PAUWI na ako sa bahay at kasalukuyang na-stuck sa traffic. "Nakakainis naman itong buhay, oh. Kung kailan ka nagmamadaling umuwi saka ka aabutin ng siyam siyam dahil sa traffic. Buwisit!"
Excited akong umuwi sa bahay, tumawag si Ninong Lauren at may ibibigay daw siya sa akin. Matagal na rin kaming hindi nagkita. Nagtrabaho siya sa ibang bansa, at kauuwi lang niya rito sa Pilipinas. Matagal man kami hindi nagkita, hindi niya ako nakalimutan na padalhan ng mga regalo sa lahat ng okasyon. Paborito raw niya ako sa lahat ng inaanak niya.
Si Ninong Lauren Castillo ay ninong ko. Hindi sila close friends ni daddy. Naging ninong ko siya dahil nagkataon na ito ang duty na nurse nang araw na ipinanganak ako. Ang kuwento nila, dahil lang daw sa bet. Natalo si Ninong Lauren sa pustahan, kaya ang naging parusa ay maging ninong ko siya. Grabe, magparusa ang parents ko. Para tuloy nakuha sa pilit si Ninong Lauren.
Fifteen years lang ang age gap namin dalawa. He's thirty seven, at twenty two naman ako. Mukha pa talagang bata si Ninong Lauren. Madalas nga akong pagkamalang girlfriend niya tuwing magkasama kami. Okay lang naman. Guwapo rin kasi si Ninong at matangkad pa. Sobrang ganda pa ng katawan nito.
Napalingon ako sa phone ko nang mag-ring ito. Speaking of the devil, ito na nga ang tawag ni Ninong. Mukhang naiinip na sa paghihintay sa akin sa bahay.
Kinuha ko ang headset ko at inilagay sa tenga. At sinagot agad ang tawag ni Ninong Lauren.
"'Nong, I'm stuck in traffic. Sorry," bungad ko sa kanya sa kabilang linya.
"It's okay, Celestine. Tumawag lang ako sa'yo para ipostpone muna ang pagkikita natin. May biglaan kasi akong gagawin."
Napalabi ako. Excited pa naman akong makita siya.
"Sayang hindi kita makikita ngayong gabi. Lintek na traffic ito, oh!" Inis na inis kong sambit. Narinig ko ang malakas na tawa ni Ninong Lauren sa kabilang linya.
"May ibang araw pa naman, Celestine. I promised na buong maghapon tayong magkasama."
Lumiwanag ang mukha ko. Para akong bata nang malaman na maghapon kaming magsasama ni Ninong Lauren. "Sinabi niyo 'yan, ha."
"Oo nga. Pangako. Mag ingat ka sa pag uwi mo, Celestine. And I miss you, inaanak ko," malambing na paalam ni Ninong. Para akong idinuduyan sa lambing ng tinig nito.
Mahigpit akong napahawak sa manibela ng kotse ko at parang tangang ngumiti. Nai-imagine ko sa isip ko ang pagkikita namin.
Malapit na ako sa bahay ko. Buti na lang at umusad na ang mga sasakyan at nawala na ang traffic. Dahil lang pala iyon sa mga motorista na walang disiplina. Kaya nagkakaroon ng aksidente sa daan.
Nang nasa tapat na ako ng gate ay pinindot ko lang ang remote ng gate at bumukas ito. Diretso ko ng naipark ang kotse ko sa parking.
Pupunta na ako sa bahay na tinitirhan ko. Mula ito sa pagod ko sa pagtuturo. Binili ko ito last year lamang. Dahil nga sa kagustuhan kong humiwalay sa parents ko at mamuhay bilang independent woman.
Kinuha ko ang bag ko at lumabas ng sasakyan. Saka tumuloy na akong pumasok sa loob ng bahay. May tatlong kuwarto sa taas at isang kuwarto sa baba. Ang kasama ko lamang sa bahay ay si Nanay Diosa. Siya ang kasambahay ko. Pero sa gabi ay umuuwi siya sa bahay nila. May pamilya rin si Nanay Diosa na kailangang asikasuhin. Sanay naman na ako mag-isa.
Pumanhik na ako sa second floor. At pumunta sa kuwarto ko. Inilapag ko ang bag ko sa side table. Saka dumiretso na ako agad sa banyo para maglinis ng katawan. Hindi na ako makakain ng hapunan. Pagod na ang katawan ko at gusto ko na ring matulog.
Nakatapis lang ako ng tuwalya ko nang lumabas ng banyo. May isang tuwalya rin sa ulo ko. Muli kong binalikan ang aking bag at hinanap ang cellphone ko.
Napansin ko agad dahil sa malakas na ringtone nito at tiningnan kung sino ang tumatawag. Unregistered number?
"Hello."
"Ito po ba si Ma'am Celestine Cruz?" tanong ng nasa kabilang linya.
"Opo. Sino po sila?"
"Ma'am, pulis po ito. At nasa ospital po ang parents n'yo. Nagkaroon po ng sunog sa bahay n'yo kaninang umaga po."
Nagulat ako sa sinabi ng pulis. Si mommy at daddy. Oh, God! Huwag naman po sana.
"Saan pong ospital dinala ang parents ko?" tanong ko habang inipit ko ng balikat ko ang phone ko at naghanap ng maisusuot.
"Dito po sa malapit sa inyo. Ma'am, kailangan n'yo pong pumunta r'to sa ospital."
"Opo. Pupunta na po ako," natataranta kong sagot. Agad kong pinatay ang tawag at nagbihis. Hindi na ako nakapagsuklay ng buhok ko sa sobrang taranta.
Sana'y ligtas sina mommy at daddy.
