CHAPTER 13

2023 Words
VICTORIA'S POINT OF VIEW PAGKAPASOK pa lamang sa classroom ay napansin ko namang halos lahat ay umiiwas sa akin. Katabi ni Prince si Novheille habang magkatabi naman sina Kellix at Ismael. Halos tumapat naman ang kinauupuan ko sa kanila, magkaiba nga lang kaming row. Ang katabi ko ngayon ay isang babaeng tila siya lang ang napansin kong walang pakialam kung ako si Victoria Kim na anak ng kriminal. Siya pa ang nag-offer na magtabi kami. “Victoria Kim, tama? Ako si Loave Castillo!” Napangiti naman ako sa babaeng katabi ko noong magpakilala siya. Tiningnan ko kung may kaplastikan siyang pinapakita subalit wala akong nakita. Ang alam ko lang ngayon, sincere siya sa pagiging mabuti sa akin. Nilahad niya pa ang kaniyang kamay kaya nakipag-shake hands ako. “Salamat pala sa pag-offer sa akin kanina na tumabi sa iyo. Nice to meet you Loave,” tugon ko at pagkatapos ay naghiwalay din ang kamay namin. “Nice to meet you rin, Victoria,” sambit niya at saglit kong nilingon sila Prince at kita kong nakatingin siya sa akin. Tatanungin ko sana siya kung bakit ngunit pumasok na rin sa silid-aralan ang magiging adviser ng aming seksyon. “Magandang umaga, 10-Aster! Ako si Ginang Sally Rodriguez o pwedeng tawagin n'yo na lang akong Ma'am Sally o Ma'am Rodriguez. Ako ang inyong class adviser at Filipino teacher,” ani ng gurong nasa harapan namin ngayon. Muli siyang bumati sa amin at ganoon din ang ginawa namin sa kaniya. Matapos niyon ay inulit niya lamang ang mga sinabi noong orientation. May sarili na rin kaming kopya ngayon ng guide patungong room namin, sa clinic, schedule at iba pang mahahalagang malaman namin sa loob ng paaralan. “Dahil unang araw ngayon ng pasukan, ang gagawin natin ay bubuo ako ng grupo, random ito at hindi alphabetical katulad ng nakasanayan. Pagkatapos ay iyon na ang magiging permanente ninyong grupo hanggang matapos ang taong panuruan 1998 hanggang 1999. Karagdagan, matapos ng groupings ay magsisimula na ang pagpapakilala sa inyong sarili,” saad pa ni Ma'am Sally saka sinimulan na nga niya ang groupings. Napangiti ako noong maging kagrupo ko si Loave, medyo nalungkot lang ako dahil 'di ko kagrupo sina Prince, Kellix at Ismael, magkakasama sila sa ikatlong pangkat. Habang kasama ko naman din si Novheille at nasa ikalawang pangkat kami. Dahil tatlong upuan ang magkakatabi sa bawat row, ang nangyari ay katabi ko si Loave at katabi naman niya si Novheille. Sa pagsulyap sa kanila, tila may kakaiba akong nararamdaman sa dalawa. Napailing na lang ako saka lumingon sa ikatlong row kung saan nasa dulo rin nakaupo sila Prince at magkakatabi. Lihim akong napangiti dahil halos magkalapit lang kami ni Prinsipe, naiba lang sa grupo. NANG ayos na ang bawat pangkat na nabuo ni Ma'am Sally ay nagsimula na sa unang pangkat ang introduce yourself. Hanggang sa aming grupo na at ako na ang magpapakilala. Kinakabahan akong tumayo noong pinapunta na ako sa harapan at 'di na nanibago sa tingin nilang nakasunod sa bawat galaw ko. Nagbubulungan pa nga ang iba subalit sinasaway sila ni Ma'am Sally. Paulit-ulit akong napalunok at huminga nang malalim bago sinimulang magsalita. “Magandang umaga po sa inyo Ma'am Sally at sa mga kamag-aral ko. Ako si Victoria Kim, fifteen years old. Ilan sa kinahihiligan ko ay ang pagsusulat ng tula at saka song lyrics. Mahilig din akong—” “Mag-shabu?” tanong ng lalaking nasa ikaapat na pangkat at nagsimulang tumawa ang karamihan. Napatingin ako kila Prince at naramdaman kong sasawayin sana niya ang lalaki kanina pero umiling-iling na ako bilang pagpipigil na kaniyang gagawin. Sinaway at pinagalitan din ng adviser namin ang lalaking iyon saka pinatuloy niya na ako sa pagsasalita. Nanlalamig akong naglakad paalis sa harap. Mabuti na lang din ay sa dinaraan ako nakatingin at napansin ang paa ng isang babaeng kagrupo ko. Mukhang balak niya akong patirin subalit nabigo