangan na natin lumabas at isusuot mo pa ang wig maging maskara mo at mamaya-maya aalis na kayo. Magkakasama kayo sa van, si Ren ang mag-drive para ang isipan daw ay nagsabay-sabay na kayo papunta. Kinakabahan ako pero alam mo naman ang pinasok mo Victoria. Mag-ingat ka lang talaga sa mga taong nakapaligid sa'yo. Lalo na kilala ang banda halos dito nila Sir Prince kaya siguradong gagawa at gagawa sila ng paraan para malaman kung sino talaga si Miss River,” wika ni Tiya hanggang sa makabalik ako sa upuan at binubuksan ang wooden box kung saan nakalagay ang maskarang binigay ni Loave.
“Opo Tiya, magiging alisto po ako sa paligid ko,” sambit ko at tuluyan nang nabuksan ang box. Napanganga ako at nanlaki ang mga mata sa sobrang paghanga nang makita ang maskarang gagamitin.
Ang disenyo nito ay para talagang river. Ang tanging makikita lamang ay ang mga mata ko at adjustable din halos ito kaya 'di mamomroblema kung kasya sa akin o hindi.
Mayroon ding light blue na may kanipisang tela ang naririto. Ang purpose nito ay upang matakpan naman daw ang pisngi, ilong saka labi ko. Medyo kita lang pero hindi masyado. Ang tela ay may river design din.
Isinuot muna ni Momsh Feil ang wig ko. Color brown na kulot at nagmistulang nakatali ang buhok, 'yon ang istilo nito. Sumunod ay nilagay na ang maskara. Ang sapin ng paa ko ay medieval inspired din ang pagkakagawa ng leather shoes na kulay dark brown.
Long sleeve ang aking kasuotan pero sinuot ko pa rin ang bracelet na patunay na miyembro ako ng Eternal Band.
Mayroon din akong kwintas na suot na kulay gold at ang pendant ay logo rin ng banda namin. Nang matapos ang lahat ay tumulong muli si Momsh Feil na masuot ko ang maskara na bagay naman talaga sa akin lalo na sa suot kong damit.
“Ang ganda-ganda mo! Very pretty, as in, super pretty!” Papuri ni Momsh matapos ang lahat.
“Maraming salamat po,” tugon ko at at tiningnan ang sarili sa salamin. Maganda nga, subalit nawala rin ang ngiti ko nang maalala kung bakit kailangan ko pa ito sa aking mukha, dahil sa takot ko.
Ang gagawin ko mamaya ay maggitara lang din, sa last performance namin ay nasa amin lang halos ni Prince. Ako sa piano, si Prinsipe ang madalas aawit, paminsan-minsan lang sila Ismael.
LUMABAS na kami sa makeup room at tumungo sa sala. Naririnig na namin ang pag-practice nila ng kanta lalo na si Prince. Napangiti ako at lalong humanga nang makita ang suot nila, lalo na ulit kay Prinsipe. Halos bagay sa suot ko ang suot ni Prince habang ang tatlo naman ay brown ang kulay ng kasuotan.
“O-Okay ba?” tanong ko sa kanilang apat na nakatingin na sa 'kin ngayon.
“Wow . . .” ani ni Novheille.
“Looks like a goddess,” saad naman ni Kellix.
“You look beautiful, Miss River!” sambit ni Ismael at napatingin ako kay Prince at nagtagpo ang tingin namin sa isa't isa.
“You're perfect, Ria,” wika niya saka ngumiti kaya naman pinigilan kong ipahalata na sobrang kinilig ako sa kataga niya.
“Salamat, maraming salamat sa inyong komento,” wika ko at doon na rin dumating si Uncle Ren na kabababa lang mula sa kuwarto niya. Nakatanggap din ako ng papuri sa kaniya na pinagpasalamat ko muli.
HANGGANG sa narito na kami sa labas at pasakay na sa puting van. Nagpaalam na ako kay Tiya Christine bago pumasok sa loob. Sa may bintanang parte ako nakaupo sa bandang dulo at katabi ko si Prince. Nasa tabi din namin halos ang gitarang gagamitin. Sa piano naman ay wala na kaming problema dahil pareho lang daw ang ginamit ko sa practice doon sa nasa restaurant. Marami rin siguradong bibisita sabi ni Ismael lalo na anniversary ngayon at dinarayo raw talaga dahil sa Eternal Band rin.
Ilang segundo kaming tahimik ni Prince habang sila Novheille ay kumakanta-kanta pa. Napatingin ako sa labas saglit at nabigla noong halikan ni Uncle Ren si Tiya sa noo. Tinapik naman siya ni Tiya pero halatang nagustuhan din naman iyon dahil sa paraan ng pagpikit niya kanina at nasilayan ko pa ang munting ngiti. Mukhang susubukan niya talaga si Uncle kung talagang pursigido ito o seryoso talaga sa kaniya.
“Ria.” Kaagad kong nilingon si Prinsipe at ang lapit na lang namin sa isa't isa. Marahan niyang hinawakan ang kamay ko saka tumingin muna sa mga kaibigang busy bago nilapit ang bibig sa tainga ko.
“You're pretty, lovely, and you made me breathless, but I bet you look better without makeup. I love your natural beauty,” bulong niya saka medyo nilayo ang sarili sa akin.
Nag-iinit ang magkabilang pisngi ko at hindi makapagsalita pagkatapos n'on. Hanggang sa tuluyang umandar na rin ang van palabas ng hacienda. Nilingon ko saglit si Prince na nakapikit na ngayon ang mga mata.
Lakas magpakilig nitong prinsipeng ito!
Napailing-iling na lang ako at nakangiti ulit na binalik ang tingin sa labas. Tinted naman ang bintana ng van kaya wala ring problema.
NARITO na kami sa Daisy Restaurant at sa backdoor kami dumaan papasok. May sariling stage para banda talaga ang restaurant na ito at may nakatabing na pulang kurtina para 'di kami makita agad. Mamaya kapag saktong tumugtog na kami ay unti-unting bubukas iyon.
Ipinakilala ako nila Prince sa manager ng restaurant bilang Miss River lang talaga. Naunawaan naman nilang nais kong manatiling sikreto ang personal kong buhay kaya natutuwa ako.
Sa ngayon ay sinimulan na rin naming ayusin ang gagamiting music instrument. Nakita ko nga rin ang piano na kapareho lang ang ginamit ko sa music room habang nagsasanay.
Nagbigayan din kami ng pampalakas ng loob at fighting sign bago pumunta sa kaniya-kaniyang puwesto. Habang kumakain ang mga customer, ang mangyayari ay makikinig sila sa awiting may temang masaya na pagmamahalan.
Si Uncle Ren at ang may ari raw ng restaurant ay magkasama at siguradong manonood talaga sila sa amin. Humugot ako ng malalim na hininga at bago hinawakan ang gitara na aking gagamitin.
Ilang minuto ang lumipas at pagpatak ng ala sais ng gabi, dahan-dahang bumukas ang makapal na kurtinang nakaharang sa aming harapan.
Kasabay niyon ay ang sobrang tahimik lamang na paligid. Kitang-kita kung gaano katutok ang mga tao sa amin habang nagsisimula na kami tumugtog.