Diyos ko, 'wag naman po sanang magkaroon ng hindi magandang nangyari sa kanila. Paulit ulit kong dasal sa isip. Habang ang lakas ng kabog sa dibdib ko na binabagtas ang daan papunta sa ospital.
Gaya ng sinabi ng pulis na tumawag sa akin kanina ay narating ko agad ang ospital. Halos paliparin ko ang kotse ko, wala na akong pakialam kung mahuli ng traffic enforcer for overspeeding. Ang nasa isip ko lang ay makarating ako agad ng ospital.
Patakbo akong lumapit sa information. May nurse na nakaupo r'on at nasa harapan nito ang isang monitor.
"Hi, I'm Celestine Cruz. May pasyente bang naitakbo rito na Ceejay at Laura Cruz? Iyong galing sa sunog." Hinihingal kong tanong. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Hindi ko na maintindihan ang nararamdaman ko sa ngayon.
Tumayo ang babae at matiim niya akong tinitigan. Parang ayaw nitong magsalita na kinainis ko.
"Miss, sagutin mo ang tanong ko! May itinakbo ba ritong mag asawang Cruz. Halos magmadali ako papunta rito pagkatapos titignan mo lang ako ng ganyan. Parents ko sila. Please, sabihin mo na. Anong nangyari sa mga magulang ko?" Halos magmakaawa ako at hindi na napigilan na bumagsak ang mga luha ko.
Sobra akong nag aalala para da kaligtasan ng parents ko. Ayokong mag isip ng hindi maganda. Ayokong isipin na may nangyari sa kanila.
Pumukit ako at taimtim na nagdasal.
"M-Miss Cruz, nasa m-morgue na po ang parents n'yo," garalgal ang boses ng babae habang binibigkas 'yon.
Napamulat ako at natulos sa aking kinatatayuan. Nag unahan na lalo sa pagpatak ang mga luha ko. Nanginginig ang mga kamay ko. Gusto kong sumigaw, pero walang salita ang lumalabas sa bibig ko.
"B-Bawiin mo ang sinabi mo, m-miss. B-Baka nagkakamali ka ng pasyente. Hindi puwedeng mamatay ang parents ko! No! Hindi sila puwedeng mawala!" Bulyaw ko na umiiling iling. Saka napahagulhol na ako ng malakas na iyak.
Paano nangyari 'yon? Sa isang iglap biglang naglaho lahat sa akin. Hindi ako makapaniwala na mangyayari ito sa akin.
Para akong mawawalan ng malay sa narinig ko. Nanghihina ang mga tuhod ko. Para akong biglang nilamig.
Agad kong pinunasan ang mga luha ko sa mata at muling hinarap ang nurse.
"Nasaan ang morgue?" Lakas loob kong tanong.
Pinagmamasdan pa rin ako ng babae sa aking harapan. "Okay ka lang ba, Miss Cruz?"
"Hindi ako okay, miss! Nasaan ang morgue?" Galit kong tanong sa kanya. Pilit ko pa ring isinasaksak sa utak ko na hindi sila mommy at daddy 'yon. Hindi ko kailangan ng simpatya ngayon. Baka nagkakamali silang mga magulang ko ang dinala sa morgue. Hindi sila patay!
"Sasamahan na kita, Miss Cruz," nasa mababang tono na sabi nito sa akin.
Bakit ba niya ako kinakaawaan? "Kaya ko, miss. Just tell me the way." Huminahon ako at pilit na pinapakalma ang sarili. Pero walang tigil pa rin sa pagbagsak ang mga luha ko sa mata.
Tumango ang babae sa akin. "Diretsuhin mo lang ang daan na 'yan. Sa dulo ay makikita mo ang morgue."
"Thank you," agad akong tumalikod. Pero hirap na hirap akong ihakbang ang mga paa ko papunta sa sinasabing morgue ng babae.
Pinilit ko ang sarili ko. Gusto kong patunayan na hindi sila ang mga 'yon. Kaya kailangan ko silang makita. Tumakbo na ako. At nakita ko na agad ang pinakadulo ng ospital.
Huminga muna ako ng malalim na malalim. Inayos ko ang sarili ko. Pinunasan ang luha ko sa mga mata ko. Saka dahan dahan na naglakad.
Nang nasa tapat na ako ng pinto ay sinilip ko pa kung may tao sa loob. Pero may nakita akong dalawang kulay itim na plastic. Parang may katawan ng tao sa loob ng itim na plastic na 'yon.
Nagsimula na naman akong kabahan. Nanginginig na ang mga kamay ko. At pumatak na naman ang luha ko sa mga mata ko.
"Ano ka ba, Celestine? Hindi sila 'yan!" saway ng sarili kong utak.
Pumasok ako sa loob at nilapitan ang katawan na nasa loob ng plastic. Pikit mata kong binuksan ang isa.
Napatakip ako ng bibig ko. Pinipigilan ko ang sumigaw.
"No! Daddy!"
Napatukod ako sa mga tuhod ko. Nanlalambot ang mga tuhod ko, anumang oras ay titimbuwang ako. Halos dumugo ang labi ko sa mariing pagkagat ko habang tumatangis ng iyak.
"Daddy...." sambit ko pa. Nilakas ko ang loob ko at tumayo ng tuwid. Pinuntahan ko ang isang plastic. Nanginginig ang kamay ko na hinawakan ang zipper at ibinaba para mabuksan.
Napatingala ako. "Si mommy, ang mommy ko 'yon!"
"Aaahhhh—!" Napasigaw ako ng malakas. Ngayon lang sumagi sa isip ko na wala na talaga sila.
Ulila na ako. Iniwan na ako nina mommy at daddy.