siya at bago pa ako maupo ay naramdaman ko ang paghawak at pagpisil saglit ni Prince sa kamay ko at kahit paano ay kumalma ako. Sunod na nagpakilala si Loave na mahilig din palang magsulat ng stories katulad ni Novheille at ni Kellix. Hanggang sa lahat ay natapos na bago tuluyang umalis si Ma'am Sally saka sumunod na pumasok ay ang English teacher namin na si Mr. Lopez. Maging sa kaniya at iba pang sumunod na mga subject ay groupings at introduce yourself lang halos. Hanggang sa sumapit na ang breaktime at nagsilabasan na ang mga kaklase ko maliban kila Loave. “Sabay tayo papuntang canteen, please?” Nilingon ko naman si Loave matapos isukbit ang bag ko. “Sige, ayos lang ba sa'yong isama talaga ako? Alam mo naman—” “Shhh, alam ko na ang sasabihin mo. Huwag ka mag-alala at wala akong pakialam sa mga panghuhusga ng mga 'yon. Hayaan mo sila, mapapagod din mga iyon. The more na papansinin mo sila, the more na mag-e-enjoy silang husgahan ka,” saad ni Loave kaya gumaan ulit ang pakiramdam ko kahit paano. “Salamat, Loave,” tugon ko at ngumiti naman siya bago tumingin kay Prince. “Pahiram muna ng girlfriend mo, Prince. Sa canteen lang kami,” wika ni Loave at dedipensahan ko sana ang sarili nang magsalita si Prince. “Okay lang sa aking magkasama kayo ni Ria pero mas okay kung sasama ka sa amin para mapagmasdan mo ang—” “Prince, huwag mo naman ako ibuking.” “Tss.” Hindi man natuloy ang sasabihin ni Prinsipe ngunit naintindihan ko kaagad kung sino ang tinutukoy nila. Si Novheille, tahimik lamang itong nakamasid kay Loave at noong maramdaman niyang napansin ko siya ay umiwas ito ng tingin. “Sama-sama na lang tayo Loave,” sambit ko at agad siyang sumang-ayon. Noong lumabas na kami sa classroom ay nauuna kami halos ni Loave at nakasunod naman ang apat na lalaki sa amin. “So, kayo pala ni Prince ah?” pabulong nitong tanong. Kaagad naman akong umiling sa kaniya. “Hindi. Hindi kami, walang kami Loave. Pero baka kayo ni Novheille, alam kong may something sa inyo,” sagot ko rin na pabulong. “Huwag mo na itanggi, hindi nga itinanggi ni Prince eh. Saka wala namang masama—” “Promise, hindi kami Loave pero c-crush ko siya, okay na?” “Tiling-tili na ako Victoria pero kailangan kong magpigil. Crush ko rin si Novheille, secret lang natin ito ah?” Mahina naman akong natawa at tumango sa kaniya. “Oo, basta sekreto lang din natin ang sinabi ko, okay?” “Oo naman!” aniya at nakangiti akong lumingon saglit kay Prince. Saglit lang dapat iyon pero nahuli ko rin siyang nakatingin sa akin habang nakangiti kaya medyo matagal bago ako tumingin ulit sa harap. Bakit ka ganiyan makatingin at makangiti sa akin Prinsipe? Kulang na lang mag-assume ako pero dapat kong iwasan din dahil baka masaktan lang ako. NARITO na kami sa canteen at wala namang nakakapanibago sa inakto ng karamihan noong makita ako. Maging ang tindera sa canteen ay naiilang na ako kakatingin niya sa akin habang bumibili ako. Ngayon ay nasa table na kami na napili at kumakain na. Nag-uusap-usap sila Prince patungkol sa banda nila at magkatabi naman kami ni Loave at tahimik na kumakain. Minsan ay sinusulyapan namin ang crush namin sabay iiwas ng tingin kapag nahuhuli kami. Ubos ko na ang fries na binili at nabitin ako dahil masarap ang luto. Iinom na lang sana ako ng iced tea na aking binili ngunit nabigla ako noong nilapag ni Prince ang fries niyang hindi pa nababawasan kahit isa. “Bakit mo nilagay dito? Sa'yo ito,” sambit ko at balak sana ibalik subalit pinigilan niya ako at sinubuan pa ng kinuha niyang ilang piraso. “It's yours now, so eat,” sabi niya at nagpatuloy lang ulit siya sa pakikipag-usap sa mga kaibigan. Bigla naman akong kiniliti saglit ni Loave sa tiyan at pinandilatan ko naman siya. Patukso niya akong tiningnan sabay titingin saglit kay Prince at babalik sa akin sabay tumataas-taas ang kanang kilay. Napailing-iling lang ulit ako at napatingin ulit kay Prince