" Bakit hindi ninyo makita? " sigaw ni Kendrick sa dalawang lalaking nakatayo sa harapan niya. Aburido siya sa lahat ng sandali at wala siyang pinipiling tao kapag nagalit siya.
" Sir Kendrick, hindi po talaga namin makita. Pero huwag ho kayong mag alala dahil ipinalathala naman namin sa diyaryo, nanawagan din kami sa mga TV station at radyo. "
" Damn! " mura niya. " Sayang lang ang malaking halagang ibinayad ko sa into dahil mga wala naman pala kayong kwenta. Mga inutil! " natigil siya nang mapansin sa hindi kalayuan si Dennis. Nag I was siya ng tingin dito.
" Gumawa ka ng sarili mong imbestigasyon? " tanong nito nang lapitan siya. " Okay lang iyon. Iyon talaga ang tama. " binalingan nito ang dalawang lalaking inutusan niya sa paghahanap kay Cassy. " Sige, iwanan ninyo na kami. "
" Sige ho Sir Kendrick. Babalik ho kami ng Manila bukas ni Carding. " wika ng isa sa mga ito.
" Tumawag kanina iyong tauhan natin sa Davao. " wika ni Dennis. " Wala roon si Cassy. "
" Baka lumabas siya ng bansa. " sapantaha niya. Kagabi ay nanaginip siya ng masama. Tinangay raw si Cassy ng makapal na ulap. Nagising siyang tinatawag ang pangalan nito. Hindi na siya nakabalik sa pagtulog. Paulit ulit siyang nagdarasal na sana ay walang masamang nangyari kay Cassy.
Sa wakas, natanggap na niyang hindi siya totoong mahal ng babaeng minahal. Ang hindi niya matanggap ay ang posibilidad na baka nga may kumidnap dito.
" Gumawa na ako ng imbestigasyon sa bagay na yan. " wika ni Dennis. " Walang Cassandra Gonzalez na nakaalis ng bansa simula ng araw na iyon na nawala siya. Malakas ang pakiramdam ko na narito lang siya sa loob ng Pilipinas. "
" Dennis, paano kung may kumidnap nga sa kanya at... " hindi niya magawang ituloy ang nais sabihin. Napalunok siya nang sunod sunod. Nanuyo ang kanyang lalamunan. Damang dama niya ang pag panic ng kanyang kalooban.
" Lahat ng mga taong may galit at inggit sa atin ay under observation ng mga tauhan natin. Palihim ko silang pinasusubaybayan lalo na ang mga kalaban natin sa negosyo dito sa San Simon at lungsod. "
" Pasusubaybayan ko rin at paiimbestigahan ang mga babaeng iyon na nagkaroon ng kaugnayan sa akin. " pasya niya.
" Pati na rin si Adrian. "
" Si Adrian? Bakit? "
" Bakasakali lang na may alam siya sa pagkawala ni Cassy. " sagot ni Dennis at tinapik siya sa balikat. " Pakiramdam ko lang, hindi naman siya totoong bading! " saka nakuyom ng binata ang kamao.
" Take it easy, Kendrick. Be strong. "
NAGASGASAN na ang mga hita at binti niya sa kapipilit na akyatin ang puno ng niyog na hitik sa bunga. Hindi na niya kakayanin kapag hindi pa rin niya nalamnan ang tiyan niya. Baka mamatay na siya sa gutom.
" Diyos ko bigyan ninyo po ako ng sapat na lakas. " usal niya at saka muling ikinawit sa kayakap na punong niyog ang magkabilang hita at binti. Halos isang oras ang ginugol niya bago ganap na naakyat ang puno ng niyog. Pinitas niya ang isang buwig na buko. Pagkatapos ay nagpadausdos siya pababa. Balewala na sa kanya ang mga gasgas na inabot ng mga hita at binti niya.
Inihampas niya sa bato ang buko dahil wala siyang makitang pambiyak niyon.Iyong iba ay binagsakan niya ng bato. Apat na buko ang naubos niya. Sumakit ang tiyan niya na marahil ay nabigla. Namilipit siya sa ilalim ng malaking bato. Pero nawala rin iyon sa katagalan. Bahagya na siyang nagkaroon ng lakas. Nilibot niya ang lugar na kinaroroonan. Natuklasan niyang isa iyong isla at walang ibang taong nakatira.
" Mag isa lang akong nakatira rito? " tanong niya sa sarili. Imposible iyon. Sa kaiisip niya ay humantong siya sa conclusion na hindi siya tagaroon. Napadpad lang marahil siya roon. Siguro ay pasahero siya ng lumubog na barko. Pero sino ba talaga siya? Bakit kahit anong pag iisip ang gawin niya ay ayaw pumasok sa kanyang utak kung sino siya? Kahit sana pangalan lang niya ang kanyang maalala ay sapat na sa kanya.
Pero may isa pa siyang problema. Problema niya kung paano siya makaalis sa lugar na iyon. Kailangan niyang mag isip ng paraan kung paano makaalis doon.