Tumigil si Lea sa paghuhugas ng pinggan nang lumitaw sa balintataw niya ang kabuuan ni Kendrick Mendoza. He is a very good looking man. She admire his physical appearance. Pero hindi lang yata ganoon ang nararamdaman niya. Sa katunayan ay napakalakas ng pintig ng kanyang puso nang makaharap at makamayan ito.
" Lea, sa tingin ko ay nagmula ka sa upper class na pamilya. " wika ni Ryan na nasa likuran niya.
Nilingon niya ito.
" Bakit mo naman iyon nasabi. "
" Base yan sa obserbasyon ko. Maarte kang kumain. I mean, kakaiba ka kung kumain. "
Naisip niya na marahil ay iyong table manners niya ang tinutukoy nito.
" Normal lang naman ang mga kilos ko. " wika niya.
Lumapit ito sa kanya at pinakatitigan siyang mabuti.
" Puwede ko bang alisin ito? " Hinawakan nito ang telang nakatakip sa kanyang mukha.
" Bakit? "
" Pag aaralan ko ang nangyari sa mukha mo. " wika nito at inalis na ang takip sa kanyang mukha.
" Sa tingin ko ay may mga sugat ang mukha mo noong palutang lutang ka sa dagat kaya kinain ng mga isda. " wika nito. Maingat nitong hinipo ang mukha niya.
" Kung pasahero ka ng lumubog na barko ay paano nangyaring may mga sugat ang mukha ko? "
" Siguro ay tumama sa matulis na bagay. Nagkakagulo marahil sa loob ng barko. "
" Hindi kaya may sumalbahe sa iyo at pagkatapos ay inihagis ka sa dagat? "
Nanginig siya sa tinuran nito. Dama niya ang tila paglindol ng loob ng kanyang ulo.
" Dalawang barko ang lumubog sa taong ito. Kung may pera lang tayo ay madali nating malaman kung pasahero ka nga ng lumubog na barko. Madali lang ang pag iimbestiga kung may pera. "
Kumirot ang ulo niya. Matinding kirot na sapat upang mapahawak siya nang mahigpit sa magkabilang braso nito. May mga lumilitaw na eksena sa kanyang balintataw pero magulo at malabo pa. Napaungol siya dulot ng magkahalong kirot at kalituhan.
" Adrian.... " lumuwas sa bibig niya.
" Ha? Sino yon, Lea? "
" Sinong sino? " nagtatanong pati ang mga mata niya.
" May pangalan kang binanggit. Hindi lang malinaw sa akin kung anong pangalan iyon.
Umiling siya. Hindi rin niya alam kung anong pangalan iyong binanggit niya kanina.
" Magpahinga ka na, Lea. " wika nito habang hinahaplos ang kanyang ulo. " Ako na ang magtutuloy sa pag huhugas ng mga plato. "
" Hindi, nakakahiya sa iyo. " Tumindig siya at lumapit sa lababo. Itinuloy niya ang paghuhugas at pilit na inignora ang patuloy na pagkirot ng kanyang ulo.
" Sa kanyang pagtulog ay dinadalaw siya ng napakaraming panaginip. Sa sobrang dami niyon ay wala siyang maalala ng magising siya.
" LEA? "
" K...Kendrick. " anas niya nang mag angat ng mukha rito. Nasa ilalim siya ng punong mangga at nilalatag ang malapad na dahon ng saging na pag hahainan niya ng dala niyang pagkain. Si Ryan ay nagtungo sa ilog upang maghugas ng mga kamay.
" Ang sipag mo naman, Lea. " nakangiting wika nito. " Kahit masakit sa balat ang sinag ng araw ay hinahatiran mo si Ryan ng pagkain. "
" Sa ganitong paraan lang po kasi ako makakabawi sa lahat ng mga kabutihan niya sa akin. " wika niyang napalunok. Naramdaman na naman niya ang kakaibang pintig ng kanyang puso.
Tiningnan nito ang mga pagkaing inihain niya.
" Ikaw ang nagluto niyan? tanong nito.
Pritong isda, tortang talong, itlog na may ampalaya ang putaheng inihanda niya.
" Mahilig kasi si Ryan sa gulay na may itlog at pritong isda. Paborito niyang lahat ito. "
Napatitig ito sa kanya.
" May problema ho ba? " inosenteng tanong ni Lea.
" Wala. " iling nito. Pero sa tingin niya ay marami itong gustong itanong at sabihin sa kanya pero nag aalangan.
Nang dumating si Ryan ay nag excuse na ito sa kanila.
" Ano ang sinabi ni Sir Kendrick sa iyo? " tanong sa kanya ni Ryan habang nakasunod ang tingin kay Kendrick.
" Wala naman, tiningnan lang niya ang pagkain natin. "
" Tumango lang si Ryan at nag simula nang sumandok ng pagkain. Nakakamay ito samantalang siya ay nakakutsara at tinidor. Sumusubo siya nang maramdaman niyang may mga matang nakatingin sa kanya. Nang luminga siya ay na kasalubong niya ang matiim na tingin ni Kendrick. Pakiramdam niya ay saglit na tumigil sa pagtibok ang kanyang puso.