TINANGGAL ni Bainisah ang lapel mic na nakakabit sa damit niya nang mamatay ang ilaw ng camera na nakatutok sa kanya. Tapos na ang live telecast nila.
“Good job, everyone…” wika ni Yu sa lahat ng naroroon bago siya binalingan. “May bisita ka. Lalaki,” wika nito. Nakalabas na sila ng studio at naglalakad sa pasilyo papunta sa dressing room niya.
“Bisita?” Sino naman ang bibisita sa kanya? Sa pagkakatanda niya, wala pang nagtangkang bisitahin siya sa studio o maging sa apartment niya mula nang maiugnay ang pangalan niya kay Zeke Moreno. Ang lahat ay nangingilag kay Zeke. Hindi nga ba at iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit hindi niya itinatama ang maling akala ng iba tungkol sa kanila ni Zeke? Nagagawa niyang makaiwas sa unwanted suitors.
“Yes, bisita. Pinatuloy ko na sa dressing room mo. Pinagkakaguluhan na sa visitor’s lounge, eh. Sana makumbinsi mo siya na dito na sa MBN pumirma ng kontrata oras na naisin niyang pasukin ang pag-aartista,” dere-deretsong sabi nito.
“Wait, Yu. Sino ba ang tinutukoy mo?” natatawang tanong niya rito.
“Ah, hindi ko pa ba nababanggit sa iyo na si Alexander ang bisita mo? Alexander Mondragon, the supermodel!”
“Oh!” nasorpresang bulalas niya. Hindi niya inaakala na tototohanin nito ang sinabing dadalaw sa kanya sa studio. Isang linggo na rin kasi ang nakararaan mula nang makauwi siya sa Maynila.
“O, paano, Bainisah? Mauna na ako, ha. May meeting ako mamaya.”
“Thanks, ingat.”
Dali-dali na niyang tinungo ang dressing roon. Bahagya siyang nailing nang makita niyang maraming reporter ang nakaantabay sa lobby. Mukhang tama nga si Yu na pinagkakaguluhan ang modelo at natitiyak niya na lalabas sa entertainment news ang pagdalaw na ito ni Alexander. She wondered what Vladimir would think of. Natigilan siya. Bakit si Vladimir ang naisip niya? At bakit pinoproblema niya kung ano ang maaaring isipin nito?
“Hello, Bainisah. Ano’ng meron sa inyo ni Alexander? Are you two dating?” walang ligoy na tanong sa kanya ng isang reporter.
Namalaya na lang niya na nakaumang na sa harap niya ang lahat ng microphone na hawak ng mga ito at hinihintay ang sagot niya.
“Narito ba siya para pumirma ng kontrata sa MBN?” tanong ng isa pa.
“Sorry, guys, but no comment ako sa mga tanong n’yo,” aniya bago tuluyang pumasok sa kuwarto. Agad itong tumayo mula sa kinauupuan nang makita siya. He gave her a charming smile.
“Hello, Ate Bai…”
Tumaas ang isang kilay niya. “Ate?” gagad niya rito.
Napakamot ito sa ulo. “I’m sorry. Na-offend ba kita?”
Natawa siya. Ang totoo ay nakahinga siya nang maluwag sa pagtawag nito sa kanya ng “ate.” Kahit kasi nag-uumapaw ang karisma ng modelo, hindi siya makadama ni katiting na atraksiyon para dito. Kung “ate” ang tawag nito sa kanya, wala itong ibang intensiyon sa kanya kundi pakikipagkaibigan. Ikinatutuwa niya iyon dahil siya man ay pagtinging-kapatid lang ang nararamdaman para dito. Hindi katulad sa kapatid nito na nakadama siya ng kakaibang atraksiyon.
“Actually, I was relieved,” sagot niya na ikinahalakhak nila pareho. “I was older than you, pero huwag mo nang ipangalandakan, okay?” natatawang dugtong niya.
“Sure.” Inabot nito sa kanya ang isang bouquet ng mga rosas na nahahati sa apat na kulay: pula, puti, dilaw, at peach. “Para nga pala sa iyo. Hindi ko alam kung ano ang paborito mo kaya inapat na kulay ko na.”
“Thank you. These are lovely. Please, maupo ka uli, Xander. Coffee or juice?”
“Oh, thanks but don’t bother, Bai. Naparito ako para sana hingin din ang contact numbers mo. Aalis na kasi uli ako para sa modeling commitments ko sa Europe. Gusto ko sana na magkaroon pa rin tayo ng communication.”
Napangiti uli siya. “Wala namang problema sa akin. Isang karangalan na maging kaibigan ang isang Alexander Mondragon.”
“The pleasure is mine, too. Siyanga pala, can I invite you out for dinner? Iyon ay kung wala kang ibang commitments.”
“Naku, pasensiya na, Xander. May meeting ako mamayang eight, eh. Ganito na lang. Ibigay mo sa akin ang contact number mo, then ako na lang ang magte-text sa iyo kung kailan ako puwede. Is that fine with you?”
“Sure. Pero sana within this week. Next week na kasi ang flight ko.” Kinapa nito ang bulsa. “Oh, I forgot my phone. Pahiram na lang ng CP mo, isi-save ko na lang ang number ko then ipapa-ring ko para makuha ko rin ang number mo.”
“Okay.” Iniabot niya rito ang telepono. Nag-dial nga ito roon. Malapad ang ngiti na ibinalik nito sa kanya ang telepono. Tumingin ito sa suot na relo. “Naku, naaabala na kita. It’s seven thirty in the evening at may meeting ka pa nang eight. Paano, mauna na ako?”
“Sure. Thank you for dropping by, Xander, and thank you sa flowers.”
“No problem. Hihintayin ko ang text o tawag mo, okay?” wika nito bago hinagkan ang pisngi niya.
“THANK God, tapos na ang meeting!” hindi napigilang bulalas ni Vladimir pagkalabas niya sa opisina ni General Ramos. Nasa camp crame siya. Nasalubong niya ang ilang sundalo sa kahabaan ng pathway patungo ng parking lot. Sumaludo ang mga ito sa kanya na tinugon niya, pagkatapos ay nagmadali na siyang makarating sa kanyang sasakyan.
Nabili niya ang kotse mula sa sarili niyang pera. Kung tutuusin, lahat ng gamit niya ay nabili niya mula sa sarili niyang bulsa at hindi galing kay Alexander dahil hindi niya pinakikialaman ang pera ng kapatid. Iyon nga lang, hindi niya mapigil ito kapag kahon-kahon siya nitong pinasasalubungan ng mga branded na kagamitan, mula sa sapatos, damit, at kung ano-ano pang bagay. Napipilitan siyang tanggapin ang lahat ng iyon. Sa tanang buhay nilang magkapatid ay isang beses pa lang silang nag-away nang grabe at iyon ay nang matuklasan niyang ipinagbukas siya nito ng bank account at halos kalahati ng kinikita nito ay inilalagak doon. Halos umusok ang ilong niya sa galit. Ipinagkamali kasi niya na minemenos nito ang trabaho niya. Na hindi siya uunlad sa pagsusundalo. Isinauli niya rito ang pera. Nagsagutan sila ni Alexander. But Alexander was furious, too. Hinamon siya nito. Babawiin lang nito ang pera kung sa loob ng isang taon ay mapapakitaan niya ito ng kahit isang milyon sa bank account niya. Wala itong pakialam saan man niya kuhanin ang pera kahit sa ilegal na paraan iyon.
Hindi niya alam kung paano kikita ng isang milyon sa loob ng isang taon pero tinanggap niya ang hamon nito. Isang linggo rin siyang nahirapan noon sa pag-iisip kung ano ang gagawin niya. But definitely, illegal works was a no-no. Hinding-hindi niya babaliin ang prinsipyo niya. Until he came up with the idea of playing at the Philippine Stocks Exchange. Lahat ng ipon niya ay ibinili niya ng shares sa isang realty corporation na katatapos lang ng turnover sa bagong pamunuan. Malalaki-laki rin ang ipon niya dahil halos wala naman siyang ginagastos para sa sarili niya. It was a big risk but it turned out that he did the right thing because the Reyes Realty boomed in success. Sa loob ng isang taon ay kumita siya nang isang milyon. Pero hindi doon natatapos ang lahat dahil ipinagpatuloy niya ang pag-i-invest. Sa ngayon ay may milyones na rin siya sa bank accounts niya at patuloy na lumalago ang mga shares of stocks niya. Gatuldok lang iyon kompara sa pera ng kapatid. Gayunman, ipinagmamalaki naman niya na sariling pera niya iyon. Lahat ng pera niya, assets, and liabilities ay maayos na nakatala sa isang accounting firm. Ayaw niyang dumating ang oras na akusahan siya ng pagnanakaw at paggamit ng katungkulan para yumaman.
Napailing siya. Sobrang layo na naman ng nilakbay ng isip niya gayong ang nais lang niya ay tawagan si Alexander. Sakay na siya ng kotse niya nang hagilapin niya ang cell phone niya. May isang mensahe roon at tatlong missed calls. Inuna niyang tingnan ang missed calls. Galing ang isa kay Alexander habang ang dalawa ay galing sa isang numero na hindi pamilyar sa kanya. Binasa niya ang mensahe na mula sa unregistered number.
I was calling you pero busy ka yata. Anyway, as I promised to you, free ako tonight. Let’s meet at the Café Caridad at 9pm. It’s my treat, no arguments.
Kumunot ang noo ni Vladimir. Who could it be? Wala siyang maunawaan sa mensaheng iyon. Binalikan niya ang missed calls at nakita niyang pareho ang numero.
“Wrong number marahil,” mahinang wika niya bago inilagay sa dashboard ang cell phone. Ipinasok na niya sa ignition ang susi ng sasakyan at ilang sandali pa ay lumalabas na ang sasakyan niya sa vicinity ng Camp Crame. Wala pang isang oras ay nasa condo unit na siya ni Alexander sa Mandaluyong. Kapag nasa Maynila siya ay doon siya tumutuloy o kaya ay sa isa pa nitong bahay na nasa Cavite. Lahat ng bahay na pag-aari ni Alexander ay may sarili siyang susi. Puwede siyang tumuloy roon kahit anong oras.
Agad siyang naghubad at nagtungo ng banyo. Paglabas doon ay natawag ang atensiyon niya ng television set. Funny, pero agad pumasok sa isip niya si Bainisah dahil doon. Binuksan niya iyon. It was an evening newscast. Lalaki ang newscaster na kasalukuyang nagbabalita at tulad ng dati, kaliwa’t kanang p*****n na naman ang nasa mga balita. Ipinasya niyang ilipat ng channel pero bago pa niya magawa iyon, nahagip na ng tainga niya ang sinabi ng lalaking newscaster at sa isang iglap ay nakatutok na kay Bainisah ang camera at ito naman ang nagbabalita. Nahigit niya ang kanyang hininga. Napakaganda ng rehistro nito sa camera. She was dignified and she talked with class. Her voice was a little bit husky and God, it was sexy. She was wearing a tailored suit and her hair was in a bun. Hindi niya alam kung bakit kakaiba ang dating sa kanya ng bawat pagbuka ng mga labi nito. Tila ba direkta itong nakikipag-usap sa kanya. Nakadama siya ng pagtutol nang matapos na ang pagbabalita nito at mag-cue ito para sa commercial break. Ipinikit niya ang mga mata. Muli ay nakita niya sa kanyang balintataw ang hitsura nito pati na ang pagkakayakap nito noon habang sakay sa kanyang motorsiklo.
Nagmulat siya ng mga mata nang muling tumunog ang telepono. Kinuha niya iyon. Muling kumunot ang noo niya nang makita niyang mula iyon sa numerong nag-missed call at nagpadala ng mensahe. Binasa niya iyon.
Tuloy ba tayo mamaya?
Hindi niya alam kung bakit tila may sariling isip na pinindot niya ang Reply button at nag-compose ng message.
Yes. I’ll be there.
Naipadala na niya ang mensahe bago pa niya maunawaan ang ginawa niya. Nag-reply uli ito. Binasa niya iyon.
Great! Nagpareserve na ako ng mesa. If ever na mauna ka, just ask for Bainisah’s table. 9PM. See you there!
“Bainisah?” bulalas niya. Could it be Bainisah Gandamato’s number? Pero paano nito nakuha ang numero niya? Was the message really for him? Sinulyapan niya ang suot na relo. It’s only seven in the evening. Kung hindi siya nagkakamali, malapit lang doon ang Café Caridad. Kung ganoon, may oras pa siya para umidlip. Pupunta siya roon. Bahala na siyang alamin sa Café kung ang makakatagpo ba niya roon ay si Bainisah Gandamato.
Nagawa niyang makaidlip ng isang oras. Agad na siyang nagbihis ng isang casual na polo shirt at pantalong maong. Hindi niya alam kung bakit nakakadama siya ng excitement sa munting laro na iyon. What if wrong send lang pala ang mensahe at hindi talaga si Bainisah Gandamato ang babaeng iyon?
Beinte minutos bago mag-alas-nuwebe ay naroon na sa parking lot ng Café Caridad si Vladimir. Umibis na siya ng sasakyan at pumasok ng establisimyento. It was a fine-dining restaurant. Mabilis niyang iginala ang kanyang paningin sa kabuuan ng restaurant. Halos lahat ng mesa ay okupado at tanging iisang mesa lang ang—
Nahugot niya ang kanyang hininga nang makita niya ang likuran ng isang babaeng nakaupo sa pandalawahang mesa. Noon may umasisteng waiter sa kanya.
“Bainisah’s table, please,” aniya rito.
“This way, Sir.”
Lihim siyang napailing nang makita niya ang mesang tinutungo nila.
“Thank you. I’ll take it from here,” wika niya sa waiter nang malapit na sila sa mesa. Nagpaalam na ang waiter. Inilabas niya ang telepono at nag-dial doon habang hindi niya iniaalis ang mga mata sa iisang direksiyon. Nag-ring ang telepono. Nakita niya ang pagkuha ng babae sa telepono nito. Sinagot nito ang telepono. Kasunod niyon ay narinig niya ang tinig nito. He needed no more confirmation. He’ll be seeing Bainisah Gandamato then.