Habang naglilinis ako ng kusina, napansin kong paalis na naman sina Ma’am Jenny at Sir Fernando. Katulad ng mga nakaraang araw, maaga silang umaalis at gabi na kung umuwi. Minsan napapaisip ako. Ganito ba talaga ang buhay ng mga mayayaman?
Laging abala tapos laging may meeting?Laging may trabaho. Hindi ko rin maiwasang isipin si Christopher.
Kahit mayaman siya at nasa kanya na yata ang lahat ng gusto niya, parang wala siyang kasama sa bahay.
Hindi ko pa kailanman nakita ang mga magulang niyang nagtanong kung kumusta siya. Kung masaya ba siya o kung may problema ba siya.
Minsan naiisip ko, baka kaya ganoon ang ugali niya dahil lumaki siyang halos mag-isa.
“Ineng.” Napalingon ako kay Manang Nancy.
“Tinatawag ka raw ni Sir Christopher sa taas.” Napakunot ang noo ko.
“Ako po?” Tumango siya.
“Baka may ipapalinis.” Napabuntong-hininga ako.
Hindi pa nga ako tapos sa kusina pero trabaho ko ito.
“Sige po.” Ngumiti si Manang Nancy.
“Ako na muna rito. Baka mainip pa iyon at magalit.” Tumango ako bago nagmadaling umakyat sa ikalawang palapag.
Habang papalapit ako sa kwarto ni Christopher, hindi ko maintindihan kung bakit bumibilis ang t***k ng puso ko.
Kumatok ako.
Tatlong beses.
Ilang segundo ang lumipas bago bumukas ang pinto. At tulad ng dati, seryoso ang mukha niya. Ngunit may kung anong kakaiba sa mga mata niya.
Parang pagod. Parang may iniisip.
“Pasok.” Nagulat ako.
Hindi siya karaniwang magalang. Pumasok ako sa loob. Napakalinis ng kwarto niya. Mas malinis pa nga yata kaysa sa ibang bahagi ng mansion.
“Kailangan niyo po ba ng lilinisin?” Umupo siya sa gilid ng kama.
“Hindi.” Napakurap ako.
“Wala akong ipapalinis.” Lalong kumunot ang noo ko.
“Sir, bakit niyo po ako pinatawag?” Napangiti siya nang bahagya.
At iyon ang unang beses na nakita ko siyang ngumiti nang hindi mayabang o mapang-asar. Ang gwapo niya tuloy kapag ngumingiti siya. Bagay na bagay niya!
“Gusto ko lang makausap ka.” Parang tumigil ang oras ko. Yung puso ko biglang kumabog.
“Ako po?” Tumango siya.
Tahimik kaming nagkatitigan. Hindi ko alam kung bakit parang may kakaibang kaba sa dibdib ko.
“Sir, marami pa po akong trabaho.” Magalang kong sabi.
“Christopher.” Bigkas niya sa pangalan niya.
“Ano po?” nakakunot ang noo ko.
“Christopher ang itawag mo sa akin. Lalo na kapag dalawa lang tayong nag-uusap.” Agad akong umiling.
“Hindi po pwede.” Sabi ko at kumunot ang noo niya.
“Bakit?” tanong niya pero seryoso.
“Ikaw ang amo. Kasambahay lang po ako.”Nawala ang ngiti niya.
At sa unang pagkakataon, nakita kong parang nasaktan siya. Parang hindi niya nagustuhan ang sinagot ko. Pero tama naman ako, kasambahay lang nila ako dito.
“Kasambahay.” Parang may bigat sa paraan ng pagkakasabi niya ng salita.
“So that’s how you think of yourself?” Hindi ako agad nakasagot.
Dahil iyon naman talaga ang totoo. Isa akong kasambahay. Siya ang anak ng may-ari. Magkaibang-magkaiba ang mundo namin.
“You can get back to work now.” Nagulat ako sa bigla niyang pagsasalita.
Parang may gusto pa siyang sabihin pero pinili niyang huwag na.
Tumango ako.
“Sige po.” Bago ako makalabas ng pinto, muli siyang nagsalita.
“Lisandra.” Napahinto ako dahil bigla niya akong tinawag.
Lumingon ako sa kanya.
“Salamat.” Napatitig ako.
“Para saan po?” tanong ko nang may pagtataka
“In being kind.” Tuluyan na akong natigilan.
Dahil sa unang pagkakataon, hindi ko nakita si Christopher Imperial bilang isang mayabang na anak-mayaman.
Nakita ko siyang isang taong tila matagal nang naghahanap ng kausap. Ng isang taong makikinig sa kanya.At hindi ko alam kung bakit, pero bigla akong naawa.
Pagkababa ko ay agad akong nagtungo sa hardin upang kumuha ng ilang kagamitan.