sabay pasalamat dahil sa fries bago kinain. Si Loave naman ay nahirapang buksan ang takip ng binili niyang mineral water dahil madulas pala ang kamay dahil din fries at burger na kinain niya. Dahil katabi rin niya ulit si Novheille ay ito ang tumulong na buksan ang water bottle niya saka siya naman ang kiniliti ko saglit matapos uminom. Tinaas-taasan ko rin siya ng kaliwanag kilay. PAGKATAPOS ng breaktime namin ay balik ulit sa classroom at groupings, introduce yourself o minsan may kaunting hint sa magiging lesson kinaumagahan. Iyon lang ang ganap namin sa first day ng school. Hanggang sa uwian na ay wala namang pinagbago muli sa mga ginagawa ng tao sa tuwing nakikita na ako. Kasalukuyang nasa waiting area kami malapit sa parking lot. Nauna na si Loave umalis dahil maaga dumating ang sundo niya. Kaming lima ay narito pa rin dahil naghihintay ng sundo. Habang nakaupo ako at nakatingin sa mga puno sa paligid ay may ideyang biglang pumasok sa isipan ko. Napangiti ako at tumingin sa apat na kasama saka kinuha ang kanilang atensyon. “May gusto akong sabihin sa inyo at sana pumayag pa kayo,” ani ko na medyo kinakabahan. Sana tama ang desisyon kong ito! “Nakahanda kaming makinig, Victoria,” saad ni Ismael at tiningnan ko muna sila isa-isa at nagdesisyong ibulong na lang ang sasambitin ko. Una akong bumulong kay Prince na siyang katabi ko hanggang sa umabot iyon sa nakaupo sa dulo, kay Kellix. “P-Puwede pa kaya?” tanong ko at ang ngiti ay nauwi sa munting pagngiwi habang hinihintay ang tugon nila. Nakatingin silang apat sa akin ngayon at sumenyas na sandali lamang daw. Nag-usap sila ulit sa paraang bulungan bago binalik ang atensyon sa akin. “Kung hindi naman ayos ang ideyang iyon o kaya hindi puwede huwag na lang siguro. Dahil alam n'yo naman ang aking dahilan,” wika ko pa at humugot ng malalim na hininga. “Ang tanong, sigurado ka ba sa gusto mo Victoria? Kasi kung oo, pumapayag kami,” ani ni Novheille. “Oo, sigurado na ako sa desisyon ko. Okay lang din ba ang plano kong iyon, t-tama ba?” “Maayos naman ang plano mo Ria, susuportahan ka namin,” ani ni Prince at balak niya na namang guluhin ang buhok ko subalit napigilan ko siya kaagad. Natawa siya at dahil maliit ang kamay ko kaysa sa kaniya, halos nag-apir lang kami saka pinagsiklop ang aming kamay. Tumikhim naman ang tatlo at nakaramdam ako ng hiya. Balak ko na na rin sanang paghiwalayin ang kamay namin ni Prinsipe pero mahigpit ang kapit niya saka gusto ko rin ang pakiramdam kaya hinayaan ko na. “Ngayong nakapag-usap-usap na tayo, welcome to our band, Victoria. Have nice, happy and endless memories in Eternal Band!” wika ni Kellix, pabulong lang na may diin din dahil walang pwedeng ibang makaalam na kasali na ako sa kanilang banda. Napangiti naman ako lalo na noong nag-group hug kami. Ilang sandali lang din ay dumating na ang aming sundo. Patungo rin naman sila Kellix sa hacienda dahil mag-pra-practice kami para gig bukas. “Ria,” ani ni Prince kaya nilingon ko siya. Nagtataka ako noong inabot niya ang kanang kamay ko saka sinuot ang isang gold bracelet. Ang lock nito ay naroon sa logo ng Eternal Band at engrave bracelet din ito, may nakasulat na River at bigla akong may naalala. “Kung sakaling sasali ka sa banda naming Eternal Band, ano ang gusto mong stage name? I mean parang sa mga celebrities,” tanong ni Prince habang nasa may hardin kami at gabi na, nagpapahangin lamang kami. “Eh? Siguradong hindi ako makakasali dahil alam mo na. Pero dahil naitanong mo na rin, naisip ko na River. Iyon din ang balak kong penname kung papalarin sa susunod na makapasa sa publishing house na nag-pri-print ng mga tula. May paligsahan sila tapos pipili sila ng sampung katao na mananalo tapos iyon, ililimbag nila sa libro ang mga tula.” “Prinsipe . . .” “You're now officially part of the Eternal Band, Miss River.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD