Parang binuhusan ng malamig na tubig na may yelo si Derrick nang marinig ang boses ng abuelo. Awtomatiko niyang naitulak si Anna, na kung hindi pa matatag ang tayo ay malamang na tumimbuwal ito sa sahig.
Naningkit ang mata ni Don Vicente sa nasaksihan. Halata niyang pinuwersa ng apo ang sekretarya sa paraan ng paghawak at pagtulak nito sa dalaga nang nahuli niya ito.
Kaagad na pinunasan ni Anna ang kanyang mga labi gamit ang likod ng kanyang palad. May kasalanan din naman siya pero, hahayaan niya na ang mag-abuelo na ang magbangayan. Inayos niya ang kanyang palda na nililis ni Derrick at prenteng naglakad at umupo sa sofa.
“Ano nanaman ang kabalbalan na ginawa mo Derrick? At bakit nandito ka sa staffhouse ng sekretarya mo?” Namumula si Don Vicente at mahinang naglakad na gamit ang tungkod nito papunta sa sala kung saan naroon si Anna. Tumayo ang dalaga at yumukod bilang paggalang.
“Magandang gabi po, Don Vicente.” Yumukod si Anna at nginitian ang matanda. Ngumiti rin ang matanda sa dalaga pero kaagad iyong nabura nang tingnan ang apo.
“Sa tingin ko ay may nabuo na akong desisyon. Yaman din lang na mukhang kursunada mo pala ang sekretarya mo, bakit hindi mo na lang siya pakasalan. Baka kung nahuli lang ako ng limang minuto ay nakompromiso na ang puri ni Ms. Romero.” Mahinahon ang tinig ng matanda ngunit tiim iyon at kababakasan ng pinalidad.
Napatayo si Anna at akmang magsasalita ngunit nang itaas ni Don Vicente ang mga kamay sa ere, pinigil niya ang sarili na magbitaw ng salita.
“But, Lolo!” protesta ni Derrick.
“No, but Derrick Valderama! Marry her or forget your inheritance. At kung may nobya ka man, problema mo na iyon. Hindi ugali ng mga lalaking may nobya na ang manggapang ng ibang babae, much more his secretary. Be a real Valderama at pakasalan mo si Anna! Prepare yourselves tomorrow, ora-orada ko kayong ipapakasal ni Anna!” Tumikhim si Don Vicente at mahinang naglakad gamit ang tungkod nito
Hindi man lang nakaimik ang dalawa sa sinabing iyon ng matandang Valderama. Si Anna, napasalampak sa sofa at napabuntong-hininga. Unang araw pa lang niya sa trabaho at ganito kaagad ang kinahinatnan ng lahat.
Samantala, tahimik lang si Derrick at kaagad na piniga ang kanyang utak. Paano na lang ang kasintahang si Chelsea? Matapos nitong maghintay sa kanya ng limang taon ay mukhang mauuwi lang rin sa wala ang lahat. Napatingin siya kay Anna na nakasandal at napatingala sa kisame ng penthouse.
“Look what you've done! Hindi mo alam na may isang babae ang magiging kawawa dahil sa kagagawan mo!” Halos pumutok ang mga ugat sa noo ni Derrick na sigaw niya kay Anna.
Napatayo si Anna at nilapitan si Derrick. Biglang niyang naramdaman ang pag-init ng kanyang katawan kaya binuksan niya ang kanyang coat at kahit nalantad ang kanyang cleavage ay wala siyang pakialam.
“Ang kapal ng mukha mo, Valderama! At kasalanan ko pa talaga? Aba! Nanahimik akong natutulog dito at heto kang kurimaw ka binulahaw ako at kung anong kalaswaan ang ginawa mo, tapos kasalanan ko pa? Wow! Magaling!” Umigting ang panga ni Anna na tiningnan lang ang amo na inaakusahan siya ang dahilan ng kaguluhan.
Tumayo si Derrick at umalis na ng penthouse. Hindi niya alam kung ano ang sumapi sa kanya at bigla niyang nagawa iyon kay Anna kanina. Sandali niyang nakalimutan si Chelsea at hindi niya napagilan ang sarili na halikan si Anna. Mali ng naman niya at walang ginawa si Anna kundi ang uminom ng tubig na natural sa babaeng bagong gising.
*******
Samantala, tumunog ang cellphone ni Anna at kaagad niya itong sinagot. Ang kanyang Tiya Maria iyon, at malamang ay tinawagan ito ni Don Vicente para ipaalam ang magaganap na kasalan bukas.
“Anna, ano ba ang ginawa mo at sabi ni Don Vicente ay ikakasal kayo ng apo niyang si Derrick?” Iyon kaagad ang naging bungad ng tiyahin ni Anna sa kanya.
“Mahabang istorya Tiya. At saka wala akong ginawa. Basta kung pwede na pakiusapan niyo po si Don Vicente na huwag na ituloy ang kasal.”
“Ano? Naloloka ka na ba Anna? Ikaw ang nakompromiso ang puri pero tatanggihan mo ang kasal na magbabangon ng iyong dangal?! Santisima, Anna!”
Halos matulig si Anna sa tinis ng boses ng tiyahin. Ngayon lang nag-sink in sa kanya ang mga mangyayari sa kanya bukas. Kung bakit kasi nagpunta pa si Derrick sa penthouse?! Gusto niyang magwala sa kaalamang hindi pa man niya nagagawa ang talagang pangarap niya. Ang dahilan kung bakit tinanggap niya ang trabaho bilang sekretarya ni Derrick kahit may alinlangan siya.
Tumayo na si Anna at dumiretso sa banyo. Hinubad niya ang kanyang damit at pinaandar ang gripo para mapuno ng tubig ang bathtub. Maligamgam ang tubig na nilalabas niyon. Gusto niyang kahit papaano ay ma-relax ang katawan sa nakaka-stress na trabaho maghapon. Nakadagdag pa ang insidente ngayong gabi.
Nang mapuno na ang tubig sa baththub. Pinatakan niya ng bath soap na naroon. Amoy lavender ang bathsoap at nang sumalubong sa kanyang pang-amoy nito, kaagad siyang na-relax. Pumasok na siya bathtub at lumublob doon. Tama nga ang desisyon niya na magbabad, saglit pa ang ay dama na niyang ang kaginhawaan at parang lahat ng kanyang pagod sa maghapon ay napawi. Napapikit siya at hindi namalayang nakaidlip na pala siya.
*******
Pasakay na sana ng kanyang sasakyan si Derrick nang may naaalala siyang itanong kay Anna. Kaya, idinial niya ang numero nito na nakarehistro sa kanyang phonebook. Nakalimang dial na siya pero wala pa rin sumasagot. Unattended ang cellphone nito na panay ring lang.
Halos sabunutan niya ang kanyang sarili dahil babalik siya sa penthouse. Sumakay siya ng elevator at pinindot ang penthouse kung saan siya papunta. Saglit lang naman iyon at nang tumunog ang prompt, kaagad siyang lumabas at tinugpa ang penthouse. Hindi na siyang nag-abala na mag-doorbell dahil hindi nga nito pinansin ang tawag niya.
Pagpasok pa lang sa penthouse ay nakita na ni Derrick ang cellphone ng dalaga na nakapatong sa sofa. Tiningnan niya kung nasa kusina ang kanyang sekretarya ngunit wala ito doon. Bukas ang kwarto nito at sumilip si Derrick. Pumasok na siya nang hindi niya ito nakita. May naamoy siyang lavender na bath soap kaya naisip niyang naliligo ito. Kaya, lumabas na muna siya at doon na sa sala ito hintayin.
Sa sala, umupo na si Derrick. Napatingin siya sa kanyang wristwatch at ayon dito alas siete y medya na. Habang naghihintay siyang matapos maligo at magbihis si Anna, nag-browse muna siya sa internet at nagbasa ng mga online news lalo na sa business section. Muli niyang tiningnan ang wristwatch. Kinse minutos na ang nakalipas, hindi pa rin lumalabas si Anna.
Naglakad si Derrick pabalik sa kwarto ni Anna. Wala siyang marinig na lagaslas ng tubig kaya naisip niyang baka ngbabad sa bathtub si Anna. Kakatok na sana siya sa pinto ng banyo nang nakita niyang hindi pala ito sarado. Marahan niyang itinulak iyon at sumalubong sa kanya ang amoy ng lavender. Napatingin siya sa bathtub at nakita roon ang lumulutang na si Anna.
Nanlaki ang mata ni Derrick at kaagad niyang nilapitan si Anna para ihaon ito sa tubig. Hindi na niya itong nagawang tapikin sa mukha dahil sa pag-aalalang baka hindi na ito humihinga. Iniahon niya ang dalaga sa bathtub.
Naalimpungatan si Anna at bumuka ang kanyang mga mata at kaagad namilog iyon nang makita si Derrick na niyakap siya para iahon.
“Hoy Valderama! Bitiwan mo ako!” sigaw ng dalaga.
Nagsalubong ang kilay ni Derrick sa narinig. Akala niya talaga ay nalunod na sa bathtub si Anna. Parang napapaso na binitawan niya si Anna at dahil nawala na ang bula sa bandang dibdib nito ay nakita niya ang mayamang dibdib ng dalaga.
“Cover yourself!” sabi ni Derrick pero hindi niya mapigilan na titigan ang mayabang na dibdib nito na tila nag-aanyayang simsimin ito.
Sa narinig ay lumakas ang loob ni Anna. Nilagay niya ang mga kamay sa kanyang baywang para mas mahantad ang dibdib kay Derrick. Sa gagawin niya ay tiyak na may lalaking sasakit ang puson. Nais niyang matawa nang makita kung paano ito namula at napaawang ang mga labi, pati na ang paggalaw ng adam’s apple nito.
Tumaas ang kilay ni Anna na nakatingin sa lalaking napako yata sa kanyang kinatatayuan at hindi mapuknat ang tingin sa kanyang alindog. Nang mapadako ang kanyang mata sa harapan ng slacks nito ay tama ang kanyang teorya. Mukhang nagalait yata ang mandirigma nito na nasa pagitan ng mga hita nito. Namumukol ang pantalon ni Derrick at para itong natuka ng ahas at di na makagalaw.
“Sir Derrick, uso din kumurap at pwedeng lumabas muna kayo. Hindi ako komportableng maligo na may audience,” sabi ni Anna. Hinaklit niya ang shower curtain at pinihit ang shower para magbanlaw. Tinapakan niya ang drain ng bathtub at unti-unti ng bumaba ang tubig Pagkatapos magbanlaw ay kaagad na niyang binalot ang sarili ng tuwalya at lumabas na ng bathtub.
Hindi na siya nagulat nang madatnan pa rin niya si Derrick na parang naengkanto. Kaya, tinapik niya ang pisngi nito atsaka binulungan. “Na-enjoy mo ba ang pamboboso sa magiging asawa ninyo Sir?”