Doon ko napansin si Manang Nancy na may kausap na lalaki.
Matangkad, maputi, at halatang gwapo.
Nang mapatingin siya sa akin ay agad akong umiwas ng tingin. Hindi ko alam kung bakit. Siguro dahil nahuli ko siyang nakatingin.
“Lisa!” Napalingon ako kay Manang Nancy.
“Halika rito.” Lumapit ako sa kanila.
“Ito si Red.”Ngumiti ang lalaki.
“Pamangkin ni Mang Nestor.” Naglahad siya ng kamay.
“Ako muna ang magiging driver dito habang nasa probinsya si Uncle Nestor.” Agad ko siyang kinamayan.
“Lisandra po.” Pagpapakilala ko.
“Red.” Napansin kong nakatingin lang siya sa akin.
Parang may gusto siyang sabihin.
“Nice meeting you.” Ngumiti ako.
“Nice meeting you too.” Napansin kong sinundot ni Manang Nancy ang tagiliran ni Red.
“Tama na ang pagtitig.” Natawa ako sa sinabi ni Manang Nancy.
Habang si Red naman ay bahagyang napahiya. Ilang minuto pa kaming nag-usap bago kami naghiwa-hiwalay.
Pero bago siya tuluyang umalis, muli niya akong nilingon.
“Sana maging magkaibigan tayo.” Hindi ko alam kung bakit, pero napangiti ako.
“Sige.” Ngumiti rin siya bago tuluyang lumayo.
Pagpasok ko sa kusina ay agad kong nakita si Aira. At tulad ng dati, parang may itinatago na naman itong sikreto.
“Pogi ni Kuya Red.” Napatawa ako.
“Huli ka.” Halos malaglag ang hawak niyang baso.
“Ate!” gulat na sabi niya.
“Crush mo siya?” Agad siyang umiling.
“Hindi po!” deny pa niya.
“Talaga lang?” Sabi ko.
“May boyfriend po ako.” Napataas ang kilay ko.
“Loyal ako.” Napatawa ako nang malakas.
“Talo pa ako ng batang ito.” Ngumisi siya.
Pero agad ding naging seryoso.
“Ate.” Tawag niya sa akin.
“Pwedeng makahiram ng pera, ate?” Napakunot ang noo ko.
“Para saan?” mahinang tanong ko
“Pampagawa ng sapatos at bibili po ako ng bagong tsinelas.” Napatingin ako sa luma niyang tsinelas.
At naalala ko ang sarili ko noon. Kung paano ako nahihiyang humingi ng tulong. Kung paano ko pinagkakasya ang lahat para lang makaraos.
“Saglit.” Pumasok ako sa kwarto namin.
Kumuha ako ng limang daang piso. Pagbalik ko ay iniabot ko iyon sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya.
“Ate, sobra po ito.” Parang ayaw pa niyang tanggapin.
“Okay lang.” Sabi ko.
“Babayaran ko po.” Tumango ako.
“Kapag meron ka na.” Hindi ko inaasahang yayakapin niya ako ng mahigpit.
“Basta kapag kailangan mo ng pera, sabihan mo agad ako para matulungan kita.” Nakangiting sabi ko sa kanya.
“Opo, ate Sandra. Thank you.” Muli niya akong niyakap. Katulad ng pagyakap sa akin ni Jeremy noon.
“Salamat po ulit, ate” Napangiti ako.
“Mag-ingat ka.” Tumango siya bago masayang tumakbo palabas.
Naiwan akong nakatingin sa pintuan. At bigla kong naalala ang kapatid ko. Si Jeremy. Biglang bumigat ang dibdib ko.
Sabado na pala bukas. Makakabisita na naman ako sa ospital. Makikita ko na ulit siya.
Mahahawakan ko ulit ang maliit niyang kamay.
At sa wakas…
May maibibigay na akong pambayad sa ospital. Mahigpit kong hinawakan ang sobre sa aking bulsa.
Sa pagkakataon na ‘to, matapos ang maraming buwan, hindi ako gaanong natatakot sa mga susunod na araw.
Dahil kahit papaano, may pag-asa na kami. May pera para sa gamot. May pambayad sa gamutan. At may pagkakataon pang gumaling ang kapatid ko. Pero hindi ko alam na habang unti-unting nagiging maayos ang isang bahagi ng buhay ko, mas lalo namang gumugulo ang puso ko.
Dahil sa mansion na ito, hindi lang trabaho ang nahanap ko.
Unti-unti ring may mga taong pumapasok sa buhay ko na hindi ko inaakala.
Si Christopher.
At ngayon…
Si Red.
At pakiramdam ko, simula pa lang ito ng mas malaking problemang hindi ko inaasahang haharapin ko. Bahala na.